Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2021

Ka Ipe

Imahe
KA IPE Taasnoong pagpupugay, Ka Ipe Faeldona! Lider-manggagawa, bayani, sadyang makamasa Isang magaling na edukador at aktibista Isang ganap na rebolusyonaryo't sosyalista Madalas kong makasama sa pulong ng B.M.P. Lalo't ako'y minutero sa pulong na nasabi Matututo ka sa kanya, sa bayan ay nagsilbi Payo niya'y mananatili sa isip maigi Isa kang moog ng uring nagbigay halimbawa Mahusay na organisador, tila walang sawa Bise presidente ng SUPER, matalas ang diwa Tunay na kasama ng manggagawa tungong paglaya Mga aral at karanasan mo'y dapat mapagnilay Ng mga manggagawang iwing buhay mo'y inalay Ka Ipe, isa pong taaskamaong pagpupugay Tunay kaming sumasaludo, mabuhay! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 09.30.2021 * binasa sa luksang parangal kay Ka Ipe Faeldona, gabi ng 09.30.2021 sa zoom * litrato mula sa fb page ng BMP

Pagngata ng hilaw na bawang

Imahe
PAGNGATA NG HILAW NA BAWANG isa itong gamot na pampalusog ng katawan na aking natutunan sa mahahabang lakaran na pampalakas ng kalamnan, nitong kalusugan na talagang nakatulong sa puso ko't isipan at nang ako'y nagka-covid ay muli ngang ngumata ng hilaw na bawang, na halamang gamot ng madla, na payo ng mga kapatid kong nababahala na para sa kalusugan ay sinunod kong sadya sa mga saliksik, halamang gamot na magaling ang bawang, di lang sa lutuin, kundi kung nguyain altapresyon, ubo, rayuma, sadyang ngangatain katas ng dinikdik na bawang sa mga hikain bawang na allium sativum ang pangalang pang-agham panglinis ng sugat ang katas ng sariwang bawang pati na rin sa impeksyon ng mikrobyo sa tiyan sa daluyan ng pagkain ay panglinis din naman pagngata ng bawang ay malaking tulong sa akin upang covid ay malabanan, malunasan na rin di man maganda ang lasa, ito lang ay tiisin basta para sa kalusugan, bawang ay ngatain - gregoriovbituinjr. 09.30.2021 Pinaghalawan ng ilang datos: https://en...

Sabaw ng buko

Imahe
SABAW NG BUKO at muli akong nakainom ng sabaw ng buko upang linisin ang bituka't tumibay ang buto anila, pinipigil nito ang sakit sa bato may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa mula sa puno ng niyog na napakahalaga sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta salitang agham ng niyog ay cocos nucifera pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain pang masarap na puting laman, iyong kakayurin sa loob ng matigas na bao bago namnamin sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog o buko upang pangangatawan nati'y lumusog sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog! ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog - gregoriovbituinjr. 09.30.2021

Ang gubat na katabi

Imahe
ANG GUBAT NA KATABI pinayagan akong lumabas upang magpainit kung dati'y pulos kisame, nasilayan ko'y langit mabuti raw ang init ng araw sa nagkasakit na bitamina sa katawan kahit man lang saglit at natitigan kong muli ang gubat na katabi nitong bahay sa bundok, talagang nakawiwili wala kasi sa kinalakhang lungsod ang ganiri mapuno, tila ba mga Mulawin ay narini nais kong puntahan ang madawag na kagubatan subalit mag-ingat dahil baka may ahas diyan na baka iyong maapakan, tuklawin ka niyan tulad din ng ahas sa lungsod na dapat ilagan kaysarap masdan ng punong hinahagkan ng ulap na tila baga kakamtin mo ang pinapangarap gubat na tahanan ng hayop at ibong mailap may mga diwata rin kaya roong nangungusap? - gregoriovbituinjr. 09.29.2021

Unang luto

Imahe
UNANG LUTO kayrami nang ginagawa ni misis sa maghapon siya pa rin bang magluluto ng pagkain ngayon? maglilinis, maglalaba, patutukain yaong alagang higit sa apatnapung manok na iyon oo, nais kong tulungan si misis sa gawaing bahay, huwag lang mabinat habang nagpapagaling kanina, sardinas ay sinubukan kong gisahin sapul magka-covid, iyon ang una kong lutuin alam kong pagod lagi si misis mag-asikaso dalawang pamangkin pa'y nasa ospital, hay naku! kaya pinalalakas ko naman ang sarili ko basta bilin niya, mag-face mask, alkohol, sundin ko sa kusina, ginayat ko ang sibuyas at bawang binuksan ang lata ng sardinas na walang anghang iginisa ko naman sa kawali, tama namang iyon ang una kong luto't huli ring gas sa kalan ginisang sardinas nga'y inulam namin kanina tapos na rin ang katorse araw kong kwarantina  datapwat walang swab test na ako'y negatibo na subalit dapat pa ring mag-ingat, inuubo pa - gregoriovbituinjr. 09.29.2021

