Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2021

Pahabol na tula sa 2021

Imahe
PAHABOL NA TULA SA 2021 aming pagbati sa pagsalubong sa Bagong Taon sa inyo habang kaharap ang panibagong hamon lalo na't ilang buwan na lang bago mag-eleksyon upang magkaroon na ng pagbabago sa nasyon isang bansang nagpapahalaga sa karapatan at pinaiiral ay panlipunang katarungan itatayo ang asam na makataong lipunan kung saan bawat mamamayan ay naggagalangan mabuhay kayo, kapamilya, kapuso, kalahi bangayan at siraan ay di dapat manatili kundi magkapitbisig ang magkapatid sa uri at labanan ang dinastiya't tusong naghahari kami'y taospusong bumabati sa inyo ngayon pasasalamat sa mga nakasama sa layon huling hirit na tula sa pagtatapos ng taon ang aming handog, sa inyo,  Manigong Bagong Taon! - gregoriovbituinjr. 12.31.2021

Sa pag-uwi

Imahe
SA PAG-UWI nagkatuwaan kami sa traysikel na nasakyan dahil sa loob ay saglit kaming naglitratuhan ikasampu na ng gabi nang umuwing tahanan kami ni misis mula pamamasyal at lambingan mabuti't walang unos, di umulan buong araw subalit pusikit na gabi'y sadyang anong ginaw walang buwan, bagamat may bituing natatanaw masaya ang damdamin, paligid ay di mapanglaw may bilin sa traysikel na nilitratuhan noon na nagsasabing  "Huwag tapakan"  ang bandang iyon huwag daw ang mga paa'y itukod o ituon upang di bumaligtad yaong nakasakay roon simpleng paalala upang di tayo madisgrasya mga numerong nuwebe'y tila nakangiti pa sapatos ko't may kyutiks na daliri niya'y kita na habang naglalambingan ay di natataranta -gregoriovbituinjr. 12.31.2021

Bawal magyosi

Imahe
BAWAL MAGYOSI "Saan ang smoking area n'yo dito?"  kanyang tanong "Doon ho! Mga limang milya mula dito!"  tugon sa kanya ng manang, gayong magpapaputok doon upang salubungin ang palapit na Bagong Taon kaygandang bungad, bawal doon ang manigarilyo kung nais mong magyosi, limang milya'y lakarin mo tila ba environmentalist ang manang na ito kapuri-puri rin ang komiks sa mensahe nito paano kung may yosi'y may labintador na tangan kunwa'y magyoyosi, paputok pala'y sisindihan baka makadisgrasya pa't daliri'y maputukan mabuti na lang at alisto ang matandang manang nawa'y alagaan pa rin ang kalikasan natin pati daliri ng mga bata'y alagaan din pag nawalan ng daliri'y habambuhay dadalhin ng maputukan, pagsisisi'y nasa huli man din - gregoriovbituinjr. 12.31.2021 * litrato mula sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, 12.31.2021, pahina 10.

Mensahe sa payong

Imahe
MENSAHE SA PAYONG napakainit ng panahon, dama'y alinsangan sa isang mapagpalayang pagkilos sa Diliman nang matanaw ko ang nakapayong na mga manang kayganda ng tatak sa payong at nilitratuhan panawagan iyong sa aking puso'y ibinulong nang sa rali't mainit na semento'y nakatuntong sa tumitinding klima'y saan ba tayo hahantong na kung di malutas, danasin ay kutya't linggatong Araw ng Karapatang Pantao noong magrali habang mga lider-masa'y nagbigay ng mensahe na huwag ipanalo ang mga tusong buwitre at buwagin na ang mga political dynasty gayunman, mensahe sa payong ang agad nakita ngayon, nanalasang Odette ay nararamdaman pa ng mga tao't maraming lugar na sinalanta anong tindi bagamat di sintindi ng Yolanda mensahe yaon nang buhay ay di basta mapatid upang tao'y di masadlak sa kumunoy na hatid mahalagang mensaheng marapat nating mabatid upang sa pusikit na gabi'y di tayo mabulid - gregoriovbituinjr. 12.31.2021 * litratong kuha ng makatang gala sa ral...

Kulob

Imahe
KULOB bakit kailangan ko laging umalis ng bahay aba'y kulob na't mainit, di makahingang tunay sa kalunsuran, tila katawan ko'y di na sanay sa kulob na tahanan ay sadyang di mapalagay kaya madalas ay doon na lang ako sa opis papasok, magtrabaho sa kompyuter, maglilinis may tanim, mahangin, malawak, bola ma'y ihagis mag-ingat lang, may lumilipad na yerong manipis nais kong makapagsulat sa loob ng tahanan habang nagninilay ng mga isyu sa lipunan subalit kung kulob ay apektado ang isipan ang wastong kataga'y di maapuhap sa kawalan may bentilador man, sakit sa ulo'y di wariin lalabas at lalabas ng bahay kahit lambingin kaya abang kanlungan ay malimit kong lisanin nang makasagap bahagya man ng sariwang hangin - gregoriovbituinjr. 12.30.2021

Haka, Agos, Layag

Imahe
BUKREBYU: TATLONG AKLAT NG SALIN NG MGA KWENTONG EUROPEANO Tatlong aklat ng salin ng mga kwentong Europeano ang aking nabili nitong Disyembre. Ang una'y ang  HAKA, European Speculative Fiction in Filipino  na nabili ko noong Disyembre 11, 2021 sa Solidaridad Bookshop sa P. Faura St., sa Ermita, Maynila. Naisipan kong balikan ang dalawa pa upang makumpleto ang tatlong aklat ng salin. Kaya bumalik ako ng Disyembre 14, 2021 sa nasabing tindahan ng aklat upang bilhin ang  AGOS, Modern European Writers in Filipino  (na marahil dapat ay Modern European Writings in Filipino), at ang  LAYAG, European Classics in Filipino . Nang makita kong nasa wikang Filipino ang mga kwentong banyagang ito ay agad akong nagkainteres kaya nang magkapera'y aking binili dahil bihira lang ang mga ganitong aklat na wala sa iba pang bookstore. Kumbaga, pampanitikan na, nasa sariling wika pa. Kaya mas madali nang mauunawaan ang kwento. Magandang proyektong pangkultura ang pagsasalin. Ang bawa...

