Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2024

Naabot na ang Level 6000

Imahe
NAABOT NA ANG LEVEL 6000 nakagiliwan ko ang app game na  Word Connect na nilaro santaon na'ng nakararaan madaling araw pa'y walang patumpik-tumpik nilalaro iyong tila aking agahan sa salitang Ingles, ilan ang mabubuo mula sa mga letrang doon nasasangkot sa larong ito sadyang ako'y narahuyo at ngayon, sa level six thousand na'y umabot ang lebel na iyon ay parang gantimpala sa isang manlalarong taga sa panahon animnalibong laro'y sinagutang sadya na para bagang iyon ay isa kong misyon nilalaro lang iyon sa patay na oras madaling araw, pagbangon bago magkape maraming salitang natutunan kong wagas daghang salamat ang tangi kong masasabi - gregoriovbituinjr. 05.17.2024

Ang dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula"

Imahe
ANG DALAWANG EDISYON NG AKLAT NA "JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA" Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Mayroon na akong dalawang edisyon ng aklat na  "Jose Corazon de Jesus" Mga Piling Tula"  na ang pagitan ng pagbili ko sa mga ito ay dalawampung taon at apat na buwan. Ang editor ng mga nasabing aklat ay si National Artist for Literature Virgilio S. Almario. Ang unang edisyon, na may paunang salita ng namayapa nang dating Senador Blas F. Ople, ay nabili ko sa halagang P250.00 sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na kalahating pulgada, at binubuo ng 252 pahina, 200 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 52 pahina ang naka-Roman numeral. Ang ikalawang edisyon naman ay nabili ko sa halagang P350.00 noong Abril 17, 2024, sa Gimenez Gallery ng UP Diliman, habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pamb

"Babae na" o "Babaeng", "Dalagita na" o "Dalagitang"?

Imahe
"BABAE NA" O "BABAENG", "DALAGITA NA" O "DALAGITANG"? Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) na may petsang Mayo 17, 2024, may dalawang pamagat ng balita o artikulong nakakuha ng aking atensyon. Ang una ay may pamagat na  "Babae na maraming pinaretoke para gumanda, tumunog sa airport scanner ang mga 'turnilyo' sa kanyang mukha" , pahina 5. Ang ikalawa ay may pamagat na  "Dalagita na nais kumalas sa nobyo, pinatay"  na nasa pahina 9.. Hindi ko na tatalakayin ang nilalaman ng balita, kundi ang paggamit ng sumulat sa pang-angkop na "na" at "ng". Parang hindi Pinoy o marahil ay gumamit ng google translate o artificial intelligence (AI) ang nagsalin ng pamagat ng unang artikulo. Makiikita mo agad ito sa "Babae na" na dapat ay "Babaeng" kung Pinoy talaga ang sumulat. Mas maayos na pamagat ay "Babaeng maraming pinaretoke para gu

Bagong balita

Imahe
BAGONG BALITA balita pa bang matatawag ang lumang balita? o dapat bang bawat balita ay laging sariwa? dapat bang mga balita'y maigsi o mahaba? paano dapat mabilis ipabatid sa madla? may kasabihan nga tayong  "may pakpak ang balita, may tainga ang lupa"  ito man ay isyu ng dukha, ng kawatan sa gobyerno, ng burgesyang kuhila, ng aksidente, kamatayan, buhay ng dakila iyang balita'y  "history in a hurry" , ika nga anong nangyayari sa loob at labas ng bansa kasaysayang isinusulat, inilalathala, isinasahimpapawid, pasa-pasa sa madla tiyakin lamang nating bawat balita ay tama at di kumalat ang halibyong o pekeng balita - gregoriovbituinjr. 05.16.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Ako'y abang makata

Imahe
AKO'Y ABANG MAKATA ako'y abang makata tinutula'y pangmadla para sa kapwa dukha at uring manggagawa adhika'y ilarawan ang adhika sa bayan na sa pamamagitan ng sukat at tugmaan ay maitataguyod ang saknong at taludtod na kinakathang lugod bagamat walang sahod makatang kapitbisig sa dukhang di palupig na marunong tumindig sa wasto't nakikinig tulad ng pangangahas maitayo ang patas at lipunang parehas na puso ang nag-atas - gregoriovbituinjr. 05.16.2024

