Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hunyo, 2022

Sa Daang Mulawin

Imahe
SA DAANG MULAWIN ako si Agilus at siya naman si Alwina sa mundo ng mga Mulawin ay magkapareha sa daigdig ng mga taong ibon sumisinta ngunit handang magtanggol laban sa mga Ravena minsan ay napapunta ako sa Daang Mulawin sa isang lalawigang doon nagnilay-nilay din ng samutsaring nangyari't paksa sa mundo natin na nagpatibay sa aking prinsipyo't adhikain payak lamang ang hinahangad ko sa iwing buhay na aking Alwina'y makasama sa tuwa't lumbay na karapatang pantao't hustisya'y kamting tunay na uring manggagawa sa layon ay magtagumpay narito man sa Daang Mulawin, may nalilirip punong mulawin ay alagaan nati't masagip laban sa kapitalismong tubo ang sinisipsip pagdurog sa sistemang bulok na'y di panaginip - gregoriovbituinjr. 06.30.2022

Organisado

Imahe
ORGANISADO epektibong tugon daw sa organisadong ganid ay organisadong unyon, sa t-shirt ng kapatid na manggagawa nakatatak, nang ating mabatid naalala ko si Neri sa kanyang "moderate greed" organisadong kasakiman ng tusong kuhila at ng burgesya't uring mapagsamantalang lubha sa bunga ng paggawa'y bundat at nagpakasasa organisadong unyon ang tugon ng manggagawa O, manggagawa, magkaisa't magtayo ng unyon makabubuti ang pagkakapitbisig n'yo ngayon pangalagaan ang karapatan ang inyong tugon sa mga mapagsamantalang bwitre kung lumamon lampas sa pagiging unyon ay maging makauri upang mapang-aping sistema'y baguhin, magapi lipunan ng manggagawa'y itayo, ipagwagi organisahin ninyo ang sarili bilang uri - gregoriovbituinjr. 06.30.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa isang pulong ng mga manggagawa 

Paskil

Imahe
PASKIL nadaanan kong muli ang paskil kaya naroong napapatigil baligtad ba'y ginawa ng sutll? basura'y lipana't di matigil paalala nga'y "Bawal magkalat" habang pader ay tadtad ng sulat na tila may isinisiwalat na kung titiga'y di madalumat O, kalikasan, kapaligiran! magtatanghal pa ba sa lansangan? baka, kung di maalibadbaran sa paligid na panonooran huwag magkalat, dapat mabatid pagnilayan ang mensaheng hatid madaling maunawa, kapatid na maraming bagay ay di lingid upang di tayo mapariwara'y dinggin naman yaong paunawa upang kung dumaan man ang sigwa'y di malunod sa basura't baha - gregoriovbituinjr. 06.29.2022

Habambuhay

Imahe
HABAMBUHAY patuloy ang paghagod ng pluma't  tinta sa papel, upang isulat ang dighay, lumbay, danas ng masa mula puso'y isinisiwalat ang maraming isyu't panunuyo ng lalamunang walang masambit nilalahad din ang panunuyo sa diwatang sadyang anong rikit tungkulin na iyong habambuhay na niyakap ng abang makata na patuloy yaong pagninilay kaharap man ay matinding sigwa sinasatitik ang dusa't danas ng maralita't uring obrero hinahangad ay sistemang patas patungong lipunang makatao habambuhay na ang adhikaing niyakap ng may buong paghamon pagsasaliksik ay sinisinsin adhika'y kaaya-ayang panahon - gregoriovbituinjr. 06.29.2022

Tugâ

Imahe
TUGĂ‚ tugâ  -  pagbugbog sa isang tao para umamin anang U.P. Diksiyonaryong Filipino natin paaminin sa anumang sala o pakantahin na nabatid kong salita sa pelikula na rin akala ko nga'y islang o pabalbal na salita ngunit mula palang Bikol at Tagalog ang TUGĂ‚ kahulugan ay tortyur, pagmamalupit ngang sadya nahuli'y pinatutuga nang dumulas ang dila kung tortyur ay tugâ, ayon sa talahuluganan, pag ating inisip ay magkaiba pa rin naman tortyur ay pagmamalupit, katawa'y sinasaktan tuga'y pagpapaamin sa anumang nalalaman ngunit magkahulugan dahil iisa ng layon pinatutuga upang pakantahin na paglaon; gayunman, may Anti-Torture Law nang batas sa nasyon kaya dapat itigil na ang panonortyur ngayon - gregoriovbituinjr. 06.28.2022 *  tugâ  -  torture , mula sa UPDF, pahina 1282

Tortyur

Imahe
TOR TYUR tulang alay sa  International Day in Support of Victims of Torture  tuwing Hunyo 26 matitindi ang pananakit o pagtortyur ng malulupit sa nahuhuling maliliit na karapata'y pinagkait bakit ba tinotortyur sila? upang alam nila'y ikanta? upang di alam ay ibuga? sinaktan, patugain sila? anong tingin natin sa tortyur? ah, que barbaridad, que horror! ito'y di makataong hatol sa ganito'y dapat tumutol di makatao, kalupitan panlipunang hustisya'y nahan? respetuhin ang karapatan ang wastong proseso'y igalang - gregoriovbituinjr. 06.27.2022 * litratong kuha sa Bulwagang Diokno sa CHR matapos ang isang aktibidad

Banyaga ngunit hindi dayuhan

Imahe
BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan. Sikat nga ang panawagang  "Palayasin ang mga dayuhan!"  lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon. Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na  "foreign authors"  o  "foreign poets"  ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa. Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula...