Panawagan

Imahe
PANAWAGAN napadaan lang ako noon sa U.P. Diliman nang makita yaong nakasulat na panawagan "Contractual, Gawing Regular" , aba'y marapat naman lalo na't islogang makatao't makatarungan panawagan nilang ito'y sadyang napapanahon anuman ang kanilang unyon o organisasyon kabaong sa manggagawa ang kontraktwalisasyon kapitalistang pandaraya ang iskemang iyon kaya nag-selfie ako sa islogang nakasulat bilang pakikiisa sa manggagawa, sa lahat ng nakikibaka, lalo sa mga nagsasalat sa mga obrero'y taas-noong pasasalamat O, mga manggagawang kontraktwal, magkapitbisig manggagawang regular ay kakampi ninyo't kabig  kayong iisang uri'y magturingang magkapatid iskemang kontraktwalisasyon nga'y dapat mapatid - gregoriovbituinjr. 12.29.2021

Anibersaryo

Imahe
ANIBERSARYO kaunti lang kami sa tanggapan ng mga dukha nang anibersaryo'y ipinagdiwang ng dalita iba'y sa zoom online nagbigay ng pananalita maraming di nakadalo nang tamaan ng sigwa bagamat kaunti ang nagsama-samang nagdiwang subalit diwa nito sa bawat isa'y may puwang habang patuloy sa nasang makataong lipunan upang bawat isa sa lipunan ay makinabang sa kakaunting handa bawat isa'y salu-salo nag-awitan, nagtugtugan, nagsayawan, nagkwento nagpahayag ang mga lider ng dukha't obrero pinataas ang moral, pinalapot ang prinsipyo taas-kamaong pagbati sa lahat ng kasama habang nagpapatuloy ang ating pakikibaka para sa pangarap na mapagpalayang sistema kung saan umiiral ang panlipunang hustisya - gregoriovbituinjr. 12.29.2021 * Ang litrato'y kuha noong Disyembre 18, 2021 sa ika-35 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa tanggapan nito sa Lungsod ng Pasig

Ang bagyong Odette at ang Climate Change

Imahe
ANG BAGYONG ODETTE AT ANG CLIMATE CHANGE Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Katatapos lang nitong Disyembre ang COP 26 sa Glasgow, Poland kung saan pinag-usapan kung paano lulutasin ang epekto ng climate change o nagbabagong klima sa buong daigdig. Iyon ang ika-26 na pagpupulong ng Conference of Parties on Climate Change na nilalahukan ng mga pamahalaan ng iba't ibang bansa. Pinag-usapan kung paano mapapababa ang epekto sa atin ng nagbabagong klima. At ngayon naman, rumagasa ang bagyong Odette (may international name na typhoon Rai) na ikinasalanta ng maraming lugar sa Kabisayaan. Isa ba itong epekto muli ng nagbabagong klima? Ayon sa NDRRMC Situational Report No. 4 for Typhoon ODETTE (2021) noong Disyembre 18, 2021, ang sumusunod na lugar ang sinalanta ng nasabing bagyo: Typhoon “ODETTE” Landfalls: 1:30 PM, 16 December 2021 in Siargao Island, Surigao del Norte 3:10 PM, 16 December 2021 in Cagdianao, Dinagat Islands 4:50 PM, 16 December 2021 in Liloan, Southern Le...

Aklat ng saribuhay

Imahe
BUKREBYU: ANG REGALONG AKLAT NG MAKATANG GLEN SALES Nakasama ko nang minsan sa pagtitipon ng mga makata sa Luneta si Glen Sales, isang guro at makata mula sa lalawigan ng Quezon, sa isang aktibidad ng grupong KAUSAP, kasama ang nagtayo nitong si Joel Costa Malabanan, na guro naman sa pamantasan. Hanggang sa nila-like niya ang mga tula ko sa pesbuk at nila-like ko rin ang kanyang mga tula. Nitong nakaraan lamang ang pinadalhan niya ako ng librong "Biodiversity in the Philippines" ni Almira Astudillo Gilles, na nasa 56 na pahina. Makulay ang mga nilalaman at hinggil sa kalikasan. Alam daw niyang interes ko ang isyung pangkalikasan kaya niya iyon ibinigay sa akin. Natanggap ko nitong Disyembre 20, araw ng Lunes. Dahil dito'y taospusong pasasalamat ang aking ipinaabot. Agad kong binuklat at binasa ang mga nilalaman. Ang nasabing aklat ay batayang aralin hinggil sa kalikasan at kagandahan ng ating saribuhay o bayodibersidad. At sa pambungad pa lang ay nagsabi pang kung nais na...

Kwentong agham

Imahe
Dalawang aklat ng science fiction Nabili ko ang librong The Caves of Steal ni Isaac Asimov sa BookEnds sa Baguio City noong Nobyembre 12, 2021, na may 270 pages, P120.00. Nabili ko naman ang HAKA: European Speculative Fiction in Filipino sa Solidaridad Bookshop nitong Disyembre 11, 2021, sa halagang P250.00, 322 pages. Aba'y nasa sariling wikà ang HAKA, 16 na science fiction mula sa 16 na bansa sa Europa, na isinalin sa wikang Filipino. Hanep talaga! Inspirasyon ang mga science fiction books na ito upang ganahan ako muling magbasa at magsulat ng maikling kwento, lalo sa panahong nananamlay ang aking panulat. MGA KWENTONG AGHAM aba'y anong sarap kong ninamnam yaong samutsaring kwentong agham di man dalumat ang inaasam ngunit pagbabasa'y anong inam mula sa diwa ko't niloloob ay kung anu-anong nakasukob kaya sa pagbabasa'y sumubsob sa akda ni Isaac Asimov isa pang kahanga-hangang libro'y samutsaring akdang Europeano labing-anim na maikling kwento'y sinalin sa w...

