Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2022

Tanaga sa kandila

Imahe
natumba ang kandilĂ¢ at mesita'y nangitim nangalabit nga kayĂ¢ ang mga nasa dilim umihip lang ang hangin sa apoy na sumayaw tila ba isang pain sa gamugamong ligaw - gbj.10.31.2022

Pagpupugay sa manggagawa

Imahe
PAGPUPUGAY SA MANGGAGAWA O, manggagawa, kayo ang dapat na pagpugayan kayo ang lumikha ng tulay, gusali't lansangan Kongreso, Senado, Malakanyang, at paaralan nilikha'y lungsod, bansa, ekonomya't kaunlaran kung walang manggagawa, tiyak walang mga lungsod mula sa mapagpala ninyong kamay ay hinagod ang bawat pilas ng daigdig na kinalulugod ngunit sa sistema ng lipunan, kayo'y binukod pagkat kayo pa ang patuloy na naghihikahos sweldo'y di na sapat, kontraktwal pa't binubusabos nilikha ninyo ang yaman ng mayayamang lubos ah, kailan ba paghihirap ninyo'y matatapos baka walang katapusan ang inyong pagpapagal pagkat misyon ninyong mga manggagawa'y imortal: ANG BUHAYIN ANG DAIGDIG!  kaya di ang magkamal ng salapi na nagpabundat sa mangangalakal sa inyo, manggagawa, ang taasnoong papuri inyong organisahin ang sarili bilang uri upang maging malakas pang pwersa ng bawat lahi kayo'y tunay na bayani sa bawat bansa't lipi - gregoriovbituinjr. 10.31.2022

Habambuhay na tungkulin

Imahe
HABAMBUHAY NA TUNGKULIN ito ang aking kinagiliwan bisyo mula aking kabataan magsulat para sa taumbayan sa karapatan, sa katarungan tumula para sa manggagawa magsulat para sa mga bata mag-ulat para sa maralita magmulat para sa kapwa't dukha mula hilig, ito'y naging layon ang pag-akda'y niyakap nang misyon hanggang maging tungkulin na ngayon upang kapwa dukha'y maiahon paglilingkod na ang pagsusulat naging tungkulin na ang magmulat lipuna'y dapat araling sukat inuunawa't dinadalumat pangyayari'y inilalarawan sa kwento, sanaysay, panulaan, talakayan, pagbabalitaan almusal, tanghalian, hapunan sa banig ng sakit man maratay sa harap man ng punglo o hukay ito'y tungkulin na habambuhay oo, tungkulin hanggang mamatay - gregoriovbituinjr. 10.30.2022

Pilipisan

Imahe
PILIPISAN akala mo'y nirambol ang titik ng Pilipinas para bang larong scrabble ng utak-matatalas ngunit totoo, pilipisan ay salitang wagas na sa ating lumang wika'y talagang mawawatas pilipisan yaong magkabilang gilid ng noo sa pagitan ng kilay at patilya ng buhok mo nabanggit sa isang kwento ni Liwayway Arceo na dakilang manunulat ng maiikling kwento sinabing may gumuhit na ugat sa pilipisan nang mapangiti ang ama sa anak sa usapan salitang bihirang gamitin sa kasalukuyan kaya bago sa pandinig at kaysarap pakinggan sa Espanyol ay sentido, pilipisan sa atin temple sa Ingles, sa Hiligaynon ay agigising sa Sebwano'y agising at sa Waray ay sapiring kimut-kimutan, malingmingan, at dungan-dungan din dagdag na kaalaman habang nagbabasa-basa lalo't bumabagyong sanhi ng baha sa kalsada bahagi ng mukha'y di lamang noo, mata, tenga, kilay, bibig, buhok, anit, baba, pilipisan pa - gregoriovbituinjr. 10.29.2022 * mula sa kwentong "Maganda ang Ninang Ko" ni Liwayway A....