Kinakapos ng hininga

Imahe
KINAKAPOS NG HININGA nag-positibo sa covid at nagpapagaling na ngunit madalas pa ring kinakapos ng hininga marahil baka kulang pa rin ako sa pahinga at baka oksiheno ko'y di pa sapat, kulang pa bago matulog sa gabi'y madalas maramdaman inom munang tubig hanggang ito'y makatulugan datapwat sa umaga'y di ko naman ito ramdam basta lang may handang tubig sa tabi ng higaan sa oxymeter, higit nobenta ang oksiheno panay pa rin ang ginagawang pagsusuob dito biskwit, isda, gulay at prutas ang kinakain ko umaasa pa ring lalakas at gagaling ako pampalusog na ulam at masarap pa ang kanin upang lumakas at ang hininga'y di na kapusin may talbos ng sayote, kamote, at petsay na rin o kaya'y isda para sa protina nitong angkin panay pa rin ang inom ng gamot at bitamina mag-inhale, mag-exhale, mag-ehersisyo sa umaga at higit sa lahat, huwag gutumin ang bituka asam kong di na ako kapusin pa ng hininga - gregoriovbituinjr. 09.29.2021

Kisame

Imahe
KISAME pansin ko, kayrami ko palang tula sa kisame kung di nakatingala ay nakahiga lang dine nang dahil sa covid ay talagang di mapakali tila ba kisame sa pagkakasakit ko'y saksi pagkamulat sa umaga'y tatambad ang kisame at nakatitig pa rin doong pipikit sa gabi habang inaasam na kalagayan ay umigi nang dahil sa covid, nakatunganga't panay muni napagtanto kong samutsari ang mga kisame na may iba't ibang disenyo, hugis, kulay, arte tila ba ako'y saksi sa maraming pangyayari kung di butiking salbahe, langgam na nagdebate tabing sa gabing anong lamig ang abang kisame at dingding na kahoy habang dama'y di maiwaksi sa tag-ulan, bubong at kisame'y kaylaking silbi panatag ka, nang musa'y dumalaw sa guniguni - gregoriovbituinjr. 09.28.2021

Pipino't kamatis

Imahe
PIPINO'T KAMATIS pampalusog muli itong paalmusal ni misis aba'y kaysarap na ulam ng pipino't kamatis pampalakas na, aba'y pampakinis pa ng kutis mga pagkain itong pagsinta'y di nagmimintis pipino'y  cucumis   sativus  ang ngalang pang-agham na mataas sa nutrient, isang anti-oxidant siyamnapu't limang porsyento'y tubig yaong laman pampalusog din ng bato, sa kanser ay panlaban ang kamatis naman ay  solanum   lycopersicum may taglay na vitamin C at K, folate, potasyum matagal ko ring nakasama lalo't nagugutom at malaking tulong sa saliksik ko't paglalagom kaya pipino't kamatis ay kaygandang almusal pampatibay ng kalamnan, di ka basta hihingal malinaw ang pananaw sa lipunang umiiral sa anumang problema'y pag-asa ang niluluwal - gregoriovbituinjr. 09.28.2021

Paglipat ng silid

Imahe
PAGLIPAT NG SILID Mabuhay! sa swab test, si misis ay nag-negatibo kaya napagpasyahang magpa-disinfect ng kwarto ngayong araw, lumipat akong silid, obligado nang buong kabahayan ay ma-disinfect ng todo pinalabas ako't sa ibang bahay pinalipat pansamantala habang pinapausukang sukat ang buong bahay, at bagong silid ay sinisipat datapwat sa naroong kisame'y napamulagat sa loob ng bagong kwarto'y tila may pagkasabik tinitigan ko ang kisame, anong natititik anong talinghaga ang naroroong nakaukit piping dilat akong sa haraya'y may nakapagkit tila nakikinita ko'y langit na anong puti datapwat damang tatagal pa ang buhay kong iwi habang pinagpapatuloy ang pagtula ko't mithi habang ipinagtatanggol ang mga inaglahi - gregoriovbituinjr. 09.27.2021

Kayganda ng umaga

Imahe
KAYGANDA NG UMAGA kayganda ng umagang sumilang sa niloloob habang nagpapatuloy pa kami sa pagsusuob bangis ng virus ay dapat madurog at makubkob at mabubuting selula ang dito'y magsilusob salubunging masigabo ang umagang kayganda sapagkat tanda ng pag-asam ng bagong pag-asa lalo't dumila ang init ng araw sa balana naninilay na wala na sanang magka-covid pa inhale, exhale pa rin, mag-ehersisyo ng katawan bagamat bawal pang lumabas sa abang higaan huwag laging nakatunganga't kisame'y pagmasdan kundi igalaw-galaw rin ang tuhod at katawan O, kayganda ng umagang ang salubong ay ngiti at pasasalamat ang sa labi mamumutawi salamat sa buhay at naritong nananatili upang ipagpatuloy ang adhikain at mithi - gregoriovbituinjr. 09.26.2021