Minimum na pamasahe

Imahe
MINIMUM NA PAMASAHE Disyembre 11, 2021, Sabado, nalitratuhan ko ang paskil ng pamasahe sa dalawang magkaibang dyip. Umaga, pagsakay ng biyaheng San Andres-Faura, P9 ang minimum na pamasahe. Wala ang kasama nang pinuntahan dahil nasunugan. Umalis daw. Kaya nagtungo na lang sa Solidaridad Bookshop sa Faura, bumili ng inaabangang aklat, ang Balatik, bago nagtungo ng opis sa Pasig. Gabi, pagsakay ng dyip na biyaheng Pasig palengke - Crossing, P10 na ang minimum na pamasahe. Magkaibang minimum na pamasahe sa dyip Piso mang diperensya sa bulsa'y halukipkip Sa biyaheng samutsari'y aking nalilirip Nakunan ng litrato ang sa mata'y nahagip Mahal na pamasahe'y tila nakabibigti Lalo't butas na ang bulsa'y di pa mapakali Buti kung sa swelduhang trabaho'y laging busy Pa'no kung walang sweldo, kulang ang pamasahe Heto, kumikilos pa rin kahit walang sahod Aba'y maglakad na lang kahit saan umabot Hanggang marating ang lugar at makapaglingkod Sa kapwa maralitang ang b...

Yero

Imahe
YERO habang nagninilay ay biglang umihip ang hangin anong lakas, isang yero ang patungo sa akin agad akong kumilos at baka ako'y abutin buti't nakailag kundi sugat ang tatamuhin maaliwalas naman ang langit, wala ring bagyo subalit bakit sa akin ay may patungong yero nanggaling iyon sa labas, yero kaya'y kanino may badya bang delubyo, aba'y muntikan na ako ako'y nahiga sa papag, sa langit tumingala bughaw ang panginorin at puno ng talinghaga katatapos lang ng pulong ng mga maralita nang umihip ng malakas, akala ko'y may sigwa buti't di sumugat sa akin ang yerong matalas ano kayang pahiwatig ng ganitong namalas ito kaya'y banta o paalaala sa bukas na dapat mag-ingat lalo't hangin ay lumalakas - gregoriovbituinjr. 12.08.2021

Dalawang aklat

Imahe
THE STORY AND ITS WRITER An Introduction to Short Fiction Nauna kong nabili ang Compact Sixth Edition nito noong Mayo 9, 2019, sa Book Sale, sa gilid ng Shopwise sa Cubao, sa halagang P265.00, na umaabot ng 1060 pahina. Dalawa't kalahating taon ang lumipas, nabili ko naman ang mas makapal na Fifth Edition nito noong Nobyembre 12, 2021 sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio, sa halagang P250.00, nasa 1748 pahina.  Di ko akalaing mabili ang parehong aklat na magkaiba ng edisyon. Gayunman, salamat at magkaiba pa rin silang aklat. Kundi'y doble-doble ang nabili ko. Pawang mahalagang collector's item at magandang pag-aralan ng tulad kong nais pang matuto sa pagsulat ng maikling kwento. dalawang aklat hinggil sa kwento at manunulat mga collector's item na dama ko'y mapagmulat na maraming matututunan pag ito'y nabuklat kayganda, "The Story and Its Writer" ang pamagat kahanga-hanga ang The Necklace ni Guy de Maupassant kaya ayokong magkaroon ng anumang utan...

Samutsari

Imahe
SAMUTSARI namumutawi pa rin sa labi'y masalimuot na katagang sa kaibuturan ko'y nagdudulot ng samutsaring alalahanin at mga gusot na dapat malutas, katanungang dapat masagot kayhirap ng nag-aalala, kalabaw at baka baka dumating ang unos, sabi ng magsasaka baka dapat munang umuwi, maghanda-handa na baka di na madalumat ang daratal na klima isinilid ang sinampay, damit ay patong-patong namitas ng mga gulay, nanguha ng balatong pinagsisikapan ang bawat taludtod at saknong upang di danasin ang anumang kutya't linggatong paano ba kakathain ang dalit ng dalitâ kung naunang kathain ang tanaga ng katagâ paano nakatha ang talambuhay ng makatâ kundi ang tala ng buhay ay naroon sa kathâ - gregoriovbituinjr. 11.25.2021

Salamisim

Imahe
SALAMISIM napatingala muli sa langit walang buwan, di bughaw, pusikit wala rin ang bituing marikit habang nadarama'y anong init nahan ang sundang mula sa buwan at ang buwang ay huwag mong sundan kaysarap ng manggang manibalang habang binabagtas yaong ilang habang di pa rin natin malimot ang naraanang lungsod at gusot naglulutangan pa rin sa laot ang plastik at upos, O, kaylungkot sala-sala sa mga basura tila baraha, binabalasa nagbabaga na rin pati klima at lumulubog ang mga isla ibukod ang mga nabubulok sa mga basurang di mabulok ibasura ang sistemang bulok at ilagay ang dukha sa tuktok - gregoriovbituinjr. 11.24.2021

Antok

Imahe
ANTOK dumidila ang antok sa talukap niring mata ngunit niyayakag akong muli ng sintang musa upang maglimayon, maglakad-lakad sa kalsada sa ilalim ng buwan at siya'y hinaharana anong sarap damhin ng pag-ibig na nasa rurok habang matamis ang kwentuhang aking natatarok subalit di ko na kaya ang nagbabantang antok habang balat ko'y pinapapak na ng munting lamok ah, sa guniguni ang musa'y aking nakatagpo at muli kaming nagniig, sa kanya'y narahuyo mabuti't nariyan siyang kaiba ang pagsuyo na sa pagdatal ng Haring Araw ay naglalaho panay pa rin ang aking paghihikab, antok na nga at maglalatag na ng banig upang humilata hanging amihan ay umihip, dumampi sa mukha tandang sa guniguni na lang hahabi ng tula - gregoriovbituinjr. 11.23.2021

