Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2020

Karatula sa pinto

Imahe
Karatula sa pinto tinitiyak kong naka-lock ang dalawang seradura subalit napapansin ko'y talagang kakaiba bakit bukas na ang nasa taas na seradura gayong kagabi nga'y ini-lock ko itong talaga ayokong mag-isip ng anuman, subalit dapat na sa ating pagtulog ay tiyaking nag-iingat pag madaling araw nga'y maiingay pa sa labas baka seradura'y pinagtitripan ng pangahas kaya nagsulat ako ng karatula sa pinto pinaskil ko sa loob upang kasama'y matanto mag-ingat, pag lalabas na'y idoble-lock ang pinto gayon ang gawin pag matulog nang lango o hapo maging mapangmatyag sa pagbantay ng opis-bahay mahirap nang masalisihan, baka pa mapatay dapat laging maging alisto, ingatan ang buhay upang walang nagmamahal na agad malulumbay - gregoriovbituinjr. 12.31.2020, 8:49 am

Wala bang sagutin ang negosyante ng paputok?

Imahe
Wala bang sagutin ang negosyante ng paputok? kayraming pangamba sa pagdatal ng Bagong Taon pagkat marami nang nawalan ng daliri noon dahil sa paputok, naputukan ang mga iyon may ligaw na bala ring buhay ng bata'y binaon Enero a-Uno, kayraming kalat sa kalsada dagdag polusyon na sa hangin, uusok-usok pa ligalig din sa alagang hayop ay makikita baka magdulot pa ng sunog, paputok ang mitsa pinagamot na ba ng nagbebenta ng paputok ang mga naputukan, wala pa akong naarok wala silang pakialam basta sa tubo'y hayok kawawa ang mga naputulan, panay ang mukmok wala pang napuputukang kanilang pinagamot mga pampaospital nito'y di nila sinagot gayong produktong paputok nila ang dito'y sangkot tapos wala silang sagutin? sila'y mga salot! gawaan ng paputok ay ipasara't mapigil hayok sa tubo ang kapitalistang mapaniil Bagong Taon ay pinagkakitaan nilang taksil ngingisi lang silang buhay ng iba'y dinidiskaril - gregoriovbituinjr. * Litratong kuha ng  makatang galâ  habang na...

Tanagà talaga

TANAGA TALAGA 1 ah, tanagà talaga ang nagawa tuwina ang nalilikha’y saya pag diwa’y gumagana 2 minsan, iyang pagkatha ay nakakatulala minsan tumitingala sa ulap tumutudla 3 ang mutya'y kausapin ang diwata'y sambahin silang inspirasyon din sa katha't adhikain 4 nobelang mapagmulat ang nais kong masulat lumuluksong pulikat sa binti'y nababakat 5 di tayo nag-iisa sa oras ng pandemya tatayo tayong isa nang alwan ay madama 6 huwag mong tinutuya ang aking mga tula ito'y para sa dukha at kapwa manggagawa - gregoriovbituinjr. * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 20.

Halina't mag-ekobrik

Imahe
HALINA'T MAG-EKOBRIK halina't mag-ekobrik huwag patumpik-tumpik tipunin at isiksik sa mga boteng plastik iyang basurang plastik patigasing parang brick gagawin nating silya o kaya'y mga mesa o baka istruktura sa hardin o sa plasa palamuti sa pista ang plastik na basura halina't mag-ekobrik at gupitin ang plastik saka mo isisiksik doon sa boteng plastik patigasing parang brick iyan na ang ecobrick - gregoriovbituinjr.

Asam na pag-asa

Imahe

Ang sabi ng paham

Imahe
ANG SABI NG PAHAM Ika ng isang paham, tayo'y dapat makialam sa mga isyung panlipunan, tayo'y makiramdam walang sinumang nabubuhay sa sarili lamang kundi magtulungan tayong may samutsaring agam hindi umiinom ng sariling tubig ang sapa hindi kumakain ang puno ng sariling bunga hindi aarawan ng araw ang sarili niya hindi susuntukin ng tao ang sariling panga mga sinabi ng paham ay ating unawain maging masaya't ang sarili'y huwag mong dayain isang lipunang makatao’y ating pangarapin ang lipunan, bayan, masa, kapwa'y organisahin ipagtanggol ang masa laban sa kapitalismo, laban sa mapang-api, mapagsamantala’t tuso ang binilin ng paham ay tunay na prinsipyado kaya mabuhay tayong nakikipagkapwatao - gregoriovbituinjr. * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 20.

Tatak na apakan habang nakapila

Imahe
Tatak na apakan habang nakapila tiyakin mong maapakan ang tatak sa bangketa isang metrong distansya'y tiyakin pag nakapila lalo't bumibili ka sa palengke, groseriya,  sa mall, hardware, canteen, o maging gamot sa botika tiyakin nating nagagawa ang social distancing habang naka-face mask at face shield na dapat suutin dahil may COVID na hangaring maiwasan natin upang hindi raw magkahawaan sa COVID 19 panahong ayaw natin, pandemyang nakakapagod walang trabaho, ang dama'y gutom, wala nang sahod sitwasyong walang magawa kundi tayo'y sumunod nakakairitang kalagayan, tayo'y hilahod sa ngayon, sumunod ang tangi nating magagawa pakikisama na rin sa mga pumilang madla kalunos-lunos na sitwasyong di pa humuhupa na ang dulot sa karamihan ay kaawa-awa - gregoriovbituinjr.