Streak 160

Imahe
STREAK 160 tatlong mali ka lang, wala ka na! tiyak na balik ka sa umpisa ramdam mong naupos ka talaga sayang kung Streak One Sixty ka na kaya paglalaro'y ingatan mo lalo't nilalaro mo'y Sudoku bagamat ito'y pulos numero nilalaro'y lohikang totoo sa walumpu't isang parisukat siyam na numero'y ilaladlad bawat linya'y walang magkatulad pag may pareho'y mali ka agad pababa, pahalang, o pahilis numero'y ilagay ng malinis orasan gaano ka kabilis Sudoku'y lutasing walang mintis - gregoriovbituinjr. 06.27.2022

Dagok

Imahe
DAGOK paano ba natin ginagalang ang mambabasa kung kathang tula sa kanila'y nakakaumay na may isyu't mensahe kang nais mong mabatid nila subalit tula mo'y may talinghaga't kariktan ba? may adhikain ang makatang isinasabuhay sa ilalim ng tanglaw ng musa napagninilay na bago pa siya hiranging kalaban at bangkay mensahe'y ipaalam, masa'y pakilusing tunay kalikasan, kapaligiran, kariktan, katwiran  talinghaga, manggagawa, nagdaralita, bayan lansangan, karapatan, katarungang panlipunan sinuman, anuman, saanman, paano, kailan bihirang may mag-like sa mga tula ko sa pesbuk tanda bang ako'y dapat tumigil, di ko maarok patuloy lang ako sa pagkatha, ito ma'y dagok baka may mamulat sa sistemang di ko malunok - gregoriovbituinjr. 06.26.2022

Nauupos

Imahe
NAUUPOS naupos ako't kayraming upos na sa paligid ay di maubos kalikasa'y nakawawang lubos tila ba tayo na'y kinakalos upos na tila ba anong lupit sa laot ng linggatong ay dapit na di maawat ang makukulit tapon ay upos na humahaplit kailan ba ito magwawakas? upang kalikasa'y mailigtas tila mundo'y nagkalugas-lugas na di batid paano malutas buti't ginagawan ng paraan na pansamantalang kalutasan tulad ng paglikha ng titisan o ashtray na upos ay tapunan tayo kaya'y bakit urong-sulong? sa isyung ito'y di makatulong? yaring problema'y saan hahantong? kung di malutas ng marurunong - gregoriovbituinjr. 06.26.2022

Sipat

Imahe
SIPAT sinisipat ko sa gunita yaring niyakap na adhika noon, nang ako'y magbinata hanggang ngayong ako'y tumanda tinatalupan ko ang mangga nang tikman ang sarap ng lasa ibigay sa magiging ina lalo naglilihi pa siya tayog ay di ko na maarok marating pa kaya ang tuktok kaylalim ng mga himutok ng masa sa sistemang bulok sa adhika'y di humihindi maaari mang ikasawi  ito'y pagbabakasakali upang laban ay ipagwagi - gregoriovbituinjr. 06.25.2022

Sa PRS 15

Imahe
SA PRS 15 taospusong pasalamat sa Palihang Rogelio Sicat upang itong aming panulat ay umunlad, makapagmulat di nakapikit, kundi dilat para sa karaniwang tao para sa kung anong totoo at sa karapatang pantao maging sa iba't ibang isyu sa PRS, kami'y saludo - gregoriovbituinjr. 06.25.2022 *  munting tulang binigkas ng makata sa inihandang palatuntunan bago sila magtapos sa ika-15 PRS (Palihang Rogelio Sicat)

Pangangarap

Imahe
PANGANGARAP nakatapak pa rin ako sa lupa na sa pagtatrabaho'y kandakuba pilit inaabot ang mga tala na ikukwintas sa mutyang diwata ako man ay Bituing walang ningning na sa langit ay walang makasiping aking mga mata'y di nakapiring dama't dinig ang masang dumaraing maputik ang daan kong nilalandas upang makamit ang lipunang patas upang kawalang hustisya'y magwakas at madama ang pag-ibig na wagas di pa rin tumitigil sa pagkilos organisahin ang naghihikahos upang sistemang bulok na'y matapos upang labanan ang pambubusabos patuloy din ako sa pangangarap na malansag na iyang pangongorap upang mga dukha'y di na maghirap kundi asam na ginhawa'y malasap - gregoriovbituinjr. 06.24.2022