Pag-idlip

Imahe
PAG-IDLIP narinig kong tila may alingasngas sa karimlan kaya sa oras na iyon ay naalimpungatan anong klaseng nilalang ang mga nagtatawanan mga malignong lasing, mga sugapa sa daan at bumalik ako sa pag-idlip dahil sa antok nakaririndi pala ang kanilang mga sinok maya-maya pa'y may narinig akong mga putok sila ba ang namaril o sila ang nangalugmok di ko kaya ang antok at muli akong umidlip sa labasan ay di ko na nakuha pang sumilip o baka naman ito'y isa ko lang panaginip gigising na lang bukas baka balita'y mahagip at ang musa ng panitik sa akin ay dumalaw naroroon lang siya sa gilid ng balintataw animo siya'y nasa ulap nang aking matanaw may bata sa kanyang kandungan at pumapalahaw - gregoriovbituinjr. 11.22.2021

Init

Imahe
INIT sa init ng lungsod ay nabigla ang katawan ko nang mula sa probinsyang malamig, lumuwas dito para bang napapaso ang buo kong pagkatao animo'y kay-init na pagtanggap sa akin ito sa loob ng bahay, may bentilador man, wala rin mainit man ang panahon, ulo'y di mainitin mas maigi pa ngang nasa labas pagkat mahangin pulos usok nga lang ng sasakyan ang lalanghapin ibang-iba ang init, tagos sa kaibuturan animo'y sumasagad sa buto't mga kalamnan nanggaling kasi sa lamig kaya nababaguhan tumagal-tagal pa'y masasanay din ang katawan o baka nadarama na'y matinding global warming katatapos lang ng COP, ano itong dumarating marapat lang tugunan ang Climate Justice na hiling nitong taumbayan upang daigdig ay gumaling - gregoriovbituinjr. 11.21.2021

Kapit

Imahe
KAPIT kapitbisig, kapitpuso, kapitdiwa, kapit lang sa pagkilos para sa bayan ay huwag magkulang kapamilya, kapatid, kauri'y ipagsanggalang sa mga kapit tuko sa pwesto'y huwag palinlang maraming kapit sa patalim upang makaraos upang sa gatas ng sintang anak ay may panggastos upang kahirapan ay bakasakaling matapos umaasang di na sila mabuhay nang hikahos ang kapitalismo'y sistemang mapagsamantala sa tao't sa kalikasan, baguhin ang sistema pinopondohan ang mapanira sa mundo't klima tulad ng plastik, fossil fuel, coal plants, at kapara kumapit sa wasto, iwaksi ang anumang mali kumapit sa pag-asa, prinsipyong tangan at mithi kapit lang, mga kapuso, kapatid, at kauri magkapitbisig tayo't itaboy ang mga imbi sa tagdan ng hagdanan ay maaaring kumapit kung ayaw mahulog, matumba, o kaya'y mabingit basta kumapit sa pag-asa, huwag palalait sa sinuman, mahalaga pag-asa'y laging bitbit kapit lang, huwag patangay sa problemang nariyan kundi asahang iyan ay mareresolba...

Pitong tableta sa umaga

Imahe
PITONG TABLETA SA UMAGA O, anong bigat ng pag-inom ng mga tableta pito agad umagang-umaga, mabigat, di ba apat munang tableta para sa tuberculosis dalawa namang tableta para sa diabetes anim muna kalahating oras bago almusal at isa pa habang kumakain na ng almusal ikapito ng umaga'y susubo ng tableta upang maagapan ang sakit at magpalakas pa kaya di maaaring gumising ng alas-otso upang masunod ang rotinaryo kong ikapito ng umaga, alas-siyete y medya ang kain mga bitamina'y sa tanghali na iinumin lalo't pitong tableta sa umaga'y anong tindi tila lalamunan ko'y nasasakal, binibigti marahan ang pag-inom, sa una'y nabigla kasi habang maraming tubig yaong lalagukin dini noon nga'y wala pa akong ganoong rotinaryo kakain lang anumang oras pag nagutom ako ngunit dahil sa sakit, kumaing tama sa oras sa loob ng anim na buwan, inumin ang lunas - gregoriovbituinjr. 11.19.2021

Panulat

Imahe
PANULAT tulad ng puno sa gubat na matamis ang prutas patuloy itong panulat sa nalalabing oras kahit yaring pluma'y sibakin pa ng mararahas ipapakitang pagtangan sa prinsipyo'y parehas akala sa kawalan ay laging nakatunganga madalas mang magnilay, patuloy ang pagsagupa balitaktakan ng ideya, pagharap sa sigwa nakikipaggitgitan ngunit di natutulala tinatanim ko'y tamis-anghang na buti ang dulot habang sinusunog ang damo ng pakla at poot upang magbunga ng talagang masarap na pulot na maaaring lunas sa nararanasang gusot di ko papayagang pluma ko'y kanilang bakliin at mga tanim kong puno'y basta na lang tigpasin taludtod at saknong ay di hahayaang sibakin makata'y matatag habang pluma'y patatatagin namamasdan ng makata ang dukhang naghihirap pati pagsasamantala't pang-aaping naganap nais niyang akdain ang pag-ibig at paglingap at isatitik yaong lipunan nilang pangarap - gregoriovbituinjr. 11.18.2021 *  litrato mula sa google

Ka Heber

Imahe
KA HEBER isa si Heber sa inidolo ko nang bata pa dahil may ibig sabihin ang bawat niyang kanta mga awiting nagmulat sa aking mga mata upang maunawa't manindigan para sa masa Nena, Babae, Dukha, Tumindig Ka, anong galing Payag Ka Ba, Lerry, Istambay, Kung Walang Pag-ibig Karaniwang Tao, Almusal, Inutil na Gising Tayo'y Mga Pinoy, ilang sikat niyang awitin sa Banyuhay ni Heber, taospusong pagpupugay liriko ng mga awitin ay napagninilay makadaupang palad siya'y karanasang tunay at nakahuntahan pa si Heber sa kanyang bahay sa inilunsad niyang Paskong Tuyo'y nakadalo ng ilang beses, may tulaan at mini-konsyerto sa kanyang tahanan at pinatula niya ako si Mike Hanopol ang isa sa bumisita rito nakadalo rin kasama ang ibang manunulat nang magtalakay siya sa sining niya't panulat binigyan ko siya ng ilan kong inakdang aklat ako'y binigyan ng album niyang kanta'y pangmulat mabuhay ka, Ka Heber, salamat sa iyong awit pamana mo sa bayan ay liwanag sa pusikit na karimlang...