Meryendang mansanas

Imahe
MERYENDANG MANSANAS bata pa noon nang marinig ko ang kasabihang: "An apple a day keeps the doctor away,"  tunay namang kasabihang ito'y tumagos sa puso't isipan lalo't nagkasakit, sawikaing ayaw bitiwan naririnig ko lang noon ngunit di nababatid ang kabutihang dulot ng mansanas sa maysakit ika nga, kumain ka nito't gaganda ang kutis,  lulusog ang katawan, pampalusog din ng isip nang minsang nagdala si tatay ng isang mansanas ito'y hinati sa magkakapatid ng parehas lahat kami'y pantay sa pasalubong na madalas tila turo ni tatay, sa hatian dapat patas at ngayong ako'y may covid ay binigyan ni misis nitong mansanas habang sa kisame'y nakamasid pasasalamat kay misis na mahusay mag-isip upang ako'y gumaling sa covid na anong lupit - gregoriovbituinjr. 09.25.2021

Bartolina

Imahe
BARTOLINA tila ba ako'y nakabartolinang walang rehas sa isang kwartong mapanglaw bagamat may liwanag nasa silid lang, di basta maaaring lumabas dahil sa covid, baka maimpeksyon, di panatag maliit na kwartong tahanan ng maraming araw tahimik man doon subalit sadyang namamanglaw dahil sa covid, kinabukasan ay di matanaw lalo't hipag at biyenan sa covid na'y pumanaw kaya ako'y damhin mo, talagang di mapakali lalo na't sa salot na sakit ay sadyang sakbibi aba'y saulo ko na nga ang hugis ng kisame pagkat doon nakatitig sa bawat pagmumuni sana'y gumaling na't makawala sa bartolina ng bangungot ng covid at hawla ng pagdurusa balang araw, lalabas ako ritong malaya na pagkat gumaling na't kaharap ay bagong umaga - gregoriovbituinjr. 09.24.2021

Kwadernong itim

Imahe
KWADERNONG ITIM di ko tanda kanino galing ang kwadernong itim na binigay marahil sa akin ng gurong lihim nakakatakot ba sakaling lamunin ng dilim? may kapayapaan nga ba sa baligtad na talim? Kampilan ni Lapulapu'y matalas at kaiba Excalibur ni Arturo'y matalim ding espada Katana'y baligtad ang talim ni Kenshin Himura upang pumayapa ang mundo sa panahon nila di mawawala ang dilim na muling bumabalik tulad din ng tanghaling ang araw ay tumitirik tulad ng saknong na may talinghagang natititik tulad sa katahimikang minsan dapat umimik kung kulay ng kwaderno ko'y itim, eh, ano naman kung sinusulat ko rito'y mithing kapayapaan habang nagpapagaling, pinapanday kong mataman ang tugma't sukat, ang puso, diwa't pangangatawan upang sa muling pakikihamok ay maging handa upang muling hasain ang sandata ng makata upang maging katuwang ng manggagawa't dalita tungo sa lipunang magpakatao ang salita - gregoriovbituinjr. 09.23.2021

Ang tula

Imahe
ANG TULA ang tula ay di kapara ng tubig na mainit na basta mo kakapehin pag may sumang malagkit lagyan mo ng asukal pag barako'y anong pait upang saknong at taludtod ay umayon nang rikit sinusubukan kong laging makalikha ng tula bawat araw, maipakitang ako'y sumisigla positibo man sa covid na nakakatulala kakatha habang nasa kisame nakatingala datapwat minsan pag nagsasalita'y inuubo sinusunod ang payo ng doktor at ng misis ko upang gumaling, upang lumakas, upang magbago ang katawan tungo sa malusog na pagkatao talaga kong kathain ang anumang nalilirip gayunman, di man makatula'y huwag ikainip mahalaga'y magpahinga, di gaanong mag-isip saknong at taludtod naman sa puso'y halukipkip - gregoriovbituinjr. 09.22.2021

Paglilimbag

Imahe
PAGLILIMBAG oo, nais ko pa ring makapaglimbag ng libro tulad ng nasimulan na ng Aklatang Obrero Publishing Collective na naglalathalang totoo ng mga prinsipyadong tula, sanaysay, at kwento kaya habang positibo sa COVID, magpagaling ingatan ang kalusugan, pangarap ay harapin maipagpapatuloy ang nasimulang layunin mga dating gawa'y maaari muling limbagin may mga bagong tula't karanasan sa pandemya ang tinipon dahil sa kakaiba nitong lasa na habang may COVID, inaakda'y tagos at dama na nilalabanan pa, at manapa'y gumaling na marahil isang aklat ng mga bagong dalumat katha sa pandemyang sa puso nga'y nakawawarat ako'y gagaling, makapaglilimbag muling sukat upang sa kapwa'y maibahagi ang tula't ulat - gregoriovbituinjr. 09.21.2021

Prutas

Imahe
PRUTAS kainin na ang prutas bago pa iyon masira sayang pag di napakinabangan, sinong kawawa kaysa mabulok, kaysa hayaan, nariyan na nga gagawin na nga lang ay kainin, di pa magawa? itinanim, diniligan, inalagaan hanggang ito'y lumago, tulad ng anak na minamahal hanggang magbunga ng magaganda sa pinagtamnan at handa nang pitasin sa panahon ng anihan ganyan ang mga magsasaka, buhay magbubukid ganyan ang buhay ng nagtatanim nating kapatid buhay ng halaman, gulay at puno'y tinatawid upang ito'y mamunga ng magaganda't matuwid nariyan na sa mesa, huwag hayaang mabulok kainin mo na hangga't di pa tuluyang malamog lalo't biyaya ng kalikasan at gintong handog pag hayaang mabulok, sa puso'y nakadudurog - gregoriovbituinjr. 09.21.2021

