Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Agosto, 2023

Larawan ng nakaraan

Imahe
LARAWAN NG NAKARAAN "We may have had black and white photos, but you can find here colorful memories." itim at puti man ang larawan ay kayraming gunitang nariyan wala mang kulay kung iyong masdan ay makulay pa rin kung titigan ang kanilang mata'y nangungusap sa pagitan nila'y nag-uusap tila dinig bawat pangungusap kahit sila lang ang nagkausap iyan ang iyong mararamdaman sapagkat tigib sa karanasan bawat litrato'y may kasaysayan na nagkukwento ng nakaraan namatay na'y muling nabubuhay ang tumanda'y bumabatang tunay pawang mga alaalang taglay na di basta na lang mamamatay puti at itim man ang litrato ay may kwentong nagbibigkis dito na di malilimutang totoo pagkat makulay kung suriin mo - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Payo't palaisipan

Imahe
PAYO'T PALAISIPAN araw-araw na may pahayagan binabasa ang isyu't kwentuhan pati payo't pag-ibig sa tanan krosword at sudoku'y sasagutan napakapayak na pamumuhay bagamat nakikibakang tunay ang kaisipan ay sinasanay nang kamtin ang asam na tagumpay nagbabakasakaling matuto o madagdagan ang pagkatuto inunawa, di man saulado ang samutsaring balita't isyu minsan ay gagawan ko ng tula batay sa opinyon ko't akala ganyan ako bilang maglulupa didighay na lang pag walang-wala - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Ang mga kuting

Imahe
ANG MGA KUTING nakakatuwa ang mga kuting tila sa kanila nahumaling binuhat ko pagkat kagigising nasa hita ko na't naglalambing ganyan sila inaalagaan sapul pa noong sila'y isilang anong saya kung sila'y pagmasdan pakakainin maya-maya lang maigi nang may ganyang alaga sa bahay ay talagang nawala ang nagtatakbuhang mga daga natatakot na baka malapa bubuwit nga ang nahuli nila kuko nila'y nandakma talaga ang kinaing daga nang nakita tanging ulo na lang ang natira patakbo-takbo, hilig maglaro naglulundagan nang may pagsuyo nagkakalmutan, lambing ng puso sumusuot sa mumunting dako - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Hindi pala bakal ang aking katawan

Imahe
HINDI PALA BAKAL ANG AKING KATAWAN kayrami ko nang sakit na nararamdaman ang akala ko'y bakal ang aking katawan na tila handa laging bumangga sa pader habang kasama ang magigiting na lider na madalas, sa rali'y nasa harap ako tinatablan pala ng sakit ang tulad ko tibak na Spartan kasi ang paniwala subalit ngayon, malimit nang matulala tila ba napagtanto ko lang ito ngayon habang ginagampanang mabuti ang misyon dapat mayroong mentenans na iinumin huwag na raw kumain ng maraming kanin upang hindi palaging mataas ang sugar upang hindi maasar nang wala sa lugar sumubo lagi ng bitamina't mineral nang lumakas at hindi laging hinihingal dapat walong baso ng tubig ang inumin dapat walong oras na tulog ang gagawin magpainit sa araw at mag-ehersisyo mag-jumping jack, mag-push up o mag-otso-otso uminom din ng pito-pito pag umaga iyan ang payo sa akin noon ni ama ah, dama ko, dapat na akong magpalakas mabuting malusog, di man bakal sa tigas - gregoriovbituinjr. 08.27.2023

Ilog

Imahe
ILOG kailan tayo mauuntog? upang alagaan ang ilog at mga lugar pang kanugnog pag araw na nati'y lumubog? kailan pa magkukumahog? upang alagaan ang ilog pag tuhod na'y aalog-alog? at mga kalamnan na'y lamog? kahit ilog man ay di bantog pangarap man ay di matayog ito man lang ay maihandog sa kinabukasan at irog - gregoriovbituinjr. 08.26.2023 * alay na tula bilang tugon sa  Right of Nature (RoN)  page sa fb, sa inilabas nilang  "Ang Ilog ay Buhay"  na matatagpuan sa kawing na: https://web.facebook.com/photo/?fbid=678296577678446&set=a.636241711883933 *  litrato mula sa google

Mag-aral din ng martial art

Imahe
MAG-ARAL DIN NG MARTIAL ART dapat na may alam din tayo sa martial art sakaling sa atin ay may biglang bumanat holdaper man o sinumang nais mangkawat sa panahong tayo'y talagang inaalat matuto ng wingchun, yaw-yan, nang di masilat prinsipyo ng jeetkundo't judo'y madalumat maging listo sa depensa't huwag malingat baka mahal mo ang ipagtanggol mong sukat anong dapat kung may kutsilyo ang kalaban? eskrima't arnis ba'y basta gagamitin lang? sa magulong mundo'y anong kahihinatnan? kung magtanggol sa kapwa't sarili'y di alam - gregoriovbituinjr. 08.25.2023

