Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2024

Lumang Taon, Lumang Sistema

Imahe
LUMANG TAON, LUMANG SISTEMA patuloy pa rin ang kahirapan kahit sa pagtatapos ng taon dukha'y lublob pa rin sa putikan may tinik sa paang nakabaon lumang taon ay lumang sistema dalita'y gumagapang sa lusak sa Bagong Taon, ganyan pa rin ba? na buhay ng dukha'y hinahamak wala raw pribadong pag-aari kaya pinagsasamantalahan ng mga lintang kamuhi-muhi na talagang sa pera gahaman pakikibaka'y patuloy pa rin upang lipunang nasa'y mabuo kadena ng pagkaapi'y putlin lipunang makatao'y itayo - gregoriovbituinjr. 12.31.2024

Katahimikan

Imahe
KATAHIMIKAN tahimik sa totoong kagubatan bagamat hayop ay nagbabangayan pagkat kapwa nila ay sinasagpang upang maging agahan o hapunan maingay lang pag puno'y pinuputol o minimina ang bundok at burol pulitiko pa yaong nanunulsol habang mamamayan ay tumututol kaiba sa kagubatan ng lungsod trapo ang sa bayan ay naglilingkod dinastiya pa silang nalulugod lalo't salapi'y ipinamumudmod sa silid-aralan dapat tahimik nang itinuro sa diwa'y tumitik sa pabrika man ng metal at plastik sa trabaho'y walang patumpik-tumpik kahit sa lipunang kapitalista tahimik silang nagmamanipula nag-iingay naman ang aktibista upang isyu'y mapabatid sa masa sabi, sa tenga ang katahimikan walang ingay kaya katahimikan subalit iba ang kapanatagan pag payapa ang puso't kaisipan - gregoriovbituinjr. 12.30.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa ZOTO Day Care Center sa Navotas

Mansanas

Imahe
MANSANAS noong bata pa kami, si Ama'y may mansanas na bitbit isang mansanas subalit hahatiin ng malililiit para sa aming magkakapatid, sa akin ay malinggit sa likod ng simbahan ng Bustillos, may Manzanas street hanggang aking napagnilayang isang tula ang mabigkas pagkat sa diwa ko't saloobin, ito ang inaatas sa ganitong gawain, naging masikap ako't magilas taludtod at saknong, tugma't sukat ang agad mamamalas hanggang mahalukay sa diwa'y kasaysayan ng mansanas kinain ni Adan ang mansanas na binigay ng ahas kay Eva, sa ulo ni Newton may bumagsak na mansanas ang kumpanya ni Steve Jobs, logo'y may kagat na mansanas ngayon, sa aming mesita, may dalawa kaming mansanas tatlo kami sa bahay, paano ko hahatiing patas dalawang katlo o two-third, sa aritmetika'y lumabas buti't sa pagkakahati nito, binahagi'y parehas - gregoriovbituinjr. 12.29.2024

Biskwit na tipi

Imahe
BISKWIT NA TIPI nang minsang sa Balayan umuwi sa lalawigan ng aking ama sa bayan ay bumili ng tipi na biskwit na hilig ko noon pa wala kasing tipi sa Maynila na kung meron, akin nang binili pag nakita'y gagastusang sadya pagkat diyan ako nawiwili nang minsang aking ina'y dalawin nagmano ako't kami'y nag-usap tipi'y di ko nalimutang bilhin nang umalis sa lupang pangarap nagninilay ay lalantakan ko ang tiping kaysarap na totoo habang hinahabi'y tula't kwento at may ilang binabasang libro - gregoriovbituinjr. 12.29.2024

