Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2024

Magkakulay ay pagdugtungin

Imahe
MAGKAKULAY AY PAGDUGTUNGIN makukulay na bilog ay pakatitigan at magkaparehong kulay ay pagdugtungin animo'y napakapayak ng panuntunan laro ng lohika kung pakaiisipin ito ngayon ang kinagigiliwang laro matapos magtrabaho nitong abang lingkod pinakapahinga na kapag hapong hapo sa maghapong tila kalabaw kung kumayod pag tumunganga sa kisame'y magninilay dudurugin ang utak sa maraming paksa paano nga ba bawat tula'y maging tulay upang dinggin ng pamahalaan ang dukha kayhusay mo kapag kulay ay napagdugtong na tandang mapanuri ka, listo't marunong - gregoriovbituinjr. 09.30.2024 * mula sa app game na Dot Line

Pagsusunog ng kilay

Imahe
PAGSUSUNOG NG KILAY "The first duty of a revolutionary is to be educated." ~ Che Guevara nagsusunog pa rin nitong kilay upang pagsusuri ko'y humusay maraming inaaral na tunay samutsaring paksang naninilay di lang sa eskwela makukuha ang mga natutunan ng masa ang dunong at pag-aanalisa ay sa paligid din makikita tayo'y magbasa ng dyaryo't aklat kayraming isyung mahahalungkat na makatutulong din ng sukat upang mahasa't makapagmulat ika nga, una nating tungkulin ay matuto ng laksang aralin lalo't sistema'y nais baguhin nang lipunang makatao'y kamtin - gregoriovbituinjr. 09.30.2024

Kaylakas ng ulan sa madaling araw

Imahe
KAYLAKAS NG ULAN SA MADALING ARAW gising pa rin ako kahit madaling araw dahil ulan sa yero'y nakabubulahaw nagtalukbong ng kumot habang giniginaw nais umidlip ngunit tulog ko'y kaybabaw paligid ay nilagyan ko ng mga balde dahil tumutulo na ang yerong kisame mahirap humimbing, baka magbaha dine sa loob ng bahay, ay, kaytinding bagahe minsan, titila at agad muling papatak ang ulan, talagang mabibigat ang bagsak animo buong tahanan na'y pinipisak tila bubong at puso ko na'y winawasak di na simpleng ulan, kundi unos na, unos buti kung sakahan ang didiligang lubos paano pag binaha'y lungsod ng hikahos? ang magagawang tulong pa rin ba ay kapos? madaling araw, tuloy ang pagsusulat ko kayraming paksa: baha, unos, anod, bagyo mitigasyon, adaptasyon, klimang nagbago pati lagay ng paslit na nagdidiliryo - gregoriovbituinjr. 09.30.2024

Diwa't salita

Imahe
DIWA'T SALITA "Thoughts are the gun. Words are the bullets." ~ tatak mula sa isang tshirt sa pagkatha ng kwento o tula dapat malay sa diwa't salita ugnayan ng dalawang adhika'y paano ginagamit ng tama mula sa kasabihang masiste kaisipan ang tangan mong riple salita naman ang punglo dine ang diwa't salita ang mensahe sa pag-akda ng tula o kwento nobela, o sanaysay man ito diwa't salita'y gamiting wasto nang may kapayapaan sa mundo ang bumuo ng sibilisasyon ay diwa't salita ng kahapon na nagagamit pa hanggang ngayon at mga sunod pang henerasyon - gregoriovbituinjr. 09.29.2024

Paalala sa pintuan

Imahe
PAALALA SA PINTUAN naroon ang paalala sa pinto kung hihilahin ba o itutulak Ingles muna, sunod ay Filipino Hapon o Tsino't Koreanong sulat isa'y  "Pull the Door"  kung nais pumasok isa'y  "Push the Door"  kung nais lumabas iinom doon ng kapeng mausok o kung nais mo'y masarap na gatas sa isang mall sa Cubao ko nakita kaya kinodakan ko ito agad upang maitula ko kapagdaka nahalina sa simbolo't panulat kulang ng panulat Baybayin natin na magandang dito'y isamang sadya dapat ay may katutubong Baybayin subalit sinong magpapasimula? - gregoriovbituinjr. 09.28.2024

