Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Marso, 2020

Kaligaligan

KALIGALIGAN narito tayo sa panahong di inaasahan maririnig sa balita'y pawang kaligaligan nakaamba ang panganib na di namamalayan na idinulot sa iba'y tiyak na kamatayan tayo'y magpalakas, uminom ng maraming tubig kapaligiran ay linisin, maging masigasig sa midya sosyal na rin lang muna magkapitbisig sa facebook at twitter dinggin bawat pintig at tindig kapanganiban ang dito sa mundo'y bumabalot lalo't nahaharap sa sitwasyong masalimuot sa ugnayan pa ng tao'y pagkawasak ang dulot social distancing muna, saan ka man pumalaot nakatanaw pa rin sa malayo, ang bulsa'y butas sunod na henerasyon ba'y may maganda pang bukas iyang sakit bang naglipana'y kaya pang malutas gawin natin ang dapat bago pa tayo mautas - gregbituinjr.

Huwag plastik

Imahe
Huwag plastik basahin mo naman ang karatula: Huwag Plastik! sa tamang lagayan, basura'y ilagay, isiksik gawin ito anuman ang aktibidad mo't gimik upang di ka masita ng malambing o mabagsik halaman ay di tapunan ng upos o basura di rin tapunan ng busal ng mais ang kalsada kung walang basurahan, isilid muna sa bulsa huwag simpleng magtapon dahil walang nakakita magresiklo agad, sa madla'y ating ipatampok ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok ibang tapunan ng upos na nakasusulasok at iba rin ang basurang medikal at panturok abisong ito'y kaydaling unawain at gawin na sana naman ay huwag ninyong balewalain - gregbituinjr.

Halina't magresiklo

Imahe
Halina't magresiklo sa pagtatapon pa lang ng basura'y magresiklo pagbukud-bukurin mo na agad ang basura mo simpleng payo, madali lang, di mo ba kaya ito gayong nag-aral ka naman at napakatalino ang karton at papel ay sa asul na basurahan lata, aluminum o metal sa pulang lagayan itapon mo naman ang mga plastik sa dilawan residwal o latak ay sa basurahang luntian tayo'y magtulungan sa paglilinis sa paligid napakasimpleng bagay na alam kong iyong batid ang bansang tahanan ay di dapat nanlilimahid salamin ng pagkatao, mensaheng ito'y hatid halina't magresiklo, basura'y ibukod-bukod ang kalinisan sa bayan ay ating itaguyod - gregbituinjr.

Kwento at kwenta ng buhay

kaibigan, di mo alam ang kwento ng buhay ko kaya bakit ako'y basta na lang hahamakin mo nakabase ka sa itsura ng aking pantalon na kaiba sa sinusuot mong estilong baston akala mo ba'y nakakatuwa ang kahirapan di ba't mas nakakatuwa nga ang maging mayaman may pera nga ngunit lagi namang kakaba-kaba baka raw makidnap o maholdap, isip ay dusa akala mo ba'y nasanay na akong naghihirap kaya tingin mo sa aki'y taong aandap-andap may kwento, walang kwenta, at tatawa-tawa ka lang tila baga ako'y ilang ulit mong pinapaslang di mo alam ang kwento ng buhay ng kapwa natin kaya bakit pagtatawanan sila't hahamakin di ba't mas maganda mong gawin ay sila'y tulungan kaysa ang karukhaan nila'y iyong pagtawanan - gregbituinjr.

Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19

Imahe
Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19 sa kalunsuran nga'y nauso ang urban gardening wala mang malaking lupa'y maaaring magtanim sa lata ng pintura't sardinas o sa paso rin  magtanim upang balang araw ay may aanihin magtanim ng alugbati't kamatis sa bakuran magtanim ng munggo sa paso't lagi mong diligan pati kamote't talbos nito'y masarap iulam basta't mga tanim mo'y lagi mong aalagaan sinong maysabing sa lungsod ay di pwedeng magsaka gayong sa urban gardening ay makakakain ka mayroon kang tanim, pakiramdam mo pa'y masaya aba'y may gulay ka na, may ulam pa ang pamilya tayo'y magtanim at paghandaan natin ang bukas lalo't may kwarantinang di ka basta makalabas lalo sa panahon ngayong buhay ay nalalagas dahil sa sakit na di pa nabibigyan ng lunas magtanim ng kalabasa, patola, okra, gabi tayo't mag-urban gardening na't ating masasabi sa panahon ng kwarantina, tayo'y very busy ...