Magbasa ng kwento habang bumabagyo

Imahe
MAGBASA NG KWENTO HABANG BUMABAGYO kaylakas ng hangin, kaytindi ng bagyo na ngalan ay Paeng, umaalboroto habang giniginaw, kinuha ang libro tinunghayan yaong maiikling kwento samutsaring tinig na di madalumat kung di maunawa't babasahing sukat may kababalaghang tila nagdumilat may totoong kwentong sa buhay ay lapat pawang mga awtor nito'y kayhuhusay na pawang kwentistang inidolong tunay mga kwento'y batay sa aktwal na buhay may katatakutang di ka mapalagay pangalan ng isa'y si Washington Irving Rosario De Guzman-Lingat, anong galing kay Rabindranath Tagore, kwento'y gising kay Liwayway Arceo'y di na humimbing apat itong librong nasa aking tabi habang bumabagyo't hangi'y humuhuni sa pag-iisa man, sa lumbay sakbibi aklat ay naritong tangi kong kakampi - gregoriovbituinjr. 10.29.2022 * nasa larawan ang mga aklat na Mga Piling Katha  - ni Liwayway A. Arceo Si Juan Beterano at Iba Pang Kwento  - ni Rosario De Guzman-Lingat The Legend of Sleepy Hollow and Othe...

Anibersaryo bente nuwebe

Imahe
ANIBERSARYO BENTE NUWEBE kaming naririto'y nagpupugay ng taasnoo sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo ng grupong Sanlakas na nakikibakang totoo upang kamtin ng bayan ang lipunang makatao dalawampu't siyam na taon ng pagkikibaka para sa karapatan at panlipunang hustisya para sa kalayaan ng bayan at demokrasya para mabago't palitan ang bulok na sistema salamat, naririyan kayo, mabuhay! Mabuhay! kasamang nangangarap ng isang lipunang pantay nakibaka upang kalagayan ay mapahusay kumikilos upang tuparin ang adhika't pakay anibersaryo bente nuwebe, napakatalas maraming salamat, nagkatagpo ang ating landas kapitbisig upang kamtin ang sistemang parehas walang pagsasamantala, isang lipunang patas - gregoriovbituinjr. 10.29.2022

Sagipin ang kalikasan

Imahe
SAGIPIN ANG KALIKASAN may awit nga noon, "magtanim ay di biro" mahalaga pa rin ito't di naglalaho halina't magtanim pa rin tayo ng puno pagkat may dala itong pag-asa't pangako ang aking mamay nga'y may kabilin-bilinan noong nabubuhay pa't kami'y kabataan protektahan natin ang ating kalikasan huwag hayaang gawin itong basurahan huwag malito na parang bola ng pingpong na pabalik-balik lang, parito't paroon sa bawat hakbang, dapat tiyak ang pagsulong at sadyang tuparin ang niyakap na layon tulad ng kalikasang dapat maprotekta ang mga naninira'y dapat iprotesta tulad ng fossil fuel, coal na nanalasa lalo na iyang kapitalistang sistema ang buting ambag sa kalikasan ay gawin mga iba't ibang bansa'y magpulong na rin ang isyu ng klima't basura'y talakayin ang buhay ng tao't ng planeta'y sagipin - gregoriovbituinjr. 10.28.2022

Salin ng akda hinggil kay Fidel at sa Cuba

Imahe
SALIN NG AKDA HINGGIL KAY FIDEL AT SA CUBA akdang sinulat sa Ingles ni Ka Dodong Nemenzo ay sinikap kong isalin sa Wikang Filipino; ang  "Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano" ay mahalagang ambag sa kasaysayan ng mundo aking isinalin nang higit pang maunawaan sa ating bansa ang Cuba't kanilang kasaysayan paano sila nagtagumpay laban sa kalaban bansa'y napanatiling di nasakop ng dayuhan sa kabila ng economic embargo sa bansa ay nagpatuloy sila sa misyon nila't adhika silang may pagrespeto sa karapatan ng madla at di nagugutom ang magsasaka't manggagawa pagkasalin, ni-layout, dinisenyo ang pabalat pampletong may dalawampung pahina pag binuklat salamat po, O. Ka Dodong, sa iyong isinulat na talagang sa kapwa dukha'y makapagmumulat - gregoriovbituinjr. 10.28.2022 * Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano Akda ni Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong editoryal sa face mask