Tapat na dyanitor

Imahe
TAPAT NA DYANITOR dyanitor siyang tunay na kahanga-hanga pagkat sinoli niya'y pitakang nawala at di lamang isa kundi dalawang beses na masasabi mong kalooba'y kaylinis apat na buwan pa lang na nagtatrabaho bilang dyanitor ang tapat na mamang ito ang kanyang pangalan ay Vicente Boy Dalut nagsoli ng wallet, di naging mapag-imbot malinis ang iskul, malinis pa ang budhi katapatan niya'y maipagkakapuri ayon kay Kagawad Pulido , nararapat lamang parangalan ang mga taong tapat nagpapasalamat ang mga estudyante sa kanilang iskul sa Rosario, Cavite katapatan niya'y isa nang inspirasyon sa bayan at institusyon ng edukasyon sa taong tapat, kami rito'y nagpupugay mabuhay ka, Vicente Boy Dalut , Mabuhay! sa anumang larangang iyo pang tahakin nawa ginawa mo'y sa tagumpay ka dalhin - gregoriovbituinjr. 09.27.2024 * ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 27, 2024, pahina 8

Mula sinapupunan hanggang hukay

Imahe
MULA SINAPUPUNAN HANGGANG HUKAY sa aking ugat ay nananalaytay ang dugong bayani ngunit may lumbay dapat na mayroong pagkakapantay mula sinapupunan hanggang hukay kaya patuloy kaming nangangarap ng isang sistemang di mapagpanggap kundi lipunang walang naghihirap pagkat ginhawa na'y danas nang ganap kaibigan, maaari ba nating sabay-sabay na ito'y pangarapin ang pagsasamantala'y gagapiin at lipunang may hustisya'y kakamtin kaya ipaglaban nating totoo maitayo'y lipunang makatao may pagkakapantay-pantay ang tao at walang sinumang api sa mundo - gregoriovbituinjr. 09.26.2024

Magsing-irog

Imahe
MAGSING-IROG lagi tayong magkaugnay sa gitna ng tuwa't lumbay ay mag-iibigang tunay di tayo maghihiwalay sinasamba kita, sinta mabago man ang sistema makamit man ang hustisya pakaiibigin kita sa pagbabakasakali pagsinta'y naipagwagi di papayag maduhagi ng sinumang mang-aglahi tara na sa paraiso na animo'y kalaboso ikaw na sintang totoo'y kukulungin sa bisig ko - gregoriovbituinjr. 09.25.2024 * litrato mula sa google

Dalawang magkaibang aklat, iisa ang pabalat

Imahe
DALAWANG MAGKAIBANG AKLAT, IISA ANG PABALAT Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nitong Manila International Book Fair 2024, sa SMX, ay nakabili ako ng dalawang magkaparehong aklat, sa booth ng UP Press, ngunit magkaiba ng Volume. Ang unang aklat ay  The Achieve of, the Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016; The Sequel to A Habit of Shores, Volume I , at ang ikalawang aklat ay may gayon ding pamagat, ngunit  Volume II . Pareho itong inedit nina  national artist for literature Gemino H. Abad  at  Mookie Katigbak-Lacuesta. Noong araw na iyon ay nakabili ako ng 15 aklat, na halos pampanitikan lahat. Ang pito ay tigtitrenta pesos, at limang tigpi-P59. Kaya marahil ay di ko napansin na may magkaparehong aklat, na mabigat din nang binuhat kong lahat. Kaya ang nabanggit kong dalawang aklat sa itaas ay hindi ko napunang nabili ko pala pareho. Akala ko nga ay parehong libro ang nabili ko, kaya labis akong nanghihinayang. Subalit...

Palasiwi

Imahe
PALASIWI palasiwi pala pag sinalin sa ating wika ang upong cross-legged o nakasalampak sa lupa at magkakurus ang paa sa harap, tingnan mo nga yaong larawang ipinaliwanag ng patula nabasa sa UP Diksiyonaryong Filipino na may sarili pala tayong salitang ganito na dapat ay gawin nating popular na totoo upang bagong henerasyon ay magamit din ito madalas palasiwi akong umupo sa bahay imbes na sa silya, nakasalampak akong husay sa sahig, habang sa dulang ay nagtitipang tunay sa kompyuter habang patuloy pa ring nagninilay sa mga pagtitipon sa labas na nadaluhan minsan palasiwi kaming uupo sa damuhan doon ay magbabahaginan ng nasa isipan na madalas mauwi sa tawanan at kwentuhan - gregoriovbituinjr. 09.24.2024 * palasiwi - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.891 * litrato ng palasiwi mula sa google