Alagata

Imahe
ALAGA TA pumatak na naman ang ulan habang nakikinig ng talakayan sa zoom na halos di na marinig ang tagapagsalita sa tinuran niyang tindig hinggil sa ilang isyung pambayan at pandaigdig may bagyo ba? anong pangalan? hanggang pinasok ko ang mga damit na nakasampay sa labas, dito ko naalagata paano tutugon ng wasto hinggil sa papainit na klima sa ating mundo isinuot ko ang naitagong pantalong kupas na alaala ng kabinataan kong lumipas habang pang-itaas ay kamisetang walang manggas nasa diwa yaong pagtahak sa putikang landas gabi, naririto't di pa rin dalawin ng antok ang pusa'y nag-aabang sa labas, may inaarok ako, mailalagay kaya ang dukha sa tuktok? marahil, kung mapapalitan ang sistemang bulok - gregoriovbituinjr. 06.23.2022

Halibyong

Imahe
HALIBYONG mga balita'y pinapaganda iniba ang totoong istorya ginawa itong kaaya-aya puro paganda ang propaganda  gintong panahon ng palamara at mga gawa-gawang pantasya ay agad kinapitan ng masa; may nakita ba ritong pag-asa? katotohana'y nayurakan na ng halibyong na masa'y puntirya na tila pulido ang sistema at maayos nilang nakamada nagbabalik ba ang diktadura? ang madla kaya'y nakalimot na? sa nakaraan nilang historya't kawalan ng asam na hustisya? - gregoriovbituinjr. 06.23.2022 *  halibyong  -  fake   news , pagkukuwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 426 * ang litrato'y selfie ng makatang gala sa painting gallery ng isang mall

Digmaan

Imahe
DIGMAAN Tula   ni   Eugene   Pottier malayang   salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 10 pantig bawat taludtod  Para   kay   Eugene   Baillet Kahahayag pa lang ng digmaan  Anang mga buwitre, "Sunggaban!" Ngunit wala halos kaibahan: Di ba't araw-araw na'y digmaan? Gayunman, balatkayo'y tinanggal, Animo'y baliw sa paghalakhak; Helmet ay sinuot ng kalansay, Kabayong kalansay na'y daratal Hintay nila'y pawang kasamaan, Sa bawat uri 't lahat ng antas; Dito'y may bayarang pananambang, Doon, tangan ng pamilya'y tabak. Di mapalawak, mga bandido'y Pinatapon sa kolonyang penal; Hinayaan lang ang pandarambong Sa anyo ng buwis, mga istak Pinawi nila ang madugong uhaw, Pati makahayop na silakbo, Ginambala pa si Lacenaire, At pinalungkot pa si Castaing. Pagpaslang ng bata'y kinondena, Anak nami'y dalawampu, ngayon Ang lupon ng berdugo'y nagpasya Aling mabuti ang sa bitayan. Ang impantisidyo'y tinuligsa, Anak namin ngayo'y dalawampu, Nga...

Kailangan ka

Imahe
KAILANGAN KA bayani ay kailangan ng ating kapaligiran at daigdig na tahanan; ikaw ba'y isa na riyan? daigdig ay gawing lunti basura'y di maging gawi baluktot ay mapapawi kung iwawasto ang mali sinong magtutulong-tulong kundi tayo-tayo ngayon buti ng mundo'y isulong tungkuling napapanahon kung gawin ang sinasabi upang sa mundo'y mangyari ang dito'y makabubuti  Igan, isa kang bayani - gregoriovbituinjr. 06.22.2022

Soneto sa mulaga

Imahe
SONETO SA MULAGA  ang problema raw nila sa akin kaya di raw nila pinapansin napakatahimik ng butiki sa kisame nakatitig lagi na di raw kasi mapagsabihan pulos kuwan ang nasa isipan bodily-present, mukhang bulutong absent-minded na pulos kurikong sakit na ang pagiging tulala buti pang ulo'y lagyan ng tingga dapat nang ayusin ang diskarte kaysa gumagala sa kisame baka biglang sa mukha lumagpak at sila'y biglang magsihalakhak - gregoriovbituinjr. 06.21.2022

Pagtipa

Imahe
PAGTIPA nagtatayp ako sa Filipino biglang iibahin nitong selpon ang anumang isinusulat ko kaya madalas ihagis iyon dahil sa inis, nakakainis sinulat ko'y biglang iibahin ang Tagalog ko'y gagawing Ingles nitong tinamaan ng magaling  kinokorek ako't minamali dugo ko'y nagtataasang kagyat; mag-edit at huwag magmadali ito ang naging gabay ko't sukat si misis ang di napapakali sino na naman ang inaaway; buti't nandiyan siya sa tabi baka selpon ay basag nang tunay habaan ang pisi, kanyang payo magpasensya sa bawat larangan di ako dapat nasisiphayo pagkat kaunting bagay lang iyan - gregoriovbituinjr. 06.21.2022