Sa wala't winalan ng tinig

Imahe
SA WALA'T WINALAN NG TINIG ako'y nakipagkapitbisig sa wala't winalan ng tinig namumutawi sa'king bibig sa kanila ako'y titindig gawin anong kayang magawa upang bigyang tinig ang dukha na tinuring na hampaslupa sapagkat sila'y walang-wala buong puso ko nang niyakap ang prinsipyo't aming pangarap isang sistemang mapaglingap laban sa tuso't mapagpanggap itatayo'y lipunang patas na ang palakad ay parehas bunga'y di man basta mapitas ay mayroong magandang bukas lalaban akong buong husay upang matupad yaring pakay ah, ito man ang ikamatay tanggap na ang palad kong tunay - gregoriovbituinjr. 08.25.2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"

Imahe
MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD" Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nabili ko ang aklat na  What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition , sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016. Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa. Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan a...

Kalabasa't noodles

Imahe
KALABASA'T NOODLES pampatalas daw kasi ng mata iyang kalabasa, sabi nila naisip ipaghalong talaga yaong noodles at ang kalabasa sa kalabasa'y gumayat ako ng mumunti lamang, kapiraso nilagay ko muna sa kaldero at pinakuluan ngang totoo saka nilagay ang isang plastik ng noodles, tila ba ako'y sabik tinikman ko't kaysarap ng lintik! parang sa sarap mata'y titirik masyado namang paglalarawan ay, tugon kasi sa kagutuman talaga akong pinagpawisan at nalamnan ang kalam ng tiyan - gregoriovbituinjr. 08.24.2023

Ang aking tibuyô

Imahe
ANG AKING TIBUYÔ bata pa'y naging ugali ko nang magtipid at sa tibuyô maglagak ng barya'y batid na nakagisnan na naming magkakapatid pagkat tinuro ni Ama ng walang patid bao ng niyog ang tibuyô namin noon iba'y biyas ng kawayan ang ginanoon hanggang magbinata'y tuloy ang pag-iipon nang magkaasawa'y gawain pa rin iyon nang magpandemya, mga walang lamang basyô ng alkohol ay aking ginawang tibuyô kaysa itapon ang plastik na di mahulô ay ginamit muli't barya'y doon binuslô sa dulo ng taon, tiyak ito'y bubuksan dahil napunô na ng baryang daan-daan ibabangko kaya ang mga baryang iyan? o ibibili ng regalo o aklat man? salamat, Ama, sa tibuyô mong pangaral kami'y may ipon, maghirap man ng matagal may madudukot para aming pang-almusal buti't sa isip namin, ito'y ikinintal - gregoriovbituinjr. 08.24.2023 * tibuyô - taal na salitang Tagalog (Batangas) katumbas ng salitang Kastilang alkansiya

Kung babangon lang tayo

Imahe
KUNG BABANGON LANG TAYO kung babangon lamang tayo kung kapitbisig lang tayo kung nagkakaisa tayo babagsak ang mga tuso ah, huwag natin hayaang tayo'y pagsamantalahan ng burgesya't mayayaman at naghaharing iilan dahil di nagkakaisa ay naaping isa-isa kung di pa rin magkaisa lalagi pa ring mag-isa ah, kung tayo'y babangon lang ay lalagpak ang gahaman bundatin silang tuluyan hanggang pumutok ang tiyan tara, tayo'y magsibangon at magsikilos sa layon bunutin na natin ngayon ang pangil ng mga leyon - gregoriovbituinjr. 08.24.2023 * litrato mula sa google

Pangarap

Imahe
PANGARAP iniisip ko pa ring makalikha ng nobela sa uring manggagawa o kaya'y isang libro'y iaakda hinggil sa buhay at danas ng dukha paano ko kaya ito gagawin kung laging punumpuno ng panimdim pulos dusa't lumbay, at nasa bangin ng kawalan, hinihipan ng hangin magsanay muna sa maikling kwento hanggang magamay ang pag-akda nito pahabain at palamnan pa ito hanggang nobela'y maakdang totoo ah, ganoon lang ba iyon kadali? ngunit paano naman mapapawi yaong kabulukang nananatili at nagpayaman sa mga tiwali kaya ko pa bang maging nobelista sa panahong tigib ng pagdurusa o kaya'y magmakata lang talaga hanggang mamugto yaring mga mata - gregoriovbituinjr. 08.21.2023

