Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2023

Ang luto ni misis

Imahe
ANG LUTO NI MISIS anong sarap ng luto ni misis na ginisang hipon at kamatis kapara'y pagsintang anong tamis kaya aking gutom ay natanggal sa buong maghapon ay tumagal tanda ng totoong pagmamahal tila ako'y nasa alapaap ng aking mga pinapangarap na buhay na'y di aandap-andap ika nga, busugin mo ang sinta alamin mo ang kanyang panlasa't tatagal ang inyong pagsasama ah, salamat sa ginisang hipon na kung himbing ka'y mapapabangon upang malasap ang sarap niyon - gregoriovbituinjr. 04.30.2023

Paalala sa bathroom

Imahe
PAALALA SA BATHROOM ang bathroom ay tiyaking malinis tanggalin ang kalat sa lababo bawat dumi'y tiyaking maalis at i-flash lagi ang inidoro tulong mo na iyon sa kasama mga habiling kaya't madali upang maayos ang opisina upang kalinisa'y manatili papasukin mo ba pag mapalot? dahil di nagbuhos ang gumamit? maaasar sa panghi at bantot? di naglinis ang pabaya't sutil? nakapaskil:  Let's keep this Bathroom "Clean" wow! ang sinabihan pa'y  Gentlemen! payong iyan ba'y di kayang gawin? Gentlemen, iyan ba'y kayang sundin? - gregoriovbituinjr. 04.30.2023 * litratong kuha sa isang opis

Mahabang manggas, sumbrero't tubig sa Mayo Uno

Imahe
MAHABANG MANGGAS, SUMBRERO'T TUBIG SA MAYO UNO bilin sa lalahok sa Mayo Unong papalapit magsuot ng sumbrero't manggas, magdala ng tubig papalo na raw ng fifty degrees Celsius ang init baka sa matinding init, ma-heat stroke, mabikig pampalit na tshirt at bimpo'y magdala rin naman bakasakaling sa pawis, likod ay matuyuan labanan ang heat stroke, isipin ang kalusugan sabihan din natin ang ating mga kasamahan nawa'y maging matagumpay ang ating Mayo Uno pati na ang pagsama-sama ng uring obrero sana bilin sa init ay mapakinggang totoo lalo na't nasa climate emergency na ang mundo taospusong pagpupugay sa Uring Manggagawa!  bati'y taaskamao sa Hukbong Mapagpalaya! - gregoriovbituinjr. 04.30.2023

Nag-aaway o naglalaro?

Imahe
NAG-AAWAY O NAGLALARO? nag-aaway ba o naglalaro ang mga kuting? o pinapakita sa bawat isa'y paglalambing? pinanood ko sila noong ako'y bagong gising kaya binidyo ko silang mga anak ni Muning nanggigigil kaya sila kaya nagkakalmutan? o sa isa't isa'y talaga nang nakukulitan? di ba sila nag-aaway kundi nagbibiruan? minsan mga magkakapatid ay talagang ganyan baka sila'y nagsasanay paano magkarate naglalaro lamang sila't naglalambing, mabuti dapat lang, magkakapatid naman ang mga ire nakatuwaan ko lang ibidyo sila, kyut kasi - gregoriovbituinjr. 04.29.2023 * ang bidyo ay mapapanood sa:  https://fb.watch/kcUHTbspc9/

Kwentong kuting

Imahe
KWENTONG KUTING hayaan mong magkwento ako ng kuting at pusa lalo't magkakapatid na kuting, nakakatuwa hayaang ikwento sila hanggang sila'y mawala dahil nagsilaki na't naghanap ng ibang lungga baka makagawa rin ako ng mga pabula tulad ni Aesop hinggil sa nag-uusap na pusa o kuting, baka may sinasabing di ko unawa na sa bawat ngiyaw nila'y mayroong nakakatha ganyan ang iwing buhay ng tulad naming makata minsan ay naghahanap ng isang magandang paksa tulad ng anim na kuting na ang isa'y nawala kaya limang magkakapatid silang itutula maraming salamat sa mga kuting kong alaga titipunin ko ang sa kanila'y ginawang katha na balak kong balang araw na ito'y malathala at akdang buhay nila'y isasaaklat kong sadya - gregoriovbituinjr. 04.29.2023