Pagpupugay sa KPML

Imahe
Pagpupugay sa KPML Mabuhay ang K.P.M.L.! Mabuhay! sa inyo'y taas-noong pagpupugay! lalo't kayo'y mga kasanggang tunay na sadyang patuloy na nagsisikhay upang makamit ang lipunang pakay lipunang makatao'y itatayo upang mawala ang dusa't siphayo na dulot ng kahayukan sa tubo ng sistemang kalat saanmang dako at sa dalita'y nakapanduduro O, K.P.M.L., ituloy ang laban tungo sa pagbabago ng lipunan habang prinsipyong sosyalista'y tangan mapagsamantalang uri'y labanan nang lipunang makatao'y makamtan - gregoriovbituinjr.

Kwento ng Dalawang Aso

Imahe
"Friend is the key of love."  ~ ayon sa karatula sa isang trak Kwento ng Dalawang Aso mayroong dalawang itim na asong magkasama magkaibigan lang ba o magkasintahan sila? habang tila nakatitig sa nar'ong karatula "Friend is the key of love" na patama ba sa kanila? nakita ko lamang ang karatulang nadaanan kinuha ang kamera't iyon ay nilitratuhan ngunit biglang sumulpot ang mga aso kung saan na animo'y may kwento silang nais ipaalam naks naman! tanging nasabi sa kuha kong litrato na pag tiningnan mo'y may mababanaag na kwento ano nga bang pakialam ko sa dalawang aso kung sila'y nagmamahalan na sa kanilang mundo - gregoriovbituinjr. * kuhang litrato ng  makatang gala  habang naglalakad-lakad kung saan-saan

Samutsaring tanagà

SAMUTSARING TANAGA 1 Oo, tuloy ang laban! Wala dapat iwanan! Kahit sa kamatayan Misyon, huwag pigilan 2 tutulog-tulog lamang sa kanilang pansitan kaya natutuyuan pati ang lalaugan 3 mabuti nang iskwater kaysa lider na Hitler andami ng minarder pati mga pagerper 4 pagtingala sa langit naroong umaawit ang anghel na kayrikit na sa puso’y umakit 5 ang binibining mutya ay totoong diwata sa ganda’y natulala puso’y di nakawala 6 ibagsak ang gahaman baguhin ang lipunan tungo sa kagalingan at pag-unlad ng bayan - gregoriovbituinjr. * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 20.

Sa alabok ng kawalan

ihatid mo man ako sa alabok ng kawalan pagkat turing mo sa akin ay basurang dalatan pasiya ko'y magpatuloy sa pakikipaglaban kaysa maging tuod na sa langit nakatanghod lang mabining rosas ay di ko hahayaang malanta aalagaan ko't arawang didiligan siya tulad ng tanim, kamatis, bawang, sibuyas, luya alagaan ang punong namumunga, santol, mangga anumang maisip kong kwento, ikukwento ko lang anumang sumaging paksa ay itutula ko lang saya, luha, may poot mang sa dibdib naglalatang basta't sa dukha't kapwa mo'y hindi ka nanlalamang pag napagod ka'y bumalik ka't huwag papipigil malayang puntahan ang sinta't halik ay isiil maging prinsipyado't labanan yaong mapaniil sa kasama't kaibiga'y huwag kang magtataksil walang katapat ang katapatan ko sa prinsipyo ganito ko ilarawan ang niyakap kong mundo nais kong maabutan pang ang obrero'y nanalo sa alabok man ng kawala'y maihatid ako - gregoriovbituinjr.

Tanagà sa Botika

Imahe
TANAGA SA BOTIKA Kamimura Botika gamot ay sadyang mura tiyak bagong-bago pa pag bumili'y dito na sa pangalan pa lamang nakakaakit tingnan nakakatuwang bilhan ng simpleng mamamayan ito na'y nakaukit sa diwa ng maysakit lalo't namimilipit na sa gastusin, gipit gamot sa ubo, lagnat, sipon, mura na't sapat masasabi mong sukat ay maraming salamat - gregoriovbituinjr. * kuha ang litrato sa Km. 5 ng La Trinidad, Benguet * ang  tanagà  ay katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

Paghandaan ang Climate Emergency

Imahe
paghandaang mabuti ang climate emergency nang tayo'y di magsisi doon sa bandang huli karapatan ng madla kagalingan ng kapwa kaligtasan ng dukha at mga manggagawa ang klima'y nagbabago sistema'y di mabago tao'y natutuliro pag bumaha't bumagyo kung pagbabago ay change at sukli sa dyip ay change nais nati'y system change at di iyang climate change minsan di mapakali kaya bago magsisi paghandaang maigi ang climate emergency - gregoriovbituinjr. * Kuhang litrato ng makatang gala sa Urban Poor Assembly noong Disyembre 7, 2020 sa Bantayog ng mga Bayani

Respeto

Imahe
RESPETO social distancing sa pag-aabang ng masasakyan sundin ang mga nilagay na bilog sa lansangan doon kayo umapak, isang metro ang pagitan habang suot ang face mask upang di magkahawaan magaling ang nakaisip, sadyang disiplinado para sa kalusugan at kagalingan ng tao di ka man maniwala sa COVID, sumunod tayo bukod sa pakikisama, sa kapwa'y pagrespeto - gregoriovbituinjr.