Alapaap

Imahe
ALAPAAP madalas ay napapatingala upang titigan ang alapaap na ang hubog ay kaygandang sadya nais tuloy marating ang ulap baka naroroon ang diwata magandang musang nasa hinagap inaawitan ang mga tala habang pipit ay sisiyap-siyap sa toreng garing, makata'y wala nasa putikang sisinghap-singhap kasama ang dukha't manggagawa lipunang makatao ang hanap may tungkuling gagawin sa bansa paano lalabanan ang korap paano durugin ang kuhila at pagkaisahin ang mahirap narito akong nakatingala habang kandila'y aandap-andap gamugamo'y biglang nangawala nasunog ang pakpak sa sang-iglap - gregoriovbituinjr. 06.21.2022

Puna

Imahe
PUNA sementado na nga, papatungan pa ng aspalto dahil ba katapusang buwan na nitong pangulo? kaya kailangang gamitin ang natirang pondo dahil pondong di ginamit, isasauli ito kaya kahit sementado na ang nasabing daan upang magamit ang pondo'y mag-aaspalto naman imbes ibigay bilang ayuda sa mamamayan gumawa ng proyektong di pa naman kailangan anong epekto sa mamamayan ng ganyang gawa? pag umulan, bumagyo o nanalanta ang sigwa tataas ang kalsada't sa bahay na magbabaha! di ba nila naisip ang kanilang malilikha? sementado na, aaspaltaduhin pa, ay, astig! aba, iyan ang pagtingin ko, ha, di nang-uusig ay, huwag ka sanang masaktan sa iyong narinig pondo ng bayan, gamiting tama, huwag manglupig! - gregoriovbituinjr. 06.21.2022

Hindi namatay ang Komyun

Imahe
HINDI IYON NAMATAY tula ni Eugene Pottier hinggil sa Paris Commune malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Pinagmulan: Eugène Pottier, Chants RĂ©volutionnaires (ikalawang edisyon), Paris, Bureau de ComitĂ© Pottier, [n.d.]; Isinalin: ni Mitchell Abidor; CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2013. Para sa mga nakaligtas sa Madugong Linggo Pinaslang nila iyon ng mga putok ng riple, na may mga putok ng masinggan at iginulong ito sa watawat  sa lupang parang luwad. At ang pulutong ng bundat na mga berdugo ay nag-akalang mas malalakas sila, ngunit wala sa mga iyon ang nagbago, Nicolas, dahil hindi namatay ang Komyun! Tulad ng pag-aani ng mga manggagapas, tulad ng mga mansanas na naglagpakan sa lupa, ang mga Versaillais, na di bababa sa isang daang libong katao, ay pinagpapaslang. At yaong daang libong pagpaslang, Tingni kung anong kanilang dinala. Ngunit wala sa mga iyon ang nagbago, Nicolas, dahil hindi namatay ang Komyun! Bagamat pinaslang nila sina Varlin...

Apat na lalaki, apat na bote

Imahe
APAT NA LALAKI, APAT NA BOTE tula ni Nâzım Hikmet Ran malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Isang bilog          na papag. Apat na bote. Apat na lalaki at apat na baso ng alak -                    MĂ©doc. Sa mga kopita                  may alak,                  walang alak,                  may alak, Apat na lalaki ang tumatagay. Isang bote na’y walang laman. Isang lalaki ang nagsalita: - Bukas              Aayusin ko ang usapin              nang matindi. Walang sinayang na salita -               ang lalaki'y               dapat mabitay. Tatlong bote na’y walang laman. Tumugon ang tatlong lalaki, Tumugon ang tatlong bibig: - Oo naman  ...

Sa bansang iyon

Imahe
SA BANSANG IYON Jose Marti, bayani't makatang Cubano ang bansa'y pinamunuan ni Fidel Castro Che Guevara, sa mundo'y sikat ang litrato Yordenis Ugas, kay Pacquiao huling tumalo pinanalo noon ang rebolusyon nila sama-sama sa pakikibakang gerilya na nagsibaba mula Sierra Maestra pinatalsik ang diktador na si Batista magaganda ang kanilang mga tugtugin Bela Ciao, Bela Ciao na kanilang awitin bata-batalyong doktor, pinatapos man din nangunguna sa medisina't kaygagaling may pagkakapantay ng mga karapatan mamamayang di pasasakop sa dayuhan lahat ay kumakain, walang kagutuman ang sistema nila'y nais kong matutunan pangarap kong minsan man lang sa aking buhay doon ay makadalaw at makapagnilay makiisa sa kanila, makitalakay sana'y marating ko iyon bago humimlay - gregoriovbituinjr. 06.20.2022