Wala nang magtataho sa mga lansangan

Imahe
Wala nang magtataho sa mga lansangan aba'y wala nang magtataho sa mga lansangan pati sila'y kailangang maglagi sa tahanan ngunit isang kahig, isang tuka ang karamihan paano ang pamilya sa ganitong kalagayan pagkat panahon ngayon ng lockdown o kwarantina upang di mahawa sa sakit na nananalasa panahong sa polisiya'y dapat kang makiisa upang di mahawa ng sakit ang iyong pamilya kaysarap pa man din ng taho nilang nilalako pampatalas daw ng isip, iyan ang tinuturo kaya pala marami ang nahihilig sa taho lalo na't batang nag-aaral matapos maglaro ngunit wala nang magtataho sa mga lansangan kung kailan sila babalik ay di pa malaman sana'y malutas na ang nanalasang karamdaman upang inaasam nating taho'y muling matikman - gregbituinjr.

Ang buhay ay di pulos dilim

ANG BUHAY AY DI PULOS DILIM ang buhay ay di pulos dilim pagkat may umagang parating bagamat tayo'y naninindim sa panahon ng COVID-19 pesteng sa tao'y lumalamon si Kamataya'y nangangaon magtulungan tayo sa hamon puksain ang salot na iyon salot na iyon ay lilipas at haharap sa bagong bukas kahit na marami pang bakas iyang salot na umuutas sinaklot na tayo ng lagim diwa'y huminto sa rimarim ang buhay ay di pulos dilim may umaga ring anong lilim - gregbituinjr.

Tutulungan ba sila o tutulugan lang sila?- Batay sa twit ni Chiara Zambrano

Imahe
Mula sa twit ni Chiara Zambrano Huminto sa stoplight sa gitna ng coverage. May dalagitang  kinilig na makakita ng kotse, lumapit para manlimos. “Ate,” sinabi ko nang malakas para tagos sa n95 -  “Umuwi ka. Delikado sa labas, magkakasakit ka. Uwi na, Ate.” Ngumiti siya, at humakbang paatras. “Wala akong bahay.” TUTULUNGAN BA SILA O TUTULUGAN LANG SILA? maraming walang bahay, sa kalsada nakatira sa panahong ito'y sinong kumupkop sa kanila mahirap na nga sila, tapos, may COVID-19 pa tutulungan ba sila o tutulugan lang sila? kasalanan ba nilang isinilang na mahirap kasalanan bang hanggang ngayon sila'y naghihirap kung tamaan pa sila ng sakit, sinong lilingap kung wala silang pera't buhay ay aandap-andap sa panahong ito sana'y may lumingap sa dukha ang pamahalaan sana'y mayroon pang magawa at may mga tao pa sanang mapagkawanggawa na may puso sa pagtulong sa kapwa't kumalinga maawa din sana pati Anghel ng Kamatayan huwag silang ...

Halina't tangkilikin ang Taliba ng Maralita

Imahe
T anging publikasyon ng mga maralitang lungsod A ng pahayagang sa kapwa dukha'y tunay na lingkod L ubusan itong pinagsisikapang itaguyod I to'y alay sa dalita bilang lingkod at tanod B alita't isyu ng maralita'y nilalathala A t may susubaybayan pang komiks at laksang tula N akikibaka, magsusulat, adhika'y dakila G isingin ang diwa, magsuri, maglingkod sa madla M ay kongkretong pagsusuri sa bawat kalagayan A t misyong magmulat upang baguhin ang lipunan R ebolusyon man ay gagawin nang mamulat ang bayan A t susulatin pati prinsipyo ng sambayanan L ubos ang pasalamat namin sa tumatangkilik I to'y dyaryo ng dukha't kasangga nilang matalik T aliba natin, pag may isyu'y di tumatahimik A t kung kailangan, magmulat upang maghimagsik - gregbituinjr. * Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng  Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) * Ang mga sumusunod ang halimbawa ng unang pahina ng 20-p...

Di man kumain makabili lang ng Liwayway

Imahe
Di man kumain makabili lang ng Liwayway minsan, di kakain ng agahan o tanghalian pera'y laan sa Liwayway upang mabili ko lang pagkat ito ang tanging magasing pampanitikan na nasusulat pa sa sariling wika ng bayan kaysarap ding basahin ng komiks, kwento't sanaysay at sa tula ng mga makata'y mapapanilay ito nga'y pinag-iipunan kaya nagsisikhay kahit di kumain makabili lang ng Liwayway dati'y lingguhan, dalawang beses na isang buwan at sentenaryo na nito, dalawang taon na lang nais ko lang magmungkahi upang dobleng ganahan isang tula bawat labas ay gawing dalawahan mabuhay ang Liwayway pati manunulat nito patuloy nating tangkilikin ang magasing ito O, Liwayway, ikaw ang dahil bakit pa narito isa ka nang moog sa panitikang Pilipino - gregbituinjr.