Silang bumubuhay sa lipunan

Imahe
SILANG BUMUBUHAY SA LIPUNAN samutsaring manggagawa kakarampot lang ang sahod kung saan-saan sa bansa makikitang todo kayod at tunay na nagsisikap sa trabaho'y nagpapagal upang kamtin ang pangarap na anak ay mapag-aral sweldo man nila'y kaunti malaki ang ambag nila upang bansa'y manatili't lumago ang ekonomya tanging nais kong sabihin obrero ang bumubuhay sa bansa't sa mundo natin sa kanila'y pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 05.15.2024

Titisan

Imahe
TITISAN anong gagawin sa mga lata matapos sardinas ay ulamin mga lata'y ibabasura na? o sa lata tayo'y may gagawin? sabi nila, tayo'y magresiklo huwag basta tapon dito't doon kaya naisip sa latang ito gawing ashtray o titisan iyon ang lagayan ng titis ng yosi ay tulong na sa kapaligiran upang paligid ay di dumumi munting proyekto man ang titisan nang di basta ikalat sa sahig ang titis na di nila mawalis sana sa atin ay may duminig kahit nagyoyosi pa'y mainis - gregoriovbituinjr. 05.14.2024

Xanadu

Imahe
XANADU Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May awitin noon si Olivia Newton-John na ang pamagat ay  Xanadu . Pamilyar pa ako hanggang ngayon sa tono ng nasabing awit. Hanggang sa mabili ko sa Fully Booked ang aklat na  Khubilai Khan, Lord of Xanadu, Emperor of China,  na inakda ni Jonathan Clements. Binalikan ko ang liriko ng awit. Narito ang ilang talata: A place where nobody dared to go The love that we came to know They call it Xanadu (it takes your breath and it'll leave you blind) And now, open your eyes and see What we have made is real We are in Xanadu (you dream of it, we offer you) A million lights are dancing and there you are, a shooting star An everlasting world and you're here with me, eternally Xanadu, Xanadu (Now we are here) in Xanadu Isinalin ko ito sa wikang Filipino: Isang lugar kung saan walang nangahas pumunta Ang pag-ibig na ating nabatid Tinatawag nila iyong Xanadu (tangay nito ang iyong hininga't iiwan kang bulag) At ngayon, buksan mo

Ang bisyo ko'y dyaryo

Imahe
ANG BISYO KO'Y DYARYO wala akong bisyo tulad ng toma't yosi ngunit araw-araw gumagastos ng bente pesos sa mga dyaryong  Pang-Masa 't  Abante pag isa'y wala,  Bulgar  ipapalit dini tumatagay din minsan kapag may okasyon buti pa ang dyaryo't may mga ulat doon ano na bang nangyayari sa bansa ngayon? anong isyung pambayan ang di mo malulon? balita, tsismis, kasaysayan, kaalaman mayroon ding nobelang sinusubaybayan hanap-salita at krosword, palaisipan aritmetik at sudoku, palatambilang tulad ng aklat, sa dyaryo na rin naadik may socmed man, uso pa rin ang natititik kaya bente pesos ay nakahandang salik upang dyaryo'y bilhing walang patumpik-tumpik - gregoriovbituinjr. 05.13.2024

Tuwing Lunes ang tindang tahong

Imahe
TUWING LUNES ANG TINDANG TAHONG tuwing Lunes pala ang tinda nilang tahong sa karinderya sa may kanto namin doon noong nakaraang Lunes nga ay nagtahong sisenta pesos lang, aabangan na iyon masarap at masabaw, lasa'y nanunuot sa lalamunan, tila sinta'y nangungurot dama mo pa sa kaibuturan ang haplos di na matitigang, sadyang makararaos may benteng talong pa, sabay na sa agahan nakabubusog na hanggang pananghalian matibay na ako sa bawat pupuntahan pagkaing pampatatag din sa kalusugan bukod sa isda ay paborito talaga ang tahong na sa katawan ay masustansya tuwing Lunes ang tindang tahong, alam ko na Lunes na itong pampasigla't pampagana - gregoriovbituinjr. 05.13.2024

Rosas o Bigas?