Pag-ibig

Imahe
PAG-IBIG "Love is one heart in two bodies."  Iyon ang nakasulat sa munting kahon doon habang binabasa'y aklat ng mga tula ng mga makatang mapagmulat nakikibaka para sa kapakanan ng lahat madalas na dalawang katawan ay nagkaniig kaya asawa'y kabiyak ng puso pag narinig sa ginhawa't hirap, sa saya't dusa, magkasandig alindog ng pagsuyo'y daramhin sa bawat tindig kabiyak ay kasangga sa daratal na pagsubok na minsan mga puso lamang ang nakakatarok di man ibuka ang bibig, madarama ang udyok ng laman at nasang nais makaraos sa rurok O, pag-ibig, ang kapangyarihan mo'y mahiwaga na sa tulad kong sumisinta, sa laban ay handa abutin man ng tabsing sa dagat o kaya'y sigwa gagawin ang lahat upang di ka mabalewala - gregoriovbituinjr. 06.19.2022

Aklat

Imahe
AKLAT natsambahan ko lang itinitinda sa bangketa ang isang pambihirang aklat sa literatura aba'y bente pesos ko lang nabili, murang-mura kayraming kwento, kayraming tula, kaaya-aya minsan talaga, kahit di ka sa bookstore maghanap ay may magaganda ka ring librong mahahagilap nabili sa isang komunidad ng mahihirap dalawang daang pahina, diwa'y kikisap-kisap sa munti kong aklatan, ito na'y collector's item sa mga libreng oras ay tiyak kong babasahin lalo sa panahon ng pagninilay o panindim na sa guniguni'y tulay sa liwanag at dilim may kwento, makukulay na larawan, mga tula binili bilang suporta rin sa mga makata tingni ang pabalat, aklat ay may gawad pang sadya ibig sabihin, kinikilala ito ng madla tanging masasabi'y taospusong pasasalamat sapagkat natsambahan itong pambihirang aklat na binigyang gawad pa ay Unyon ng Manunulat sa Pilipinas o UMPIL, na samahang mabigat - gregoriovbituinjr. 06.19.2022 * litrato ng pabalat ng HEIGHTS, ang opisyal na pampanitikang pub...

Bayani

Imahe
BAYANI bayani ang ating mga ama kaya pagpugayan natin sila sa mga nagawa sa pamilya minahal ang anak at si ina si Rizal, ating bayaning tunay na sa bayan, buhay ay inalay at bayani rin ang mga tatay na buhay sa pamilya inalay Rizal, pambansang bayani natin tulad ng bayaning tatay natin ang lahat ay kanilang gagawin upang magandang bukas ay kamtin kay Rizal at sa lahat ng tatay salamat sa buhay ninyong alay kami'y taospusong nagpupugay sa inyo po, mabuhay! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 06.19.2022 * mga litrato mula sa google

Sunken garden

Imahe
SUNKEN GARDEN kaysarap na tambayan ang paligid na mapuno dinig mo ang mga kuliglig sa pag-aawitan animo kuliglig ay naghahandog ng pagsuyo sa kasintahan o marahil sa sangkatauhan kaylinis dito't anong sarap ng simoy ng hangin tila walang kalat maliban sa balat ng kendi kaysarap magpahinga't nakaraan ay nilayin tulain ang karanasan gaano man katindi tila ba nasa kanayunan at ako'y malusog tila ba walang karamdaman o anumang sakit narito ako sa gubat sa lungsod, aking irog paligid ay dinaramang nakatitig sa langit sa panahong ganito, itinutula'y pag-ibig sa ibang panahon, itinutula'y isyu't tindig - gregoriovbituinjr. 06.18.2022

Dalawang puno

Imahe
DALAWANG   PUNO animo'y binti ng kapre ang mga naroong puno na sa aking guniguni ay bigla namang naglaho totoo kayang may kapre, manananggal at tikbalang? gaano sila kalaki? sila ba'y may pusong halang? nakunan ko ng litrato ang dalawang punong iyon dahil iba ang sipat ko gana ng imahinasyon namalikmata na naman sa pagpitik ng kamera di ba nagulumihanan sa mga pinagkukuha? - gregoriovbituinjr. 06.18.2022

Pangarap

Imahe
PANGARAP muling mag-aral ang pangarap ko nais tapusin ang kolehiyo't makatapos din ng doktorado habang tangan pa rin ang prinsipyo noon ay umalis ng eskwela upang magpultaym na aktibista hanggang maging laman ng kalsada nakulong, lumaya't patuloy pa kurso'y math, nais mag-inhinyero napunta sa pangkampus na dyaryo sa pagsusulat naging seryoso hanggang niyakap ang aktibismo pinupuna ang abuso't bundat sa dyaryo ng dukha't nagsasalat dyaryo ng obrerong mapagmulat kinakatha'y kwento, tula't ulat ah, mas mabuti nang may tinapos upang respetuhin ka ng lubos at naghahandang makipagtuos sa mga tuso't mapambusabos - gregoriovbituinjr. 06.18.2022