Mabuhay ang magasing Liwayway

Imahe
M abuhay ang Liwayway, magasing pampanitikan A ko'y sumasaludo sa iyong kadakilaan G inugugol ko'y panahon upang mabili ka lang A t mabasa ang mga akda mong makabuluhan S inag ka sa diwa at rubdob ng bawat paglikha I kaw ang sa maraming manunulat ay simula N asa sinapupunan mo'y mga dakilang katha G inigising ang bayan ng mga bago mong akda L iwanag sa karimlan ng isip ang inaalay I kaw itong sa bayan ay natatanging Liwayway W ari ang mga nalathalang akda'y gintong lantay A t kami sa iyo'y lalagi nang nakasubaybay Y inayari mo'y sadyang makasaysayan sa bansa W agas at dalisay ang paglilingkod mo sa madla A sahang kami'y kasangga mo kahit walang wala Y amang ikaw ang ilaw sa bayang nagdaralita - gregbituinjr. * napili ang litratong ito ng isyu ng Liwayway  dahil nalathala kasabay ng kaarawan ng makata

Makiisa sa Earth Hour

Imahe
Makiisa sa Earth Hour M akiisa tayo sa Earth Hour, kababayan ko A t kumilos para sa nag-iiisa nating mundo K alikasang matagal nang sinisira ng tao I tong Earth Hour ay pagmulat sa katotohanan I sang aktibidad upang kumilos bawat bayan S a halaga ng pangangalaga sa kalikasan A ting gawin ang Earth Hour bilang partisipasyon S abado, huling linggo ng Marso, sa bawat taon A t isara ang ilaw ng isang oras ang layon E arth Hour, kung sa buong mundo'y sabay na gagawin A y pagtaguyod sa pag-alaga ng mundo natin R amdam agad na bawat isa'y kumikilos na rin T ahimik man nating gawin ang pagpatay ng ilaw H abang iniisip ang buhay sa mundong ibabaw H umayo't ibahagi ang aral na mahahalaw  O rganisahin na ang Earth Hour sa ating bansa U pang magpartisipa ang marami, kahit dukha R esulta'y tiyak na may bungang maganda sa madla - gregbituinjr.  03.28.2020 * Sa March 28, 2020, araw ng Sabado, ay EARTH HOUR. Halina't ma...

Tuyong hawot sa panahon ng kwarantina

Imahe
Tuyong hawot sa panahon ng kwarantina tuyong hawot na'y iniisip kong letsong kawali walang pera, kwarantina pa, wala nang mapili sa kinaing hapunan, nasasarapan kunwari wala namang masama kung magbabakasakali sa panahon ng lockdown ay ganyan ang nadarama nagkukunwari't nang sanidad ay manatili pa pagkain na'y pulos pangkalamidad o sakuna ganito ang buhay sa panahon ng kwarantina tuyong hawot ay sabayan ng hinog na kamatis sumasarap din ang kain kahit na nagtitiis huwag lang magdamot kahit sino pa ang kadais magbigay sa kapwa't dama mo'y kaysarap, kaytamis kaysarap ng hawot, isipin lang ito'y adobo at sa gutom ay makakaraos ka rin ng todo - gregbituinjr.

Paumanhin, di ako palakwento

huwag na ninyong hilinging magkwentuhang matagal dahil nais nyo akong makasama ng matagal nais nyong magkwento ako ng aking pagkahangal? para lang kayong nakikipagkwentuhan sa banal! sa tortyur nga, hindi nila ako napagsalita sa mga kwentong barkada o usapan pa kaya lumaki akong mahilig magsulat, di dumada kung nais nyo ng kwento ko, aklat ko'y basahin nga sa kwento'y marami kayong mapupulot na aral ang tula'y pawang kritisismo sa nasa pedestal at may mga upak din sa mga pinunong hangal ngunit may paghanga rin sa mga dalagang basal di ako pipi, di lang ako madada sa inyo muli man akong tortyurin, di ako palakwento kung nais nyong mabatid anong nasa isipan ko basahin ang tula't mababasa ang pagkatao - gregbituinjr.

Pagninilay habang nagsisibak

nasa liblib na muna't panahon ng kwarantina nagninilay, kumakatha, wala pa ring pahinga dapat ding tumulong sa bahay, kusina, maglaba, maglampaso, magsibak ng panggatong, mamalantsa dapat ding pag-ingatan ang pagsisibak ng kahoy habang nasa diwa'y kung anu-anong pananaghoy na pinagmamasdan ang kongreso ng mga baboy habang maraming matitikas ang naging palaboy gamit ko sa pagsibak ang matalas na palakol pagsibak ng punong mulawin ay pauntol-untol malambot ang ipil-ipil na madaling maputol pag bao ng niyog ay gulok naman ang hahatol samutsari ang nasa isip habang nagsisibak anong dapat gawin upang di gumapang sa lusak kinakatha kung paano iiwasan ang lubak ng diwa't damdaming umaararo sa pinitak - gregbituinjr.