Imahe
TATLONG EDITORYAL SA FACE MASK Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Oktubre 27, 2022, editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, pahina 4:  "Mag-face mask pa rin para makasigurong ligtas" . Oktubre 26, 2022, editoryal ng pahayagang BULGAR, pahina 4:  "Piliing maging mas safe kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask" . Isyu ng Oktubre 1-15, 2022, editoryal ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), pahina 3:  "Magsuot pa rin ng face mask" . Nagkakaisa ang tatlong pahayagan na upang makasigurong ligtas ang mamamayan mula sa virus ng COVID-19 ay dapat pa ring mag-face mask. Napag-usapan ito matapos lagdaan ni BBM ang Executive Order (EO) Blg. 3 noong Setyembre 12, 2022, hinggil sa pagbibigay-pahintulot na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask. Tingnan ang kawing na https://www.officialgazette.gov.ph/2022/09/12/executive-order-no-3-s-2022/ ...

Sapaw na sibuyas at bawang

Imahe
SAPAW NA SIBUYAS AT BAWANG ulam ko ngayong pananghalian ay sapaw na sibuyas at bawang pawang pampalakas ng katawan magaling sa ating kalusugan sibuyas pala'y allium cepa sa agham ay katawagan nila sa niluto'y di lang pampalasa panlunas din sa sakit ng masa ang sibuyas ay gamot sa hika sa ubo, kagat ng surot, pigsa ilagay sa paa nang mawala ang lagnat mo, kahit na ng bata bawang ay allium sativumo sa agham ay katawagan dito pampalasa na, gamot pa ito sa tao'y kayraming benepisyo sa alipunga nga ito'y lunas sa cholesterol nakakabawas sa laksang sakit, makakaiwas huwag lang labis, sapat ang antas sibuyas at bawang, pampalusog sa katawan ay kaygandang handog ito'y mga pangunahing sahog sa lutuin nang tayo'y mabusog - gregoriovbituinjr. 10.27.2022

Pagmasdan natin ang daigdig

Imahe
PAGMASDAN NATIN ANG DAIGDIG halina't pagmasdan ang daigdig ito pa kaya'y kaibig-ibig? o ating mundo na'y nabibikig? sa laksang kalat na hinahamig bakit sangkatutak ang basura sa mga ilog, dagat, kalsada? ang mamamayan ba'y pabaya na sa tanging mundong tahanan nila? sinasabi nila noon pa man: kalikasan at kapaligiran ay dapat nating pangalagaan! bakit mundo'y naging basurahan? ang daigdig ay pagmasdang muli paano ganda'y mapanauli? ang alagaan ba ito'y mithi? adhikain ba itong masidhi? noon pa'y inawit ng ASIN 'yan na tanda natin pag napakinggan: hindi masama ang kaunlaran kung di sisira sa kalikasan sana'y gawin natin anong wasto at sama-samang kumilos tayo para sa bukas ng kapwa tao't gumanda ang nag-iisang mundo - gregoriovbituinjr. 10.27.2022

Salamat sa mga tumatangkilik

Imahe
SALAMAT SA MGA TUMATANGKILIK pasasalamat naming pawa sa lahat ng tumatangkilik sa Taliba ng Maralita na sa ulat at akda’y siksik sa mga dukha’y aming handog ang munti naming pahayagan isyu nilang iniluluhog mababasa rito ng tanan dito’y pinapakita naming sila'y may dignidad na tangan na dapat nirerespeto rin ng mahirap man o mayaman pinaglalaban namin sila tungo sa lipunang maayos upang ang bulok na sistema'y mapawi't tuluyang matapos - gregoriovbituinjr. 10.27.2022 * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 20

Aklat

Imahe
AKLAT  sadyang kaysaya ko / sa bigay na aklat ng isang kasama, / maraming salamat sa pakiwari ko'y / makapagmumulat nang umunlad yaring / prinsipyo't dalumat munting libro itong / kaysarap namnamin na makatutulong / sa iwing mithiin upang puso't diwa'y / sadyang patibayin sa mga prinsipyo't / yakap na layunin mapaghiwalay man / ang balat sa buto nawa'y ating kamtin / ang asam sa mundo: pakikipagkapwa't / pagpapakatao itayo'y sistema't / bayang makatao paksa't nilalaman / nito'y mahalaga na kung maunawa'y / susulong talaga isinasabuhay / ang pakikibaka at muli, salamat / sa aklat, kasama - gregoriovbituinjr. 10.27.2022

Saan?