Imahe
ROSAS O BIGAS? sinta ko'y di mabigyan ng rosas kaymahal kasi't walang mapitas pinag-ipunan ko'y kabang bigas na tanda ng pag-ibig na wagas ganyan ako noong mangharana habang tumitipa ng gitara habang buong loob ang pagkanta habang sa bahay nila'y manhik pa ano ang dapat kong iparinig? pawang boladas ba ng pag-ibig? anong handa sakaling magniig? pulot pukyutan ba at pinipig? narito pa ring nagmamakata datapwat di nagmamakaawa dinggin lamang ang samo ko't tula ako'y balot na ng saya't sigla - gregoriovbituinjr. 05.12.2024

Palatambilang

Imahe
PALATAMBILANG palaisipan sa numero o palatambilang  ang sa pahayagan ay lagi kong inaabangan na bukod sa krosword, palatambilang ang libangan tulad ng sudoku't aeitmerik na kainaman umaga'y bibili agad ng diyaryo sa kanto bago pa basahin ang tampok na ulat at isyu kasabay ng pandesal sasagutin muna ito: hanap-salita, krosword, aritmetik at sudoku sa kabila ng social media, uso pa rin dine  ang pamamayagpag ng diyaryo kong nabibili tulad ng Pang-Masa, Bandera, Abante, Remate na tinatawag minsang "literature in a hurry" salamat sa palatambilang na may laang sigla na tila arawang ehersisyo sa ating diwa - gregoriovbituinjr. 05.12.2024

Superbahong utot ba'y gamot?

Imahe
SUPERBAHONG UTOT BA'Y GAMOT? minsan, natatawa na lamang tayo sa balita lalo't mabahong amoy ang napag-usapang paksa sa pamagat pa lang ng nabasa mong artikulo magugulumihanan ka kung ito ba'y totoo "Super bahong utot, panlaban sa high blood, heart problem, alzheimer's  disease," magandang pag-isipang malalim isang doktor ang sa mabahong utot ay naglahad na ito'y maydalang kemikal na hydrogyn sulfide na mayor na salik kaya bumabaho ang utot na naaamoy natin pag pumutok ay mabantot na nagbibigay ng proteksyon sa mitochondria na siyang powerhouse at nagbibigay enerhiya sa selula upang makapagtrabahong maayos salamat, ito'y ambag sa kaalaman kong kapos kaya sa mga ututin, sila'y pagpasensyahan utot pala nila'y laking tulong sa kalusugan - gregoriovbituinjr. 05.11.2024 * ulat mula sa pahayagang  Abante , ika-8 ng Mayo, 2024, p.8

Tatlong aklat ng maiikling kwento

Imahe
TATLONG AKLAT NG MAIIKLING KWENTO tatlong aklat ng maiikling kwento ang dagdag sa koleksyon ko ng libro na mga awtor ay Amerikano, taga-Inglatera, at Pilipino To Build a Fire  ang aklat ni  Jack London ang kay  Jane Austen , pamagat:  Sanditon kay  F. Sionil Jose  ay  Olvidon ang basahin sila'y ganap kong layon dagdag upang mabasa't paghandaan upang makatha ang nobelang asam mga akda kong kwento'y pag-igihan hanggang pagnonobela'y matutunan payak na pangarap ng maglulupa at makatang dumanas din ng sigwa bagtasin man ang sangkaterbang luha ay patuloy sa layuning kumatha ang mga awtor na aking nabanggit kapara'y mga bituin sa langit mga akda nila'y aking sinungkit na nang binasa ko'y talagang sulit - gregoriovbituinjr. 05.11.2024

Ako man ay maglulupa

Imahe
AKO MAN AY MAGLULUPA ako man ay maglulupa at naritong laging handa tinatahak man ay sigwa patuloy lang sa adhika asam na lipunang patas araw-gabi'y binabagtas itayo'y malayang bukas na lahat pumaparehas ang laging nasa isipan ay kalayaan ng bayan mula sa tuso't gahamang kapitalista't iilan malayo ma'y lalakarin upang tupdin ang mithiin ang nakatakdang aralin ay taimtim na gagawin tinatahak nami'y wasto habang nagpapakatao na itatayong totoo ay lipunang makatao - gregoriovbituinjr. 05.11.2024