Matindi talaga ang epekto ng COVID-19

Imahe
matindi talaga ang epekto ng COVID-19 dalawang beses na lang kada araw kung kumain minsan akala mo'y busog ka ngunit gutom pa rin  parang natortyur muli, kwarantina'y piitan din madaling araw gigising, tindahan pa'y sarado ikasiyam pa ng umaga magbubukas ito si Bunso'y iyak ng iyak, naubos na ang Nido at iisang balot na lang ang natitirang Milo mabuti't nakabili pa ng isang sakong bigas bago pa patakaran sa kwarantina'y ilabas paubos na ang naimbak na nudels at sardinas mabuti't may alugbating agad na mapipitas kung laging alugbati ang ulam, nakakasawa gulay na't nudels, walang mabilhan ng karne't isda sa COVID-19, tila bawat isa'y kaawa-awa di makapagtrabaho, ramdam mo'y walang magawa ang mga dating pinagpala'y naging mapag-imbot kahit ang mga dating galante'y naging kuripot ugnayan ng tao'y nawala, nauso ang damot habang nabubundat naman yaong trapo't kurakot pamilya'y...

Tanghalin mang bangkay, tuloy ang laban

Imahe
TANGHALIN MANG BANGKAY, TULOY ANG LABAN "Sa inyong pamimiyapis, mangyayaring abutin ang kayo’y tanghaling bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; nguni’t ito’y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan." ~ ikalawang talata ng akdang "Mararahas na mga Anak ng Bayan" ni Gat Andres Bonifacio sa pakikibaka, isang paa na'y nasa hukay sa pagbaka, tanggap mong maaari kang mamatay anu't anumang mangyari'y tatanghalin kang bangkay ngunit nasa isip pa rin prinsipyo't magtagumpay wastong asal iyan ng isang rebolusyonaryo na inaral ang lipunan, niyakap ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay nitong tao sa mundo at pagtatayo ng isang lipunang makatao tanghalin man kaming bangkay, tanggap namin ang hamon kolektibo naming gagampanan ang aming misyon adhikain at prinsipyong kaakibat ng layon sistemang bulok ay babaguhin ng rebolusyon patuloy na organisahin ang masang dalita upan...

Pang-unawa sa panahon ng COVID-19

Imahe
may diskriminasyon ba mula sa ilang probinsya? kung nanggaling kang Wuhan, China, o Metro Manila? pag galing ka bang Maynila, kahina-hinala na mula N.C.R., buong Luzon na ang kwarantina upang sa COVID-19 ay di tayo mabiktima inunawa naman natin ang dapat unawain upang di naman tayo mahawa ng COVID-19 subalit karapatang pantao ba'y nasasaling? salamat naman kung may nagbibigay ng pagkain nakikita lang sa balita ngunit di maangkin hanggang kailan ba magtitiis laban sa salot di na makalabas ng bahay at baka madampot nagtitiis mamaluktot pag maiksi ang kumot kaunti na lang ang nakakain, nakalulungkot paano malalagpasan ang nangyayaring gusot kumusta ang mga maralitang walang tahanan at ang mga nagsilikas nang pumutok ang bulkan paano ang mga manggagawang di masahuran nilalagnat na ang daigdig at ang ating bayan sa panahong ito'y dapat lang tayong magtulungan - gregbituinjr.

Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19

Imahe
Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19 magpatuloy sa pagbabasa ng mga teorya ng mga bayaning nagtagumpay na sa pagbaka suriin ang mga karanasan nila't historya paano nila binago ang bulok na sistema iyan muna ang gawin habang nasa kwarantina bakasakaling may idulot din itong mabuti anong teoryang inaral mo, anong masasabi magbasa-basa, mag-aral umaga hanggang gabi mga nabasa mo'y ibahagi't huwag iwaksi pag kwarantina'y natapos na'y makipagdebate habang nag-iisip saan kukunin ang pangkain at paano COVID-19 ay ating pipigilin paghandaan ang paparating na kakabakahin magbayanihan pa rin upang di tayo gutumin sa panahong ito ng ligalig sa bayan natin - gregbituinjr.

Madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa

madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa nagbubulay-bulay, nakikibaka't kumakatha paano ba magwawagi ang uring manggagawa ibagsak ang sistemang bulok ng mga kuhila di maaaring agila'y lagi sa papawirin napapagod din ito't tiyak magpapahinga rin di buong buhay niya'y makalulutang sa hangin bababa rin siya't maghahanap ng makakain di mapamunuan ng ibon ang isda sa dagat sapagkat magkaiba sila ng uri at balat tulad ng kaibhan ng dukha't mayayamang bundat lalo't dukha'y laging gutom at sa yaman ay salat paano pamumunuan ng burgesya ang masa? sasakalin sa leeg upang mapasunod nila? paano ba mababago ang bulok na sistema? maninikluhod na lang sa panginoong burgesya? madaling araw, mag-uumaga, bukangliwayway tanghali, hapon, dapithapon, laging nagninilay takipsilim, hatinggabi, at patuloy ang buhay puputok na ang liwanag, ikaw ba ay sasabay? - gregbituinjr.

Sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib

sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib manggagawa'y di na makapagtrabaho ng tigib sarado ang mga lungsod, tira muna sa liblib tinatahanang dampa animo'y palasyong yungib nauubos na ang pondo't gutom na ang kaharap dahil sa salot ay naapektuhan ang pangarap ngunit sino nga ba ang sa bawat isa'y lilingap kundi tayo-tayo rin, at bawat isa'y mangusap dahil ss salot, nagkwaratina't di mapalagay nagmistulang ermitanyo sa liblib na barangay tangan ang kwaderno'y kung anu-anong naninilay huwag lamang mahawa ng sakit na lumalatay naiinis sila't isip ng isip ang makata kaysa manood ng telebisyon, katha ng katha sulat man ng sulat ay nakikinig ng balita huwag lang sa kwarantina, sanidad ay mawala - gregbituinjr.

Tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon

Imahe
tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon inaaliw ang sarili sa kwarantina roon paano ba itutuloy ang sinumpaang misyon at magampanang husay ang adhikain at layon sa mga nangyayari'y paano makatutugon balikan ang mga sinulat ng bayaning mulat habang nasa kwarantina pa'y magbasa ng aklat paano aayusin ang mga basurang kalat pagkakaisa ng uri'y paano isusulat tara, uminom muna ng masarap na salabat - gregbituinjr.

Patuloy pa ring nakakuyom ang aking kamao

patuloy pa ring nakakuyom ang aking kamao tandang nasa pakikibaka ang iwing buhay ko mula sa proletaryo ang niyakap na prinsipyo nagsusulat, nagpopropa para sa sosyalismo nag-asawa man, o may pagbabago man sa buhay ngunit para sa layon, patuloy na nagsisikhay pagkat ito na'y sinumpaang tungkulin at taglay sa puso't diwa, at mismong buhay ko ang patunay saanman ako naroroon, saanman mapunta patuloy kong gagampanan ang pag-oorganisa upang sama-sama naming baguhin ang sistema obrero'y maitayo ang lipunang sosyalista di magmamaliw ang layunin at adhikang iyon tuloy ang pagbaka sa kasalukuyang panahon sa buong buhay ko'y dapat matupad ko ang misyon dapat ipagwagi ng obrero ang rebolusyon - gregbituinjr.

Naglalatang ang poot sa gabi ng mga unos

naglalatang ang poot sa gabi ng mga unos sisiklab ang galit ng masa sa pambubusabos ng mga yumaman sa pagsasamantalang lubos at sa bangin ng dusa dinala ang mga kapos masakit sa mata ng mayayaman ang iskwater kaya pupuksain nila kahit na dukhang mader sa kapitalismo'y tuwang-tuwa ang mga Hitler lalo na ang mga hunyangong may tangan sa poder kulangpalad na dukha'y lagi pang kinukulata tila di tao ang trato sa mga maralita walang modo, walang pinag-aralan, hampaslupa kaya nais pulbusin ng naghaharing kuhila bumagyo't bumaha man, dalita'y maghihimagsik bubunutin nila sa lipunan ang laksang tinik pribadong pag-aari'y aagawin nilang lintik upang ipamudmod sa dukhang laging dinidikdik - gregbituinjr.

Salamisim ng isang ermitanyo

Imahe
Salamisim ng isang ermitanyo ako'y ermitanyong nanahan sa malayong yungib kaysarap mamuhay roon pagkat payapa't liblib magtatanim, mangangaso, basta't kaya ng dibdib ngunit dapat alam umiwas sa mga panganib pakuya-kuyakoy man, nag-iisip, nagninilay malayo sa kalunsurang punong-puno ng ingay o, kaylamig ng hangin habang nagpapahingalay habang nasa duyang sinabit sa punong malabay pinagmamasdan ko ang mga bituin sa gabi pag nakahiga na sa munting dampa't nagmumuni kumusta kaya ang lipunan ng tuso't salbahe? mapagsamantala pa rin ba sila't walang paki? lumayo man ako sa lungsod nang makapag-isip nais ko pa ring tumulong upang dukha'y masagip ngunit kung ermitanyo na't iba nang nalilirip di ko pa batid, buti pang ako muna'y umidlip - gregbituinjr.

