Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2023

Pagtanaw, pananaw

Imahe
PAGTANAW, PANANAW nakatanaw na naman sa dalampasigan ano bang mayroon upang aking titigan ang barkong nakahimpil o ang karagatan o baka nakatitig muli sa kawalan marahil, pinagninilayan ang pagtanaw sa lagay ng dukhang dinig ko ang palahaw kung bakit hirap pa rin hanggang sa pagpanaw habang sa sistema'y anong ating pananaw bulok na sistema'y paano gagapiin paanong pagsasamantala'y papawiin paanong naghaharing uri'y pabagsakin at lipunang makatao'y matayo natin naritong puspusan pa ring nakikibaka na mithing baguhin ang bulok na sistema na layuning kamtin ng masa ang hustisya at ibagsak ang uring mapagsamantala - gregoriovbituinjr. 07.30.2023

Mapagmahal

Imahe
MAPAGMAHAL paano mabibigkis ang dalawang puso sa pamamagitan ba ng kanilang nguso hahalik-halikan ang diwatang kasuyo o iluluha na lang ang pagkasiphayo mabuti't may mapagmahal akong kasama sa buhay, ang mutya ko't butihing asawa habang patuloy pa rin sa pakikibaka upang mabago yaong bulok na sistema kaymahal na ng bilihin, tulad ng bigas hirap ang masa sa lipunang di parehas kaymahal na kahit ng pang-ahit ng balbas mahal pa sa sahod ang sangkilong sibuyas aba'y may pag-ibig na banal, bawal, hangal paano ba talaga maging mapagmahal lalo na't kapitalismo pa'y umiiral pag naghangad ng tubo, aba'y nagmamahal - greoriovbituinjr. 07.27.2023

Ilan pang nilay sa Pythagorean theorem

Imahe
ILAN PANG NILAY SA PYTHAGOREAN THEOREM Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.   Nasa hayskul pa lang ay natutunan na natin sa paksang sipnayan o matematika ang Pythagorean theorem. Ito yaong pormula sa sugkisan o geometry na pagkuha ng sukat ng tatlong gilid o side ng isang tatsulok na nasa ninety degrees o right triangle. Sinasabi rito na ang pinagsamang square ng dalawang gilid ay katumbas ng hypotenuse o yaong mahabang gilid na nakahilis. Madalas na sa paksang geometry ito natin napapag-aralan noon. Ang batayang pormula nito ay a 2  + b 2  = c 2 . At ipinangalan ang theorem na ito kay Pythagoras, na isang sipnayanon o mathematician noong unang panahon.   Bakit mahalaga sa atin ang Pythagorean theorem at paano ba ito magagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay? Halimbawa, nais mong sukatin kung ano ang sukat ng tayog ng puno o kaya’y gusali? Ilang metro ito, nang hindi mo ito sinusukat ng ruler na paisa-isa? Gagamitin mo ang Pythagorean theorem. Ginagamit...

Paumanhin kung tula'y nakabartolina

Imahe
PAUMANHIN KUNG TULA'Y NAKABARTOLINA pagpasensyahan na ninyo ang aking tula na nakabartolina sa sukat at tugma mahalaga nama'y ang naririyang diwa bakasakaling mayroon kayong mapala pagkat kinahiligan ko ang pagsusukat nagbibilang ng pantig habang nagsusulat tinitiyak kung nagtutugma ba ang lahat hanggang madama na ang ngalay at pulikat baka kaya bihira ang mag-like sa post ko nauumay na sa tula ko, sa tulad ko kaya paumanhin kung katha ko'y ganito nakakalaboso sa iisang estilo pag piniga ang utak ay agad lalabas ang pawis at dugo gayong di naman pantas habang pinapangarap ang lipunang patas kung saan ang bawat isa'y pumaparehas paumanhin kung tula'y nakabartolina sa tugma't sukat, tila tinanikala pa pag naramdaman ko ang presensya ng masa sa anumang paksa'y palalayain sila - gregoriovbituinjr. 07.25.2023