Alkohol

Imahe
ALKOHOL lagi kong dala saanman ang alkohol na iyon tapat siyang kasangga ko saanman pumaroon lalaging nariyan sa bulsa sa buong maghapon at magdamag, di dapat wala, di man maglimayon tulad ng face mask, face shield at pagso-social distancing siya'y lalagi nang kasangga maging sa paghimbing proteksyon laban sa virus habang nakagupiling paranoia? dapat kita ko siya pag nagising kaytindi ng pananalasa ng COVID sa bansa kayrami nang namatay, kayrami nang nangawala ang alkohol, bilang kasangga, ay sadyang dakila kahit paano, dama mong may proteksyon kang sadya ngunit di lang alkohol ang dapat nating asahan kundi sa loob ng pamilya'y ang pagtutulungan mahalaga ang pagkakaisa't pagbibigayan kahit sa ating tabi, alkohol ay mawala man - gregoriovbituinjr. 09.20.2021

Paalam, Nanay Sofia

Imahe
PAALAM, NANAY SOFIA Nitong Agosto 2021, dalawang magkapatid na pinsang buo ko at nanay nila na tiyahin ko ang sabay-sabay na namatay dahil sa COVID-19 sa Batangas. Sina Kuya Esmer Bituin, Ate Evelyn Bituin-Alipio, at Inay Charing Bituin. Ngayong Setyembre 2021, nang umuwi ako ng La Trinidad, Benguet, kina misis, dalawa ang namatay na nagpositibo rin sa COVID. Si hipag Kokway o Engeline Talastas ay namatay noong Setyembre 14. Ang aking biyenan naman, si Nanay Sofia Talastas, ay kaninang madaling araw, Setyembre 20. Matagal na ring may thyroid cancer si Nanay at ayon kay misis ay kumalat na sa katawan. Dinala si Nanay sa Benguet General Hospital, nag-swab test, at nag-positive, pati na ang isa kong pamangking lalaki, si L.K. Dinala naman kahapon ang isa ko pang pamangkin, si Nori, sa BenguetGen na binabantayan naman ng kanyang tatay, ni bayaw Demir. Ah, napakatindi ng variant na ito ng COVID na tumama sa ating bansa. Nagpa-swab test ako ng Setyembre 9 sa BenguetGen, nakuha ang resulta na...

Panuntunan

Imahe
PANUNTUNAN sundin ang anumang bilin ni misis, ito'y naging panuntunan ko na habang dito'y nagpapagaling anong oras ng pagtulog, anong oras gigising kayraming gulay na may sabaw ang aking kainin gamot na iniinom ko'y di agad matandaan samutsari, mga iyon ay sinulat ko naman may tabletang sa tubig lulusawin ng mataman subong sunud-sunod ng tableta'y ramdam ng tiyan dapat alkoholan ang anumang mahawakan ko laging may alkohol sa bulsa ng sweater o polo laging magsuob, umaga, hapon, o gabi ito pagkakain, bago matulog, nagsusuob ako sa posisyon man ng pagtulog, tagilid ang higa nakokonsentra raw ang virus pag nakatihaya oksiheno'y laging tsine-tsek upang di bumaba at kainin ang naririyang prutas na sariwa na-confine sa ospital si Biyenan at pamangkin na sa swab test, na tulad ko'y nagpositibo na rin huwag iasa kay misis ang lahat, tulungan din ang sarili upang makatulong din pag gumaling huwag lalabas, sa kwarto lang, baka maimpeksyon baka may malakas ang covid na nag...

Buko

Imahe
BUKO bukod sa virgin coconut oil, may sariwang buko ng niyog na ang tubig ay talagang tinungga ko lunas sa mga sakit na iniindang totoo O, kayganda ng umagang may buko sa tabi mo! bihira akong makakita ng puno ng niyog malamig dito, sa mainit ang punong matayog pasasalamat sa laman nitong nakabubusog na kaysarap papakin lalo na't bigay ng irog pinatatag ako nito sa mahabang lakaran tulad ng Climate Walk mula Luneta to Tacloban pag may tindero ng niyog sa aming daraanan talagang titigil sa lakad at magbibilihan tingnan mo, may tubig na, may laman pa, saan ka pa? at sa pangangatawan mo'y tiyak pampatibay pa pasasalamat sa niyog na pagkain ng masa pagkat di tayo magugutom saanman magpunta - gregoriovbituinjr. 09.19.2021