Hibik sa World Water Day

Imahe
Hibik sa World Water Day H ibik sa World Water Day nitong manggagawa't dukha: I baba ang presyo ng tubig! Ibaba! Ibaba! B akit pinagtubuan ang likas-yaman ng bansa? I to'y serbisyo, di negosyo ng tuso't kuhila! K arapatan ito ng tao, ng lahat, ng madla! S ubalit inaangkin ito ng ilang maykaya A ng tubig na'y ninenegosyo ng kapitalista W aring ito'y likas-yamang inari ng burgesya O o, pag-aaring nagpapayaman sa kanila R aket ng mga kuhila't dusa naman sa masa! L ahat may karapatan sa tubig. Inyo bang dinig? D apat sinumang umangkin nito'y ating mausig! W inaglit na ba ang ating karapatan sa tubig? A t dahil ito sa kapitalismong bumibikig? T eka muna, ang bayan ay sa tubig nakasandig! E spesyal ang tubig sa ating bawat mamamayan R amdam nilang pag nagmahal ito'y dagok sa tanan D i ito dapat magmahal, tao'y pahihirapan! A ng tubig ay para sa lahat, sa dukha't mayaman Y amang tubig na di dapat inaari ninuman! - gregbituin...

Tula sa World Forestry Day

Imahe
TULA SA WORLD FORESTRY DAY W orld Forestry Day ang bunying araw ng kagubatan O o, ang pangangalaga nito'y pananagutan R amdam mo ba bakit mga puno'y sinusugatan? L alo't kaylaki ng silbi nito sa sambayanan... D ahil pagkasira nito'y may epekto sa atin F orest o gubat, ito'y pagnilayan nang masinsin O  suriin bakit ito'y dapat mahalagahin R inig mo ba ang tibok ng gubat sa bayan natin? E stado nito'y nakakalbo, ano bang nangyari? S akim ay ginawang troso ang puno't pinagbili T inagpas ang puno nang magkapera ang salbahe R inagasa ang pagputol, di ako mapakali. Y umayanig sa puso pag gubat na'y winawarat D ahil karugtong ng buhay ang ating mga gubat A h, gubat na'y alagaan ng buong pag-iingat Y amang ito'y yaman ng bayang protektahan dapat. - gregbituinjr. 03.21.2020

Soneto 3 sa World Poetry Day 2020

Imahe
Soneto 3 sa World Poetry Day 2020 (sa anyo ng 2-3-4-3-2) W orld Poetry Day, na isang araw ng panulaan O  araw ng makata't ng tulang may katuturan R amdam mo ba pati tibok ng tulang bibigkasin L asap mo ba paanong taludtod ay bibigkisin D ama mo bang pinapatag ang daang lalandasin P antighaw sa nadamang uhaw ng mananaludtod O rganisadong saknong na di sana mapilantod E spesyal na paksa'y sa alapaap natalisod T alinghaga't taludturang tunay sa paglilingkod R inig mo ba ang bawat hibik ng obrero't dukha Y amang wala silang yamang di nila napapala D usang nararanasan ay paano mawawala A sahang sa World Poetry Day, tayo'y magtulaan Y apos ang prinsipyong pagkakapantay sa lipunan - gregbituinjr. 03.21.2020

Soneto 2 sa World Poetry Day 2020

Imahe
Soneto 2 sa World Poetry Day 2020 W alang tula kung walang mga makatang kumatha O po, pagnilayan mo ang kanilang talinghaga R indi man ay madarama sa kanilang kataga L alo't ginagabayan ng mga wastong salita D ahil tula ang buhay nilang pawang palaisip P rinsipyo't pilosopiya'y karaniwang kalakip O rganisado, may tugma't sukat na halukipkip E dukado, di man nag-aral, katha'y nililirip T aludtod at saknong ay hinahabi ng mataman R ebolusyon man ay kakathain para sa bayan Y ayariin ang tulang may lambing o kabangisan D ahil ito'y ambag ng makata sa santinakpan A numang mangyari, tula nila'y di pagkakait Y umanig man sa daigdig, kakatha silang pilit. - gregbituinjr. 03.21.2020

Soneto 1 sa World Poetry Day 2020

Imahe
SONETO SA WORLD POETRY DAY W orld Poetry Day, na isang araw ng panulaan O  araw din ng mga makata't talinghagaan R ahuyo ang indayog, tugma't sukat, kainaman L uluhod ang mga bituing pinagpitaganan D ahil ang tula'y hiyaw at bulong ng sambayanan. P ag-ibig ang kinatha't tila ba may pangitain O , pagsintang tunay na makapangyarihan pa rin E spesyal na araw na di galing sa toreng garing T alinghagang mula sa pawis ng masang magiting R amdam ang bawat danas at salitang dapat dinggin Y umayanig sa kaibuturan ng diwang angkin. D idiligin ng salita pati tibok ng puso A t nadarama'y bibigkasin nang di masiphayo Y apos ang mga taludturang sa putik hinango. - gregbituinjr. 03.21.2020