Banta sa buhay ang redtagging, ayon sa SC

Imahe
BANTA SA BUHAY ANG REDTAGGING, AYON SA SC sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema nitong Mayo Otso, redtagging ay banta talaga sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng masa pati sa kagaya kong nakikibakang aktibista nais ng aktibista'y isang malayang lipunan na di naghahari sa bansa ang tuso't gahaman di namamayagpag ang dinastiya ng iilan nais nami'y patas, parehas, pantay na lipunan dahil ayaw ng elitistang mawala't tanggalin kaya pinauso nila ang sistemang redtagging ayaw ng kapitalistang ang karapatan natin sa pabrika, sa eskwela, saanman, kilalanin kumilos kami para sa karapatang pantao laban sa pagsasamantala ng tao sa tao itatayo namin ay isang lipunang makatao na walang hari batay sa pag-aaring pribado salamat sa Korte Suprema sa inyong desisyon na redtagging sa buhay ng masa'y nakalalason patuloy lang kami sa makatao naming misyon na sistemang bulok ay pawiin sa ating nasyon - gregoriovbituinjr. 05.10.2024 * litrato mula sa ulat sa google

Paksa ng abang makata

Imahe
PAKSA NG ABANG MAKATA kayraming paksang nalilirip ngunit mahirap ding mag-isip paanong masa'y masasagip at uring obrero'y mahagip ang makatang tapat sa uri at laban sa mapang-aglahi babakahin ang naghahari sasagipin ang api't lahi simpleng bagay ay tinutula buhay ng dukha, hampaslupa laban ng uring manggagawa ang mga dumatal na sigwa ang matalinghagang tanawin mga bundok na lalandasin nangyaring di lubos isipin maging makabagbag-damdamin kahit kumain man ng tutong ulam man ay tuyo at kangkong buhay ay tuloy ang paggulong mga paksang di urong-sulong nasa'y sistemang makatao itayo'y lipunang obrero sa kapwa'y pagpapakatao madalas paksa hanggang dulo - gregoriovbituinjr. 05.10.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Anong kahulugan ng hao siao?

Imahe
ANONG KAHULUGAN NG HAO SIAO? naririnig ko na noon pa ang hao siao akala ko'y pagkain doon sa Binondo na kapara ng tikoy, chop seuy at siopao ngunit iba pala ang kahulugan nito ano ba ang hao siao, tayo'y nagsaliksik upang kung ano talaga ito'y malaman ayon sa Inquirer, ito'y bogus journalist sa Abante Tonite ba'y pekeng Pinoy iyan? tingnan ang pamagat: Tarlac Mayor Hao Siao ngunit di Hao Siao ang pangalan ni Mayor nang nasa Senado si Mayor Alice Guo ay ginisa ni Senadora Hontiveros tanong ni Risa, "Baka Chinese national ka?" walang rekord na ipinanganak sa bansa wala ding rekord ng pinasukang eskwela kay Hontiveros, ito'y nakababahala tila baga ang hao siao ay pekeng Pinoy? ngunit Mayor ba'y Tsino ang nasyunalidad? usaping West Philippine Sea pa pag natukoy kaso ng hao siao ay dapat mailantad - gregoriovbituinjr. 05.10.2024 * ulat mula sa pahayagang  Abante Tonite , ika-10 ng Mayo, 2024, pahina 1 at 3 *  https://newsinfo.inquirer.net/420027/whos-ha

Sateboleyt

Imahe
SATEBOLEYT isang tagay sa may kaarawan sa Table 8 ay namumulutan isang platitong mani man iyan ay tanda ng may pinagsamahan tara, tagay tayo, katoto ko sa pagdiriwang niyang birthday mo habang nasa Table 8 pa tayo ay tumagay na't mag-otso-itso habang pinag-uusapan natin paano kuhila'y tatalunin elitista't burgesya'y gapiin uring manggagawa'y pagwagiin para sa karapatan ng masa para sa panlipunang hustisya bati ko'y hapi bertdey talaga sa tulad mong tapat na kasangga - gregoriovbituinjr. 05.09.2024

Larong dikdikan ng utak

Imahe
LARONG DIKDIKAN NG UTAK dikdikan ng utak ang larong chess dapat utak sa laro'y mabilis mga tira'y suwabe, makinis, matulis, kalaba'y tinitiris chess super grandmaster na totoo kaya ako sa kanya'y saludo galingan mo, kabayang  Wesley So sa Romania'y maglalarong todo kaytaas ng iyong ELO rating at pangsiyam ka pa sa world ranking ipakita mo ang iyong galing at kampyonato'y iyong angkinin sa chess, dapat kang maging matibay lalo't kalaban ay kayhuhusay kami'y taasnoong nagpupugay sa iyo, mabuhay ka, mabuhay! - gregoriovbituinjr. 05.09.2024 * ulat mula sa pahayagang  Abante , ika-2 ng Mayo, 2024, pahina 11