Paggawa ng ekobrik

Imahe
PAGGAWA NG EKOBRIK Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie! Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura.  Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng is...

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

Imahe
BUKREBYU ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che. Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan. Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most ...

Apakang bilog habang nag-aabang ng sasakyan

Imahe
Apakang bilog habang nag-aabang ng sasakyan kinunan ko ng litrato ang bilog na apakan na isang metro ang distansya habang nag-aabang ng masasakyan sa pagtungo sa paroroonan tandang sa panahon ng pandemya, tayo'y pumila social distancing bilang respeto sa bawat isa bakasakaling COVID-19 ay maiwasan pa simpleng pagsunod at pagtalima sa patakaran batas sa inhinyering na gabay sa mamamayan na kung walang bilog, disiplina'y di mo malaman may bilog upang sa pila'y di magkalabo-labo bilog para sa kaayusan at pagkakasundo habang disiplina raw ang kanilang binubuo nag-aabang ng sasakyan, bilog na'y aapakan madali namang makaunawa ng sambayanan ulo nama'y di binibilog ng pamahalaan - gregoriovbituinjr.

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

Imahe
PANANALASA NI ULYSSES, NAGPALUBOG SA MGA LALAWIGAN NG CAGAYAN AT ISABELA Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nagmistulang dagat ang binahang mga lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Nakakakilabot habang pinapanood sa telebisyon. Paano kung tayo ang nasa kanilang kalagayan? Gutom, antok, pagod, dusa, sakripisyo, agam, mga negatibong karanasang animo’y bangungot. Ayon sa isang ulat, "Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente. Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod." "Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa ...

Tanagà sa unos

TANAGA SA UNOS 1 kinain ng bangungot ang inaaring lungkot pag tagbagyo’y bantulot na sa puso’y kukurot 2 nanagasa ang unos at kayraming inulos na pulos mga kapos at sa buhay hikahos 3 tayo ba’y beterano ng mga baha’t bagyo at resilient daw tayo’t pinupuring totoo 4 pag bagyo’y nanalasa maghanda na ang masa kalamidad pagdaka ay talagang disgrasya 5 pag bagyo’y rumagasa aba tayo’y maghanda lalo na’t ang pagbaha ay talagang malala 6 gawin natin ang dapat upang masa’y mamulat upang hindi masilat ng bagyong bumabanat * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Huwag magsindi ng yosi sa kalan

Imahe
aba'y huwag magsindi ng sigarilyo sa kalan ito po sa inyo'y munting paalala lang naman lalo pa't walang niluluto sa kasalukuyan ang gamitin mo'y lighter o kaya'y posporo na lang aba'y kaya ngang bumili ng isang kahang yosi bakit di naman bumili ng sariling panindi kaymahal ba ng lighter kaysa yosi mong binili o di na maisip dahil sa yosi nawiwili baka sabihin mong nauubos lang ay konting gas  ngunit kung ito'y minu-minuto o oras-oras paunti-unti, ang gas ay pabawas ng pabawas maya-maya, wala nang gas pag nagluto ng bigas kahit ikaw pa ang bumili ng gas, paalala anumang gamit sa tahanan o sa opisina ay gamitin mo ng wasto, huwag kang maaksaya kung tingin mo'y nakikialam ako, pasensya ka - gregoriovbituinjr.

Dagdag na tanagà

DAGDAG NA TANAGA 1 nagnanaknak ang sugat ng kahapong nilagnat ng santambak na banat na di nila masipat 2 kanyang ibinubulong na doon lang umusbong ang sa buhay pandugtong masakit man ang tumbong 3 tumitindi ang unos tila ba nang-uulos ang baha'y umaagos sadyang kalunos-lunos 4  nang si Rolly'y dumatal tila Ondoy ang asal talagang nangangatal ang masang nangagimbal 5 dumating si Ulysses na ang dulot ay hapis gamit nila'y nilinis nitong bagyong putragis 6 nagdidildil ng asin ang mga matiiisin kulang na sa pagkain kapos pa sa vitamin 7 organisadong masa na dulot ay pag-asa hanap nilang hustisya sana'y kamtin pa nila * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 20.

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Imahe
Ang mga bagyong Rolly at Ulysses Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay. Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan. Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito...

Sa ikapitong anibersaryo ng bagyong Yolanda

sa Yolanda'y higit anim na libo ang namatay, ayon sa opisyal na ulat, nangawalang buhay sa tindi ng bagyo'y naglutangan ang mga bangkay bagong umaga'y tila di na nasilayang tunay lampas ikalawang palapag ng bahay ang tubig na tumabon, storm surge yaong nakapanginginig ng laman lalo't naranasan ang lagim at lamig ng Yolandang nagdulot ng anong tinding ligalig napuruhan ang lalawigan ng Samar at Leyte, lalo ang Tacloban, iba pang probinsya'y nadale rumagasa ang unos sa kalaliman ng gabi di madalumat ang lungkot at dusang sumakbibi mga nasalanta ng Yolanda'y pilit bumangon nawasak nilang bahay ay itinayo paglaon nawasak nilang buhay ay bangungot ng kahapon ang pagtutulungan ng bawat isa'y naging misyon pitong taon na ang lumipas, ito'y naging aral sa bansang tulad nating bagyo'y laging dumaratal maghanda lalo't epekto ng bagyo'y titigagal sa atin at sitwasyong dulot nito'y magtatagal sa ganyang pangyayari'y di tayo dapat humimbing kaya h...