Ang bilin

Imahe
ANG BILIN nagpapagaling ka na, bawal maimpeksyon, bilin kay misis ng doktora, at tagubilin sa akin dalawa hanggang tatlong linggo pang magpapagaling mga dalawampu't isang araw pang titiisin ayos lang, habang naririto pa sa kabundukan malayo sa polusyon at mataong kalunsuran baka impeksyon pa'y maging agarang kamatayan lalo na't ngayon ay panahon ng kaligaligan nais ko na ring gumaling, ayokong maimpeksyon kaysa nakatitig sa kisameng may nakabaon sa likuran kong balaraw o kris na alon-alon dapat kong makabangon, kailangan kong bumangon magpalakas kapara ng bagani at buhawi magpatuloy nating ingatan ang buhay na iwi upang magampanan pang husay ang tungkol at mithi tungo sa isang lipunang buo, di hinahati - gregoriovbituinjr. 09.19.2021

Saging

Imahe
SAGING mabuti na lang at may saging na nakatiwangwang medyo hilaw pa, kahit paano'y pahinog naman na pamatid-gutom agad sa kinaumagahan matapos magbawas ay may potasyum sa katawan saging yaong pinagtalunan ng pagong at matsing kwento ni Doktor Rizal na may aral din sa atin pinagmulan ng "tuso man ay napaglalangan din" tulad din nitong sakit na malalagpasan natin may nagkomento ngang dahil ako'y nag-vegetarian kaya parang lantang-gulay ang aking hinantungan ang sinabing iyon ay nais kong pabulaanan kaya nagsusumikap patatagin ang kalamnan potasyum ang saging, pampatibay ng bawat buto agahan, meryenda sa hapon, busog kang totoo na kahit sa hapunan ay hahanap-hanapin mo O, saging, kaligtasan ka nga sa gutom sa mundo! - gregoriovbituinjr. 09.18.2021

Paglaban

Imahe
PAGLABAN nagulat akong sa swab test ay naging positibo bagamat umaasam pa ring ito'y negatibo narito lang, lumalaban sa mapanglaw na kwarto habang payong pangkalusugan ay sinusunod ko tunay na masakit malaman ang katotohanan ngunit kailangan ko pa ring lumaban, lumaban! ayokong matapos lang ang lahat ng walang laban ayokong matapos ang lahat ng di lumalaban nagisnan kong limang araw akong di nakatula ibig sabihin, limang araw din akong tulala na muling pagkatha ko'y tanda ng muling pagsigla ah, sana pangangatawang ito'y lumakas na nga positibo ang pananaw sa bawat adhikain resulta'y magnegatibo sana, ako'y gumaling maraming salamat sa mga suporta sa akin salamat sa mga payo n'yong tagos sa damdamin - gregoriovbituinjr. 09.18.2021

Killer sudoku raw

Imahe
KILLER SUDOKU RAW mas matinding sudoku raw kaysa simpleng sudoku dahil kaunti lang daw ang binigay na numero titigan mo lang ang sinasabing killer sudoku ano ang killer dito kung may pahimaton o clue sumulpot lang sa cellphone ko itong panibagong app killer sudoku nga'y magandang challenge sa hinagap di karaniwan, ito'y aking hinahanap-hanap lalo't ubos na ang santaon ng sudokung ganap killer sudoku'y bagong app, isang imahinasyon kung ilan ang bloke ay may suma, may pahimaton dapat lang gamitin mo ang adisyon at subtraksyon at madali mo nang masasagot ang mga iyon di talaga killer, pambulag lang ang katawagan habang nagpapagaling ay maganda ring libangan kahit paano'y naeehersisyo ang isipan at isa ring tandang napapasigla ang katawan - gregoriovbituinjr. 09.18.2021

Hipag

Imahe
HIPAG isang taospusong pagpupugay sa aking hipag nagpositibo sa sakit, buhay na'y pumanatag siya'y bunso sa magkakapatid na maririlag siya'y biglang nawala, sadyang nakababagabag siya si Bunso pagkat siya'y bunso sa pamilya mahilig magsolo, masaya kahit nag-iisa bunso kaya ibinibigay ang anumang kaya subalit ngiti niya'y di na masisilayan pa salamat, hipag, sa iyong ibinahaging buhay kahit sumandali'y nakasama ka namin, Kokway ah, napakabata mo pa upang mawalang tunay muli, maraming salamat sa iyo, pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 09.18.2021

Aliwalas

Imahe
ALIWALAS talaga ngang maaliwalas yaong kalangitan magandang sinag ng araw, mainit sa kalamnan kunwa'y maaliwalas sa aking pangangatawan na sakit ay dama pa rin ng buong katauhan bagamat maaliwalas pa rin ang mga mithi patuloy pa ring lumalaban, ramdam man ang hapdi puso't diwa'y naroon pa rin sa bayan at uri nagpapalakas pa rin pagkat nais manatili ah, ayokong matapos na lang ang lahat sa wala na sa bawat giti ng pawis ay sukat at tugma sa kasuluk-sulukang ilaya man ay may paksa at may madawag na kwento sa gubat ng pabula panay pa rin ang pagsusuob sa gabi at araw langhap ang katas ng lemon sa mainit na sabaw inhale, exhale, exercise, inhale, exhale, di magaslaw palinga-linga, tinga-tingala, pagalaw-galaw - gregoriovbituinjr. 09.17.2021