RAMBOLetra

Imahe
RAMBOLetra limang letra lang na nirambol ko ang salitang nabuo na'y tatlo mula sa app na laro kong bago na ikinasisiyang totoo A ,  B ,  E ,  K , at  R , limang titik ay may mabubuo ang matinik tatlong salita'y  BAKER ,  BRAKE  at  BREAK sinagot di man lango't nag-BAREK habang narito sa pahingahan at walang ibang pagpahingahan ng nasa loob ng kalooban ay sumagot ng palaisipan sa iwing diwa'y nakapagmulat mula lima'y sinubok ang apat na titik, aba'y napamulagat BEAK ,  BAKE ,  BEAR ,  RAKE  ang nabuong sukat kakaiba ang bago kong laro na letra'y pinagbali-baliko mula rito'y aking napagtanto ang kaibhan ng banli at banto - gregoriovbituinjr. 08.21.2023 *  Word Connect  ang pangalan ng app ng larong ito sa selpon

I-repeal ang Oil Deregulation Law! Oil Regulation Act, Isabatas!

Imahe
I-REPEAL ANG OIL DEREGULATION LAW! OIL REGULATION ACT, ISABATAS! pagkukunwari lang ba ang lahat? kunwa'y isip-isip ng paraan laban sa patuloy na oil price hike batas ang Oil Deregulation Law kaya di mapigil ng gobyerno ang pagsirit pataas ng presyo liban kung batas na ito'y i-repeal ang pagtaas ng presyo'y mapipigil pati kapitalistang mapaniil Oil Regulation Act na'y isabatas! iyan ang talagang paraang patas at sa masa'y masasabing parehas negosyante man ay may maipintas ang tanong: magagawa kaya nila? kung tatamaan ang kapitalista baka mawalan sila ng suporta sa ambisyon nilang pampulitika - gregoriovbituinjr. 08.13.2023 * tugon ng makatang gala sa editoryal ng pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2023

Parian

Imahe
PARIAN tanong: PALENGKE sa una, pahalang buti't ang tugon dito'y natandaan kaya ang sagot ko agad: PARIAN tulad sa Calamba na isang lunan marahil di PARI ang pinagmulan na binebenta'y pawang pansimbahan kundi mula sa salitang PARIYAN tulad ng PARITO't PAROON iyan lumang salita iyon sa PALENGKE na ibinabalik pagkat may silbi kung saan madla'y doon namimili ng kailangan sa araw at gabi madalas ngang PUMARIYAN ang masa gagala, bibili ng nais nila PUMAPAROON din ako tuwina upang tumingin ng mga paninda - gregoriovbituinjr. 08.12.2023 * parian - [Sinaunang Tagalog] - plasa  o pook na ginagamit na pamilihan,  UP Diksiyonaryong Filipino, p. 939

Imbes plastik na balutan, ibalik ang garapa!

Imahe
IMBES PLASTIK NA BALUTAN, IBALIK ANG GARAPA! madalas akong bumili ng bitaminang iyon na nakalagay sa bote, ngunit wala na ngayon at sasabihin ng tindera,  "Walang istak niyon eto na lang na nakabalot, at iyan ang meron!" tadtad na ng basurang plastik ang kapaligiran ginagawa ng kumpanya'y tila kabaligtaran sa botika'y wala nang mga garapang lalagyan pulos nakaplastik na ang bibilhin mong tuluyan bukod sa magastos na't mas mahal ang binibili bawat tableta'y sa plastik siniksik, anong paki nga ba nila kung sa basurang plastik mahirati ganitong puna sana'y huwag namang isantabi anong gagawin kung kumpanya mismo ang may gawa pinararami ang basura nilang nililikha mabuti pang nasa bote ang bitaminang sadya upang mabawasan ang basurang plastik na likha mungkahi ko'y ibalik ang garapa sa botika upang paglagyan ng tableta, lalo't bitamina ikampanya natin nang mabawasan ang basura imbes na plastik na balutan, ibalik ang garapa! - gregoriovbituinjr. 08.10.20...

Kuwatro kantos

Imahe
KUWATRO KANTOS Kuwatro Kantos agad ang napansin kaya mabilis kong sinagot ng GIN sa palaisipang bisyong laruin at pinakapahinga sa gawain tulad sa mga pakikipagtuos paano iraos at maging manos bawat problema'y lulutasing lubos na di masagot ng kuwatro kantos apat daw kasi ang sulok ng bote kaya kuwatro kantos yaong sabi sa lasenggo nga ba ito'y may silbi? sangkilong bigas nga'y di makabili? ako nama'y di mahilig bumarik at sa pagtoma'y di na nasasabik buti pang sumagot ng walang tumpik ng krosword na sa kaalama'y hitik - gregoriovbituinjr. 08.10.2023 * Kuwatro kantos - 23 PAHALANG