Lolo, todas sa Sinturon ni Hudas

Imahe
LOLO, TODAS SA SINTURON NI HUDAS nang dahil sa  Sinturon ni Hudas na tila ba nawala sa landas buhay ng isang lolo'y nautas limang araw pa bago natodas sino bang sa paputok gumastos mababayaran ba niyang lubos yaong nangyaring kalunos-lunos sa lolong pitumpu't walong anyos nagbenta ng paputok na iyan sa buhay mo'y walang pakialam di ka sagutin ng mga iyan pag nagtungo ka sa pagamutan taospuso pong pakikiramay sa pamilya ng lolong namatay hibik ko sa kabila ng lumbay: paputok ay iwasan pong tunay - gregoriovbituinjr. 12.29.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, 29 Disyembre 2024, pahina 1 at 2

Larong Unblock

Imahe
LARONG UNBLOCK puzzle - six by six na parisukat ay ilabas mo ang isang tipak na kulay pula sa ilang tira pag napalabas mo'y tagumpay ka nakakatuwa ang larong yaon pagkat isipan mo'y hinahamon app game na  Unblock  sa iyong selpon pag nagpahinga'y laro ko iyon larong pampatalas ng isipan pag-aanalisa't kaalaman lohika'y ehersisyong mataman sa ilang tira'y ilabas iyan salamat naman sa larong  Unblock lalo na't nailabas ang tipak pag nagtagumpay, ramdam mo'y galak pagkat naglaro kang di nalubak - gregoriovbituinjr. 12.29.2024

Idiskwalipika ang mga dinastiyang pulitikal

Imahe
IDISKWALIPIKA ANG MGA DINASTIYANG PULITIKAL kapag pulitikal na dinastiya ang ibinoboto pa rin ng masa hinahalal ba'y mapagsamantala nariyan pa ba'y bulok na sistema upang manalo pa sa pulitika namumudmod ng pera sa kampanya upang mabili ang boto ng masa limang daang piso, bigas, ayuda dinastiya pag ama ay senador habang ina naman ay gobernador ang anak nila sa bayan ay meyor habang kongresista naman ang lolo lider pa ng SK ang kanyang apo at kapitan ng barangay ang tiyo sigaw ng masa: idiskwalipika iyang pulitikal na dinastiya pawang galing sa iisang pamilya yaong naghahari sa pulitika matapos ang eleksyon, wala ka na nalulong na sa bulok na sistema sa susunod na halalan, huwag na huwag iboto iyang dinastiya - gregoriovbituinjr. 12.29.2024 * litratong kuha ng makatang gala

Dalawang 13-anyos na Nene

Imahe
DALAWANG 13-ANYOS NA NENE dalawang Nene na parehong trese anyos ay biktima sa magkahiwalay na ulat isa'y nadale ng 5-star sa daliri isa'y ginahasa matapos mangaroling nagkataon lang trese anyos ang dalawa edad nga ba ng kainosentehan nila? sinapit nila'y kalunos-lunos talaga magba-Bagong Taon silang di nagsasaya wala sa edad iyan? baka nagkataon? pagtingin ko ba'y isa lang ispekulasyon? "Kaiingat kayo!" ang siyang bilin noon ng bayaning halos kinalimutan ngayon tunay na kaylungkot ng Bagong Taon nila isa'y naputukan, isa'y nagahasa pa - gregoriovbituinjr. 12.28.2024 * ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 28 Disyembre 2024, pahina 8 at 9

Ginahasa matapos mangaroling

Imahe
GINAHASA MATAPOS MANGAROLING sadyang kalunos-lunos ang sinapit ng isang trese anyos na babae ginahasa matapos mangaroling  bisperas ng pasko iyon nangyari  ulat itong makadurog-damdamin tila puso'y pinipisak talaga kung siya'y anak ko, ako'y gaganti sa mga taong nanghalay sa kanya sabi'y ihahatid siya sa bahay ng dalawang suspek na tagaroon subalit sa baywalk siya'y hinalay talagang halimaw ang mga iyon at sa pagsusuri ay positibo ngang hinalay ang nasabing babae hustisya'y dapat kamtin nang totoo at dalawang suspek ay masakote - gregoriovbituinjr. 12.28.2024 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, 28 Disyembre 2024, headline at p.2