Kuting na nilalaro ang laso

Imahe
KUTING NA NILALARO ANG LASO kuting na ito'y aking nabidyo pinaglalaruan yaong laso nakakatuwa kung pagmasdan mo gayong wala pa silang sambuwan ngayong Abril lang sila sinilang kaya laro ang nasa isipan dalawa sa limang magkapatid na paglalaro ang nababatid laso kaya'y kanyang mapapatid? ilang buwan pa't sila'y lalaki matututo na silang manghuli ng daga, tangi kong masasabi alagaan muna habang kuting iyan ngayon ang aking layunin kwento nila'y isusulat ko rin - gregoriovbituinjr. 04.29.2023 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/kcjDKZZIaN/

Lambingan

Imahe
LAMBINGAN patuloy ang paglalambing matamis ang loving-loving parang asukal matining ako kaya'y nahihimbing? sinlasa kaya ng atis? sinsarap din ba ng mais? kung asukal ba sa tamis? baka magka-diabetes? para kaming mga langgam na anong tamis ng ulam kung ang pagsinta'y maparam ako'y tiyak magdaramdam kung aming pagsinta'y wagas tiyak puso ko'y lalakas - gregoriovbituinjr. 04.28.2023

Alalahanin sila ngayong Abril Bente Otso

Imahe
ALALAHANIN SILA NGAYONG ABRIL BENTE OTSO alalahanin ang Abril Bente Otso taon-taon dahil sa  World Day for Safety and Health at Work at  International Day for Dead and Injured Workers na tinatawag ding  Workers' Memorial Day mababanggit sa ating bansa ang mga trahedya tulad ng  Manila Film Center Tragedy  kung saan isandaan animnapu't siyam na manggagawa yaong nabaon sa lupa nang ginagawang gusali'y gumuho sampung manggagawa sa  Eton  construction sa Makati ang nahulog at namatay sanhi ng isang aksidente at ang pitumpu't dalawang manggagawang namatay sa sunog sa pabrika ng tsinelas na  Kentex may mga lider-manggagawang binaril at pinaslang ng marahil ay utusan ng kapitalistang halang sa araw na ito sila'y ating alalahanin upang di na mangyari muli, sistema na'y baguhin itayo ang pangarap na lipunang makatao kung saan wala nang pagsasamantala ng tao sa tao iyan muna, mga kababayan, ang ibabahagi ko alalahanin ang araw na ito bago mag-Mayo Uno - gre...

25 Pahalang: Tinutukhang

Imahe
25 PAHALANG: TINUTUKHANG parang tanggap na ng sambayanan ano ang salitang  TINUTUKHANG tulad dito sa palaisipan na  ADIK  agad ang kasagutan sa dalawampu't lima pahalang na gawain ng may pusong halang na biktima'y basta na lulutang sa dugo pagkat siya'y pinaslang ang salitang ito'y nakilala sa panahon ng Gera sa Droga kung saan kayraming itinumba at kayrami ring lumuhang ina tanggap na ba ang salitang iyon? mula nagdaang administrasyon salitang ginamit na paglaon na kinatatakutan na ngayon  sa palaisipan nga'y nalagay dahil nangyayari itong tunay iyon nga lang, di ka mapalagay dahil kayraming inang nalumbay marahil malalagay na ito sa iba't ibang diksiyonaryo, sa glosaryo, sa bokabularyo, maging sa karapatang pantao bago mang naimbentong kataga pumapaimbulog ang salita pabalbal man ay walang kawala na alam na rin ng mga bata - gregoriovbituinjr. 04.27.2023 * litrato mula sa dyaryong Pang-Masa, Abril 27, 2023, pahina 7     

Paglilinis bago umalis

Imahe
PAGLILINIS BAGO UMALIS bago ako umalis agad munang naglinis ginamit ay inimis nag-mop din at nagwalis pag dumating si misis tahanan na'y malinis alagang mga kuting na madalas maglambing ay naglalaro man din sa sahig at sa sapin matapos ang gawain ako'y agad kumain at binigyan ang kuting ng isdang ulam ko rin ako'y umalis na nga na ramdam ay ginhawa habang nakatunganga ang kuting na alaga - gregoriovbituinjr. 04.27.2023