Kahandaan sa panganib

may panganib sa mga tulad kong nakikibaka para sa kapakanan at karapatan ng masa upang tuluyang kamtin ang panlipunang hustisya kaya dapat maging handa anuman ang mangyari lalo sa ating gawain gaano man kasimple baka may magalit at tayo'y kanilang madale gayong para sa kagalingan nitong kapwa tao ang ating adhika't sa bayan ay nagseserbisyo lalo't nais na lipunan ay maging makatao pagkat hustisyang pangklima't pantaong karapatan ang mga prinsipyong tangan at pinaninindigan na baka dahil dito tayo'y may masagasaan kung bulnerable sa karahasan ay maging handa upang di tayo masaktan, madahas, makawawa mag-ingat upang pamilya't buhay ay di mawala  kaya sariling kaligtasan ay dapat tiyakin seguridad sa pagkilos ay pag-isipan man din upang di mag-alala ang mga pamilya natin - gregoriovbituinjr. * kinatha sa Climate Justice and Human Rights Defenders Training, Nobyembre 6-7, 2020

Paghahanda ng loob

"Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib At siya ay dapat na ipagtangkilik, Ang anak, asawa, magulang, kapatid Isang tawag niya'y tatalikdang pilit." - Gat Andres Bonifacio, sa kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" paghahanda sa loob ng bawat Katipunero iyang naturang saknong ni Gat Andres Bonifacio mula sa tula niyang pumipintig ng totoo sa puso't iiwan ang lahat para sa Bayan mo hinahanda ang ating loob sa pakikihamok laban sa naghaharing dulot ay sistemang bulok pinananatiling kanilang uri'y nasa tuktok habang dangal ng dukha't obrero'y nakayukayok kaya nga ang pagpapasya kong magsilbi sa bayan at kumilos tungo sa pagbabago ng lipunan ay mga dakilang misyong aking pinag-isipan bilang mamamayang prinsipyado't naninindigan bukod sa Kartilya ng Katipunan, inaral ko ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto na may aral tungkol sa paggawa't paggogobyerno, pati na pakikipagkapwa't pagpapakatao ang bawat tula ni Bonifacio'y m...

Di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka

di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka ito'y sumagi sa isip nang aking binabasa yaong mga tala ng himagsikan at ideya ng Katipunan tungo sa panlipunang hustisya inialay mo ang buhay mo, nagsasakripisyo pinag-aralan ang lipunan, sistema't gobyerno nanindigan at niyakap ang adhika't prinsipyo kumbinsidong itayo ang lipunang makatao ah, pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala lalo't marami nang aktibista'y nangawala ang iba'y kinamatayan na ang inaadhika habang iba'y nabilanggo, dinukot, iwinala dapat nating ipanalo ang bawat simulain upang lipunang makatao'y maitayo natin walang uring mapagsamantala't mapang-alipin na ang bawat isa'y nakikipagkapwa-tao rin tayo'y prinsipyadong di naghahangad ng kagitna kundi makataong lipunan ang nasa't adhika dapat mapagtanto, kasama ng obrero't dukha na pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala - gregoriovbituinjr.

Sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa

sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa marahil introvert, loner, o kaya'y letratista pulos letra ang kapiling, nagsusulat tuwina, abang makatang nangangarap maging nobelista isa ring blogerong dapat may tulang inaaplod sa bawat araw, mga pinag-isipang taludtod minsan nga ay makikita mo akong nakatanghod gayong nagtatrabaho't nagsusulat ng may lugod gayunman, di ako dapat nasasanay mag-isa dapat may kausap lagi, kolektibo, kasama dahil naglilingkod para sa bayan at sa masa di nagsasariling kumilos, lalo't aktibista may trabaho mang kayang mag-isa'y aking gagawin tulad ngayon, ilang akda'y aking isinasalin habang may mga paksang susulatin, tutulain, habang binabaka ang sistemang mapang-alipin sanay mang mag-isa'y di dapat lagi nang ganoon dapat kausap ang dukha para sa nilalayon dapat kasama ang manggagawa para sa misyon dapat sa pakikibaka ng bayan nakatuon - gregoriovbituinjr.