Imahe
SAAN? saan nga ba patungo yaring mga hakbang? kundi labanan yaong mga mapanlinlang na sa kapwa'y mararahas at mapanlamang sa dugo't pawis ng kapwa nakikinabang saan na kaya ang panlipunang hustisya? bakit wala sa lipunang kapitalista? ah, dapat kayang baguhin na ang sistema? dahil bulok, ilan lang ang nagtatamasa? saan matatagpuan ang kaginhawahan? sa ibang bansa ba o sa sariling bayan? masarap mabuhay ng may kapayapaan sa puso't isip, di dahil sa kayamanan saan ako patungo sa lakbaying ito? upang asam na hustisya'y kamtin ng tao sa agham ba, matematika, anong uso? o sa ating pinanghahawakang prinsipyo? saan makikita ang halaga ng buhay? kung laganap ang digmaan at pulos away sana'y maganda ang tubo ng mga uhay upang anihin natin ay saya't di lumbay - gregoriovbituinjr. 10.26.2022     

Taliba ng Maralita

Imahe
TALIBA NG MARALITA nagsusulat sa sariling pahayagan ang dukha nang mabasa ang mga hinaing ng maralita marunong ding manindigan kahit ang walang-wala na pinaaabot sa pamahalaan at madla isang kahig at isang tuka man, di sila mangmang na marunong ipaglaban ang talagang katwiran silang handang ipagtanggol ang bawat karapatan upang kanilang dignidad ay di apak-apakan kahit hikahos man ay marunong ding makibaka tila sila'y pader pag lumaban nang sama-sama upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya upang labanan ang anumang pagsasamantala inyo lang basahin ang kanilang ginawang dyaryo ito'y bahagi ng paglilingkod sa kapwa tao sa Taliba ng Maralita, mababasa ninyo'y pahayag, balita, tula, kwento, tindig sa isyu may kolum ang pangulo ng K.P.M.L., basahin editoryal ay pagsusuri sa lipunan natin dyaryo'y kapara ng sugat kung inyong nanamnamin na nagnanasang bawat pagdugo'y maaampat din - gregoriovbituinjr. 10.25.2022 * ang  Taliba ng Maralita  ang opisyal na publikasyon n...

Bilhin mo lang ang tinapay na gusto mo

Imahe
BILHIN MO LANG ANG TINAPAY NA GUSTO MO huwag kang bibili ng tinapay na di mo gusto kung pinabili ka ng tinapay para sa grupo na kung di nila kainin, kakain nito'y sino lalo kung ikaw na bumili ay ayaw din nito ah, sayang lamang ang tinapay na iyong binili sayang ang pagod at perang dito'y ipinambili kung paboritong tinapay ang binili'y mabuti na kung di nila galawin ay di ka magsisisi buti kung sinabi nila kung anong gusto nila pandesal, pandelemon, pandecoco, ensaymada subalit pag sinabi sa iyo'y bahala ka na aba, ang bilhin mo'y ang paborito mo talaga upang kung di man maubos tiyak na may kakain pag tapos na ang pulong, ikaw ay may babaunin - gregoriovbituinjr. 10.25.2022

Tuliro

Imahe
TULIRO wala na naman sa huwisyo, utak ay magulo sa dami ng alalahaning nakakatuliro lubak-lubak ang mga daan, di pa aspaltado kayraming atat sa tubo na di pa makuntento ito ba'y uunahin o iyon muna'y gagawin kayhirap kung sa trabaho'y maraming mabibitin tadtad ng dedlayn, mga manok muna'y patukain bago diligan ang tanim, tiyan muna'y palamnin noon nga'y nagagawa kong sa panahon ng sigwa ay iulat ang nakikita, agad ibalita ngunit ngayon, dapat munang magkonsentra sa paksa upang di sala-salabid ang talata't salita minsan, nasa diwa'y ganyan nga ba ang manunulat at ang makatang yaong paksa'y di makapanggulat pagpahingahin din ang diwa sa maraming kalat linisin ang isip upang maampat yaring sugat - gregoriovbituinjr. 10.24.2022    

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog

Imahe
PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm. Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan." Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon. Nagsalita roon...