Oksiheno

Imahe
OKSIHENO mababa ang oksiheno, otsenta, otsenta'y tres inhale, exhale, mag-breathing exercise ng ilang beses kumain ng biskwit, sky flakes, huwag lang matamis huminga ng malalim, abutin ang nobenta'y tres gamit yaong oxymeter habang nagpapagaling mabuti't sa bahay lang natutulog ng mahimbing sa sampung five hundred milligrams Vitamin C lasing nobenta'y singko sa oxygen ay naabot ko rin mahirap ang maging alagain o nakaratay sa banig ng karamdaman ay naritong humimlay minsan nga'y umupo, maglakad, habang nagninilay at inaalagata ang mga adhika't pakay basta't sundin lang ang bilin ng tagapangalaga oras ng kain, inom ng gamot, kelan gagala habang tangan ko itong kwaderno upang tumula sana oksiheno ko'y tumaas, di na bumaba - gregoriovbituinjr. 09.16.2021

Nilay

Imahe
NILAY di ko matingkala ang kulay ng kaginhawahan dapat nga bang mangasul ang kulay ng kalangitan kayrami nang gamot ang sa loob ko'y nagsiksikan habang mga paruparo'y naglipana sa tiyan sa totoo lang, hindi masarap ang magkasakit na nalalasahan ko'y mapapakla't mapapait wala nang kahali-halina sa gabing pusikit lalo't di na marinig ang nagsisiyapang pipit araw-gabi'y patuloy pa rin kaming nagsusuob kung saan ang aking mukha sa init nakasubsob habang kinakapa ko anumang nasasaloob sa prinsipyong tangan ay nananatiling marubdob di kayang ligaligin ng sakit itong pagkatha lalo pa't naririyang buhay ang mga salita ang mga pluma man ay gumuguhit ng pagluha subalit ang makata'y di titigil sa paglikha - gregoriovbituinjr. 09.10.2021

Swab test

Imahe
SWAB TEST inaysolate ko na ang sarili o self-quarantine lalo't iyan ang tagubilin ng doktor sa akin dahil kanina'y nag-swab test, bibig at ilong man din ang resulta nito'y tatlong araw pang hihintayin maysakit, hirap, kaya nagpa-check up na kanina sa ospital, iba ang pakiramdam ko tuwina mga kinakain ko nga'y madalas kong isuka Gatorade na pilit ininom, niluwa talaga ngayon ko lang naranasan ang ganitong trangkaso nang dahil sa banta ng COVID ay matindi ito higit dalawang dekada ang huling trangkaso ko sa pangangalaga ni Ina ay gumaling ako naka-isolate ako sa isang silid sa bahay habang tatlong araw pa ang resulta'y hinihintay bawal makipag-usap, talagang nakahiwalay sana resulta'y negatibo ang asam kong tunay - gregoriovbituinjr. 09.09.2021

Meryenda

Imahe
MERYENDA handa ni misis ay saging, mansanas, at rambutan na batid nating pawang pampalakas ng katawan may potasyum ang saging, pampatibay ng kalamnan sa mansanas man ay may popular na kasabihan tulad ng "rain, rain, go away, come again, another day" ito nama'y "an apple a day keeps the doctor away" rambutan nama'y Bitamina C ang binibigay sa "dry lips and sprue mouth" ay kalunasan itong alay nilitratuhan ang ebidensya bago kumain lalo na't ang pakiramdam ko'y nilalagnat pa rin dahan-dahan lang ang pagkain at mauubos din meryendang pag-ibig ang may atas kung iisipin pampalusog na prutas, pampalusog na meryenda hiling ko'y bumalik na ang lakas ko't gumaling na - gregoriovbituinjr. 09.08.2021

Di na inubo

Imahe
DI NA INUBO napansin kong inuubo ako pag nakahiga kaya inom agad ng tubig nang ito'y mawala kaya sinubukan kong umupo, di humilata at di na dinalahit ng ubong kasumpa-sumpa isang solusyon iyon na talagang natagpuan tila himala itong di ko pa maunawaan o baka naman agham ay may eksplanasyon diyan ah, maraming salamat sa ganitong kalutasan ayon sa datos ng thermometer, may lagnat pa rin minsan, sinusuka lang ang anumang kainin konting kain, busog agad, minsan ay nahihirin nagsusuob, mainit na tubig ay lalanghapin sana'y gumaling na sa sakit kong dinaranas habang patuloy ang pag-inom ng mga tabletas upang katawan ko'y lumusog, at ako'y lumakas at sa anumang sakit ay talagang makaiwas - gregoriovbituinjr. 09.07.2021

Sa ika-75 kaarawan ng mahal kong ina

Imahe
SA IKA-75 KAARAWAN NG MAHAL KONG INA gaano pa man kalayo ang Benguet at Batangas ay di ako nakalilimot bumati ng wagas inang anong tatag sa kayrami niyang dinanas inang gabay ng mga anak at palaging patas maligayang ikapitumpu't limang kaarawan sa iyo, mahal kong ina, aking pinanggalingan nawa kayo ni Dad, nasa mabuting kalagayan di nagkakasakit at maayos ang kalusugan bata pa kaming magkakapatid, inalagaan pinalaki kaming matuwid at may karangalan pakikipagkapwa'y inukit sa puso't isipan opo, tunay kayong gabay ng aming katauhan kami ni misis ay naritong kayo'y naalala at nagsisikap kamtin ang pangarap at pag-asa maligaya pong kaarawan, mahal naming ina nawa patuloy n'yong kamtin ang maraming biyaya - gregoriovbituinjr. 09.06.2021