Hapi 80th Bday, Dad

Imahe
HAPI 80TH BDAY, DAD Dad, maligaya pong ikawalumpung kaarawan nawa'y gumaling po kayo sa inyong karamdaman tumagal pa ang buhay, gumanda ang kalusugan kami naman po'y nasa maayos na kalagayan kayo'y ehemplong amang gabay sa aming paglaki upang kinabukasan ay talagang mapaigi pangaral, pangarap, pangako, payo'y mabubuti kayo'y dakilang tatay na dapat ipagmalaki iwing buhay ninyo'y naabot ang walong dekada maluwalhating narating ang edad na otsenta sana kayo'y gumaling sa sakit na iniinda nawa disgrasya'y maiwasan, kamtin ay biyaya maraming salamat, Dad, taospusong pagpupugay kayo po ni Mommy ang dakila naming patnubay at mabuting gabay sa bawat naming paglalakbay muli, pasasalamat po, Dad, mabuhay! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 11.17.2021 * kuha ang litrato sa UP Manila, Setyembre 13, 2007, sa launching ng aking librong Macario Sakay, Bayani, na nilathala ng Kamalaysayan (Kaisahan ng Kamalayan sa Kasaysayan), nakatayo si Dad sa likod, katabi ng kapatid kon...

Paalala sa upuan

Imahe
PAALALA SA UPUAN sa terminal ng bus ay may paalala sa silya: "Do not sit here. Let's practice physical distancing  pala nakadisenyo sa sticker, agad mababasa ng sinuman, puwera na lang kung aanga-anga sapagkat mahalaga pa rin ang social distancing o isa o dalawang metrong physical distancing dahil sa salot na pandemyang nagaganap pa rin na di dapat balewalain ninuman sa atin habang kami'y naghihintay na makasakay ng bus magkahalong tuwa't lungkot ang nadaramang lubos kaytinding sadyâ ng pandemyang sa atin umulos na madalas itanong ay kailan matatapos paluwas na kami ni misis tungong kalunsuran patuloy ang social distancing dahil kailangan at panibagong hamon ang kinakaharap naman sa pagdatal muli sa lungsod na pinanggalingan - gregoriovbituinjr. 11.16.2021, gabi

Paluwas

Imahe
PALUWAS paluwas na kami ni misis, paluwas na kami pakiramdam ay di maapuhap, walang masabi inihahanda kong mabuti ang aking sarili upang nabinbing tungkulin ay magawang maigi nais kong gampanang husay ang naiwang trabaho bilang opisyal sa samahan ng dukha't obrero ako na'y makauuwi sa  pinanggalingan ko habang ninanamnam ang mga karanasan dito sana, walang anumang balakid mamayang gabi sana'y tuloy na tuloy na ang aming pagbiyahe sana, lumakas na ako sa sakit na sakbibi sana, pulos sana, habang ngayon ay nagmumuni sintigas man ng kamao yaring paninindigan di maninimdim ang katulad kong para sa bayan at hahataw muli't pasisiglahin ang katawan lalo't daratal sa pinanggalingang kalunsuran - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Tiket sa CR

Imahe
TIKET SA CR Biyernes, sa ospital, may binigay ng umaga subalit hapon ko pa makukuha ang resulta kaya sa pamilihang bayan muna'y nagmeryenda hanggang nakaramdam kaya nagtungo sa kubeta limang piso ang jingle, pag nagbawas, sampung piso mabuti na rin, malinis naman ang C.R. dito kayhaba pa ng oras upang resulta'y kunin ko kaya tumambay muna kung saan, nagutom ako inabutan ng tanghali, nananghalian na rin sa ikalawang palapag ng palengke kumain ah, sa hapon pa sa ospital resulta'y kukunin habang naghihintay, sa C.R. muna'y bumalik din sa jingle na'y nakasampung piso, dalawang beses patunay riyan ang binayarang dalawang pases mahirap naman kasing ang pantog mo'y tinitiis sa C.R. nga'y jumingle, habang ako'y nagpapawis - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Bawal

Imahe
BAWAL bawal ang paggamit ng plastic bag at styrofoam sa isang lungsod ay talagang ordinansa roon sa ating mamamayan ay isang malaking hamon kung paano natin aayawang gamitin iyon huwag gumamit ng plastic bag sa pamimili mo halimbawa'y bayong o nabubulok gaya nito huwag gumamit ng styrofoam sa pagkain mo dahil microplastic ang mapapaloob sa iyo para sa kalikasan ang nasabing ordinansa dahil labis na ang gamit na nagiging basura di nabubulok, babara sa kanal, at iba pa na epekto'y malaki sa kalikasan at masa ang karagatan nga'y tadtad na ng upos at plastik kakainin mo'y isdang kumain ng microplastic baka tayo magkasakit at talagang hihibik mabuti't sa problemang ito'y mayroong umimik ang ordinansang iyon ay paalalang matalim upang sa mga basurang iyon ay di manimdim upang ilog, sapa't karagatan ay di mangitim na dapat kalikasan ay alagaang taimtim - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Magbasa-basa