Ang Wika ng Buwan sa Buwan ng Wika

Imahe
ANG WIKA NG BUWAN SA BUWAN NG WIKA nakatingala ako sa buwan nang magsalita ito sa akin tungkol sa kanyang nasasadiwa anya: " Agosto'y Buwan ng Kasaysayan at Wika sa buwan bang ito'y anong inyong balak magawa?" ang tugon ko:  "Oo, Buwan ngayon ng kasaysayan dahil buwan ito nang mag-alsa ang Katipunan kasabay din nito'y Buwan ng Wika nitong bayan pagpupugay kay Quezon sa kanyang kapanganakan" anang Buwan:  "sa paggunita'y pagbati sa madla pagtuunan ninyo ang kasaysayan ng nitong bansa subalit ang wika, paunlarin ninyo ang wika nang sunod na salinlahi, historya'y maunawa" anya pa:  "wika ba'y bakya dahil gamit ng bayan? habang nag-iingles ang trapo, burgesya't iilan? hindi, hindi, ang wika ninyo'y dakila't uliran! gamit ng ninuno nang tayo'y magkaunawaan" "sariling wika'y gamit ng manggagawa't dalita lalo na upang bakahin ang banyaga't kuhila upang ang bayan sa mapagsamantala'y lumaya kaya...

Nagtagpo sa panulat

Imahe
NAGTAGPO SA PANULAT sa panulat tayo nagkita, aking musa sa aking mga kataga'y nilikha kita upang maging inspirasyon ka sa tuwina at sa panulat ko rin ba'y mawawala ka nagtagpo tayo sa panulat, aking mutya habang kahalubilo ko ang mga dukha pinapangarap ay bayang mapagkalinga na lipunang makatao'y nais malikha sinta, ikaw ang musa ng aking panitik sa kathang kwento mutya kang nakasasabik ang alindog mo sa tula ko'y natititik di mo ba narinig ang aking mga hibik ako'y bilanggo mang patiwarik binitin ngunit alay ko sa iyo'y mga bituin sa langit tinirintas, lalambi-lambitin ako ma'y nais nilang ihulog sa bangin - gregoriovbituinjr. 08.03.2023

Pagpitik sa kamera

Imahe
PAGPITIK SA KAMERA minsan, kailangang matuto paano pumitik sa kamera upang lumabas na kasabik-sabik ang larawang kinunan, ang haligkik o pag-imik kung pangit ang litrato, uulit ka sa pagpitik anuman ang kamera, digital, SLR, Canon,  single lens, Kodak, Pentax, Fujifilm, Sony, o Nikon o kumuha ka ng litrato gamit lang ang selpon mahalaga'y ang kalabasan ng litratong iyon kaya mabuti ring may gabay sa paglilitrato at kung paano kamera'y gamitin mo ng wasto nauunawaan mo ba kung Rules of Third ba'y ano? pagtitimpla ng kulay at liwanag ba'y paano? ano ang exposure at flash, bakit may shutter speed? view finder, control, megapixel, bakit dapat batid? focal length, aperture, manual focus ba'y anong hatid? prime lens, zoom lens, ikaw ba'y may nakikitang balakid? may kwento ba sa iyong litratong kinunang tunay? anong naiiba o tampok sa litratong taglay? sa history ba, litrato'y may salaysay at saysay? o nais lang kunan dahil may saya itong bigay? kung maging potogra...

Tabol at tanglo

Imahe
TABOL AT TANGLO nakita ko sa dalawang palaisipan ang mga salitang ngayon ko lang nalaman ang  TABOL  pala'y  MASAMANG HANGIN SA TIYAN at ang  TANGLO  ay  PULUBI  ang kahulugan kaya ngayon ay gagamitin kong totoo sa kwento, tula't sanaysay ang mga ito at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino ay tiningnan ko kung kahulugan ay wasto baka kabag din ang tabol kung tutuusin dahil ang tiyan ay napuno din ng hangin tanglo naman ay pulubi kung iisipin na dapat kaawaan o tulungan natin salamat sa mga palaisipang iyon mga lumang salita'y biglang nakaahon mula sa kanilang nahihimbing na kahon halina't sa tula'y gamitin natin ngayon - gregoriovbituinjr. 08.01.2023 Pinaghalawan: * dalawang palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2023, p.15 * Unang krosword, 23 Pababa: Masamang hangin sa tiyan - Tabol * Ikalawang krosword, 22 Pababa: Tanglo - Pulubi  *  tabol  -  Medisina: hangin sa tiyan na lumilikha ng kakaibang tunog kapag tinap...

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

Imahe
ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na " The Essential Manuel Arguilla Reader"  nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square. Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019.  Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wi...