Karamdaman

Imahe
KARAMDAMAN para bang dumapo sa akin ay kayraming sakit nang dumating sa malamig, nanggaling sa mainit lagnat, sipon, nagka-sore eyes pa pagdating sa Benguet mabuti't narito si misis, may gamot na bitbit dapat akong magpagaling, katawan ay sumigla nagpapainit sa araw upang huwag manlata ingat-ingat, huwag sanang COVID na nagbabanta dahil sakit na iyon ay sadyang kasumpa-sumpa tinitigan kong nakapikit ang umagang araw habang nakadipa upang lumakas ang katawan upang mainitan sa paligid na anong ginaw nais magbawas, walang nilabas ng ilang araw kapara ng Mulawin, mula sa araw ang lakas bagamat wala akong naitatagong ugatpak ang ninanais ko lamang ay gumaling nang sukat nang marami pang magawa pag araw na'y ninikat binigyan ni misis ng inhaler para sa sipon at pinatakan pa ng eye mo ang sore eyes kong iyon upang di makahawa, nag-dark glass buong maghapon at naglagundi, biogesic, ascorbic, revicon tubig na may asin ang pagwo-water therapy ko pinangmumumog o kaya'y nilalagok ko it...

Sa ika-68 kaarawan ng aking biyenan

Imahe
SA IKA-68 KAARAWAN NG AKING BIYENAN maligayang ikaanimnapu't walong kaarawan sa aking maalalahanin at butihing biyenan nawa'y manatili kayo sa magandang kalusugan di nagkakasakit, nasa maayos na kalagayan sa inyo pong kaarawan, di man marami ang handa ang mahalaga'y ramdam ng pamilya'y ligaya't tuwa lalo't narito sina bayaw, hipag, at mga bata pulos kwentuhan, nagpatugtog si misis, kaysaya nga dagdag pa, kami naman ni misis ay nagsusumikap tungo sa magandang bukas na aming pinapangarap bagamat nasa pandemya'y di sinasayang ang hirap anuman ang problema'y nadaraan sa pag-uusap salamat po, Nanay, sa mga payo ninyong totoo muli, pagbati'y maligayang kaarawan sa inyo - gregoriovbituinjr. 09.05.2021

Alagata

Imahe
ALAGATA lumayo muna sa kalunsuran upang magnilay lalo't tatlong kamag-anak ang sa COVID namatay at nitong nakaraan lang ay sumamang maglakbay kina bayaw sa pagtungo kina misis at nanay aking inaalagata ang mga nangyayari kung bakit ang virus na ito'y kayraming nadale aking pinagninilayan ang isyung anong dami pinagmununian din bawat problema't diskarte nasa malayong lalawigang inaalagata ang mga balantukang sugat na nananariwa sa loob at kaloobang animo'y dinadagsa ng mga salot na halimaw na sadyang kaysama kailan daratal sa bayan ang kaginhawaan na ipinaglaban noon pa man ng Katipunan ang sumisira sa bakal ay sariling kalawang panlaban daw sa aswang, salot, at virus ay bawang ayokong alagatain ang pulos pagkabigo o kasawiang nakakaapekto rin sa puso ngunit di maiwasan kung dumatal ang siphayo dapat lamang ay handa ka hanggang ito'y maglaho - gregoriovbituinjr. 09.04.2021

Sa puno ng potasyum

Imahe
SA PUNO NG POTASYUM doon sa puno ng saging, ako'y nakatingala baka may malaglag na anting, anang matatanda ngunit maraming makakasagupang lamanglupa dapat ko raw maging handa, di man naniniwala nakatingala ako doon sa puno ng saging namunga ng isang buwig bagamat hilaw pa rin huwag munang pitasin, ito muna'y pahinugin sa puno, upang pag pinitas na'y masarap man din narito ako sa lilim ng puno ng potasyum pampatibay ng buto, anti-oxidants pa'y meron mayaman sa bitamina C, B6 at magnesyum kailangang magpalakas, ehersisyo sa hapon dahil sa potasyum kaya saging ay kinakain marami nito'y kailangan ng katawan natin ilang araw pa't bunga nito'y mahihinog na rin kaygandang panahon upang potasyum na'y kainin - gregoriovbituinjr. 09.04.2021

Fully vaccinated na si misis

Imahe
FULLY VACCINATED NA SI MISIS fully vaccinated na si misis, bakunado na habang sa ospital, hinintay ko't sinundo siya ngunit mag-face mask at face shield  pa rin, mag-alkohol pa upang makaiwas sa COVID na nananalasa Pfizer ang kanyang bakuna, Astrazeneca ako bakuna niya ang pagitan ay dalawang linggo Astrazeneca'y tatlong buwan pa'y hihintayin ko upang bakunahan, maging certified bakunado minsan talaga, ang pagbabakuna'y dapat lamang upang ang pamilya't kalusugan ay maingatan at bantang sakit ay bakasakaling maiwasan at upang makaiwas din sa bantang kamatayan salamat naman, fully vaccinated na si misis habang tila siya bumata't kuminis ang kutis - gregoriovbituinjr. 09.03.2021