Basura

masalimuot ang mundong ginagalawan natin lalo na't makukulit ay di makuha sa tingin ang laot ng karagatan kung iyo lang sisirin maraming isda ngunit iba na ang kinakain akala mo'y dikya ngunit basurang plastik pala magaganit na plastik na di manguya ng panga ng isda, iyon ang dahil ng pagkamatay nila di lamang sa laot kundi sa ilog, lawa't sapa kakainin natin ang isdang kumain ng plastik maluluto natin ang plastik sa isdang matinik nakasalalay ang kalusugan, tayo'y umimik anong gagawin natin upang mata'y di tumirik pagsabihan mo nga ang iba, sila pa ang galit tungkol sa basura nila, sa iyo'y magngingitngit gayong pagkakalat din nila'y nakapagngangalit buti't lagi tayong mahinahon sa bawat saglit sariling basura'y di nila maibukod-bukod sa mundong sangkaterba na ang itinayong bakod daigdig bang ito'y sa basura na malulunod? kung di tayo kikilos, baka mundo'y maging puntod - gregoriovbituinjr.

Si Rolly at si Rody

storm surge ang banta nitong matinding bagyong Rolly habang tokhang ay ginawa na ng matinding Rody storm surge, tulad sa Yolanda'y kayraming namatay habang sa tokhang naman ay kayrami nang pinatay ingat sa storm surge, aba'y dapat nang magsilikas ingat sa tokhang pagkat kayraming batang nautas pag-ingatan ang buhay sa matinding bagyong Rolly mas pag-ingatan ang karapatan laban kay Rody - gregoriovbituinjr.

Undas sa panahon ng pandemya

ngayong Undas, di makakadalaw sa sementeryo dahil sa pandemya, ito muna'y isinarado mahirap daw kung magsisiksikan ang mga tao walang social distancing, magkahawaan pa rito ngunit matapos ang Undas, sementeryo'y bubuksan baka sa unang araw pa lang, tao'y magdagsaan dapat mag-social distancing nang di magkahawaan sa loob ng sementeryo, disiplina lang naman ngayong Undas, kung di man makadalaw sa kanila ay alam nilang sila'y nasa ating alaala pagkat sa puso't diwa'y nakaukit sa kanila na di tayo nakalimot, di man makabisita magtirik tayo ng kandila saanman naroon at makakaabot sa kanila ang ating layon wala man sa sementeryo'y gunita ng kahapon ay nananariwa't sa puso natin nakabaon - gregoriovbituinjr.

Sa una kong gabi sa bagong opis

pawisan ako sa unang gabi sa bagong opis wala pa kasing bentilador kaya tiis-tiis nagsalansan ng gamit at patuloy na naglinis mag-isa man doon ay di nakadama ng hapis itinuloy ko roon ang pagsasalin ng aklat pautay-utay man sa gabi hangga't ako'y dilat sa kwaderno'y pinagtitiyagaan kong isulat ang pahinga'y ang pagkatha ng tulang mapagmulat ramdam ang tinding alinsangan sa silid na iyon na animo ako'y isinilid sa isang kahon at dahil sa antok ay nakatulog na rin doon habang iwing diwa'y kung saan-saan naglimayon kaysarap ng tulog pagkat nasa diwa'y diwata bagamat mag-isang ang kayakap  ay sadyang wala mag-ingat lamang dahil may paparating na sigwa at maghandang bakahin ang sangkaterbang kuhila - gregoriovbituinjr. * Naglipat kami ng bagong opis mula Lungsod Quezon tungong Lungsod Pasig, Oktubre 31, 2020 ng hapon, at mag-isang natulog doon kinagabihan.

Huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat

huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat ng opisina't mga gamit ay sa trak binuhat binagtas ang lansangang init ay nakasusugat na sana'y di mabigat ang pumatong sa balikat sinalansan muna ng maayos ang bawat karton dalawang aparador, lamesa, kinarga iyon sa trak, ibang gamit, aklat, polyeto, papel doon bagong opisina, bagong labanan, dating misyon huling araw ng Oktubre ang aming unang hakot dinala pa rin ang baka mahalagang abubot mga alaala ng labanang di malilimot lalo't ito'y makasaysayan at masalimuot undas man ay patuloy pa rin kaming kumikilos upang labanan ang pang-aapi't pambubusabos mag-isa sa gabing nadirinig bawat kaluskos subalit nakatulog pa rin doon ng maayos - gregoriovbituinjr.

Ang banta ng unos

maalinsangan ang paligid gayong nagbabanta ang matinding unos na mananalasa sa madla mabanas ang pakiramdam, payapa pa ang lupa sa ulat nga'y kaybilis ng bagyo, dapat maghanda ngayong madaling araw, ang paligid pa'y tahimik di basa ang lansangan, wala pang ulang tikatik sasalubong sa undas ang unos na anong bagsik at maraming biyahero'y tiyak magsisitirik maalinsangan, hinubad ko ang pang-itaas inunan ang malaking librong may binubulalas wala sanang tulo, at ang atip sana'y di butas pinihit ang tsanel, walang kursunadang palabas muli kong ipinikit ang inaantok kong mata upang muling mapanagimpan ang diwatang sinta nasaan na ang hanap na panlipunang hustisya may banta mang unos, nariyan ang bagong umaga - gregoriovbituinjr.

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Imahe
Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner). MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito. Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land?  Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slu...