Papogi lang ang mga trapo

Imahe
PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan na ibinotong mga artista'y papogi lamang na di makapagserbisyo ng matino sa bayan ika nga ng sambayanan, sila'y hanggang porma lang marami nga raw namamatay sa akala, di ba? akala ng masa, gaganda na ang buhay nila dahil binoto'y idolo nilang bida't artista ngayon, tanong niya:  "Ba't puro papogi lang sila?" pinakitang nagdarasal ang masa sa litrato na sinisisi'y mga artistang kanyang idolo sumagot naman ang langit sa mahirap na ito: "Iyan ang napapala ng bobotanteng tulad mo!" walang pinag-iba sa dinastiyang pulitikal na ilang henerasyon nang naupo nang kaytagal na lugar ay hinahawakan ng kamay na bakal subalit pag-unlad ng buhay ng masa'y kaybagal tama na ang pamumuno ng mga naghahari palitan na ang bulok na sistema, hari't pari dapat tayong magkaisa sa diwang makauri ilagay sa posisyon ay atin namang kauri - gregoriovbituinjr. 09.23.2024 * komiks mula sa pahayagang ...

Pera ng bayan

Imahe
PERA NG BAYAN paano ba dapat gamitin ang pera ng bayan? dapat batid iyan ng sinumang nanunungkulan dahil sila'y halal, ibinoto ng taumbayan dapat sa kapakanang pangmasa ang katapatan perang di dapat magamit sa sariling interes kundi sa kapakanan ng maraming nagtitiis sa hirap dahil sa kapritso ng kuhila't burgis na katiwaliang ginawa'y makailang beses dapat pera ng bayan ay gamitin sa serbisyo ngunit di sa kapakanan ng tusong pulitiko di para sa dinastiyang pulitikal at trapo at lalo na, serbisyo'y di dapat ninenegosyo kayraming corrupt na pera ng bayan ay inumit iba'y ginagamit upang sila'y iboto ulit dapat batid nilang iulat paano nagamit ang pera ng bayan, gaano man iyon kaliit ah, wala tayong kakampihan sa sinumang paksyon ng naghaharing uri, kampon man niya o niyon maging tapat lang ang halal sa sinumpaang misyon ay makatitiyak ng suporta sinuman iyon - gregoriovbituinjr. 09.23.2024 * ulat at litrato mula sa People's Journal Tonight, Setyembre 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

Imahe
LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING tulad ni  Caloy Yulo , nakadalawang ginto rin si  Lovely Inan  sa sinalihan niyang weightlifting ayon sa ulat, nauna si  Angeline Colonia na makakuha rin ng dalawang gintong medalya animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas ng Olympic gold medalist na si  Hidylin Diaz aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan ang ating mga Olympian sa nasabing larangan Lovely Inan  at  Angeline Colonia , pagpupugay sa napili ninyong larangan ay magpakahusay sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon maraming salamat sa inyong inambag sa bansa kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga - gregoriovbituinjr. 09.23.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12

Tao ka ba?

Imahe
TAO KA BA? aba'y nagtatanong sa atin ang internet o ang A.I. o artificial intelligence beripikahin:  "Are you human?", "Tao ka ba?" upang mabatid na tao ka nga talaga tinanong ba'y ang di kayang gawin ng A.I.? o kung tao ka, dapat mayroong patunay? may beripikasyon  "to fight spam and abuse, please verify you are human" , gawin nang lubos batid ba natin kung kompyuter ang kausap o tao rin tulad natin yaong kaharap na tulad sa messenger o pag nag-zoom meeting gamit ang teknolohiyang dapat alamin kailangan daw ang human verification upang matuloy ang nakabinbin mong layon tanong:  "Tao ka ba?" , walang paligoy-ligoy sagutin mong  "Yes"  upang makapagpatuloy - gregoriovbituinjr. 09.22.2024 * litrato mula sa isang app

Pusang kumakain ng halaman

Imahe
PUSANG KUMAKAIN NG HALAMAN nabidyuhan ni misis si alaga naroong kumakain ng halaman buti't nakunan niya iyong sadya na di ko naman natitiyempuhan iyon pala ang kanyang kinakain pag gutom at wala kami sa bahay pag nasa labas at di mapakain ang pusa, nginangata yaong uhay o tanim na tanglad o damong ligaw na basta na lang tumubo sa paso na para kay alaga'y nakatighaw ng uhaw, gutom, sakit, o siphayo ah, batid ng pusa ang kalikasan at ang pagkain ng halamang gamot na pag siya'y aming napabayaan ay kanyang batid kung saan susuot - gregoriovbituinjr. 09.22.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/uLqc8i91ZM/  

Salin ng First Quarter Storm: Unang Sigwa ng Sangkapat o Sigwa ng Unang Sangkapat?