Ang tulang "Estremelenggoles" sa panahon ng COVID-19

Imahe
ANG TULANG "ESTREMELENGGOLES" SA PANAHON NG COVID-19 nabasa ko na noon ang tula ni Rio Alma na "Estremelenggoles" ang ipinamagat niya hinggil sa sakit na sa isang bansa'y nanalasa at ang hari'y nag-atas na lutasin ang problema ang sakit na yaon ay COVID-19 ang kapara tula niya'y sa utak ko na lang natatandaan pagkat wala sa akin ang aklat na katibayan marahil nasa ibang bahay o nasa hiraman ngunit "Estremelenggoles" ay di ko nalimutan lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan maraming namatay sa sakit, kahila-hilakbot samutsari na'y ginawa ng mga manggagamot upang malunasan ang sakit na sa madla'y salot nilinis ang buong paligid, basura'y hinakot di malaman kung saan mula ang sakit na dulot problema'y di malunasan, palala ng palala ngunit nilutas ng makata sa dulo ng tula hari'y nagbigti, Estremelenggoles, biglang-bigla sakit ay nawala, kaya buong baya'y natuwa aral: COVID-19 ay malulunasan d...

Ang maglingkod sa bayan

Imahe
ANG MAGLINGKOD SA BAYAN "The most fulfilling life is the life in service of others." ~ Edgar Jopson mabuhay ka, Edgar Jopson, sa iyong sawikain na sa pakiwari ko sa bayan ay tagubilin magandang prinsipyong nararapat lamang yakapin pagkat di makasarili, maganda ang layunin iyan din ang panuto sa nagisnang paaralan mula elementarya, hayskul hanggang pamantasan maglingkod, di sa sarili, kundi sa kapwa't bayan di magpayaman, kundi maglingkod sa sambayanan sa Kartilya ng Katipunan, aral nito'y ambag sa unang taludtod pa lang nito'y mapapapitlag buhay na di ginugol sa layuning anong rilag ay kahoy na walang lilim o damong makamandag hanggang ngayon, aral na iyan ay magandang gabay nang magkaroon ng kabuluhan ang iwing buhay kaya ayokong nakatunganga o nakatambay magsikhay, di sa sarili, kundi layuning lantay "Iisa ang pagkatao ng lahat," itong sabi ni Gat Emilio Jacinto, bunyi nating bayani kaya sa buhay...

Kamayan Forum, Tatlong Dekada

Imahe
KAMAYAN FORUM, TATLONG DEKADA K amayan para sa Kalikasan Forum, pagbati A t kayo'y nakatatlong dekadang nananatili M ahusay ang pamumuno't sadyang pagpupunyagi A t di tumigil sa inyong pagkilos na masidhi Y umabong pa sana kayo't nawa'y naritong lagi A ko'y taospusong nagpupugay sa inyong lahat N a kung wala kayo, ako'y wala rin ditong sukat F orum na maraming kamaliang isiniwalat O  tinalakay kung saan problema'y siniyasat R inig at dama ang kalikasang inuurirat U pang bakasakaling malutas na ang problema M asa'y mamulat, kalikasa'y alagaan nila T atlong dekada na ang Kamayan Forum, tatlo na A t patuloy pang iiral ang forum sa tuwina T unay ngang inambag ng forum sa bansa'y pamana L agumin ang kasaysayan ninyo'y kaysarap damhin O o, pagkat tatlong dekada'y kaygandang limiin N a pati pintig ng kalikasan ay ating dinggin G reen Convergence, SALIKA, CLEAR, sa iba'y salamat din D edi...

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

Imahe
ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio. Sa aklat na  "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK"  na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat:  25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghi...

May kwento bawat dukha

MAY KWENTO BAWAT DUKHA (6 pantig bawat taludtod) may kwento ang bawat dukhang di masukat sila'y laging salat ang maykaya'y bundat turing ng maykaya hampaslupa sila sa luha'y sagana pasasa sa dusa palad nila'y buksan hipuin ang tiyan dama'y kagutuman sa ating lipunan sila'y nilulugmok ng sistemang bulok masa'y binubukbok sa bayang inuk-ok kaya pinangarap nilang mahihirap tapusin ang lasap na kinakaharap gisingin ang bayan imulat ang tanan sistema'y palitan ng bagong lipunan pagsasamantala'y dapat mawala na bulok na sistema'y pawiin ng masa silang mga kapos ay dapat kumilos at wakasang lubos ang pambubusabos - gregbituinjr. * Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, p. 20