Magkaisa laban sa ChaCha ng elitista't dayuhan

Imahe
MAGKAISA LABAN SA CHACHA NG ELITISTA'T DAYUHAN nagrali muli sa harapan ng Senado upang ang Charter Change ay tutulang totoo banta iyang ChaCha ng elitista't dayo sa kasarinlan, sa bayan at sa obrero mga trapong elit ang nakaupo ngayon sa iba't iba't matataas na posisyon nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon para sa elitista't dayong korporasyon nais nilang dayo'y mag-ari ng lupain, masmidya, pampublikong serbisyo'y ariin pati termino'y nais nilang palawigin kaya ang bantayan sila'y ating tungkulin tutulan, labanan, huwag pahintulutan sandaang porsyento'y ariin ng dayuhan magkaisa na laban sa mga gahaman na iniisip ay sariling pakinabang nagrarali kami upang isyu'y marinig ng sambayanang tinatanggalan ng tinig at magkaisa laban sa mapanligalig na elitista't trapong dapat lang mausig - gregoriovbituinjr. 05.09.2024 * salamat sa mga kasamang kumuha ng litrato * kuha sa harap ng Senado

Anong isusulat ko ngayong gabi?

Imahe
ANONG ISUSULAT KO NGAYONG GABI? anong isusulat ko ngayong gabi? habang nakatingala sa kisame mga isyu pa rin bang pang-aapi? at pagsasamantala ng salbahe? o muli'y pag-ibig sa isang mutya na naging katuwang ko na't kalakbay o pakikibaka ng manggagawa tungo sa pinangarap na tagumpay kayraming paksang di basta malimot dahil sa mga danas na akibat na kung bubuksan ang kwaderno'y lukot nang nilamukos ang dapat mabuklat marahil ang tigib na kalungkutan o pagpapak ng mani at tsitsaron o ang paglilingkod sa sambayanan habang naaalala ang maghapon marahil, bawang, kamatis, sibuyas o sa palakasan ay sipa't arnis sa umaga, ehersisyo ay baras sa gabi, anong dadalhin pag-alis - gregoriovbituinjr. 05.08.2024

Dumami ang matataba dahil sa kase-selpon

Imahe
DUMAMI ANG MATATABA DAHIL SA KASE-SELPON nakakagulat ba ang nasabing balita dahil daw sa selpon, dumami ang mataba baka maghapon sa selpon nakatunganga kung sila'y nasa taas ay ayaw bumaba marahil nga'y dahil masayang naglalaro o nakatingin sa selpon nang nakaupo ay di na nila mamalayan ang pagtayo at sa kanilang selpon na nararahuyo paano ba maiiwasang maging obis maglakad-lakad, huwag tumambay sa opis dapat iwasang magkakain ng matamis upang maiwasan ding magka-diabetes mataba'y dumami dahil sa kase-selpon kalusugan n'yo'y huwag hayaang ganoon kung nakahiga sa kase-selpon, bumangon tunawin ang taba't maglakad-lakad ngayon - gregoriovbituinjr. 05.07.2024 * ulat mula sa pahayagang  Bulgar , ika-5 ng Mayo 2024 * obis - sa ingles ay  obese  o sobrang mataba

Ayon kay Muhammad Ali

Imahe
AYON KAY MUHAMMAD ALI "Bakit ako pupunta ng Vietnam upang kalabanin iyang Vietcong di nila ako tinawag na hunghang kaya di ako magtutungo roon." "Di naman nila ako inaaway at di ko rin sila mga kalaban..." pag ipinadala, siya'y susuway kapag pinilit ng pamahalaan sabi ng dakilang Muhammad Ali hinggil sa giyera ng Amerika isipin mo, tama naman si Ali kaya siya'y idolong aktibista para sa kapayapaan ng mundo para sa katarungang panlipunan di lang sa boksing sa kanya'y saludo kundi rin sa kanyang paninindigan - gregoriovbituinjr. 05.07.2024 * litrato mula sa Legends of Boxing page sa pespuk, ika-7 ng Mayo 2024