Tara nang magkape't pandesal

Imahe
TARA NANG MAGKAPE'T PANDESAL sabay na tayong mag-almusal tara nang magkape't pandesal nang sa gutom ay di mangatal lalo't maraming lalakarin mayroong kakapanayamin hinggil sa kanilang usapin mga isyung dapat tugunan ano kayang mga dahilan at nasadlak sila sa ganyan aba'y magkape muna tayo bago pag-usapan ang isyu at saka pag-isipan ito pandesal ay pamatid-gutom na anong sarap pagkabangon - gregoriovbituinjr. 04.27.2023

Huling bidyong buo pa ang anim na kuting

Imahe
HULING BIDYONG BUO PA ANG ANIM NA KUTING ito ang huling bidyo ng anim na kuting na pagmasdan mo't anong sayang panoorin ngayon ay lima na lang sila, di na anim pagkat isa'y nakalabas ng bahay namin di ko siya kinuha't naroon ang ina tiyak kukunin ang kuting na anak niya subalit nagkamali ako ng akala di na umuwi, ina ba'y nagpabaya na? hindi, kinuha raw ng batang kapitbahay ang kuting, ani misis, kaya napawalay kaya di na naiuwi ng pusang nanay? o dinadalaw niya sa kabilang bahay? sa pagkawalay niya, ramdam ko'y panimdim buhay ay ganyan at dapat nating tanggapin apat na araw ang lumipas, buo pa rin ang limang naiwang magkapatid na kuting marahil balang araw sila'y mawala na sa bahay pagkat nagsilaki na rin sila aking isusulat ang kanilang istorya manatili silang buo'y ganap kong saya - gregoriovbituinjr. 04.27.2023 * ang bidyo na may petsang 04.23.2023 ay mapapanood sa  https://fb.watch/k9oXF15fdO/

Bigas mais sa almusal

Imahe
BIGAS MAIS SA ALMUSAL niluto ko'y bigas na mais sa agahan na nabili ni misis sa isang tindahan bigas na mais nama'y aking sinubukan kung gaano kasarap, nang aking matikman inulam ay galunggong na aking pinrito nang mainin ang bigas na mais na ito tinikman ko, parang iba ang lasa nito walang lasa, o nawala ang panlasa ko gayunpaman, ito'y aking kinain pa rin bago umalis kaysa pa ako'y gutumin buti nang may laman ang tiyan at kumain at baka sa bigas mais ay masanay din sa bigas mais man ako muna'y magtiis pag sobrang kanin, baka magka-diabetes magandang alternatibo ang bigas mais salamat at ito'y nadiskubre ni misis - gregoriovbituinjr. 04.26.2023

PITO ba'y SIETE o SIPOL?

Imahe
PITO BA'Y SIETE O SIPOL? ang tanong sa pahalang ay PITO at S.I. na ay naisagot ko na unang dalawang letra nito at may dalawa ring sagot dito pagbigkas ng PITO ba'y paano gayong wala ring tudlik sa dulo di naman maaaring SILBATO kaya SIETE't SIPOL lang ito tanong ay huwag munang sagutin kundi pababa muna'y unahin at agad mapagtatanto mo rin ang sa pahalang ay tugon man din A.P. sa labinlima pababa P.O. ang magalang na tugon nga LA-AN sa dalawampu pababa tamang sagot ay nabatid na nga PITO'y SIETE, di pala iyan SIPOL yaong tamang kasagutan pag di mo makuha sa pahalang kunin sa pababa't malalaman - gregoriovbituinjr. 04.26.2023 * ang litrato ng palaisipan ay mula sa pahayagang Bulgar, Abril 22, 2023, pahina 15.