Imahe
MAGBASA-BASA minsan sa kisame'y nadadatnang nakatingala pinanonood ang mga gagambang nagsagupa habang sa suot kapayatan ko'y nahahalata anuman ang mangyari, dapat tayong laging handa kaya ngayon ay nagbabasa ng maikling kwento na balang araw ay maging kwentista ring totoo bilang preparasyon sa nobelang kakathain ko at masulat ang dula't dagling nasa aking noo maaaring simulan sa makatarungang hari nang papugutan ng ulo ang malibog na pari may isang magsasakang ginawa'y kapuri-puri habang nag-alsa ang manggagawa laban sa imbi kaya magbasa-basa ng mga kwentong may kwenta may iyakan, may labanan, may inis, may patawa aralin ang bawat estilo ng mga kwentista magkwento ka't pag-alabin ang damdamin ng masa - gregoriovbituinjr. 11.15.2021

Resulta

Imahe
RESULTA noong Biyernes nang magpunta ako ng umaga isinumite ang maliit na boteng may plema upang suriin ito ng mga espesyalista noong hapon ding iyon ko nakuha ang resulta madaling araw gumising at maagang umalis pagkasumite'y ilang oras naghintay ng release ng resulta dahil nagka-T.B.'t may diabetes gamutan pang anim-na-buwan ang ipagtitiis kung di pa luluwas, aba'y di pa magpapa-check up kung di nagka-covid, di maiisip magpa-check up tila kalusugan ay nababalewalang ganap may sakit na'y di pa alam, kaya di nalilingap nang makuha ang resulta'y agad pinabasa ko sa doktor, iyon nga, matagal na gamutan ito sabi niya, mabuti't naagapan ngang totoo dahil kung tumagal pa'y baka mahirapang todo - gregoriovbituinjr. 11.15.2021

Esensya ng buhay

Imahe
ESENSYA NG BUHAY di mahalaga sa akin ang ginto man o pera kundi esensya ng buhay, bakit nabubuhay pa iyon ang mahalaga sa pag-iral ko tuwina hirap man ay patuloy sa paglilingkod sa masa ayokong maghanap ng pera sa buong panahon na di mo na namalayang tumanda kang ganoon na magbayad ng utang ang nasa isip maghapon nabubuhay lang upang magbayad ng utang doon iyon ba ang esensya ng buhay? di mo matiyak? na kaya ka nabuhay upang dumaan sa lubak? na dinaranas mo ngayon ay gumapang sa lusak? dahil sa sistemang bulok, kayraming hinahamak minsan, bato sa lansangan ay sinisipa-sipa tila baga wala silang kabuluhan sa madla kung bato'y titipunin, mga graba silang sadya at sila'y sangkap sa mga gusaling magagawa natagpuan ko na kung saan ako nababagay sa parlamento ng lansangan nga'y magpakahusay sa pakikibakang masa, sa mga isyung tunay pagkatha ng tulâ, pagsulat ng kwento't sanaysay nariyan ang esensya ng abang buhay kong iwi ang makapaglingkod sa bayan, sa masa, sa uri itayo ang...

Ang maging makatâ

Imahe
ANG MAGING MAKATÂ "To be a poet is more than a hobby, more than a profession - its a divine calling." ~ Maria Criselda Santos ang maging makata'y higit pa sa isang libangan na nawiwili ka lang gawin at nasisiyahan ito'y higit pa sa propesyon o hanapbuhay man pagkat ang maging makata'y tawag ng kabanalan ito'y kaygandang sambit ni Maria Criselda Santos sa f.b. page na Quote in the Act ay nakitang lubos ang maging makata'y banal kahit binubusabos tila ba ako'y banal na tinawag kahit kapos kalakip ng kanyang sinabi'y may mga litrato ng makatang magagaling sa historya ng mundo naroon sina William Shakespeare at Edgar Allan Poe pati na sina Balagtas at Emilio Jacinto anong sarap pakinggan ng kanyang mga tinuran makata'y nasa toreng garing o langit-langitan subalit ako'y manunulang sanay sa putikan at di maisip na ginagawa ko'y kabanalan lalo't may sinasagasaan ang mga tula ko na laban sa pagsasamantala't kapitalismo ako man ay kasama...

Kalusugan

Imahe
KALUSUGAN napapansin kong maraming nagkasakit at kapos na ang pandemyang ito ang sa kanila'y umulos subalit nais kong tumulong sa mga hikahos nais ko ring magboluntaryo sa Philippine Red Cross lalo't dinanas kong ma-covid at nagpapagaling kaya pagboluntaryo'y bahagi ng pagkagising dapat may kasanayan ako, natapos na training tulad ng first aid o contact tracing, ngunit di nursing dapat magpagaling habang tumutulong sa iba lalo't may diabetes at tuberculosis pala magbasa hinggil sa kalusugan at medisina pati halamang gamot bilang gawaing pangmasa anumang mapag-aralan ay dapat madalumat bilang makatâ, bilang matiyagang manunulat marahil sa ganito'y makatulong akong sapat at ibahagi sa masa anumang naisulat - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Tabletas