Apyak pala ang pula ng itlog

Imahe
APYAK PALA ANG PULA NG ITLOG apyak pala ang tawag sa pula ng itlog kahit kulay dilaw iyon, sa pula bantog yolk ito sa Ingles, at apyak sa Tagalog na madalas ay gusto nitong iniirog mayroon pala tayong ganitong salita na sa palaisipan ko nalamang sadya na marahil dapat ipabatid sa madla sa pamamagitan ng mga kwento't tula mga dagdag kaalaman sa wika natin na dapat itaguyod at ating gamitin pag may bago o lumang salita, sabihin sa amin, nang maisahog sa kakathain tulad ng apyak, di lang sahog kundi ulam na madalas ay kinakain sa agahan tulad sa palaisipan ay gaganahan kung may salitang bago gayong luma naman - gregoriovbituinjr. 07.25.2023 * mula sa isang krosword at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 70

Sa kubo

Imahe
SA KUBO dito ko napiling magpahinga sa kubo at napagninilayan ang kung ano-ano minsan naman, binabasa'y nabiling libro hinggil sa paksang sipnayan at astronomo kaysarap dito kaysa mainit na lungsod na araw-gabi ay selpon, pindot ng pindot pagtigil ko sa kubo'y nagbibigay-lugod dinig ay kuliglig, di awtong humarurot ang kubo'y talagang ginawa sa kawayan kaya dama mo'y ginhawa pag nahigaan baka rito'y lumusog ang aking katawan sariwa ang hangin, maganda sa isipan makasusulat dini ng maraming paksa samutsaring danas na isinasadiwa - gregoriovbituinjr. 07.25.2023

Mabuhay ang mga vendor!

Imahe
MABUHAY ANG MGA VENDOR! mabuhay silang maninindang anong sipag na trabaho't kostumer ang inaatupag upang kumita, upang buhay ay di hungkag at naglalako sa maghapon at magdamag hanggang maubos ang kanilang tinitinda mga simpleng kakanin, payak na meryenda upang mabusog kahit paano ang masa upang buhayin din ang kanilang pamilya salamat sa mga vendor na nabubuhay sa trabahong marangal, mabuhay! mabuhay! sa inyong lahat, taasnoong pagpupugay! dahil naaalpasan ang gutom at tamlay mura lang subalit nabubusog na kami kaya madalas, sa tinda n'yo'y nawiwili habang naritong nagpapatuloy sa rali upang sa uri at sa bayan ay magsilbi - gregoriovbituinjr. 07.25.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.24.2023

Basta Bruce Lee

Imahe
BASTA BRUCE LEE pag post ko'y hinggil kay idol Bruce Lee aba, ang nagla-like ay kayrami dahil sa paksa'y nabibighani pag-like nila'y kaygandang mensahe di kagaya ng aking pagtula nagla-like ay talagang bihira gayunman, sadyang nakatutuwa kung Bruce Lee at martial art ang paksa sa Bruce Lee F.B. group nilalagay sa kanya'y may kinalamang tunay lalo't paksa ko sa tula'y tulay upang pag-igihan pa ang nilay kahit papaano, salamat, Bruce pagkat post ko'y nila-like nang lubos di ko man sila kilalang taos katuwaan sa puso ko'y tagos - gregoriovbituinjr. 07.25.2023

Nakatunganga sa kawalan

Imahe
NAKATUNGANGA SA KAWALAN "Why do you sit there looking like an envelope without any address on it?" ~ Mark Twain  madalas na laging nakatunganga sa kawalan animo kalawakan ay aking pinagmamasdan kahit wala, di tanaw ang ibong nagliliparan dahil ang talagang lumilipad ay ang isipan nakaupo lamang kung saan na kapara'y sobre na walang nakasulat na patutunguhang sabi naroong nagninilay-nilay, nagdidili-dili inaapuhap kung saan ang kung anong mensahe ah, bakasakaling dumapo rin sa iwing diwa ang pakikipagniig sa diwatang minumutya ang pagpapakatao't pakikipagkapwang sadya ang pagbaka't prinsipyo ng manggagawa't dalita di lang sobre kundi bato roong nakatalungko maramdaman man ng katawan yaong pagkahapo at ang utak sa pagbulay-bulay ay nagdurugo ngunit tuloy sa pakikipaglaban, di susuko - gregoriovbituinjr. 07.22.2023 * litrato mula sa google, bagamat may aklat na ganito na noon ang makata