Imahe
SALIN NG FIRST QUARTER STORM: UNANG SIGWA NG SANGKAPAT O SIGWA NG UNANG SANGKAPAT? Munting pagninilay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nitong ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar ay dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa araw na ito sa isang aktibidad sa Bantayog ng mga Bayani. May aktibidad sa awditoryum na puno ng maraming tao. Mataman akong nakinig sa mga nagsalita. Narinig ko sa isang tagapagsalita ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" na siyang pagkakasalin o translasyon umano ng First Quarter Storm. Dalawang beses niya itong inulit, at isinulat ko agad ito sa munti kong kwaderno. Bakasakaling magamit ko sa sanaysay, tula at iba pang sulatin. Subalit napaisip din ako. "Unang Sigwa ng Sangkapat" nga ba ang totoong salin ng First Quarter Storm? O baka naman Sigwa ng Unang Sangkapat, na siya kong palagay. Bakit kamo? Sa "Unang Sigwa ng Sangkapat", ang noun o pangngalan ay Sangkapat o Quarter. Kung gayon, ang "Unang Sigwa" ang adj...

Maibabalik nga ba ang kahapon?

Imahe
MAIBABALIK NGA BA ANG KAHAPON? may dalawang kahulugan ang katanungang iyon umaasang maibabalik pa ang dating buhay o huwag nang ibalik ang mga nangyari noon kung saan panahong iyon ay kayraming namatay ibalik ang dati na ang mga mahal sa buhay ay di pa nabiktima ng buhong na diktadura upang di natin dinaranas ang kaytinding lumbay may desaparesido at bulok pa ang sistema "Batas Militar, Parang Pamilyar" , iyan ang tema ng paggunita sa naganap na marsyalo noon "Bagong Lipunan, Bagong Pilipinas" , anong iba? kaya  "Never Again, Never Forget"  ay ating misyon huwag na nating ibalik ang kahapong kaytindi na mismong diktadura'y halimaw sa mamamayan nabiktima't humihiyaw ng hustisya'y kayrami sapilitang iwinala'y di pa natatagpuan ibabalik ba ang kahapong walang diktadura? bakasakaling buhay pa ang ating minamahal... "Never Again, Never Forget" , halina't magkaisa nangyari noon ay paghanguan natin ng aral - gregoriovbituinjr. 09.21....

Paglutang ng saksi

Imahe
PAGLUTANG NG SAKSI sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo sa dyaryong P.M. mababasa mo ang usapan ng dalawang pulis hinggil sa paglutang daw ng witness tanong: nahan ang witness sa krimen sabi mo, lumutang na ang witness sagot sa kanya'y ikauuntog lumutang na ang saksi... sa ilog nabiktima ng 'salvage' ang saksi biktima ng sinumang salbahe komiks iyon na dapat patawa nabanggit ay kawalang hustisya ang pinaslang na saksi sa krimen na sa korte marahil aamin ngunit saksi'y inunahang sadya ng mga salbaheng gumagala akala mo'y tatawa ka sa joke? binunyag pala'y gawaing bugok may malagim na katotohanang ang hinihiyaw ay katarungan - gregoriovbituinjr. 09.21.2024 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Setyembre 20, 2024, pahina 7

Level 69 - parehong kulay ng ruskas

Imahe
LEVEL 69 - PAREHONG KULAY NG RUSKAS dapat na ating mapag-ugnay ang magkakaparehong kulay  ng ruskas sa bawat turnilyo kung laro'y nais ipanalo kulay kasi'y magkakaiba may asul, lunti, lila, pula payak lang ang alituntunin: magkakulay ay pagtabihin app itong dinawnlod kong sadya nang maehersisyo ang diwa pag pahinga lang nilalaro nang mawala ang pagkahapo turnilyo't ruskas ay mag-partner kaya walang sinumang ander larong ito'y kalugod-lugod tila kinakatha'y taludtod - gregoriovbituinjr. 09.21.2024 * litrato mula sa app game na NutsSorter