Si Jose Mari Chan at ang mga natanggal na obrero

Imahe
SI JOSE MARI CHAN AT ANG MGA NATANGGAL NA OBRERO 'ber months na, maririnig na naman natin ang mga awiting pamasko datapwat Pasko'y malayo pa wala pang Undas, pauso na ng kapitalista nang pamaskong regalo'y maihanda't mabili na habang umeere ang tinig ni Jose Mari Chan may isang paalala lamang si kasamang Emman isang union buster at sa manggagawa'y kalaban si Jose Mari Chan, masakit na katotohanan sa Hotel Enterprises of the Philippines, pangulo ang Hyatt Regency Manila'y pag-aari nito babayarang service charge na one point three milyong piso ay kanya pang ipinagkait sa mga obrero dulot nito'y illegal mass lay-off ng manggagawa higit dalawang daan silang trabaho'y nawala sa kabila ng awit, may lihim palang nagawa na sa mga obrero'y bagay na kasumpa-sumpa at salamat, Ka Emman, sa pagbubulgar mong ito di mo kasalanan, tapat ka lang sa tungkulin mo habang umaawit si Chan, tandaan natin ito dahil sa kanya'y kayraming nawalan ng trabaho - gregoriovbitu...

Pagpupugay sa dukhang Olympic Bronze Medalist

Imahe
PAGPUPUGAY SA DUKHANG OLYMPIC BRONZE MEDALIST kamamatay lang ng Seoul Olympic bronze medalist ang boksingero't kababayang Leopoldo Serrantes bago mamatay, sa ospital siya'y nagtitiis sa sakit na chronic obstructive pulmonary disease at dalawang linggo lamang bago siya mamatay ang tindahang Chooks-to-go ay nag-commit na magbigay ng sandaang libong pisong allowance kada buwan upang makatulong sa gastusin sa pagamutan buti pa ang tindahan ng lutong manok, Chooks-to-go may buwanang allowance na sandaang libong piso na ayon sa anak, walang napala sa gobyerno gayong nagbigay ng karangalan si Mang Leopoldo Olympic medalist natin ay namatay na dukha buti't si Hidilyn, may milyon-milyong gantimpala iba ang maka-gold, pag bronze medal lang ba'y kawawa ang ambag ni Serrantes sana'y di mabalewala gayunman, pagpupugay kay Mang Leopoldo Serrantes na doon sa Seoul Olympics naging bronze medalist sana mga Olympian nating nakikipagtagis sa laban sa ibang bansa sa kanya'y di mapa...

Minolestiya ng parak

Imahe
MINOLESTIYA NG PARAK anong lupit nitong balitang di ko madalumat kung bakit nangyayari, buti't ito'y naiulat kaya sa mamamahayag na nagsulat, salamat at ganitong mga krimen ay agad mong naungkat minanyak ng pulis ang isang quarantine pasaway isang balitang talagang di ka mapapalagay akala ng pulis, babae'y tatahimik lamang dahil sa kanyang tsapa, babae'y takot matokhang Unathorized Person Outside Residence ang babae dahil lockdown sa lugar nila ay baka bibili upang makakain ang pamilya, ngunit hinuli dinala sa boarding house ng pulis, aba'y salbahe doon na minolestiya ang labingsiyam na anyos na biktima, dalawang pulis pala ang nambastos talagang ginawa nila'y krimeng kalunos-lunos ngunit nasabing dalaga'y handang makipagtuos at nang nasabing babae'y nagsampa ng reklamo ay dinisarmahan ang pulis ng kabaro nito nilagay sa restrictive custody ang taong ito na dapat lamang makulong sa ginawang asunto mga ganitong pulis ay di dapat pamarisan na ginagamit ang...

SUOB pala ay steam inhalation

Imahe
SUOB PALA AY STEAM INHALATION SUOB, bagong salitang natutuhan ko lang ngayon ngunit salitang lalawiganin marahil iyon sagot nina Pinsan at Utol: steam inhalation upang mag-ingat ang lahat at naiwan pa roon  lalo't tatlong kamag-anak ang agarang namatay dahil sa COVID ay di napapanahong nahimlay nagbuo ng grupo sa fb doon nagtalakay nag-usap-usap, anong gagawin, maging matibay magpipinsan ay nag-usap at nagtutulong-tulong binabasa anumang napag-uusapan doon at magSUOB daw upang katawan ay may proteksyon laban sa virus na di makitang kalaban ngayon bilin sa mga kaanak, mag-ingat-ingat pa rin bilin ay SUOB, magmumog ng tubig na may asin magpainit ng tubig, usok niyon ay langhapin dapat may twalya upang usok sa'yo papuntahin salamat, SUOB pala'y termino sa kalusugan salin ng steam inhalation sa wika ng bayan lokal mang salita sa pinagmulang lalawigan ni ama, ay gagamitin ko na sa panulaan - gregoriovbituinjr. 09.01.2021 * ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang suob sa ikatlong...