Sining

Imahe
SINING isang pagkakataon ang darating na palihan upang aking mapaghusay pa yaring kakanyahan matuto't mapaunlad ang niyakap na larangan palihan itong buong puso kong pagsisikapan bihirang mabigyan ng ganitong pagkakataon di ko sasayangin ito't bibigyan ng panahon tulad niring mga akdang kaytagal kong tinipon na pawang tirintas ng tindig, danas ko't kahapon sasagupa akong muli sa walang katiyakan na tangi kong magagawa, sining ko'y paghusayan isapuso't isadiwa bawat napag-aralan kahit may batikos o mga punang maramdaman sige, humayo ka, goryo't pagbutihin ang sining kumatha ka ng kumatha, malagot man ang bagting itula mo ang kadakilaan ng magigiting habang pinupuna ang mga kuhila't balimbing - gregoriovbituinjr. 06.18.2022

Tirisin ang mga linta

Imahe
TIRISIN A NG   MGA   LINTA tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Attorney Luke sa kanyang mga talumpati, nakagagalit nga! ang manpower agency pala kung ating maarok ay lintang maninipsip ng dugo ng manggagawa silang sanhi bakit mayroong kontraktwalisasyon manpower agencies na kumukubra sa kumpanya gayong di naman parte't walang ambag sa produksyon nagkukunwaring employer, mga linta talaga! employer-employee relationship dito'y tinanggal nang walang kahirap-hirap, kumikitang kaytindi kaya kontraktwal ay pwedeng matanggal sa prinsipal dahil empleyado kuno ng manpower agency iyang kontraktwalisasyon ay mawawakasan lang pag mga manpower agencies ay isarang sadya upang sa pag-eempleyo'y wala nang nanggugulang at maging regular at direct-hired ang manggagawa tunay na security of tenure law, isabatas kung saan manpower agencies ay di na iiral kung saan palakad sa trabaho'y magiging patas kung saan manggagawa'y tunay na mareregular manpower agencies, maninipsip ng dugo't pa...

Pagsasalin

Imahe
PAGSASALIN Hindi dakila ang digmaan, kaya hindi ko isinalin ng "dakila" ang "great" sa aklat na  Poems of the Great War 1914-1918.  Mas angkop pa marahil na salin ng "great" sa puntong ito ay "dambuhala". Kaya dapat isalin itong  Mga Tula noong Dambuhalang Digmaan . Gayunpaman, mas isinalin ko ang pamagat ng aklat sa esensya nito, ang Great War na tinutukoy ay ang World War I. Kaya isinalin ko iyon ng ganito:  Mga Tula ng Unang Daigdigang Digmaan.  Mas "ng" imbes na "noong" ang aking ginamit dahil marahil hindi naman ginamit ay  Poems from , kundi  Poems of .  Gayunman, maaari pang pag-isipan kung ano ang tamang salin sa panahon na ng pag-iedit ng buong aklat ng salin. Subalit sa ngayon, sinisimulan pa lang ang pagsasalin ng mga tula. Mahaba-habang panahon ang kailangan sa pag-iedit. Marahil itatanong mo:  "Bakit hindi mo isinalin ng Unang Digmaang Pandaigdig?"  At marahil, idadagdag mo pa: " Digmaang Pandaigdig...

Ang mukha ng ating kababaihan

Imahe
Ang Mukha Ng Ating Kababaihan tula ni Nâzım Hikmet Ran malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Hindi isinilang ni Maria ang Diyos. Hindi si Maria ang ina ng Diyos. Isang nanay lang si Maria sa maraming ina. Isinilang ni Maria ang isang lalaki, isang anak sa marami pang mga anak. Kaya naman napakarikit ni Maria sa lahat ng kanyang larawan. Kaya naman napakalapit ng anak ni Maria sa atin, tulad ng sarili nating mga anak. Ang mukha ng ating mga kababaihan ang aklat ng ating pasakit. Ang ating pasakit, ang ating pagkakamali at ang ating dugong ibinubo na nag-ukit ng mga pilat na tila araro sa mukha ng ating kababaihan. At makikita ang ating kagalakan sa mga mata ng kababaihan tulad ng bukangliwayway na nagniningning sa mga lawa. Ang ating haraya ay nasa mukha ng mga babaeng mahal natin. Makita man natin sila o hindi, sila'y nasa ating harapan, na pinakamalapit sa ating reyalidad at pinakamalayo. * isinalin 06.16.2022 * litrato mula sa google * tula mula sa Nâzım Hikmet Archive The Fac...

Dalawang aklat ng salin

Imahe
DALAWANG AKLAT NG SALIN Nakakatuwa na sa paghahalungkat ko sa aking munting aklatan ng nais kong basahin ay nakita kong muli ang dalawang aklat ng salin, lalo na't pulos proyekto ko ngayon ay gawaing pagsasalin. Noong 2016 ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang aklat na  "Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha"   ni Fr. Albert E. Alejo, SJ.  Inilathala ito ng UST Publishing House. May dedikasyon pa iyon ng nasabing pari, kung saan isinulat niya:  "Greg, Bituin ng Pagsasalin, Paring Bert, 2016" . Dedikasyong tila baga bilin sa akin na ipagpatuloy ko ang gawaing pagsasalin. Nabili ko naman sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021 ang aklat na  "Landas at Kapangyarihan: Salin ng Tao Te Ching" ni Prof. E. San Juan, Jr. . Ang librong Nabighani ay may sukat na 5.5" x 9" at may 164 pahina, at ang librong Landas at Kapangyarihan, na inilathala ng Philippine Cultural Center Studies, ay may sukat na 5.25" x 8" at may 100 pahina. ...