Soneto sa rehistradong SIM

Imahe
SONETO SA REHISTRADONG SIM buti't ang sim na'y nairehistro at di na madededo ang sim ko pagkat hinabol ang last day nito at ayos naman, beripikado nagsabi kasing congratulation successfully registered na iyon kaysarap sa pakiramdam niyon sim ay magagamit pa rin ngayon ikaw ba, nakapagrehistro na? ng sim mo, aba'y ayos naman ba? anong pakiramdam mo, masaya? at si Mahal ay makokontak pa! nagrehistro kaysa ma-deads ang sim at kung hindi'y tiyak maninimdim - gregoriovbituinjr. 04.25.2023

Maraming salamat, kamakatang Glen Sales

Imahe
MARAMING SALAMAT, KAMAKATANG GLEN SALES siyang tunay, hindi tamad tayong mga makata pagkat madalas paksa'y natatagpuan sa wala minsan naman ay naroon sa ating pagtingala, sa bawat buntong-hininga, sa bawat pagtunganga may paksa na sa bawat bato mong natatalisod pag kumati ang likod, pag nanghina ang gulugod pag nanamlay ang tuhod ng obrerong kumakayod upang pamilya'y buhayin, mababa man ang sahod ah, pag-unlad nga ba ng sinasabing ekonomya iyang pagpatag ng bundok dahil sa pagmimina sa pagtunganga'y laksa ang naglalarong ideya upang suriin ang bayan, lipunan, pulitika oo, di katamaran ang pagtitig sa kawalan nagsisipag pa rin nakatitig man sa katipan, butiki sa kisame, o ibong lumilipad man maya-maya't susulatin na ang nasa isipan - gregoriovbituinjr. 04.25.2023 * ang larawan ay mula sa kolum na  Dagitab ng kamakatang Glen Sales  sa pahayagang Laguna Courier, Tomo XXVII, Blg. 15, Abril 24-30, 2023, pahina 6

Una kong Poetry Book ng Nobel Prize Winner

Imahe
UNA KONG POETRY BOOK NG NOBEL PRIZE WINNER Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Bago umuwi ay dumaan muna ako sa National Bookstore sa Malabon City Square kahapon, Abril 24, pagkagaling sa pulong sa tanggapan ng maralita sa Navotas. At doon ay nakita ko ang aklat na Field Work, Poems, ni Seamus Heaney, Winner ng Nobel Prize in Literature. Naengganyo ako sa pabalat pa lamang, dahil nakasulat ay Poems sa ilalim ng pamagat na Field Work. Kung walang Poems na nakasulat, baka hindi ko ito pinansin. Nakadagdag pang nakaakit sa akin ang Winner of the Nobel Prize in Literature sa ilalim ng pangalang Seamus Heaney, na hindi ko naman kilala, at ngayon ko rin lang narinig at nabatid. Hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na iyon, na kahit pamasahe ko na lang ang nasa bulsa ay agad kong binili. Nag-iisa na lang kasi iyon sa iskaparate ng mga aklat. Baka maunahan pa ako ng iba. Ika nga, treasure na ito para sa mga makatang tulad ko, at collector's item para sa aking munting aklatan. May s...

Pusang uhaw

Imahe
PUSANG UHAW kaya pala umakyat ng lababo pagkat uhaw, nais niyang uminom bakasakali sa patak ng gripo ay matighaw ang uhaw, pati gutom buti't may tubig pa sa palanggana upang yaong uhaw niya'y mawala nang nakatingala siya kanina akala ko'y may tumatakbong daga kasisilang pa lang ng mga kuting kaya dapat lang siyang magpalakas pagkat pasususuhin niya'y anim na sabay-sabay sususo ng gatas mabuti nang may inaalagaan walang mga daga sa paminggalan - gregoriovbituinjr. 04.25.2023 * may mapapanood na bidyo sa:  https://fb.watch/k6Y2bD7jn7/

Pusong uhaw

Imahe
PUSONG UHAW dapat diligan pa rin ang pag-ibig mahirap kung kulang ito sa dilig dapat ding madalas ang pagniniig kaya diwata'y kinulong sa bisig upang pagsinta ko'y kanyang mawatas na ito'y talagang taos at wagas kaya binibigay ko'y di lang rosas dapat ay makabili rin ng bigas puso'y diligan, di dapat mauhaw upang pagsinta'y lagi mong matanaw upang pagmamahal ay lumilitaw kaya mata'y hayan at lumilinaw pawang sambit ko'y pagsinta't pagsuyo lalamunan ko man ay nanunuyo ako'y patuloy pa ring nanunuyo nang iwing pag-ibig ay di maglaho - gregoriovbituinjr. 04.25.2023