PansurĂ² pala ang Tagalog ng dustpan

Imahe
PANSURĂ’ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan.  Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurĂ² para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala. Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurĂ² sa pahina 86 ng nasabing aklat: (1) May dala nang  walis at pansurĂ²  ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin,  winalis sa pansurĂ² . "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?" (2)  Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurĂ² . May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa...

Sa bawat hakbang

Imahe
SA BAWAT HAKBANG sa bawat hakbang, patuloy pa ring nakikibaka upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya itatag ang sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang kaapihan ang masa sa bawat hakbang, kinakapa anong nasa budhi kundi ang kabutihan ng kapwa't bayan kong sawi durugin ang mapagsamantalang sistemang sanhi ng laksa-laksang kahirapan ng maraming lipi sa bawat hakbang, kalikasa'y pangangalagaan kapaligiran ay di dapat maging basurahan huwag minahin ang lupang ninuno't kabundukan lutasin ang polusyon sa hangin at kalunsuran sa bawat hakbang, sinasabuhay, sinasadiwa ang prinsipyong makatao't makauring adhika di nakalutang sa hangin, ang paa'y nasa lupa para sa bayan, kapwa dukha't uring manggagawa sa bawat hakbang, naglalakad sa daang maputik o sa tigang na lupang pagkadukha'y natititik sa kawalan ng hustisya, puso'y naghihimagsik katarungan para sa lahat yaring aking hibik - gregoriovbituinjr. 10.19.2022    

Mga aklat ng kwento

Imahe
MGA AKLAT NG KWENTO kailangan kong magbasa-basa ng mga kwento upang ako'y maging pamilyar sa pagkatha nito makilala ang may-akda't ang kanilang estilo kung bakit kwento nila'y kinagiliwan ng tao si Liwayway Arceo ay may "Mga Piling Katha" kay Maximo Ramos ay kwento niyang saling wika kay Rosario De Guzman-Lingat na kwentong kinatha kay Rabindranath Tagore na kwento niyang akda paano nga ba ang maiikling kwento'y gagawin una, kwento nila'y basahin at sadyang namnamin ang saya, lungkot, libog, tunggalian, luha'y damhin upang makatas ang buod na isip ay pukawin namnamin upang malasap yaong kaibuturan ng kwentong kinatha sa kanilang kapanahunan pagbabasa ng talata't anong nasa pagitan upang pagkatha ng sariling kwento'y magampanan sa mga may-akda ng kwento'y maraming salamat dahil ang kanilang estilo'y nakakapagmulat prinsipyo't lakang akda nila'y nadaramang sukat na sa aking puso't diwa'y tila kulog at kidlat - gregoriovbit...

Patuloy

Imahe
PATULOY patuloy pa rin ang pagsinta ng mag-partner at mag-asawa magiging anak ay biyaya pagsinta'y pag-asa't ligaya patuloy pa ring magkasandig sa bawat isa'y umiibig sa mga isyu'y tumitindig sa mga mali'y di palupig patuloy ang pagsasamahan binubuo nila'y tahanan pangarap sa kinabukasan nawa'y mapagtatagumpayan - gregoriovbituinjr. 10.18.2022

Salamisim

Imahe
SALAMISIM nagtago ang buwan sa kabila ng mga ulap tila ba ako'y di masambit ang mga pangarap mayroong simuno't panaguri sa pangungusap upang mabanggit ang nakalutang sa alapaap nangingilid pa rin sa luha ang tangan kong pluma bakit di pa rin lumalaya sa hirap ang masa? mahirap pa rin ang masisipag na magsasaka o ang talagang problema'y ang bulok na sistema? dinig ko pa rin ang hunihan ng mga kuliglig habang sa lamig ang katawan ko'y nangangaligkig alagaan natin ang kalikasan at daigdig at sa uring manggagawa'y makipagkapitbisig patuloy akong susulat para sa uri't bayan magpapahinga lang sa pagdatal ni Kamatayan - gregoriovbituinjr. 10.17.2022    

Sa landas ng pagkatubos?