Relatibo

Imahe
RELATIBO sa mga kamag-anak ko't katoto kapisan, kumpare, kaugnayan ko pulitikal at personal ba'y ano? masasabi ba nating relatibo? piho, sa akin ay magandang aral lalo't ang personal ko'y pulitikal isa itong prinsipyong unibersal kaya sa aktibismo'y tumatagal pinipilit ugnayan ay mabuo at prinsipyong tangan ay di maglaho suliranin ma'y nakapanlulumo ay tutupdin anong ipinangako pakikibaka'y isinasabuhay maraming bagay ang magkakaugnay mga sagupaan ma'y makukulay madalas ay talaga kang aaray - gregoriovbituinjr. 12.28.2024

Pagdalaw sa Bilibid

Imahe
PAGDALAW SA BILIBID sinamahan ko ang MAG - Medical Action Group at iba pa sa human rights organization tulad ng staff ng PAHRA, Task Force Detainees at dalawa kami sa XD Initiative taon-taon na namin itong ginagawa para sa mga umaasam nang paglaya tuwing sasapit ang panahong kapaskuhan at magbigay ng konting pangangailangan ang samahan sila sa dakilang layunin ay nasa aking diwa, puso't saloobin lalo't napiit ay bilanggong pulitikal na naroroon sa Bilibid nang kaytagal mabuti't muling nakasama ngayong taon upang aming magawa yaong nilalayon - gregoriovbituinjr. 12.27.2024 * litratong kuha bago pumasok sa Bilibid, 27 Disyembre 2024, bawal ipasok sa loob ang selpon, iniwan namin ito sa sasakyan * PAHRA - Philippine Alliance of Human Rights Advocates * XDI - Ex-Political Detainees Initiative 

Ingat sa paputok

Imahe
INGAT SA PAPUTOK kung maaari lang, huwag nang magpaputok ng labintador o anumang umuusok pag naputukan ka'y tiyak kang malulugmok kalagayang iyan ba'y iyong naaarok? kailan ba maling kultura'y mapaparam? lalo't naputukan na'y animnapu't siyam pag naputukan ka'y tiyak ipagdaramdam sana'y walang maputukan ang aking asam ayaw mo mang magpaputok ngunit ang iba ay nagpapaputok, baka matamaan ka nananahimik man ay nagiging biktima buti pa'y walang magpaputok sa kalsada kaysa magpaputok, tayo lang ay mag-ingay, pag nag-Bagong Taon na, sa labas ng bahay upang Lumang Taon ay mapalitang tunay kaysa naman masugatan kayo sa kamay iwasan nang magpaputok sa Bagong Taon huwag nang mag-ambag sa mga itatapon ang kalusugan ng kapwa'y isipin ngayon pati na klima at nagbabagong panahon - gregoriovbituinjr. 12.27.2024 * tula batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, 27 Disyembre 2024, pahina 1-2

O, dilag kong minumutya

Imahe
O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y iaalay kong sadya ganyan daw kasi ang umiibig habang iwing puso'y pumipintig kahit pumiyok ang abang tinig di patitinag, di palulupig magsasama hanggang kamatayan anumang pinasukang larangan sa labanan at kapayapaan sa lansangan man at sa tahanan suliranin man ay di mawari magtutulungan, magpupunyagi upang tupdin at maipagwagi ang pangarap nati't minimithi - gregoriovbituinjr. 12.26.2024