Mithi

Imahe
MITHI nagpapatuloy ang ating buhay upang tupdin ang napiling pakay upang lasapin ang saya't lumbay upang sa kapwa ay umalalay habang yakap ang prinsipyong lantay dinaranas nati'y laksa-laksa paano ba babangon sa sigwa paano ba lulusong sa baha paano magkaisa ang dukha pati na kauring manggagawa bakit dapat dukha'y irespeto pati na kapatid na obrero bakit ang karapatang pantao at hustisya'y ipaglalaban mo pati ang tahanan nating mundo sariling wika ang patampukin sa mga tula't ibang sulatin laksang masa ang dapat mulatin upang kalagayan ay baguhin at lipunang makatao'y kamtin lipunan ay ating sinusuri bakit ba may naghaharing uri bakit may pribadong pag-aari na kahirapan ay siyang sanhi ah, sistema'y baguhin ang mithi - gregoriovbituinjr. 04.24.2023

Yibok at yamas

Imahe
YIBOK AT YAMAS nakita ko'y dalawang di pamilyar na salita na animo'y karaniwan lang na mga kataga YIBOK  sa kakataying hayop ay pagpapataba YAMAS  ay bagaso, sapal, natira sa pagpiga nasa pahalang ang salitang kapwa natagpuan habang nagsasagot ng sa dyaryo'y palaisipan U.P. Diksiyonaryong Filipino pa'y tiningnan upang mabatid lang kung tama ba ang kahulugan sa pahalang, numero trenta, tanong ay bagaso  alam ko'y sapal iyon kaya sapal ang sagot ko nang sinagutan ang pababa, nag-iba na ito lumabas na yamas ang sagot, napatango ako kaya nais kong ibahagi ang  YIBOK  at  YAMAS pagkat bago sa akin ang salitang natalastas salamat sa krosword at napapatulang madalas nagagawan ng katha yaong salitang nawatas - gregoriovbituinjr. 04.24.2023 * palaisipan mula sa dyaryong Pilipino Star Ngayon, Abril 22, 2023, pahina 10 * kahulugan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1343 at 1345

Kuting at nilagang mais

Imahe
KUTING AT NILAGANG MAIS nginatngat ng kuting ang styropor na nasa likod ng refrigerator kaya agad siyang kinuhang sadya pinakain ng mais na nilaga wala pang isang buwan nang isilang ang anim na kuting, na kainaman sumususo lang ng gatas sa ina ngayon ay natututong kumain na nginatngat nila ang nilagang mais ngayon ay busal na lang at numipis alam ko na anong ipapakain kung di isda'y nilagang mais na rin tila ako'y yaya ng mga kuting na sa akin animo'y naglalambing - gregoriovbituinjr. 04.23.2023 * may bidyo ng mga kuting na kumakain ng nilagang mais sa kawing na:  https://fb.watch/k50ZfjnJ8w/

Sa Araw ng Daigdig

Imahe
SA ARAW NG DAIGDIG Abril Bente Dos, Earth Day, / ano bang dapat gawin? ito ba'y nararapat / na ipagdiwang natin? baka mas dapat gawin / ay ang alalahanin ang pagkasira nito, / sinong dapat sisihin? tinatapon sa dagat / ang laksa-laksang plastik na nagiging pagkain / ng mga may palikpik pati ilog at sapa, / sa plastik nagsitirik sadyang kapabayaan / ang ating inihasik mapipigilan kaya / ang nagbabagong klima? climate emergency ba'y / kaya pang madeklara? iyang Annex I countries / ay magbabayad pa ba? sa bansang apektado / ng ilan nang dekada? dahil daw sa pag-unlad / ay kinalbo ang bundok at mga kagubatan / ng mga tuso't hayok sa tubo, tila baga / namumuno ay bulok dahil sa pagmimina'y / pinatag pa ang bundok kaya development ba'y / equals destroying nature? kahulugan ng progress / ay destroying earth's future? ang kapitalismo ba'y / sistemang parang vulture? kaya ang ating mundo'y / di nila nino-nurture? sa Araw ng Daigdig, / pulos ba kamunduhan? at wala...