Imahe
SA LANDAS NG PAGKATUBOS? nahuling anak ng Sekretaryo ng Kagawaran ng Katarungan sangkilong kush o dwarf marijuana yaong sa suspek ay nakumpiska naulat na sabi ng Kalihim: "I wish my son a path to redemption!" kaypalad ng anak, di natokhang napiit man, buhay hanggang ngayon subalit sa maraming natokhang mga pamilya'y nagtatangisan walang due process, basta pinaslang at sinabi lang sila'y nanlaban dahil nga ba sila'y mga dukha kaya wastong proseso ay wala ang mga ina'y nangungulila path to redemption ba'y nahan na nga? ang redemption pala'y pagkatubos tulad daw ng nangyari kay Hesus bakit ang tinokhang, dito'y kapos? hustisya ba'y may piring at gapos? katarungan sa mga pinaslang! panagutin ang maysala't halang! path to redemption kaya'y may puwang? kung dugo'y tigmak sa lupang tigang - gregoriovbituinjr. 10.16.2022 Pinaghalawan: redemption - 1. pagkatubos, pagtubos;  2. sa teolohiyang Kristiyano, pagkakaligtas sa mga kasalanan mula sa...

Ka-birthday ko'y desaparesido

Imahe
KA-BIRTHDAY KO'Y DESAPARESIDO ka-birthday ko'y desaparesido human rights worker siyang totoo subalit dinaklot ng kung sino noon, sa panahon ng marsyalo Oktubre Dos nang sinilang siya Mahatma Gandhi'y ka-birthday niya sa active non-violence nanguna tinuring na bayani sa Indya Albert Enriquez ang kanyang ngalan Top Ten student sa paaralan sa Student Council naging chairman nagsilbi ng mabuti sa bayan nang siya'y pauwi na'y dinukot na umano'y militar ang sangkot yaong nangyari'y nakakalungkot baka buhay na niya'y nilagot hanggang ngayon, di pa nakikita yaong katawan o bangkay niya nahan na ang asam na hustisya sana bangkay niya'y makita pa ito pa rin ang sigaw ng madla: panagutin ang mga maysala! hustisya kay Abet na winala katarungan sa bawat winala! - gregoriovbituinjr. 10.16.2022    

3 magkakasunod na araw na magkakaugnay

Imahe
3 MAGKAKASUNOD NA ARAW NA MAGKAKAUGNAY Oktubre 15 International Day of Rural Women Idineklara dahil sa World Food Day Oktubre 16 World Food Day Pagkain para sa lahat! Kagutuman ay Solusyonan! Oktubre 17 International Day for the Eradication of Poverty Pagkain para sa Lahat! Kahirapan ay Labanan! tatlong magkakasunod na araw na pandaigdigan ang lumitaw na kung dadalumatin mong tunay ang pananaw ay magkakaugnay kababaihan sa kanayunan ang nagtatanim sa kabukiran upang lutasin ang kagutuman upang labanan ang kahirapan halina't ating alalahanin di ipagdiwang kundi kilanlin ang magsasaka'y bayani natin lumilikha ng ating pagkain upang malutas ang kagutuman upang labanan ang kahirapan ang sistemang bulok na'y palitan ng isang makataong lipunan bayang walang pagsasamantala pamayanang walang palamara na ang umiiral na sistema'y para sa lahat, para sa masa - gregoriovbituinjr. 10.16.2022

Awit

Imahe
AWIT pagpupugay sa mga mang-aawit ng uri't bayan sa kanilang makabuluhang kanta sa sambayanan itinataas ang moral ng mga kababaihan ng uring manggagawa, ng maralita't kabataan kanilang inilarawa'y sistemang puno ng dugo sa panahong pulos dahas na buhay ang iginupo na pati karapatang pantao'y dinuduro-duro sistema ng bu-ang ay dapat tuluyan nang maglaho bakas sa awit ang prinsipyo nila't paninindigan: "Labanan ang karahasan! Igiit ang katarungan!" nakita nilang sistema'y dapat baguhing tuluyan at lipunang makatao'y itayo ng sambayanan mabuhay kayong mang-aawit, tunay na inspirasyon salamat sa inyong mga liriko't mabuting layon dignidad ng uri at ng bayan ay iniaahon mula sa kumunoy ng sistemang dapat nang ibaon - gregoriovbituinjr. 10.15.2022