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

Imahe
PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na  "Children's Atlas: The ideal Atlas for school or home" , subalit napakaliliit ng sulat, na mas maliit pa sa sulat ng nalalathalang dyaryong tabloid. Pambata ba talaga ito? Subalit iyon ang sabi sa titulo ng aklat. Ang font sa loob ng aklat ay nasa Times New Roman 8, o kaya'y 7. Napakaliit, di ba? Ang ginagamit ko nga sa pahayagang Taliba ng Maralita ay Arial 11, Calibri 11 o Times New Roman 12, subalit naliliitan pa rin sila. Nais nilang font ay 16 upang mas mabasa raw ng malalabo ang mata. Subalit nangangailangan pa ako ng magnifying lens kung nais ko talagang basahin ang Children's Atlas. Nabili ko ito kamakailan lang sa Book Sale ng Farmers' Plaza, sa halagang P65.00, may sukat na 5.5" x 7.5", at binubuo ng 64 pahina. Inilathala ito ng Paragon Books ng UK noong 2001. Maganda sanang pangregalo ang Children's Atlas sa mga pamangkin at inaanak na nasa edad 7...

Nabuhat nila'y 25 medalya

Imahe
NABUHAT NILA'Y 25 MEDALYA sa Doha, mga Pinoy weightlifter ay nagpakitang gilas sa kumpetisyong nilahukan, husay nila'y pinamalas dalawampu't limang medalya'y binuhat ng malalakas na mga atletang tila nagmana kay Hidilyn Diaz Congratulations sa mga Pinoy weightlifter na binitbit ang bandila ng bansa at maraming medalyang nakamit limang ginto, sampung pilak at sampung tanso ang nasungkit sa paligsahang pagbuhat, pinakita nila'y kaylupit sa youth division, nasa pangatlong pwesto ang ating bansa habang sa junior division, panglimang pwesto tayong sadya ang isports sa Pilipinas ay sadyang binibigyang sigla ng bagong henerasyon ng atletang di basta magiba sa mga Pinoy weightlifter sa Qatar, mabuhay! Mabuhay! muli, congrats sa inyo! isang taospusong pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 12.25.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 24, 2024, p.12

Sampung piso na ang kamatis

Imahe
SAMPUNG PISO NA ANG KAMATIS ang isang balot na kamatis tatlong laman ay trenta pesos pagsirit ng presyo'y kaybilis buti't mayroon pang panggastos imbes pangsahog na'y inulam isang kamatis sa umaga kamahalan ay di maparam kailan muli magmumura habang iba'y itinatapon lang ito't labis na naani ngunit sa lungsod ay di gayon dapat mo itong binibili mabuti pa'y magtanim nito kahit sa bakuran o paso may mapipitas kang totoo pag kamatis mo na'y lumago - gregoriovbituinjr. 12.25.2024

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

Imahe
MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa kaya patuloy pa rin tayong makibaka panahon ngayon ng pagsasaya sa mundo dahil sa kaarawan ng kanilang Kristo malagim man ang sitwasyon ng Palestino may kontraktwalisasyong salot sa obrero nariyan din ang dinastiyang pulitikal na namumudmod ng ayudang nakakamal presyo ng pangunahing bilihi'y kaymahal ang pagtaas ng sahod ay sadyang kaybagal di pala para sa ISF ang 4PH kulang din ang badyet ng Philhealth at D.O.H. sa trilyong utang ng bansa, masasabing each Pinoy na'y may utang, VP pa'y mai-impeach dahil rin sa klima, tao'y nahihirapan badyet sa serbisyo publiko'y nabawasan saan na napupunta ang badyet na iyan? gagamitin ba sa susunod na halalan? muli,  Merry Christmas , pagbating taospuso Many Krisis ang Mas a, saan patutungo? baka Bagong Taon ay haraping madugo krisis ba'y kailan tuluyang maglalaho? - g...