Sa pagtula

Imahe
SA PAGTULA kailan daw ba lilipas yaring pagmamakata kailan daw titigilan ang pagkatha ng tula kailan daw ba tula ko'y aking ipagdadamot ngunit di ko alam ang sa kanila'y isasagot tula'y pinababasa ko raw gayong walang bayad ngunit tula'y nais kong gawin, walang ibang hangad anuman ang isyu ng masa'y pinag-aaralan, sitwasyon, uri sa lipunan, uri ng lipunan upang tunay na maunawaan ang mga isyu sapagkat doon nagmumula ang laksang paksa ko isyu ng vendor, ng maralita, ng manggagawa, ng magsasaka, mangingisda, babae at bata,  karapatang pantao at panlipunang hustisya ligawan, haranahan, buhay-karaniwan, klima bunga ng kalumpit, sinturis, manggang manibalang kinalbong bundok at gubat, talampas, parang, ilang ipagdadamot ko ba ang kakayahang tumula ay iyan ako, ako iyan, makata ng madla hindi, patuloy akong tutula, wala mang bayad at iyan ako, ako iyan, pagtula ang hangad - gregoriovbituinjr. 04.21.2023

Huwag magpahuli

Imahe
HUWAG MAGPAHULI huwag magpahuli sa mga balita nang makapaghanda sakaling may sigwa huwag magpahuli sa salbaheng mama upang di matokhang at ina'y lumuha huwag magpahuli sa modernong mundo bagong teknolohiya'y alamin ninyo huwag magpahuli sa buwitreng trapo na masa'y uutuing sila'y iboto huwag magpahuli at papasok ka pa upang eksamen sa eskwela'y ipasa huwag magpahuli sa bully at gangsta baka pag narekrut nila'y ma-hazing ka huwag magpahuli, agahan mo sabi dahil mahaba pa ang iyong biyahe huwag magpahuli sa listong babae lalo na kay misis pag dumidiskarte - gregoriovbituinjr. 04.20.2023

Unang anibersaryo ng pamamaril kina Ka Leody

Imahe
UNANG ANIBERSARYO NG PAMAMARIL KINA KA LEODY hapon ng Abril disinwuwebe, taong nakaraan sina Ka Leody ay pinagbabaril daw naman habang nangangampanya ay aming nabalitaan tingnan daw namin sa pesbuk, sabi ng kasamahan habang sa mga katutubo'y nakikipag-usap nang malutas ang problema nilang kinakaharap hinggil sa lupang ninunong inagaw sa mahirap nang sila na'y pinagbabaril, iyon ang naganap may ilang nasugatan, ayon sa balita noon na naganap sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon kausap nila'y tribu ng Manobo-Pulangiyon mabuti na lang at walang namatay sa naroon kinabukasan ay headline sa dyaryo ang nangyari kaya ilang dyaryo ang sa amin ay pinabili nang mga naganap ay mabasa naming mabuti ngayon ang unang anibersaryo ng insidente buti't sina Ka Leody, Walden, at D'Angelo ay di natamaan, habang may sugatang totoo buti't napag-usapan naman ang talagang isyu inagaw ang lupaing kinabukasan ng tribu isyu ng lupang ninuno'y pag-usapan talaga dapat ibalik ang lupang ...

Anim na kuting

Imahe
ANIM NA KUTING nanganak na si Muning aba'y anim na kuting wala pang isang linggo naglalakad na ito inisip ko talaga pa'no sila nagkasya sa maliit na tiyan ng pusa, kainaman kapatid pa'y dalawa nauna sa kanila malalaki na naman at gala na kung saan bilang na nila'y walo magkakapatid ito mga bagong alaga manghuhuli ng daga aking ipapakain mga natira man din tinik, bituka't ulo ng isdang niluto ko - gregoriovbituinjr. 04.18.2023

Di ko ikinahihiyang maging...