Imahe
TABLETAS dapat mga gamot ay tuloy-tuloy kong inumin mula sa reseta ng doktora'y binili namin dalawang klaseng tableta itong dapat lulunin may nakasulat sa kahon na mahigpit na sundin isa'y tatlong beses kada araw, kapag kainan ibig sabihin, agahan, tanghalian, hapunan subalit ang isa pa'y dalawang tableta naman medya ora bago agahan, sa buong sambuwan nagpa-check up muna bago sa probinsya umalis dahil nagka-covid, ilang linggo ko ring tiniis nakitang resulta'y pulmonary tuberculosis iyon daw ay sanhi dahil ako'y may diabetes mula Benguet General Hospital ay nagdesisyon na lilipat kami ng ospital sa Lungsod Quezon may trabaho na kasi si misis malapit doon ako'y babalik na rin sa aking trabaho roon anang doktora'y anim na buwan daw ang gamutan mahirap namang pabalik-balik sa lalawigan bawat payo ng doktora'y aming gagawin naman umaasang gumaling, gumanda ang kalusugan - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA di pa rin ako titigil sa paggawa ng akda kahit namroblema sa isang pesbuk kong nawala di pa rin ako titigil sa pagkatha ng tula wala mang mag-like sa pesbuk ng binahaging katha kung meron mang mag-like, isa, dalawa, o tatlo man pasasalamat ang tanging masasabi ko na lang marahil, ayaw ng di nag-like ang kaparaanan ko ng pagtula, o yaong paksa'y di nila ramdam nagsimula sa pagiging dyornalistang pangkampus naging features literary editor kahit kapos hanggang lumabas ng kolehiyo't nakipagtuos laban sa sistemang bulok, kakampi ang hikahos hanggang ngayon, tuloy ang pagdalumat at pagsulat sa landas ng putik ay patuloy sa pagmumulat mga prinsipyo't diwang sa proletaryo nagbuhat kasuhan man, isusulat gaano man kabigat pagsulat ng sanaysay ang akibat kong tungkulin pagkatha naman ng tula'y niyakap kong layunin iyan ang daluyan ng adhika, dusa't panimdim diyan dumadaloy ang aking liwanag at dilim anumang paksâ sa paligid ay bibigyang buhay isyu man ng manggagawa...

Pesbuk

Imahe
PESBUK di ko na mabuksan pa ang pesbuk kong pampamilya di ko kasi na-update iyon nang magsabi siya nalimutan nang tinawag ni misis ng "Kain na!" nalimutan ang deadline o ibinigay na petsa gamit ko pa naman iyon ng labingtatlong taon laksang kasaysayan pa naman ang natipon doon Climate Walk, Yolanda, Paris, litrato'y naroroon kaklase, kaibigan, alaala ng kahapon naroon din ang kapuso, kapamilya, kapatid kayrami pa namang tulang sa masa'y inihatid pati kaalamang ibinahagi't pinabatid Nobyembre Trese nang pesbuk kong iyon ay mapatid di ko lang siya mabuksan subalit di nawala sana kahit di na mabuksan ay huwag mawala bago pesbuk, friendster at multiply ko na'y nawala na kayrami ko ring naipon doong mga akda tinuturing kong mga akda'y gintong kalipunan ng pinagdaanan, karanasan ko't kasaysayan kung nais mo akong makilala, sa pesbuk tingnan makatâ mang gipit, mga akda'y para sa bayan Nobyembre Trese, alas-tres ng hapon nang mawalâ may ibabahagi pa naman ...

Liway

Imahe
LIWAY wala akong talasalitaan nang patunayan ngayon upang saliksikin ano bang kahulugan talaga ng LIWAY na sagot sa palaisipan kundi nakabatay lang sa naroong katanungan nasa tanggapan sa Pasig ang aking diksyunaryo sangguniang U.P. Diksiyonaryong Filipino na di nadala sa probinsya kung nasaan ako at malaking tulong sana sa pagsusulat dito sa labing-apat pahalang, kakaiba ang tanong "Hindi kinakapitan ng sakit,"  ano ang tugon tingnan ang pababa't pahalang, ano kaya iyon LIWAY ang sagot, at may salitâ palang ganoon kung tao man iyon, aba'y sino kaya ang LIWAY sila ba'y may agimat sa pagbubukang-liwayway dito kaya ipinangalan si Kumander Liway di kinakapitan ng sakit, malusog, matibay paano maging LIWAY upang di tablan ng sakit tulad ba ng anting sa saging, ito'y aking hirit salamat sa palaisipan, sa tulad kong gipit may salitang LIWAY, pag-asang hahanaping pilit - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Mapulang hasang

Imahe
MAPULANG HASANG namumula ang hasang, kapara'y sariwang isda na sa anupamang sagupaan ay laging handa tila bakal ang kaliskis nilang nakahihiwa habang sugatang makata'y tila di makakatha dapat magpalakas, muling papulahin ang hasang bagamat di na pwedeng maging manggang manibalang di man maging galunggong ay pating na kung sa gulang may karamdaman man, bumabalik ang dating tapang di dapat laging putla ang hasang, kundi'y mapula may sakit man ay titindig ng matikas sa masa kumbaga'y kaya pa ring tanganan ang manibela na malalim man ang tubig ay kayang sisirin pa dapat pula pa rin ang hasang ng tulad kong tibak upang patuloy na ipagtanggol ang masa't hamak upang mapalago pa ang tinanim sa pinitak upang makata'y di naman gumagapang sa lusak - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Tahimik man

Imahe
TAHIMIK MAN di ako nananahimik kahit mukhang tahimik dahil ramdam ng puso't diwa ko ang mga hibik ng mga pinagsamantalahan at pinipitik, ng mga tinotokhang, ng binabaon sa putik, pati nalulunod sa laot ng upos at plastik malapit na ang Dakilang Araw ni Bonifacio at Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao tahimik man ay di natatahimik ang pluma ko buong puso't kaluluwa'y titindig pa rin ako upang magpahayag at tumula sa entablado para sa kalikasan at hustisyang panlipunan nais kong maglakad muli sa landas na putikan di ako matatahimik pag ako'y wala riyan pakiramdam ko'y sinikil ang aking karapatan na para bang nakamtan ko na'y luksang kamatayan tahimik lang ako, subalit di nananahimik tahimik man ako ngunit ayokong manahimik sige, subukan lang nilang ako'y mapatahimik subalit aking pluma'y tiyak na di tatahimik tanging sa kamatayan lang ako mananahimik - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Bitamina D