Tapusin na natin ang laban

niyurakan ng sistemang bulok ang pagkatao ng laksa-laksang dukha't masisipag na obrero sa tokhang nga'y barya-barya lang ang buhay ng tao itanong mo man sa kasalukuyan mong gobyerno wala nang prose-proseso ng batas ang ginawa na naging patakaran na ng pinunong kuhila kung sino ang suspek ay basta na lang bubulagta kung sinong mapaghinalaan ay tutumbang bigla tama ba ang ganitong walang proseso ng batas alam mong panuntunang iyan ay tadtad ng dahas pinaglaruan ang batas upang magmukhang butas karapatan na'y balewala't kayraming inutas dapat dinggin ng bayan ang hibik ng aping masa at usigin ang mapang-api't mapagsamantala dapat palitan ng bayan ang bulok na sistema dukha'y magkapitbisig tungong ganap na pag-asa ah, di pa tapos ang laban, di pa tapos ang laban upang panlipunang hustisya'y makamit ng bayan huwag hayaang "hustisya'y para lang sa mayaman" tapusin natin ang laban, baguhin ang lipunan - gregoriovbituinjr.

Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS

Imahe
Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS pagbati sa anibersaryong pandal'wampu't pito ng ating party list na Sanlakas, mabuhay kayo! tunay na lingkod ng mamamayan, ng simpleng tao lalo't tinataguyod ay lipunang makatao dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas nang magkaisa ang masa't tinayo ang Sanlakas dalawang dekadang higit nilabanan ang dahas upang lipunang ito'y maging patas at parehas kahit nitong kwarantina'y nagbigay ng pag-asa sa abot ng kaya'y nagbigay ng tulong sa masa sa iba't ibang isyu ng bayan ay nakibaka upang tuluyang mabago ang bulok na sistema narito lang kami, taas-kamaong nagpupugay sa Sanlakas dahil sa pakikibaka n'yong tunay narito tayo, kapitbisig, susulong na taglay ang pagkakaisa ng bayang may adhikang lantay - gregoriovbituinjr. 10.29.2020

Ilang tanaga

ILANG TANAGA I bakit ba kinakapos kaming mga hikahos bakit laging hikahos ang dukhang kinakapos urong-sulong ang diwa walang kumakalinga lalo't di masawata ang kahirapang lubha bakit kami'y iskwater sa bayang minamarder ng hinalal na lider na tila isang Hitler laksa-laksa’y namatay kayraming humandusay inosente'y pinatay naglutangan ang bangkay II puting-puting buhangin nang tayo’y paunlarin ngunit kung iisipin may planong alanganin City of Pearl malilikha uunlad daw ng bansa; ang nananahang dukha kaya’y ikakaila dukha’y mapapaalis tiyak madedemolis sa planong hinuhugis ng burgis na mabangis * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 20.

Ang inidoro ng ginhawa

Imahe
O, dama mo ang kirot ng tiyang di madalumat tila baga pasan mo ang daigdig, O, kaybigat na ang tanging lunas ay sa palikuran magbawas at madarama ang ginhawang hinahanap-hanap sa maraming bagay nga tayo'y abalang-abala kayod ng kayod para sa kinabukasan nila nagpapakabusog sa pagkaing di masustansya tinatagay ang samutsaring alak at serbesa ngunit anumang sarap ay sa kasilyas dudulo at tunay na ginhawa ang dala ng inidoro tulo ang pawis, tutop ang tiyan, pag wala ito mamamatay kang di mo mawari, sakit sa ulo mahalaga ang palikuran, iyong napagnilay doon mo ilagak ang lahat mong sakit at lumbay siya pala ang lunas sa mga problemang taglay upang kaginhawaan ay maramdaman mong tunay - gregoriovbituinjr. (Ang mga litrato ay kuha ng makata sa bangketa sa labas ng isang paaralan sa La Trinidad, Benguet.)

Ang bago kong gunting na pangekobrik

Imahe
nang makaluwas ng Maynila, una kong binili ay isang munting gunting na siyang inihalili sa naiwang gunting na pitong buwan ding nagsilbi sa probinsya sa mga inekobrik kong kaydami pulang gunting ang naiwan, asul ang binili ko sinimulan ko agad ang pageekobrik dito kayraming plastik agad ang naipon kong totoo isang linggo pa lang, pinatitigas ko na'y tatlo misyon ko na ang mag-ipon at maggupit ng plastik tulong sa kalikasang sa basura'y humihibik gagawin ko pa'y di lang ekobrik kundi yosibrick mga upos ng yosi'y ilagay sa boteng plastik mga naglipanang basura'y kakila-kilabot naglutangan ang mga plastik at upos sa laot ang bagong gunting sa pageekobrik ko'y nagdulot ng saya, kaya pagsisilbi ko'y di malalagot - gregoriovbituinjr.

Walang kumot sa pagtulog

Imahe
pinagkukumot ako ni misis sa lalawigan talagang ako'y laging pinaaalalahanan ganyan ang pagmamahal, sadyang di matatawaran magkasama sa kutson, may kumot pa kami't unan subalit balik sa dati nang bumalik sa lungsod hihiga sa silyang kahoy, walang unan at kumot tila mandirigmang kung saan-saan napalaot aba'y pag inantok na'y nakahubad pang matulog kaysarap kasing umidlip sa papag man o sahig kaysarap kasing humimbing pag nahiga sa banig di gaya sa kutsong malambot na tila ligalig di pa sanay magkumot sa lugar mang anong lamig sanay mang humiga sa papag ng buong pagsinta, kung saan mapasandal, pipikit at tutulog na gayunman, huwag balewalain ang paalala tandaang lagi ang bilin ni misis, "Magkumot ka!" - gregoriovbituinjr.