Boteng plastik

Imahe
BOTENG  PLASTIK mga walang lamang boteng plastik nakita kong doon nakasiksik sa diwa ko'y tila itinitik kaytagal kung gagawing ekobrik marahil gawing paso't pagtamnan ng binhi't palaguing halaman tamnan ng gulay, gawing gulayan okra, munggo, sitaw, o anuman basurang plastik na'y tambak-tambak sa mundong tila ginawang lusak plastik ba'y saan dapat ilagak? ibalik sa pabrika ang linsyak! isang pansamantalang solusyon ang ekobrik na gawa ko ngayon minsan, nakakatamad na iyon lalo't mag-isa lang ako roon magandang bukas nitong daigdig ang layon ko kaya aking ibig makatulong gamit yaring bisig mundo'y sagipin ang aking tindig - gregoriovbituinjr. 06.16.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa opis na pinupuntahan

Pasakalye o tambiling

Imahe
PASAKALYE  O   TAMBILING may katumbas pala ang pasacalle ng Kastila, di pasakalye, kundi TAMBILING sa ating wika... sa musika nga'y pasakalye yaong panimula o pambungad na tugtog sa martsa, oo, yaon nga; isa pang kahulugan nito'y Paunang Salita sa aklat ngang Balagtasismo versus Modernismo ng pambansang alagad ng sining na si Sir Rio di Paunang Salita o Pambungad ang narito kundi Pasakalye, mahabang pagtalakay ito apatnapu't apat na pahina, siyang totoo Tambiling, matandang Tagalog, di na ginagamit dahil sa nasaliksik ito'y nais kong igiit sariling wika, imbes banyaga'y gamiting pilit mga lumang salita'y gamitin kahit na saglit tulad ng Tambiling na pasakalye pala'y hirit - gregoriovbituinjr. 06.15.2022 Mga   pinaghalawan : - UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1220 - Diksyunaryong Filipino-Filipino, ni Ofelia E. Concepcion, p. 148 - Diksyunaryong Filipino, Tagalog-Tagalog, ng Tru-Copy Publishing House, p. 162 - Balagtasismo versus Modernismo, p. 1-44

Soneto 116

Imahe
SONETO 116 ni   William   Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Huwag akong hayaang aminin / ang mga hadlang sa pagniniig Ng mga totoong isip. Yaong / pag-ibig ay hindi pagmamahal Na binabago ang natagpuang / pagbabagong naipahiwatig, O nababaluktot pag ginamit / yaong pamawi upang magtanggal. O hindi! iyon na'y palagiang / tatak na talagang nakapako, Na hagilap yaong mga unos / at di naman talaga matinag; Iyon nga ang bituin sa bawat / balakbak na kung saan patungo, Na di batid ang kahalagahan, / gayong nakuha ang kanyang tangkad. Pagsinta'y di biro ng Panahon, / na may pisngi't labing kaypupula Sa loob ng kumilong aguhon / ng karit niyang doon dumating; Sa munti niyang oras at linggo'y / di nagbabago yaong pagsinta, Sa bingit man ng kapahamakan / ito'y pinagtitiisan man din. Kung ito'y isang pagkakamali / at ito'y mapapatunayan ko, Di ako nagsulat, at ni wala / talagang iniibig na tao. 06...

Manggagawa ang tagalikha ng kaunlaran

Imahe
MANGGAGAWA ANG TAGALIKHA NG KAUNLARAN nagtatayugang gusali, mahahabang lansangan, tulay, ospital, mall, plasa, sinehan, paaralan kung walang manggagawa, magagawa kaya iyan? HINDI! manggagawa ang tanging nagsilikha niyan hindi uunlad ang mga lungsod kung wala sila manggagawa ang nagpaunlad nitong ekonomya nilikha ng obrero ang maraming istruktura kaya dapat tayong magpasalamat sa kanila manggagawa yaong dahilan kaya may Kongreso kaya may pabrika, may opis ang taong gobyerno Malakanyang, Simbahan, skyway, subway, Senado kung walang manggagawa'y walang kaunlaran tayo tara, ating pagpugayan ang mga manggagawa pagkat kaunlaran ng mundo'y kanilang nilikha kaya di sila dapat pagsamantalahang sadya ng mga tuso't kuhilang tubo lang ang adhika - gregoriovbituinjr. 06.15.2022