Ispageti padala

Imahe
ISPAGETI PADALA natanggap namin ngayo'y ispageti mula sa isa naming kapitbahay dagdag noche buena mamayang gabi habang narito lang at nagninilay at nang tikman ko, malasa talaga sa sarap ako'y napapamulagat at sa ispageti nilang padala masasabi ko'y maraming salamat kami'y nagbahagi kahit munti man tulad ng mga nagdaang panahon minsan magkakapitbahay ay ganyan nagbibigayan lalo't may okasyon mayroon din namang mga kakanin suman, kalamay, puto'y binahagi pagbabahagina'y pagmamahal din panahon ngayong puso'y nagwawagi - gregporiovbituinjr. 12.24.2024

Ingat po upang di masunugan

Imahe
INGAT PO UPANG DI MASUNUGAN kaytinding ulat sa pahayagan nasunugan ang tatlong barangay christmas lights umano ang dahilan at magkakadikit pa ang bahay na mabilis nilamon ng apoy bahay ay nawala sa sang-iglap dama mo'y para ka nang palaboy naabo pati mga pangarap ang mga bumbero sa probinsya ay rumesponde naman umano ang apektado'y daang pamilya na sa ebakwasyon magpapasko sadyang kayhirap pag nagkasunog kaya lagi po tayong mag-ingat pagkat sa puso'y nakadudurog maging alerto't huwag malingat - gregoriovbituinjr. 12.24.2024 * mula sa ulat sa pahayagang Bulgar na may pamagat na: "3 Barangay Nilamon ng Apoy", Disyembre 24, 2024, p.1-2

Nakahiligan

Imahe
NAKAHILIGAN nakahiligan ko nang magbasa ng samutsaring paksang anuman lalo na't ako'y nagpapahinga babasahi'y libro't pahayagan pinaglalaanan ng panahon ang pagbubuklat ng mga aklat upang sa isipan ko'y ibaon ang nadalumat at maisulat sa library at bookstore ay tambay iba ang pakiramdam na libro ang katabi palagi sa bahay nais ko'y magbasa ang trabaho sa libro'y iba't ibang karakter ang doon nakakasalamuha bayani, kontrabida, marderer manunudla, manunula, bata mahalaga'y nagbabasang saglit sa kabila ng maraming rali hilig kong bagamat alumpihit nakakapagbasa kahit busy - gregoriovbituinjr. 12.24.2024

Ginupitan ako ni misis

Imahe
GINUPITAN AKO NI MISIS nang minsang mapadaan sa salon ng kapitbahay kami ni misis ginupitan niya ako roon habang abala sa paglilinis ng kuko ang kanyang kaibigang manggugupit at manikurista si misis pala'y marunong naman animo'y taga-salon din siya di lang pala siya social worker sa paggugupit din ay magaling kaya nakakainlab na partner sa buhay, sa bahay, sa paghimbing dapat daw ay bagong gupit ako sa noche buena mamayang gabi salamat sa gupit ng buhok ko ang sa kanya'y tangi kong nasabi - gregoriovbituinjr. 12.24.2024

Tirang pagkain, panlaban daw sa gutom

Imahe
TIRANG PAGKAIN, PANLABAN DAW SA GUTOM di pagpag, kundi tirang pagkain na sumobra sa mga restoran di nabenta sa mga fast food chain ay panlaban daw sa kagutuman kung isipin, magandang ideya ng isang ahensya ng gobyerno subalit paano ang sistema sa ilalim ng kapitalismo na yaong natira'y tinatapon pag di nabenta, kahit malugi kaysa ibigay ang mga iyon sa dukhang sa gutom ay sakbibi pipila pa ba ang mga dukha upang abangan ang di nabili pakakainin ba ang kawawa ng pulitikong nais magsilbi baka ideya'y papogi points lang o baka wala kasing maisip silang kongkretong pamamaraan upang nagugutom ay masagip - gregoriovbituinjr. 12.23.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, 23 Disyembre, 2024, headline at p.2