Pagsirit ng pamasahe

Imahe
PAGSIRIT NG PAMASAHE Mayo, pamasahe pa ri'y nwebe Hunyo, sampu na ang pamasahe Hulyo, pamasahe'y naging onse Oktubre, ang minimum na'y dose upang madagdagan din ang kita nilang tsuper na namamasada gaano man kasakit sa bulsa ng pasaherong hirap talaga mga nangyari'y napakabilis nang sumirit ang presyo ng langis buti't masa pa'y nakakatiis inis na'y di makita ang inis galit na'y di makitang magalit bagamat lihim na nagngingitngit karapatan ay di maigiit baka maridtag ng mga pangit pamasahe na'y nagtataasan ngunit walang magawa ang tanan magtipid at magtiis na lamang habang wala pa ring welgang bayan - gregoriovbituinjr. 10.14.2022

Tatsulok

Imahe
TATSULOK napakahirap din sa pamilya ng mayayaman na ang anak ay mahuli't makulong sa piitan lalo na't nakuha'y kush o dwarf marijuana naman halos isang kilo, milyon ang halaga, O, Bayan anak ng Kalihim ng Katarungan ang nadakip na marahil madaragdag sa kulungang masikip lumaya kaya agad kung may perang halukipkip? hustisya kaya'y laruin nang anak ay masagip? mabuti't nahuli, di pinaslang, tulad ng iba na sa "War on Drugs" ay kayraming buhay ang wala na patuloy pa ring lumuluha ang maraming ina dahil pinaslang ang mahal na anak at asawa ang anak-mayaman, nahuli na, ngunit kulong lang sa dukha'y walang proseso, agad na pinapaslang sabi pa'y nanlaban, kaya daw binirang tuluyan hanggang ngayon, hanap ng mahal nila'y katarungan "at ang hustisya ay para lang sa mayaman" , sabi sa awiting Tatsulok, ganito ba'y nangyayari? katotohanang awit nang bata'y di magpagabi? ah, tatsulok na'y baligtarin ng nakararami! - gregoriovbituinjr. ...

Numero Uno na lang

Imahe
NUMERO UNO NA LANG mabubuo na rin ang sudoku pag nalagay lahat ng numero pagmasdan mo ang nasa litrato natira rito'y numero uno ganitong laro'y nakakatuwa pampasaya, dama mo'y ginhawa sa bakanteng oras ginagawa upang pagpahingahin ang diwa dati, sinasagutan ko'y aklat ng sudoku, ngayon, app na lahat doon na nagsusudokung sukat laro'y lohika't nadadalumat tara, minsan, magsudoku ka rin at ang sarili mo'y pasayahin huwag lang kalimutang kumain upang katawan ay lumusog din - gregoriovbituinjr. 10.14.2022

Kanin

Imahe
KANIN isang tasang kanin ay sapat na nang diabetes ay maiwasan sa bahay man o sa karinderya ang kalusugan na'y alagaan staple food ang kanin sa Pinas pangunahing pagkain sa atin bakit ngayon dapat kang umiwas gayong ito'y staple food natin? mahalagang masagot ang bakit sa staple food sa ating bansa sana noong bata pa'y giniit nang diabetes maiwasan nga sana'y sa paaralan tinuro tayo'y baka magkaka-diabetes pag kayraming kaning isinubo sana ngayon ay di nagtitiis nang maiwasan habang maaga iyang carbohydrates sa katawan ah, hanggang sana nga lang talaga habang patuloy pa sa gamutan - gregoriovbituinjr. 10.13.2022     

Talanwang

Imahe
TALANWANG may lumang salita pala / tayong katugma ng aswang sa walang utang na loob, / kahulugan ng talanwang di man lang magpasalamat, / puso ma'y nakabuyangyang sa pinagkakautangan / ng loob, para kang timang bakit di magpasalamat / kung nabigyan ka ng pabor sapagkat katumbas nito'y / ang dignidad mo o honor halimbawa'y nabigyan ka / ng magulang mo ng motor kung walang pasasalamat, / que barbaridad, de horror pinag-aral ng magulang / hanggang ikaw ay lumaki naging maganda ang kutis, / bumulas na binibini nang magkaroon ng syota, / sumama na sa lalaki "wala kang utang na loob," / ina mo sa iyo'y sabi isa ka nga bang talanwang? / anong sakit na salita masabihan ka nang ganyan, / tila puso'y hinihiwa huwag magpadalus-dalos / sa mga pasya mong sadya ay, alalahanin mo rin / ang magulang mong dakila kung nasa tamang edad na / ay saka ka na magpasya huwag hayaang mahulog / sa lilim ng punong mangga lagi kang magpasalamat / sa nakamit na biyaya huwag kang maging...