Panlapi't salitang ugat

Imahe
PANLAPI'T SALITANG UGAT HUWAD ba ang salitang ugat ng HUWARAN? ULID ba o ULIR pagdating sa ULIRAN? tiyak na TIPON ang ugat ng KATIPUNAN at LIPON ang salitang ugat ng LIPUNAN salitang ugat ba'y inimbentong salita? salin ng Ingles na rootword sa ating wika? sunod ba tayo sa gramatikang banyaga? o may sarili't panuntunang balarila? salitang ugat pag nilagyan ng panlapi tiyak kahulugan na'y magbabagong uri sa unaha'y unlapi, sa gitna'y gitlapi halimbawa sa itaas nama'y hulapi lagyan mo ng panlapi ang salitang SAMPAY MAG SAMPAY,  NAGSA SAMPAY, SAMPAY AN , S IN AMPAY lahat ng panlapi nga'y nagamit mong tunay depende sa panahon ang panlaping taglay ganyan umiinog ang ating gramatika panlapi't salitang ugat, pinagsasama pabago-bago ma'y unawa mo talaga nababatid ang sayusay o retorika - gregoriovbituinjr. 07.21.2023

Sa ika-50 anibersaryo ng pagkamatay ni Bruce Lee

Imahe
SA IKA-50 ANIBERSARYO NG PAGKAMATAY NI BRUCE LEE  07.20.2023 bata pa'y napanood ko na siya sa lima niyang gawang pelikula The Big Boss  at  Fist of Fury  talaga Way of the Dragon, Enter the Dragon  pa pati ang di natapos na  Game of Death bantog siyang martial artist subalit namatay siya sa gabing pusikit sa kama niyong artistang marikit ngunit pelikulang kinagiliwan ng madla'y sadyang walang kamatayan aiya'y naging imortal at huwaran ng  mixed martial arts  sa kasalukuyan isa si  Ip Man  sa kanya'y nagturo ng wing chun ku, kaydakilang guro ngunit turo nila'y di maglalaho na kumalat sa iba't ibang dako ang  Jeet Kune Do  ay tinatag niya rin na kung aaralin ko'y didibdibin tinipon ang kanyang mga sulatin Tao of Jeet Kune Do  ay sinaaklat din mabuhay ka,  Bruce Lee , sa iyong ambag isa kang moog na sadyang matatag sa pelikula't librong nailimbag reputasyon mo'y di na matitinag - gregoriovbituinjr. 07.20.2023 * BRUCE LEE...

Di ako umaasa

Imahe
DI AKO UMAASA di ako umaasa sa anumang gantimpala basta ako'y kikilos para sa obrero't dukha magandang gantimpala na kung kamtin ang ginhawa dahil lipunang makatao'y natayo nang sadya di ako umaasang mayroong premyong salapi basta tuloy ang kilos para sa bayan at uri basta maibagsak ang mapang-api, hari't pari maitayo'y lipunang patas, walang naghahari di ako umaasa sa sinumang manunubos na di darating, kundi ang sama-samang pagkilos ng uring manggagawa, inapi't naghihikahos labanan ang mapagsamantala't mapambusabos walang gantimpala kundi makataong sistema ang matayo para sa kinabukasan ng masa guminhawa ang nakararami, di lang burgesya sa pag-unlad dapat walang maiwan kahit isa - gregoriovbituinjr. 07.19.2023

Pagkasaid

Imahe
PAGKASAID nasasaid din ba ang haraya kaya minsan ay di makatula? may panahon ding nakatulala sa kawalan, walang bungang diwa? madalas tumitig sa kisame butiki'y nakitang nagbabate nang biglang dumapo'y kalapati naroong kasama'y kulasisi ano na ngayon ang iisipin kung ang utak ay di pipigain haraya'y wala sa toreng garing wala rin sa pusaling maitim baka dapat magpahinga muna pagkat diwa't katawa'y pagod na baka naman bukas ng umaga haraya'y bumalik, nagdurusa - gregoriovbituinjr. 07.17.2023