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

Imahe
ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng  Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) , ang hindi pa nagawa. Subalit tinatapos ko pa rin. Kahit paunti-unti. Lalo na't apatnapu't siyam na araw akong nagbantay kay misis sa ospital. Subalit bakit dapat gawin pa rin iyon? Una, dahil sa pagtatala ng kasaysayan ng mga mahahalagang pangyayari't pagkilos na nilahukan ng KPML. Ikalawa, dahil nalalathala dito ang mahahalagang isyu ng pabahay at kahirapan, at pagsusuri sa isyu ng maralita. Ikatlo, upang may mabasa ang mga maralitang kasapi ng KPML, at maitago nila iyon bilang testamento ng kasaysayan at pakikibaka ng mga maralita. Ikaapat, dahil nalalathala rito ang panitikang maaaring iambag sa panitikang Pilipino, tulad ng mga tula at maikling kwento. Nitong Nobyembre lang ay kumontak sa akin ang mga estudyante ng isang pamantasan sa Batangas, at gina...

Kaysarap ng tulog ni alaga

Imahe
KAYSARAP NG TULOG NI ALAGA nakita niya ang munting kahon at iyon ang kanyang tinulugan marahil nga'y napagod maghapon hinigaa'y pinagpahingahan simpleng buhay lamang si alaga na sa bahay na naninirahan simpleng buhay din akong makata na abala lagi sa tugmaan madalas, matapos kong kumain ngingiyaw siya't mangangalabit bibigyan siya ng makakain pag busog na'y di na humihirit kay alaga, maraming salamat mga daga'y nagpulasang lahat - gregoriovbituinjr. 12.22.2024

Di agad mabuksan

Imahe
DI AGAD MABUKSAN may nagregalo, kayhirap buksan ang panahon ko'y naubos lamang sa pagbubukas na pahirapan uhaw ka na'y di mo pa mabuksan buti ito'y bigay lang sa amin ang tulad nito'y di ko bibilhin basahan ay ginamit ko na rin ngunit sadyang kayhirap pihitin pakanan, pakaliwa, paano? isip-isip, anong gagawin ko? o baka mahina na ang pulso kaya di ko na mapihit ito o baka ako na'y nanghihina lalo't sa mundo na'y tumatanda higpit ng kapit ay di magawa laman ay di malasahang sadya pagpapalakas pa'y kailangan nitong mga buto ko't katawan baka pag malakas na'y mabuksan ang bote't laman nito'y matikman - gregoriovbituinjr. 12.22.2024

Bituka't hasang ng pritong isda

Imahe
BITUKA'T HASANG NG PRITONG ISDA bata pa'y batid ko nang magtanggal ng bituka't hasang ng galunggong ngunit nang tumanda na't tumagal di ko na tinatanggal pa iyon dahil kami'y may alagang pusa bituka't hasang ay piniprito upang ipakain sa alaga dobleng gawain talaga ito pag nagpiprito na ako ngayon ng isda, sinasama'y bituka  at hasang upang ang ipalamon sa pusa'y luto, di hilaw, di ba? ginagawa ko na iyong sabay upang tipid na rin sa gastusin iyon man lang sa kanya'y mabigay nang siya'y di magutom sa amin - gregoriovbituinjr. 12.22.2024

Ang luma't bago kong sombrero

Imahe
ANG LUMA KO'T BAGONG SOMBRERO may luma't bago akong sombrero ang una'y pangrali araw-araw pangalawa'y may tatak na bago pagkat Luke Forward ang tinatanaw tunog Look Forward sa hinaharap upang makamit ang adhikain kung paano tupdin ang pangarap na pagsasamantala'y supilin sombrerong mayroong panawagan upang maipagwagi si Ka Luke sa Senado'y maupong tuluyan kinatawan ng masa'y maluklok luma'y beterano na sa rali proteksyon sa ulo, init, lamig sombrerong matagal na nagsilbi upang obrero'y magkapitbisig tunay akong nagpapasalamat sa sombrerong proteksyon talaga upang kumilos laban sa ugat ng pag-api't bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 12.21.2024    