Ngiyaw

Imahe
NGIYAW ngiyaw ng ngiyaw si alaga musikang ikinatutuwa sa aki'y humihingi kaya? pagkat gutom na't walang daga? kay-ingay niya buong gabi ako naman ay nawiwili ngunit siya'y may sinasabi ano kayang kanyang mensahe? mamaya kaya ay uulan? parang ipis na naglabasan? o baka iyon ang paraan? nang siya'y pansinin ko naman? ngiyaw ay paglalambing niya upang alagaan ko siya sige, ngumiyaw ka lang muna pagkain mo'y ihahanda na - gregoriovbituinjr. 09.18.2024 * mapapoanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/uHKb6XVUZp/    

Pagsasamang maluwat

Imahe
PAGSASAMANG MALUWAT dapat ang pagsasama'y matibay ito ang lagi kong naninilay si Eros at Venus ba ang gabay o mga magulang ang patnubay dapat bang ang pag-ibig ay wagas ang dapat ba'y tsokolate't rosas o mas dapat unahin ang bigas bilang tulay sa magandang bukas pag-ibig ba'y pulos pulutgata o mabubulaklak na salita pagsinta ba'y idaan sa tula o sa puso ng dinidiwata madalas aking nadadalumat iwing pagsinta'y lalaging tapat ika nga, pagsasamang maluwat ay dapat nang ipagpasalamat - gregoriovbituinjr, 09.17.2024

Daniel Quizon, bagong Chess Grandmaster ng Pilipinas

Imahe
DANIEL QUIZON, BAGONG CHESS GRANDMASTER NG PILIPINAS si Chess International Master (I.M.)  Daniel Quizon ang  panglabingwalong Chess Grandmaster  ng ating bansa nang two-thousand five hundred ELO rating ay maabot at nakuha ang kailangang tatlong grandmaster norm dalawampung anyos pa lamang nang maging grandmaster nang si G.M. Efimov ay pinisak ng woodpusher na Pinoy, doon sa FIDE Chess Olympiad sa Budapest sa bansang Hungary, pinakitang Pinoy ang Da Best sa AQ Prime ASEAN Chess Championship ang unang norm sa Eastern Asia Chess Championship ang ikalawang norm sa Hanoi Grandmasters Chess Tournament ang ikatlong norm nakamit niya ang pinapangarap niya't misyon sa bagong Pinoy Chess Grandmaster, kami'y nagpupugay karangalan ka ng bansa sa kahusayang taglay magpatuloy ka't kamtin ang marami pang tagumpay sa iyo, Grandmaster Quizon, mabuhay ka! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 09.16.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante, Setyembre 16, 2024 . . . TALAAN NG MGA ...

Reyes Cup sa World Billiard, ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes

Imahe
REYES CUP SA WORLD BILLIARD, IPINANGALAN KAY EFREN "BATA" REYES Team Asia versus Team Europe sa kauna-unahang  Reyes Cup na pandaigdigang tunggalian ng magagaling sa bilyar ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes, ang Greatest Of All Time o GOAT, tinaguriang  "The Magician"  sa buong mundo'y sikat ang unang Reyes Cup ay gaganapin sa Oktubre sa bansa na paligsahan ng mga iniidolo't kahanga-kanga sa Ninoy Aquino Stadium ay magpapagalingang sadya ang mga cue artist ng Asya at Europa ay magbabangga ang format ng Reyes Cup ay tulad ng Mosconi Cup umano apat na araw, dalawang elite team ang talagang sasargo unang Reyes Cup ay dapat pagwagian ng mga Asyano lalo't pinangalan kay Efren Reyes ang paligsahang ito ang team captain ng Team Europe ay ang cue artist na si Karl Boyes ang team captain naman ng Team Asia ay si Efren "Bata" Reyes sinong mas magaling tumumbok, ang madiskarte at mas wais halina't abangan natin ang Team Asia laban sa Europe...