Walang gitling sa ika

Imahe
WALANG GITLING SA IKA tingni, bakit ba walang gitling sa unlaping ika pag dinugtong sa numerong sinatitik, bakit ba pag sa numero ikinabit, may gitling talaga ngunit pag sinatitik, gitling ay nawawala na papel ng panlapi sa salitang ugat ikabit nilalagyan ng gitling kapag sa buka ng bibig ay sumasabit, tulad ng mag-asawa't pag-ibig may-ari, mayari, nang-alay, nangalay, pag-ukit subalit pag nilagyan ng panlapi na'y numero di sinatitik ang pagkasulat, tambilang mismo lalagyan mo na ng gitling dahil ito'y simbolo ang tiglima'y tig-5, ikapito'y ika-7 di ika-siyam, di ika-sampu, di ika-apat kundi ikasiyam, ikasampu, at ikaapat wastong gamit ng gitling ay aralin nating sukat at ito'y gamitin ng wasto sa ating pagsulat - gregoriovbituinjr. 06.15.2022 * litrato mula sa aklat na Diksyunaryong Filipino, Tagalog-Tagalog, ng Tru-Copy Publishing House, pahina 405

Ang paskil sa traysikel

Imahe
ANG PASKIL SA TRAYSIKEL " Huwag   ka   nang   lumuha ." Tila iyon ang mensahe sa paskil sa traysikel na aking nasakyan dine. "Hindi   nakakamatay   yung   walang   jowa,"  ang sabi aba'y tama naman, ngunit kasunod ang matindi: "Ang nakakamatay eh yung wala ka nang makain." Sapul! Kaya huwag mong iluhang di ka ligawin kaya wala ka pang syota o dyowang maaangkin mag-ayos ka ng sarili't magkakaroon ka rin huwag mong basta tanggaping ganyan kasi ang buhay na kung wala kang dyowa'y maghihimutok kang tunay paghusayin mo kung saan ka talaga mahusay maging mabuti sa kapwa't kakamtin din ang pakay wala mang nag-aalaga, kumakain ang maya ngunit ingat, naghihintay ang pangil ng buwaya; habang may buhay, may pag-asa, kumain ka na ba? kung hindi pa, magsalo tayo sa aking meryenda - gregoriovbituinjr. 06.14.2022

Strawberry moon

Imahe
STRAWBERRY M OON gaano kaygandang pagmasdan ang Strawberry Moon magkukulay strawberry kaya ang buwan ngayon ngunit maulap ang kalangitan, panay ang ambon magbakasakali tayo, abangan pa rin iyon ihanda ang mga mata, pati iyong kamera bakasakali lang na makunan mo ng maganda o kaya'y tandaan, ilarawan sa alaala at baka may makatha ka pang tula o istorya O, Strawberry Moon, pagdalaw mo'y makasaysayan anong hiwagang mayroon na dapat kang pagmasdan? lalo sa aking plumang may kung anong hinahawan pag-iral mo sa siyensya ba'y anong kahulugan? karagatan ba'y taog muli pag nagpakita ka? o sa Musa ng Panitik ay inspirasyon kita? daraan ba'y matinding sigwa kaya nagpakita? o tulad ng Strawberry, may masaganang bunga? - gregoriovbituinjr. 06.14.2022 *  taog  - high tide * batay sa balita ni Mang Tani Cruz sa GMA7

Uwian

Imahe
UWIAN hay, naku, mag-uuwian na naman magbabakay muli ng masasakyan dagsaan ang pasahero't siksikan muli'y agawan ng mauupuan buti't may parating nang dyip, bip-bip-bip aba'y loob na'y bigla ngang sumikip di na bale, sasabit na lang sa dyip upang makauwi na't di mainip ganyan ang buhay naming pasahero araw-araw matapos ang trabaho paspasan, masisinghot pa'y tambutso buti sa dyip, bawal manigarilyo barya'y hanap sa bulsa o pitaka nwebe pesos, hindi, sampung piso na nagtaas daw kasi ang gasolina walang sukli ang sampung pisong barya - gregoriovbituinjr. 06.14.2022 * litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip

Sa Bantayog

Imahe
SA BANTAYOG doon sa Bantayog ay nagtungo kami ni misis sa sinasabing Independence Day ng bayang amis doon kami nagdeyt, animo'y asukal sa tamis nanood ng bidyo-interbyu, at may pasimpleng kiss bantayog iyon ng mga martir noong marsyalo may programang inihandog ang iba't ibang grupo pinanood ang mga lider sa mga interbyu habang sa isang umpukan ay napatula ako si misis ay humilig naman sa aking balikat habang nakaakbay akong tila nagsisiyasat sa pinanonood at seryosong nakamulagat habang siya'y inantok, napapikit at dumilat simpleng deyt lamang iyon sa Araw ng Kasarinlan subalit dinaluha'y araw na makasaysayan tila ba namanata sa adhikang pambayan ang kapwa magsing-irog sa panahong patibayan - gregoriovbituinjr. 06.13.2022 * selfie ng makatang gala,  06.12.2022