Bawat tula ko'y piraso ng aking buto

Imahe
BAWAT TULA KO'Y PIRASO NG AKING BUTO bawat tula ko'y piraso ng aking buto bawat katha'y tipak ng buong pagkatao ang tula ko'y ako, ng aking pagkaako sapul pagkabata hanggang aking pagyao sumasagad sa buto, bungo'y nagdurugo maitula lang ang nadaramang siphayo bayo sa dibdib ay damang nagpapadungo mga pilay sana'y gumaling na't maglaho nang minsang madapa, nadama'y napilantod animo'y nadurog ang aking mga tuhod tila apektado rin ang aking gulugod pati bawat kataga, saknong at taludtod nadama kong napilayan akong matindi  kaya pati sa pagkatha'y di mapakali puso't diwa'y nayanig, sa dusa'y sakbibi tulad ng pagtulang lumbay lagi ang saksi patuloy akong kakatha ng tugma't sukat may pilay man yaring pulso sa pagsusulat sakaling tula ko'y binasa't dinalumat tangi kong masasabi'y salamat sa lahat - gregoriovbituinjr. 07.16.2023

Pag-amin

Imahe
PAG-AMIN inaamin ko, pangit talaga akong tumula kaya mga nagbabasa't nagla-like ay bihira di tulad ni makatang Glen at iba pang makata madalas tumula't kaygaling talagang kumatha minsan ngang magkita kami ni kasamang Marcelo tanong niya'y bakit di nila-like ng kolektibo ang mga tula ko, ayos lang iyon, ang sabi ko ang mahalaga, sa pagkilos ay patuloy tayo sinabi ni Pilosopo Tasyo'y gamit ko ngayon na habang kausap si Ibarra'y nagsulat noon nang di raw para sa kanyang mga kahenerasyon sinulat sa baybayin, babasahin daw paglaon mahalaga ngayon, sarili'y bigyan ng halaga humaharap sa mundo ng taasnoo talaga kahit tula ko'y tinuturing nilang walang kwenta bagamat bawat tula'y tulay ko tungo sa masa kaya pinagtutuunan ko na lang ay mensahe para sa uri, para sa bayan, di pansarili tuloy sa pagkatha kahit pa nila isantabi o isuka ang aking tula, anong aking paki napapangitan man sila sa aking tugma't sukat ito ang aking paraang magbahagi sa lahat bihira man...

Ang sosyalismo ay dagat

Imahe
ANG SOSYALISMO AY DAGAT anang isang kasama, ang sosyalismo ay dagat walang nagmamay-ari, nakikinabang ay lahat iyan din ang pangarap ko't adhika sa pagmulat sa kapwa, uri't bayan, lasa man ay tubig-alat di tulad ngayon, inangkin na ng mga kuhila sa ngalan ng tubo, ang laksang bagay, isla't lupa silang di nagbabayad ng tamang lakas-paggawa at nagsasamantala sa obrero't maralita sinong nais magmay-ari ng buong karagatan marahil wala, pagkat di nila ito matirhan baka naman may nagnanais na ito'y bakuran upang yamang dagat ay kanilang masolo naman sinong gustong may nagmamay-aring iilang tao sa isang malawak na lupa dahil sa titulo habang katutubo'y nakatira na noon dito inagawan sila ng lupa ng mapang-abuso mga pribilehiyo'y nasa mga nag-aari yaman ng lipuna'y nasa burgesya, hari't pari inapi ang tinuringang nasa mababang uri ugat nga ng kahirapa'y pribadong pag-aari kaya dapat nating ipagwagi ang sosyalismo at itayo ang lipunang talagang makatao di...

Payak na pamumuhay

Imahe
PAYAK NA PAMUMUHAY payak lamang ang buhay naming tibak na Spartan lalo't patuloy na nakikibaka sa lansangan talbos ng kangkong at tuyong hawot man itong ulam pinapapak man ng lamok, at banig ang higaan kaming tibak na Spartan ay nariritong kusa upang depensahan ang dukha't uring manggagawa laban sa mga gahaman at mapang-aping linta na nakikinabang sa dugo't pawis ng paggawa patuloy naming hinahasa ang aming kampilan at isipan at pinag-aaralan ang lipunan bakit laksa'y naghihirap at mayama'y iilan paano mababago ang bulok na kalagayan sariling kaginhawahan ay di namin adhika kaya pagpapayaman ay di namin ginagawa nais naming dukha'y sabay-sabay na guminhawa kaya aming itatayo'y lipunang manggagawa - gregoriovbituinjr. 07.15.2023