Tanaga sa baybayin

Imahe
TANAGA SA BAYBAYIN (sinubukan po ng inyong lingkod na sulatin sa baybayin ang sumusunod na tanaga) pulitikong gahaman ay bentador ng bayan huwag pagtiwalaan ng boto sa halalan - gregoriovbituinjr. 05.07.2024 * ang tanaga ay tulang katutubo na may isang saknong at may tugma at sukat na pitong pantig sa bawat taludtod

Pabalbal na ulat sa diyaryo

Imahe
PABALBAL NA ULAT SA DIYARYO balita:  Kelot dinedbol sa haybol salitang kalye, o kaya'y pabalbal na minsan di mo agad maunawa kung di ka sanay sa ganyang salita ginamit sa tabloid na pahayagan ganito talaga ang kahulugan: Isang lalaki, pinatay sa bahay unawa agad sa pamagat pa lang sa ingles ay islang, salitang kalye pagbaligtad ng salita ang siste o kaya'y binuo ng isang pangkat upang may sariling pagkakilanlan ang Sino ba sila? - Nosi Ba Lasi father ay erpat, kelot ay lalaki  mother ay ermat, bebot ay babae petmalu, malupit, idol ay lodi dehins ka pa goli, ho-maba ka na huwag kang epal, at wala kang werpa hoy, may parak, baka mahulidap ka kosa mo sa hoyo, umeskapo na kung di mo maunawa, basahin mo ang balitang nilatag sa diyaryo nang sa gayon ay iyong mapagtanto ang binalita ng tambay sa kanto - gregoriovbituinjr. 05.07.2024 * ulat mula sa pahayagang  Abante , ika-7 ng Mayo, 2024, pahina 3

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN kayraming palaisipang dapat masagot kaya ang noo natin ay pinagkukunot tanong minsang sa puso't diwa'y kumukurot pag di ka makatugon, nakapanlalambot may mga tanong sa krosword, maging sa klima na madalas di magkasundo sa siyensya kaya minsan, ikaw na lang ang magpasensya kung tugon ay madadala ba ng konsensya ang kahulugan ng salita'y hahanapin aklatan at kalupaa'y hahalughugin kung marapat, mga bundok ay liliparin ilalim man ng dagat ay gagalugarin noong unang panahon, walang eroplano subalit may kometang pumasok sa mundo anong tugon dito ng sinaunang tao noon pa'y palaisipan ang mga ito ang mahalaga'y may makuha tayong tugon inaral man iyon ng mga aghamanon may bagong tuklas sa pagdaan ng panahon na mababatid din ng tao sa paglaon - gregoriovbituinjr. 05.07.2024

Muling nilay

Imahe
MULING NILAY narito na namang tumunganga sa kawalan, tila parang bula ang kaninang di ko matingkala kung iyon nga ba'y gabok sa luha kaya tinanganan ko ang pinsel upang iguhit ang mga anghel subalit bakit nalikha'y baril na tangan ng mga trapong taksil sa bayan, sabayan ang pagbigkas ng mga tula ng sawing pantas habang pinipiga kong malakas ang isang kahel upang kumatas minasdan ko ang buwan sa langit at naroong bituing marikit naninilay ko'y sinambit-sambit at pinakinggan kung walang sabit - gregoriovbituinjr. 05.06.2024

Dalawang lola, nadisgrasya

Imahe
DALAWANG LOLA, NADISGRASYA dalawang balita sa magkaibang dyaryo dalawang lola ang namatay, ulat dito isang lola'y tumawid at nasapul ng trak nahati ang katawan, sadyang napahamak isang inang kaytanda na'y patay sa sunog na tinurong sanhi ay charger na pumutok mga balitang ang puso mo'y wawakwakin lalo't tulad nila, tayo'y tumatanda rin kaya mag-ingat tayo sa ating pagtawid baka mabagal ang lakad pa't masalabid mag-ingat din sa pagtsa-charge ng ating selpon lalo na ngayong kay-init pa ng panahon mag-ingat, magpalakas, habang tumatanda parang boyskawt daw, dapat lagi tayong handa maggulay na't uminom pa ng bitamina at mag-ingat upang malayo sa disgrasya - gregoriovbituinjr. 05.06.2024 * mga headline mula sa pahayagang  Bulgar  at pahayagang  Pang-Masa , ika-6 ng Mayo, 2024