Sibaka't TaKam sa agahan

Imahe
SiBaKa  - sibuyas, bawang, kamatis ang agahan kasabay ng  TaKam  o talbos ng kamote naman pawang pampatibay pa ng resistenya't katawan aba'y nakabubusog din lalo't iyong matikman itong  SiBaKa 'y ginayat ko't hilaw na kinain habang  TaKam  naman ay isinapaw ko sa kanin sinasanay ko ang katawan sa mga gulayin mura lang at maaari mo pa itong itanim bawasan na ang karne, ito ang aking prinsipyo maging vegetarian ka rin minsan man sa buhay mo maging budgetarian din, badyetin mo ang kain mo magtipid man tayo, sa kalusugan ay seryoso SiBaKa 't  TaKam  sa agahan, magandang ideya mga lunas pa ito sa sakit na nadarama tara, simulan nating mag TaKam  at mag SiBaKa upang lumakas at tumindi rin ang resistensya - gregoriovbituinjr.

Dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan

dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan at sa radyo'y awit ng ASIN ang pumailanlang ang pinamagatang  "Masdan Mo Ang Kapaligiran" ayon sa umawit, pag namatay "sana'y tag-ulan" anya'y "upang sa ulap na lang tayo magkantahan" nakipagsabayan ang patak ng ulan sa himig ng awiting ang umawit ay kaylamyos ng tinig habang nagsasalin ng akda, dama'y halumigmig habang ninanamnam bawat salitang pumipintig habang kunwa'y tumatagay ng lambanog at tubig at pinagmasdan ko ang ulap sa labas, kay-itim di pa naman gabi ngunit animo'y takipsilim paano makakasilong sa punong walang lilim kung puno'y pinagkakitaan na ng mga sakim awit ay inunawa, kaybabaw, ngunit kaylalim makabagbag-damdamin, mapagmulat, inspirasyon upang kapaligiran ay pagmasdan natin ngayon sangkaterbang plastik ang sa dagat na'y lumalamon upos ng yosi'y nagkalat, kaytindi ng polusyon sa nangyaring ito, bansa pa ba'y makakaahon? - gregoriovbituinjr.

Kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma

kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma ito'y pagkat sa diwa'y maraming kumakawala samutsaring mukha, mababangis na dambuhala ako'y abang makata sa anong gandang diwata sabay naming lilikhain ang saknong at taludtod upang hustisyang panlipunan ay maitaguyod upang patuloy na magsipag ako sa pagkayod upang matutong sumisid nang di naman malunod malayang taludturan nga ba'y tunay na malaya habang lipunang makatao'y hangad na malikha nasa malayo man ang diwata'y kinakalinga tumatakbo man ang diwa'y huwag sanang madapa kinakatha ang mga diona, tanaga't dalit na alay sa masa't sa diwata kong anong rikit siya ang tula ko't ako ang tula niyang sambit habang sa inhustisya, yaring pluma'y nagngangalit - gregoriovbituinjr.

Nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso

"Whoever fights monsters should see to it that in the process he does not become a monster." - Friedrich Nietzsche nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso, mapagsamantalang trapo't sa bayan ay berdugo inililigtas ang bayan sa diktador na gago layon nating itayo ang lipunang makatao nilalabanan natin ang mga tuso't tiwali at bulok na sistema'y ayaw nating manatili; para sa prinsipyo'y inalay ang buhay na iwi gagampanang tapat ang tungkulin kahit masawi ngunit tiyaking tanganang mahigpit ang prinsipyo habang binabaka'y kalabang halimaw sa mundo upang di rin maging halimaw pag tayo'y nanalo lalo't ating itatayo'y lipunang makatao pag nagwagi, adhika'y iluluklok sa pedestal, magpapakatao, makikipagkapwa, may dangal huwag tutularan iyang mga hunyangong hangal upang di maakusahang isa ka ring pusakal - gregoriovbituinjr.

Nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa

nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa pulos tiwali ang sa posisyon nagkandarapa sa sambayanan pa ba'y maglilingkod silang sadya o magbubutas lang ng bangko, bayan ay kawawa sigaw ng bayan, supilin ang mga mandarambong! kung sila'y nariyan pa, bansa'y saan na hahantong? ligalig ang bayan pag namuno'y laksang ulupong dapat ay tunay na lingkod upang bansa'y sumulong ngunit saan matatagpuan ang tunay na lingkod? sa elitista bang sarili ang tinataguyod? yaong sa puwet ng kapitalista humihimod? o yaong sa buwis ng bayan laging nakatanghod? anang awit,  "ang hustisya'y para lang sa mayaman" habang patuloy pa rin ang matinding kahirapan dapat obrero't dukha'y maghimagsik nang tuluyan upang bulok na sistema'y talagang mapalitan - gregoriovbituinjr.

Tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look

Imahe
tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look pagkat nagpa-Maynila na't nilandas ang pagsubok napagpasyahan ko agad magpagupit ng buhok bagaman wala pang tulog at inaantok-antok lumuwas upang makapagsimula sa trabaho lalo't bagong opisina ang aatupagin ko ang pagsasalin ng katha'y itutuloy ko rito sa dalawang araw na miting na'y agad dumalo bagong gupit, panibagong hamon, bagong simula dalawang plastik na tsitsaron ang aking nginuya habang santimbang tubig naman ang aking tinungga inahit ang bigote't balbas, kuminis ang mukha bagong gupit, nag-selfie, at naglinis ng paligid maraming pagbabago't bagong simula ang hatid tiyaking huwag magugutom kahit nagtitipid kinakatha'y bagong paksa, mag-isa man sa silid - gregoriovbituinjr.

Pagpalaot sa kabila ng bagyo

pagkakataong makawala sa buhay na buryong subalit nagbantang may bagyo't aso'y umalulong napurnada na naman, napalaot sa linggatong walang masakyan gayong sa plano'y ayaw umurong hintay lang, paraanin muna si bagyong Pepito at tiyak nang papalaot sa lungsod ang tulad ko baka di na makayanan ang payapang delubyo kaya iiskyerda na matapos lang itong bagyo isang pulong nga "rain or shine" ay dadaluhang pilit sa lungsod pa'y naghihintay ang trabaho kong hirit bagong opisina'y aayusin ko pag sumapit sa lungsod, may bagyo man, biyahe ko'y igigiit sige, basta may masasakyan, ako'y lalarga na ayoko nang panahon pa dito'y magpalipas pa may dapat gampanan, trabaho kong nakatalaga bilang sekretaryo heneral ay papalaot na - gregoriovbituinjr.

Ako'y tibak

Imahe
Ako'y tibak ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri upang lupigin ang bata-batalyong naghahari upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan hangad na maitayo ang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika - gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

Imahe
Pagninilay sa aking lungga minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa upang itala ang buhay ng binabalewala bakasakaling makaahon sa danas na sigwa kayraming litrato ng mga balyenang tumirik ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik paano ba magtutulungan sa pageekobrik nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang na matagal nang nawala't may iba nang hinirang matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang narito man ako sa aking lungga, nagmamasid katiwalian at karahasan ay nababatid karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid - gregoriovbituinjr.

Ang karatula sa dyip

Imahe
Ang karatula sa dyip isa ngang palaisipan ang karatula sa dyip pagkat tanong iyon na agad kang mapapaisip "Sino ba ang sinungaling?"  ay agad kong nahagip habang sa biyahe'y nakawala iyon ng inip subalit tanong na iyon ay may karugtong naman sa pagtugon ay may dalawa kang pagpipilian: "ang matanda ba o ang elepante ang katawan?" may-ari ba ng dyip ay may problema sa tahanan? sinong pinatamaan ng ganoong patsutsada? ang sariling ina o ang biyenang lumba-lumba? ang matandang kasera o ang matabang asawa? wala tayong alam, isa lang itong sapantaha tayo din ay may problema't sariling mga danas hayaan natin sila sa ganoong alingasngas baka nga problema nila'y kanila nang nalutas habang tayo'y patuloy pa sa nililikhang bukas - gregoriovbituinjr.

Gaano nga ba kahalaga ang puno?

Imahe
Gaano nga ba kahalaga ang puno? gaano nga ba kahalaga sa akin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa iyo ang puno? gaano nga ba kahalaga sa atin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa mundo ang puno? ang mga puno'y nagbibigay ng lilim sa labas ang mga puno'y tahanan ng hayop na ilahas ang mga puno'y maraming binibigay na prutas tulad ng bayabas, kalumpit, duhat, sinigwelas ang mga puno'y nagbibigay ng kahoy sa madla ang mga puno'y pananggalang sa mga pagbaha ang mga puno'y tagapagligtas mula sa sigwa tulad ng punong dita nang si Ondoy ay nagwala ganyan kahalaga ang mga puno sa daigdig kaya mga daing nila'y ating bang naririnig? pag nawala ang puno'y walang huni ng kuliglig halina't puno'y alagaang nagkakapitbisig - gregoriovbituinjr.

Ang gawain kong pagsasalin

Imahe
Ang gawain kong pagsasalin may kompyuter na't wifi, mayroong teknolohiya magsalin ng Ingles sa Filipino'y madali na subalit pag ninamnam mo ang salin mong binasa minsan, mali ang kahulugan sa iyong panlasa kaya ako'y nagsasalin sa mahabang estilo bawat pangungusap ay isusulat sa kwaderno di laging literal na salita, unawain mo upang iyong makuha ang kahulugan ng wasto di lang bolpen at kwaderno ang iyong gagamitin kundi dalawang wika'y kabisado mo't namnamin nirerepaso't binabalikan ang mga salin pangungusap at talata'y dapat mong unawain kung Pluto'y dwarf planet, ang salin ba'y dwendeng planeta gayong di ito dwende kundi maliit sa iba dwarf dahil maliit, di dahil dwendeng may mahika mainam bang Pluto'y tawaging punggok na planeta suriing mataman ang nakapaloob na diwa na nais iparating sa madla niyong may-akda upang kahulugan sa salin ay walang kawala upang manamnam mo ang lasa ng bawat salita salin ng salin, dapat batid ang sariling sulat upan...