Imahe
DI KO IKINAHIHIYANG MAGING... di ko ikinahihiya ang maging tibak ang maging kaisa ng dukha't hinahamak pagkat bayan ay sugatan at nagnanaknak dahil sa sistemang bulok at mapangyurak di ko ikinahihiyang maging makata dahil iyan ang pinili kong buhay, tumula nais kong kumatha ng laksang talinghaga upang magkama ang sa sahig nakahiga di ko ikahihiyang maging manunulat dyaryo't libro'y binabasa't binubulatlat maraming isyung nanilay at nadalumat nang masulat na'y binabahagi sa lahat di ko ikahihiya yaring pagkatao pagkat iyan ako, ito ako, prinsipyo ang pinaiiral, magutom mang totoo basta ginagawa'y wasto at makatao nakakahiyang gawin ay katiwalian o ang pangungurakot sa pamahalaan lalo na't pagnanakaw sa kaban ng bayan pag nahuli ka'y tiyak na makakasuhan - gregoriovbituinjr. 04.17.2023

Jerbert Briola, Gregorio Y. Zara, at iba pang inhinyero sa bansa

Imahe
JERBERT BRIOLA, GREGORIO Y. ZARA, AT IBA PANG INHINYERO SA BANSA Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Maraming tinalakay na magagaling na nakatapos ng engineering sa artikulong ito:  The undervalued Filipino engineer  na sinulat ni Isagani De Castro, na nalathala Abril 15, 2023 sa Rappler.com, at matatagpuan sa link o kawing na: https://www.rappler.com/.../opinion-undervalued-filipino.../ Kung ako ang nagsulat nito, isasama ko si Jerbert Briola, kilalang Human Rights Defender (HRD) at isa sa founder ng HR online Ph, at ng taunang Human Rights Pinduteros Award, na graduate ng B.S. Chemical Engineering sa FEATI University. Siya rin ang opisyal na kinatawan ng human rights community sa bansa sa National Preventive Mechanism (NPM) against torture kasama ng CHR (Commission on Human Rights). Halos kasabayan ko si Jerbert sa FEATI, dahil features literary editor ako ng campus paper na The Featinean noong siya pa ang pangulo ng FEATI University Supreme Student Council (FUSSC)...

Alaga

Imahe
ALAGA kinarga ko si Muning matapos mapakain pusang aking katoto na minsan ay kasalo isda'y pananghalian namin hanggang hapunan ulo'y kanyang pinapak tinik pa'y nilamutak mabuting alagaan talagang kaibigan siya ri'y nakatanghod sa aking panonood at mahusay pang pusa sa paghanap ng daga balahibo'y kayganda at alagang talaga pusa siyang kaylambing lalo't ako'y humimbing pag nangalabit siya tiyak kong umaga na - gregoriovbituinjr. 04.16.2023

Agila at lawin

Imahe
AGILA AT LAWIN pawang ibong mandaragit  iyang agila at lawin lilipad-lipad sa langit mamaya'y may dadagitin pawang malalaking ibon na naninila ng sisiw na nag-iyakan na noon sa kuko'y di makabitiw eagle and hawk pag iningles tawag ng mga dayuhan pawang endangered species na dapat pangalagaan iyang agila at lawin sa krosword ay isinagot palaisipang isipin mo't may sayang bumabalot iyo ring dinggin ang tinig nitong lawin at agila silang pag humuni'y daig ang busina at makina marami nang mga batas na bawal silang hulihin upang sila'y mailigtas hayaan sa papawirin - gregoriovbituinjr. 04.16.2023