Tahong ang pananghalian

Imahe
TAHONG ANG PANANGHALIAN kaysarap niring pananghalian na sa karinderya nabili lang nilagang tahong ngayon ang ulam na talaga namang malinamnam sinabawang tahong na may talbos na nabili kong sisenta pesos pananghalian ko'y nakaraos labinlimang tahong ang naubos lumalabas, kwatro pesos isa ng tahong, na sabaw pa'y malasa di na mawawala sa panlasa ang seafood na nakahiligan na basta iwasan lang ang magkarne katawan na'y parang minasahe - gregoriovbituinjr. 05.06.2024

Salita

Imahe
SALITA napakahalaga ng salita dito tayo nagkakaunawa may ibig sabihin ang kataga sa pakikipag-usap sa kapwa salitang sinasambit ng bibig katagang sinasambot ng kabig sa harana'y handog ng pag-ibig sa dukha'y hiyaw nang kapitbisig mga salitang dapat masulat kwento, sanaysay, tulang may sukat at tugmang sa masa'y mapagmulat akdang sa aklat ay mabubuklat at mabasa sa mga aklatan mga balita sa pahayagan sa paghibik ng may karamdaman sa tsismisang nauulinigan wikang pambansa'y ating linangin sariling salita ang gamitin pati na sa tulang bibigkain sa harap ng madla upang dinggin - gregoriovbituinjr. 05.06.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect  

Mag-ingat sa heat stroke

Imahe
MAG-INGAT SA HEAT STROKE napakatindi na ng heat stroke at marami na ang nangamatay araw sa balat na'y nakatutok kaya tulad ko'y di mapalagay tayo'y mag-ingat, mga katoto baka sa init ay magkasakit pinagpapawisan di lang noo kundi katawan na'y nanlalagkit ay, iba na ang ating panahon pagkat papainit na ang klima kahit magtago ka pa sa aircon init ay susundan ka talaga magdala ng tubig pag lalabas upang sa init ay may mainom tiyak madarama mo ang banas ng kaibuturan ng panahon huwag hayaang basta pawisan at matuyo ang pawis sa likod damit o sando'y agad palitan lalo't init na ang humahagod - gregoriovbituinjr. 05.05.2024 * tula batay sa ulat sa pahayagang  Pang-Masa , ika-5 ng Mayo, 2024

Maligayang ika-206 Kaarawan, Ka Karl Marx

Imahe
HAPPY 206TH BIRTHDAY, KA KARL MARX "The philosophers have only interpreted the world, in various ways. The point, however, is to change it." - Karl Marx naglinaw ang mga palaisip pinaliwanag lang ang daigdig sa maraming paraan nilirip ang punto'y baguhin ang daigdig isa iyong kaygandang pamana sa manggagawa't pilosopiya baguhin ang bulok na sistema upang hustisya'y kamtin ng masa Karl Marx, maligayang kaarawan! salamat sa wika mong tinuran pamanang dapat naming gampanan nang maging patas ang kalagayan itayo'y sistemang makatao't asam na lipunang sosyalismo - gregoriovbituinjr. 05.05.2024 * litrato mula sa google

Ang kontraktwal, ayon sa editoryal ng Bulgar

Imahe
ANG KONTRAKTWAL, AYON SA EDITORYAL NG BULGAR kontraktwalisasyon nga'y talagang pahirap sa mga manggagawang lagi nang kontraktwal mga nangangasiwa'y sadyang mapagpanggap dahil obrero'y ayaw nilang maregular sa dyaryong Bulgar, editoryal nila ngayon na kontaktwal ay tutulungan ng gobyerno obrerong naglingkod ng higit sampung taon sa gobyerno'y mareregular nang totoo dapat may career service eligibility at dapat ipasa ang civil service exam at may mataas na puntos ang aplikante nang sila'y maging Civil Service Professional paano yaong nasa pribadong kumpanya na kayrami ring kontraktwal na manggagawa na kung nakaanim na buwan sa pabrika ay dapat regular na ngunit  di magawa anang editoryal, sana'y di ito budol  dahil tulong na sa kontraktwal na kawani tanggalin ang salot na kontraktwalisasyon upang sa manggagawa'y tunay na magsilbi - gregoriovbituinjr. 05.05.2024 * tula batay sa editoryal ng pahayagang  Bulgar , ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 4