Salamat sa alkohol

Imahe
SALAMAT SA ALKOHOL nagkakaubusan na ng nabibiling alkohol sa mga tindahan, sa botika, grocery at mall pinakyaw ng maypera nang walang kagatul-gatol habang ang iba'y naubusan na't di nakahabol pagkat pananggol ang alkohol sa banta ng COVID subalit ang mga namakyaw ay mistulang ganid na di naisip ang kapwa't kababayang kapatid isip ay sarili sa problemang salot ang hatid dapat lumikha pa rin ng alkohol sa pabrika ngunit doblehin ang sahod ng manggagawa nila alkohol nga'y kailangang-kailangan ng masa huwag lang pagtubuan, bagkus itindang mas mura O, alkohol, ikaw ang una upang sansalain ang bantang salot ngayong panahon ng COVID-19 kayraming mikrobyo sa mundong dapat mong durugin tunay kang bayaning dapat pasalamatan namin - gregbituinjr. 03.18.2020

Pagninilay sa panahon ng COVID-19

Imahe
PAGNINILAY SA PANAHON NG COVID-19 aba'y di ito ang panahon ni Cupid, datapwat sa panahon ng COVID-19, sakit na'y nagkalat habang mga gobyerno sa bansa nila'y nag-ulat epidemya'y daigdigan na ang isiniwalat marami'y nabigla, nagkumahog, hilong talilong ayaw mahawaan, kaya sa bahay na'y nagkulong community quarantine ang sa masa'y sumalubong upang maiwasan ang sakit na dumadaluhong dito nga sa bansa'y nagpanic-buying na ang tao upang maibsan ang gutom kung lalala pa ito sundalo't pulis na'y nasa daan, tila martial law obrero'y pinigilan, sa bahay daw magtrabaho tila dinaluhong tayo ng dambuhalang lintik epidemyang salot sa buong mundo na'y nahasik sa problemang ito'y di dapat magpatumpik-tumpik dapat ito'y malutas bago mata'y magsitirik - gregbituinjr. 03.18.2020

Sa gabi ng mga kuliglig

SA GABI NG MGA KULIGLIG naririnig ko ang kuliglig sa gabing madilim tulog pa sila kaninang tanghaling makulimlim ngayon, kay-iingay nila't tila may sinisimsim sa isang punong malabay na noon pa tinanim magkapitbisig, ang hiyawan ng mga kuliglig puso ng kalikasan ay pakinggan bawat pintig damhin ang init ng bawat isa ngayong taglamig at sabay-sabay umawit sa malamyos na tinig dinig ng taumbayan ang awitang kakaiba animo'y iniindayog ng magandang musika sa pusikit na karimlan anaki'y may orkestra at ipinagdiriwang ang buhay na taglay nila salamat sa mga awit sa malungkot na gabi at nagninilay habang nakatitig sa kisame nakikinig sa kuliglig sa kantang hinahabi ang umaga'y panibagong pag-asa, yaong sabi - gregbituinjr.

Tinititigan ko ang mga bituin sa gabi

tinititigan ko ang mga bituin sa gabi nakatunganga sa langit, tila di mapakali nasaan kaya ang Big Dipper o Alpha Centauri? at nasaan din ang Orion's Belt na sinasabi? mas mainam yata kung may sariling teleskopyo marahil ay tulad ng ginamit ni Galileo sumusulpot ba ang bulalakaw minu-minuto? o matagal-tagal na panahong hintayan ito? marahil malayo-layo pa'y aking tatahakin upang pag-aralan ang buhay ng mga bituin suriin di lang daigdig kundi kalawakan din mga buntala ba'y sa araw umiikot pa rin? ang mga bituin sa gabi'y tala sa umaga subalit dahil sa araw ay di natin makita noon pa hanggang ngayon, bituin ay nariyan na gabay ng mandaragat, sa karimlan ay pag-asa - gregbituinjr.

Si Espiridiona Bonifacio

Imahe
SI ESPIRIDIONA BONIFACIO Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Sino nga ba si Espiridiona Bonifacio, o Nonay? At ano nga ba ang ambag niya sa Katipunan? Nakabili ako ng dalawang aklat na tiglilimampung piso lang ang isa noong Disyembre 9, 2019 na pumapatungkol kay Gat Andres Bonifacio at sa Katipunan. Ito'y ang " Kartilyang Makabayan" , na sinulat ni Hermenegildo Cruz (Inilimbag sa Maynila noong 1922), umaabot ng 70 pahina, at ang  "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"  na sinulat ni Jose P. Santos (Ikalawang Pagkalimbag, 1935), umaabot naman ng 43 pahina. Dito'y nabasa ko ang ilang tala sa buhay ni Ginang Espiridiona Bonifacio. Bagamat sa isang aklat ay mali ang tala, na iwinasto naman sa isa pang aklat. Sa pahina 6 ng "Kartilyang Makabayan" ay ganito ang nakasulat: "2. - Nagkaroon ba siya ng mga kapatid? (na tumutukoy kay Gat Andres Bonifacio) - Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona, at Troadio. Ang dalawan...