Pinoy cue artist 'Bad Koi' Chua, kampyon sa World 9-Ball Tour

Imahe
PINOY CUE ARTIST 'BAD KOI' CHUA,  KAMPYON SA WORLD 9-BALL TOUR Congratulations kay Johann Chua nang sa bilyar ay tinalo niya ang Taiwanese, iskor, 13-1 pa noong Biyernes sa Shanghai, China sinundan sina Rubilen Amit at Carlo Biado sa nakamit na tagumpay at bansa'y binitbit kasaysaya'y kanilang inukit tatlong Pinoy world champion sa 9-ball ngayong taon ng twenty-twenty four sino pang sa kanila'y hahabol? streak bang ito'y sinong puputol? pagpupugay, mabuhay ka, Bad Koi ang tagumpay mo'y ipagpatuloy - gregoriovbituinjr. 09.16.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 15, 2024, p.12

Ayaw kumain sa plato

Imahe
AYAW KUMAIN SA PLATO nilagay ko na nga sa plato ang kanyang pagkain ilalabas pa sa plato't sa sahig kakainin kaya nga may plato upang doon siya kumain subalit di sanay magplato ang alaga namin ganyan din ang ibang pusang dumadalaw sa bahay para bang sanay silang pagkain ay tinatangay kaya ba ayaw nilang magplato, di sila sanay dahil pagkain, hinahagis lang ng kapitbahay buti't marunong manghingi itong aming alaga ngiyaw lang ng ngiyaw at mangangalabit sa hita babahaginan ko na siya ng tira sa isda ganyan lamang ang pamumuhay namin sa tahanan animo'y pasko, punong-puno ng pagbibigayan ang mahalaga'y nakakaalpas sa kagutuman - gregoriovbituinjr. 09.15.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/uCEBIcZtNm/  

Astang Diyos?

Imahe
ASTANG DIYOS? pag mga batang babae ay kanya raw ginalaw ay di siya kundi Diyos sa kanila'y gumalaw nagbabanta ang  "angel of death"  pag sila'y tumutol ang gawaing ganito'y paano ba mapuputol? kaytinding sinabi ni Senadora Hontiveros sa suspek na panginoon,  "Huwag kang astang Diyos!" dahil krimen ng pastor ay krimen sa sambayanan "People of the Philippines versus"  suspek na pangalan paano ba lalabanan ang  "appointed son of God" lalo na't kayrami pa nitong kabig at alagad sana'y mapatunayan ang mga krimen ng suspek mabigyang hustisya ang kinulapulan ng putik pati ba Diyos ay ginagamit sa panghahalay? ng mga batang babaeng walang kamalay-malay ang mag-astang Diyos sa bayan ay talagang dagok sa krimeng gawa sa kulungan ay dapat mapasok - gregoriovbituinjr. 09.15.2024 * ulat at litrato mula sa pahayagang Abante, Setyembre 15, 2024, headline at pahina 2

Masayang laro sa app

Imahe
MASAYANG LARO SA APP nakakatuwa ang larong iyon na kakayahan mo'y hinahamon sa app game na BlockPuz na ang layon ay buuin ang larawan doon iiskoran nila ang I.Q. mo di mo alam kung ito'y totoo basta maglaro lang tayo nito kahit may iskor o wala ito sa pagsagot na lang ay matuwa pinakapahinga nitong diwa matapos ang maghapong paggawa BlockPuz ay laruin nating sadya ang iskor ay pakunswelo na lang na I.Q. daw ay kaytaas naman laro lang ito at di dibdiban ang mahalaga'y nasisiyahan - gregoriovbituinjr. 09.15.2024

Sa ikatatlumpu't isang anibersaryo ng BMP

Imahe
SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BMP bumabating taospuso't taas-kamao sa ikatatlumpu't isang anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino tuloy ang laban, kasama, mabuhay kayo! magpatuloy tayo sa misyon at adhika na pagkaisahin ang uring manggagawa kumikilos tayo sa layuning dakila na bulok na sistema'y wakasan nang sadya pangarap na sistema'y walang hari't pari walang tusong kapitalista't naghahari di na iiral ang pribadong pag-aari na dahilan ng pagkaapi nitong uri sulong, itayo ang sosyalistang lipunan na walang elitista't burgesyang gahaman lipunang walang pinagsasamantalahan at umiiral sa bansa ang katarungan - gregoriovbituinjr. 09.14.2024