Imahe
BITAMINA D bakit ang manok ay nag-iisang nagpapainit nakasalampak lang sa yerong tiyak nang mainit nais magpalakas, sa sarili'y may malasakit di man samahan ng mga manok na makukulit nagsa-sunbathing kahit wala sa dalampasigan natanaw ko lang siya't agad na nilitratuhan anumang kwento niya'y wala akong kabatiran bakit siya nagpapainit ay tulad ko rin lang kapara ng Mulawin na sa araw nagmumula ang lakas upang mga katawan nila'y sumigla tulad ko ring nagpapaaraw sa umaga pa nga upang Bitamina D ay makamtan nating sadya wala man tayong ugatpak tulad nilang Mulawin pagpapainit sa araw ay magandang mithiin pagpapalakas ng katawan ang ating layunin upang anumang sakit ay mapaglaban natin magpaaraw at palakasin ang buto't kalamnan upang Bitamina D ay taglayin ng katawan ngunit di sa tanghaling tapat, kundi umaga lang sapat na init lang upang sakit ay maiwasan - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Aliwan

Imahe
ALIWAN aliwan ko na ang pagsagot sa palaisipan na sa libreng oras ay sadyang kinagigiliwan pinakapahinga ko na ang nasabing aliwan sagot lang ng sagot at matututo ka rin naman aba'y kayrami ko na palang nabiling ganito natapos ko ang iba't minsan binabalikan ko ang mga salitang sinasama sa tula't kwento sadyang kapaki-pakinabang ang libangang ito may nakakalito rin minsan sa mga katagâ kaya susuriin mo ang pahalang at pababâ pag natiyak ang tamang sagot, ilagay mong sadyâ may salitâ ngang dito lang nabatid ng makatâ tarang maglibang, sa palaisipan ay magsagot sa una lang naman ang noo mo'y mapapakunot ngunit masasagutan mo't di na pakamot-kamot at kasiyahan ang tiyak sa iyo'y idudulot - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Halamang gamot

Imahe
HALAMANG GAMOT may dalawang pampletong dapat ko palang basahin hinggil sa halamang gamot na marapat alamin sa sakit ko'y anong magandang katas na inumin mula sa halamang gamot, ito'y dapat aralin magbasa muna, sa dalawang pampleto'y tumuon una'y nabili ko noon pang nakaraang taon ikalawang pampleto'y nabili ko lang kahapon napadaan sa bilihan at natsambahan iyon nakita sa check up, mayroon akong diabetes na sanhi kaya may pulmonary tuberculosis ano bang halamang gamot upang ito'y maalis o kaya tinamaang baga't bituka'y luminis kumain ng kasoy, di ang buto, kundi ang bunga ilaga ang dahon at bulaklak ng sitsirika ilaga ang balat ng puno't dahon ng banaba at pakuluan din ang dahon ng Damong Maria sa dahon at ugat naman ng kogon ay gayon din sa T.B., bulaklak ng lagundi'y ilaga mo rin pinakuluang ito'y parang tsaa mong inumin ito'y isang pag-asa upang tuluyang gumaling kaya naisip kong magsimulang magtanim bukas kahit sa pasô ng mga itong at...

Paksâ

Imahe
PAKSÂ samutsaring paksa'y napulot ko sa panaginip o kaya ay gising na ako habang nakapikit gising ang diwa, nagninilay habang naiidlip kaya kung anu-ano ang naritong nalilirip pag nakakita ka ng bangin, huwag kang tatalon pag nalanghap ay sariwang hangin, huwag lumulon pag nakukuha ka sa tingin, huwag mong ituon pag nakita'y bakbakan, saan ka naglilimayon panaginip ang naiisip habang natutulog ngunit agad magigising pag narinig ang kulog parang totoo ang pelikula, buti't niyugyog kasama bilang aktor sa Titanic na lumubog sinabi sa panaginip ang samutsaring paksâ ibinulong ng diwata ano bang itutulâ kaya ngayong pagkagising ay tila namamanghâ buti't di namamanglaw kundi ngayon ay masiglâ - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Ako

Imahe
AKO hangga't nasa bundok, di ako ang tunay na ako tila baga hiram lang ang tangan kong pagkatao mapagkunwari, nakikisama sa tagarito mapagpanggap, ibang-iba sa tangan kong prinsipyo animo'y naghihingalo na ang tunay na ako nais kong mabuwal sa sariling pinanggalingan doon sa lansangan at putikan kong nilakaran kaysa langit na kunwari'y nagbabait-baitan mabuti pa sa impyernong masiglâ ang katawan at nasang lipunang makatao'y matupad naman sa tunay kong pagiging ako'y nais kong bumalik kaysa nagkukunwari sa bundok at walang imik sinasayang lang ang buhay na doon isiniksik lalo't isyu ng bayan ay dinig kong hinihibik ng obrero, pesante't dukhang dapat isatitik ako'y makatâ ng putik, makatang maglulupâ ako'y makatâ ng lumbay, na tula'y luha't sigwâ ako'y makatâ ng dalitang ano't namumutlâ at sa uring proletaryo'y makatang laging handâ na misyong isatitik ang laksang isyu ng madlâ - gregoriovbituinjr. 11.12.2021

Hamon ng aklat

Imahe
HAMON NG AKLAT nakabili ako sa Bookends ng dalawang aklat isa'y hinggil sa maikling kwento ng manunulat na may mga komentong dapat ding araling sukat isa'y nobela ni Isaac Asimov na sikat na nobelista ng sci-fi, buti't aking nabuklat sa Bookends nga'y kaytagal ko nang nais makapunta at nagkaroon lang ng pagkakataon kanina upang diwa'y paunlarin sa bagong mababasa at mapaunlad ang kasanayan bilang kwentista mula sa pagtulâ, aba, ako'y magkukwento na may aklat akong kalipunan ng maikling kwento na nilathala na noon ng Aklatang Obrero iyon ang unang sampung maikling kwentong akda ko subalit di na nasundan pa ang libro kong ito sana'y makagawa muli ng panibagong kwento taospusong pasasalamat sa pagkakataon upang mabili ang mahahalagang librong iyon ang halaga'y discounted pa, aba'y salamat doon pagsulat pa ng science fiction ay malaking hamon tila ako'y tinawag, at agad akong tumugon - gregoriovbituinjr. 11.12.2021 *  ang  BookEnds  ay isang bookstor...