Pagbutihin ang pag-aaral

Imahe
PAGBUTIHIN ANG PAG-AARAL mag-aaral akong mabuti, sabi sa sarili noong ako'y pumapasok pa bilang estudyante ngayong tumatanda na'y ito rin ang sinasabi ko sa kanila, at huwag laging barkada't yosi wiling-wili nga ako noon sa matematika lalo sa estadistika at trigonometriya geometriya nama'y nakuha ko nang hayskul pa kaya sa kolehiyo'y nag-aral akong talaga pinagbuti man ang pag-aaral, di nakatapos maraming dahilan, bukod pa sa pagiging kapos sapagkat agad na akong nagpultaym sa pagkilos at tumulong sa nasagasaan ng sigwa't unos sa kanta: "kung natapos ko ang aking pag-aaral" karugtong: "disin sana'y mayroon na akong dangal" nawalan nga ba ako ng dangal, ako ba'y hangal? pagkat di nakatapos, kung saan lang nakasandal? kung aking babalikan ang mga nakaraan ko nais ko pa rin ngayong bumalik sa kolehiyo tapusin ang B.S. Math o kaya'y anumang kurso baka balang araw, maging ganap ding inhinyero - gregoriovbituinjr. 04.15.2023 * litrato m...

Iwasan ang bitag

Imahe
IWASAN ANG BITAG bakit "Remember Password", ano ang intensyon? dahil baka password mo'y malimutan ngayon? na madali mong buksan ang pesbuk mong iyon? paano kung nasalisihan ka ng maton? iyan ay booby trap kumbaga sa digmaan upang ang iba'y madali rin iyang buksan o maakses, kaya huwag mong papatulan huwag kang mag-okay sa booby trap na iyan ah, mahirap na baka masalisihan ka at baka mag-upload sila ng di maganda saka mo malalamang na-hack ka na pala password ay tiyagaing laging naalala tiyaking mag-log-out pagkatapos gumamit sundin mo ang aking payo, huwag makulit baka pag naiwan mong bukas, may magalit nag-upload ng di maganda ang isang pangit maging mahinahon pag iyong nakaharap ang booby trap na iyang sadyang mapagpanggap "Remember Password" ay di basta tinatanggap baka pesbuk mo'y mawala sa iyong ganap - gregoriovbituinjr. 04.15.2023

HRD Protection Bill, Isabatas! Now na!

Imahe
HRD PROTECTION BILL, ISABATAS! NOW NA! Human Rights Defenders Protection Bill na'y isabatas para sa karapatang pantao't sistemang patas upang malabanan ang samutsaring pandarahas ng sinumang Cain na di marunong pumarehas talagang binasa ko ang H.R.D. Protection Bill panukalang batas ito laban sa mapaniil, mapang-abuso't sa karapatan ay naninikil upang managot ang mga berdugong kumikitil panukalang batas na ito'y aralin din ninyo dagdag na armas para sa karapatang pantao bakasakaling mapigilan ang mga berdugo sa pagpaslang, maraming buhay na'y nasakripisyo kaya H.R.D. Protection Bill, isabatas ngayon dahil layunin nito'y magkaroon ng proteksyon ang tagapagtanggol ng karapatang ang nilayon ay mapabuti ang mundo't berdugo'y mapakulong - gregoriovbituinjr. 04.14.2023

Sa ika-195 anibersaryo ng Webster Dictionary

Imahe
SA IKA-195 ANIBERSARYO NG WEBSTER DICTIONARY sa Webster Dictionary, taasnoong pagpupugay! sa kanilang anibersaryo, mabuhay! MABUHAY! tanda ko, bata pa'y mayroon nang Webster sa bahay na sinasangguni nang nagsusunog pa ng kilay diksyunaryong aming kasama't kasangga tuwina upang grado'y mapataas habang nag-aaral pa ito ang unang diksyunaryong sa bahay nakita kaya tila siya'y kamag-anak naming talaga salamat sa Webster at kami'y talagang natuto upang maunawa ang maraming salita rito limang taon na lamang at magdadalawang siglo ang Webster, dalawandaang taong anibersaryo magandang sanggunian, maliliit man ang titik ngunit sa pagsangguni mo'y magiging matalisik kahulugan ng salitang Ingles ay natititik minsan, mga salita'y hahanaping nasasabik bagamat Ingles ang wika'y natuto kaming sukat upang poem, essay at short story ay masulat sa pagsalin man ng wika, Webster ang binulatlat muli, sa Webster Dictionary, maraming salamat! - gregoriovbituinjr. 04.14.2023