Paggamit ng gitling

Imahe
PAGGAMIT NG GITLING sa Pahalang Dalawampu't Pito katanungan doon ay " Nagsolo " lumabas na sagot ko'y " NAGISA " na kung ito'y may gitling: " NAG-ISA " NAG-ISA 'y wastong sagot sa tanong di  NAGISA  ang nagsolong iyon di masulat sa krosword ang gitling ngunit halaga nito'y isipin iba ang  NAGISA  sa  NAG-ISA pagkat kahuluga'y magkaiba tulad ng  MAYARI  at  MAY-ARI gitling ay iisiping palagi pagnilayan ang gamit ng gitling pagkat salita'y nagbabago rin lagyan ng gitling pag kailangan upang umayos ang kahulugan - gregoriovbituinjr. 09.14.2024 - krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 11, 2024, pahina 7

Pagbaka sa kaplastikan

Imahe
PAGBAKA SA KAPLASTIKAN tadtad ng plastik sa basurahan sa kalupaan, sa karagatan ngunit tadtad din ng kaplastikan sa pulitika't pamahalaan kinain ng isda'y microplastic na sa tiyan nila'y sumisiksik mata kaya natin ay tumirik pag kinain ang isdang may plastik? kayraming kaplastikan sa mundo na di pa malutas ng gobyerno kayraming plastik na trapo't tuso plastik ba ang lilipol sa tao? tara nang maghanap ng solusyon sa kaplastikan ba'y anong tugon? - gregoriovbituinjr. 09.13.2024

'Mambubudol'

Imahe
'MAMBUBUDOL' kaytindi ng sinabi / o ito na'y paratang? 'mambubudol' daw siya, / sabi ng mambabatas na umano sa kapwa'y / talagang mapanlamang ang mambubudol kasi / ay di pumaparehas balbal iyong salita / sa gawang panloloko o kapwa'y dinadaya / ng may tusong hangarin parang budol-budol gang / na isang sindikato kapwa'y pagkaperahan / ang kanilang layunin iba ang budol-budol / doon sa akyat-bahay dahil harap-harapan / ang panlilinlang nila biktima'y walang tutol / na pera'y binibigay sa mga nambobolang / di talaga kilala  ngunit kung isang tao'y / tawaging  'mambubudol' kahit sa pulitika, / dignidad na'y nasira krimen iyong kumpara / sa hayop ay masahol sariling pagkatao'y / sadyang kasumpa-sumpa - gregoriovbituinjr. 09.12.2024 * ulat at litrato mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang People's Journal Tonight, Setyembre 11, 2024

Parehong disenyo ng tatlong krosword

Imahe
PAREHONG DISENYO NG TATLONG KROSWORD pareho ang disenyo sa palaisipan sa tatlong krosword sa dalawang dyaryo naman pareho ring petsa, tanong ay nag-iba lang ibig lang sabihin, maaaring gamitin ang parehong disenyo kahit di mo pansin mga katanungan lang doon ay baguhin lalo pa't araw-araw ang krosword sa dyaryo di lang tanda kung nasagot mo ba'y pareho iba't ibang tanong sa parehong disenyo paglikha ng krosword ay subukan ko kaya ang dalawampung disenyo'y sapat nang sadya upang makapaglibang din ako't ang madla wikang Filipino pa'y naitataguyod habang saliksik na salita'y hinahagod dagdag-kita rin kahit maliit ang sahod - gregoriovbituinjr. 09.12.2024 * ikalawa at ikatlong krosword sa pahayagang ABANTE, Setyembre 7, 2024, p.7 * ikalawang krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 7, 2024, p.7

P30 na aklat sa Manila International Book Fair

Imahe
P30 NA AKLAT SA MANILA INTERNATIONAL BOOK FAIR Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Trenta pesos na libro? Ows? Hindi nga? Baka naman kung ano lang ang librong iyan kaya mura? Hindi. Sa katunayan, mga aklat pampanitikan ang mga nabili kong iyon. Aklat pampanitikang bagay sa mga makata't manunulat tulad ko. Unang araw pa lang ng taunang Manila International Book Fair ay agad na akong nagpunta. Aba'y hindi maaaring hindi ko man lang masilip ang taunang okasyong iyon. Inikot ko muna ang venue kung saan may iba't ibang booth ang mga publishing house. Sa unang palapag, pinuntahan ko ang Fully Booked, National Book Store, Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, at marami pa. Hanggang makita ko ang UP Press na pinagkakaguluhan ng mga tao.  Doon ako sa UP Press nakabili ng tigtetrenta pesos na mga aklat. Nakabili ako roon ng labinlimang libro, na ang pito rito ay nagkakahalaga ng trenta pesos lang, habang limang tig-P59 bawat isa, dalawang tig-P100, ...