Komunal

Imahe
KOMUNAL mabigat ang imaheng umuukilkil sa isip kapara ng balaraw na sa likod ko'y humagip may pag-asa bang ang bayang nagdurusa'y masagip sa kuko't bituka ng mapagsamantala't sipsip noong primitibo komunal, walang pang-aapi lahat ay nagbibigayan, walang makasarili may paggagalangan, kapwa'y di isinasantabi tribu'y pinangangalagaan ng mga bagani sa panahon ngayon ng paghahari ng agila kapitalistang nabundat na'y nais bumundat pa habang manggagawa'y tila langgam sa sipag nila mababang sweldo'y pinagtitiyagaan talaga pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan kaya mayamang iilan ay lalong yumayaman habang laksang dukha'y batbat pa rin ng karukhaan anumang sipag at tiyaga'y di pa rin umalwan abanteng lipunang komunal ang pinapangarap matayo ang lipunang makatao't mapaglingap upang dukha'y maiahon sa kumunoy ng hirap lalo't uring manggagawa'y magkakaisang ganap - gregoriovbituinjr. 10.11.2022

_abag

Imahe
_ABAG tulong daw sa Sebwano ay  abag alitan at suntukan ay b abag hangin sa tiyan naman ay k abag pakiramdam ng awa ay h abag di pagsunod sa batas ay l abag paggutom sa kakatayi'y t abag at tunog ng paghakbang ay y abag - gregoriovbituinjr. 10.11.2022 *  abag  - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1 *  tabag  - mula sa UPDF, p. 1195

Makatang lungsod

Imahe
MAKATANG LUNGSOD ako'y isang makatang lungsod na pagtula'y ikinalulugod maralitang kayod ng kayod matatag, matibay ang tuhod tula'y hinggil sa mga kwento sa mga lansangang narito na sementado't aspaltado maging katawang buto-buto makinang na ilaw sa gabi mga nagkikinangang poste maririkit ditong babae kwento rin ng tuso't salbahe ang mahahabang eskinita ang naglulutangang basura maruruming ilog at sapa mga dyip na nagkakarera madalas magbilang ng pantig sa tugma't sukat niyang hilig sa manggagawa'y kapitbisig isyu nila'y sinasatinig isang makata ng Sampaloc sinusunod ang tinitibok: bilin sa awiting Tatsulok ang dukha'y ilagay sa tuktok - gregoriovbituinjr. 10.10.2022

Ni-reset

Imahe
NI-RESET kagabi, sinabihan akong dumalo sa pulong kinabukasan, paksa'y plano ng organisasyon kanina, gumising ako ng pagkaaga-aga dumating ng ikasampu sa takdang opisina naghintay ako ng pagkatagal, walang dumating iyon pala'y ipagpapaliban nila ang miting bakit ganoon, ganyan ba sila magpahalaga sa kasamang inaya sa pulong na wala sila? wala ba akong kwenta't sila'y walang pakialam dumalo ako sa pulong ngunit sila'y nang-indyan o dahil lang wala ang pangulo't bise pangulo at sekretaryo heneral lang ang kausap nito ang salita nila'y di nila pinahalagahan pagtupad ko sa usapa'y di pinahalagahan tingin ba ng kausap nila'y bakit ako kasi gayong tagahawak lang ako ng plakard sa rali wala ang pangulo't ang bise pangulo'y maysakit ako ang pinadalo, dokumento'y aking bitbit ni-reset, kahit kaytagal kong naghintay sa opis gayong inihanda ko na ang dapat na papeles ako ba'y mali o di nila kursunadang sadya sa rali'y tagabitbit lang daw ako...