Nais kong itanim ang tula

Imahe
NAIS KONG ITANIM ANG TULA nais kong itanim ang tula tulad ng bawang at sibuyas kapara'y magagandang punla na sa puso'y nagpapalakas huhukay ng tatamnang lupa binhi'y ilalagay sa butas at maayos na ihahanda kakamadahing patas-patas lalagyan ng mga pataba ang mga katagang nawatas ang lulutang na talinghaga ay alipatong nagdiringas daramhin ang bawat salita na sa gunita'y di lilipas ulanin at arawing sadya tutubong sabay at parehas magbunga man ng luha't tuwa pipiliin ang mapipitas aanihin ang bagong tula na alay sa magandang bukas - gregoriovbituinjr. 07.09.2023 * litrato'y kuha ng makatang gala

Sipnayan

Imahe
SIPNAYAN sineseryoso ko pa ring / pag-aralan ang sipnayan na naunsyami nga noong / umalis sa pamantasan upang sadyang pag-aralan / ang bayan, uri't lipunan prinsipyo'y isinabuhay / bilang tibak na Spartan binabasa-basa'y aklat, / inuunawang mabuti pag may mga libreng oras / o kaya'y di mapakali sipnayan sana'y natapos / subalit di nagsisisi at ngayon binabalikan / ang kalkulus at dyometri habang patuloy pa naman / sa paglilingkod sa madla kasama'y mga kauring / manggagawa't maralita tuloy ang pakikibaka't / tinutupad ang adhika habang sa paksang sipnayan / ang sarili'y hinahasa kurso kong B.S. Math noon / ay talagang di natapos pagkat napapag-usapa'y / lagay na kalunos-lunos ng dalita't manggagawa / kaya nagdesisyong lubos umalis ng pamantasan, / paglingkuran ang hikahos pagkat baka balang araw / ay mayroong maitulong bagong sistema'y mabuo / sa tulong ng sipnayanon paano bang kaunlaran / ay talagang maisulong kung sakaling manalo na / an...

Pagtula

Imahe
PAGTULA minsan, ayoko na ring tumula pagkat ito na'y nakakasawa? aba, aba, ang nagmamakata ay titigil na ba sa pagkatha? kapara ko ba'y sangkilong bigas na nagtampo't wala nang mawatas o kapara'y dahon ng bayabas na di magawang maipanglanggas balak, daniw, tula, binalaybay kawatasan, rawitdawit, siday anlong, dalit, diona, salaysay o tanaga ang tulay sa buhay ang tula ba'y kaya kong layuan o panahon lang ng alinlangan ah, pagtula'y di ko maiiwan dama ma'y parang nasa kawalan - gregoriovbituinjr. 07.05.2023

Salamisim

Imahe
SALAMISIM nais kitang puntahan sa yungib ng kawalan bakit lagi ka riyan sa putik at karimlan? nais kitang makita at kukumustahin ka agila ka pa rin ba? o isa ka nang maya? madalas ka raw lugmok at walang maisuksok? ginhawa'y di maarok sa trabahong pinasok? kahapon ay kahapon iba na ang panahon kaisa ka sa layon kaya kita'y magtulong lalaban tayong sabay sa mga tuso't sinsay sa apoy maglalantay ang kamao't palagay pahalikin sa lupa ang gahamang kuhila at iligtas ang dukha sa palamara't linta - gregoriovbituinjr. 07.01.2023

Nilay sa unang araw ng Hulyo

Imahe
NILAY SA UNANG ARAW NG HULYO di ko pa batid noon ang landas kong tatahakin kung ang maging inhinyero ba'y aking kakayanin o maging sipnayanon kung aral ay pagbutihin hanggang mapasok ako sa pahayagang pangkampus at pagsusulat na ang kinahiligan kong lubos mula sa numero'y sa titik na nakipagtuos sa pahayagang pangkampus naman naimbitahan upang maging tibak at pag-aralan ang lipunan nagbago ang lahat nang lumabas ng pamantasan hanggang maging aktibistang Spartan at namuhay ng matatag habang prinsipyo'y tinanganang tunay sa uri't sa bayan, ang iwing buhay na'y inalay anong kahulugan ng buhay, saan patutungo anong katuturan ng butil ng pawis at dugo upang kamtin ang mga pangarap at di gumuho marahil panahon ko'y di pa naman nagagahol patuloy akong kakatha't masa'y ipagtatanggol at gagampanan kong buong husay ang bawat tungkol - gregoriovbituininjr. 07.01.2023 * sipnayan - math; sipnayanon - mathematician