Di kinuhang basura ng namamaskong basurero

Imahe
DI KINUHANG BASURA  NG NAMAMASKONG BASURERO basura raw, sabay abot ng sobre kahit barya lang ay maglagay kami ganyan ang gawa, magpapasko kasi kasi pasko ay bigayan daw, sabi magbigay ng anumang kaya natin pag di naglagay ay baka di kunin ang basura mo, aba'y kayhirap din gayong sila nama'y may sasahurin kanina lang, basura'y di kinuha wala kasi akong barya sa bulsa nakaalis na ang trak ng basura inipon kong basura'y nariyan pa di ko mabigay ang sandaang piso may lakad ako't pamasahe ito sa bahay, maghahanap pang totoo kahit bente pesos, ibibigay ko kaunting barya'y ating ibahagi kunin lang ang basura'y ating hingi upang kalinisa'y mapanatili bente pesos man ay malaking munti - gregoriovbituinjr. 12.20.2024

Ang rebulto ni Galicano C. Apacible sa Balayan, Batangas

Imahe
Rebulto ni Galicano C. Apacible, manggagamot, at propagandista mula Balayan, Batangas. Kasama ni Rizal nang itatag ang El Compañerismo, lihim na samahang pulitikal na itinatag sa Maynila noong 1890s. Halina't basahin ang nakasulat sa marker: GALICANO C. APACIBLE (1864-1949) Manggagamot, propagandista, diplomatiko, mambabatas at makabayan. Ipinanganak sa Balayan, Batangas 26 Hunyo 1864. Kasama si Dr. Jose Rizal at iba pang mga mag-aaral na Filipino, itinatag sa Maynila ang El Compañerismo, isang lihim na samahang pulitikal noong 1890s. Isa sa mga nagtatag ng pahayagang propagandistang La Solidaridad noong 1889. Pangulo ng Asociacion Solidaridad Filipina sa Barcelona noong 1888 at ng Komite Sentral ng mga Filipino sa Hongkong noong 1898. Tagapayo ng Mataas na Konseho ng mga Rebolusyonaryong Filipino at kinatawan ng Republika ng Pilipinas sa Tsina, 1989-1899. Natatanging sugo sa Amerika at Europa, 1900-1901. Isa sa mga tagapagtatag ng Lapiang Nacionalista, 1906. Gobernador ng Batangas...

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Imahe
Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker:  APOLINARIO MABINI y MARANAN 23 July 1864 - 13 May 1903 Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon." Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024. Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan. APOLINARIO MABINI isa sa ating mga bayani si Gat Apolinario Mabini mula sa lalawigang Batangas bayaning tanyag sa Pilipinas siya'y tagapayo ng pangulo, at gumampan ding punong ministro kinatha'y mga alituntunin ng unang Saligang Batas natin siya'y "Dakilang Paralitiko" tinatawag ding "Dakilang Lumpo" kilalang "Utak ng Rebolusyon" sa kasaysayan ng ating nasyon kay Mabini...

Paskil sa sahig ng traysikel

Imahe
PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y umukilkil kahit sa makatang di nagbibisyo kundi ang magsulat ng kwento't tula minsan paksa'y yaong nasa hinagap bisyo'y pagninilay at tumingala sa kisame o kaya'y alapaap anong masasabi ng nagyoyosi na may paalala doon sa sahig tunay iyong mahalagang mensahe ipinaskil ang di maisatinig salamat at may paalalang ganyan habang patungo sa paroroonan - gregoriovbituinjr. 12.17.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/wwAHJD8msl/  

Ang apat na Pepe

Imahe
ANG APAT NA PEPE  bida si FPJ sa  Pepeng Kaliwete at si Ramon Revilla sa  Pepeng Kuryente kilala ring partner ni  Pilar  ay si  Pepe  mas tanyag na  Pepe  si  Rizal  na bayani sa kamalayang Pinoy ay naroon sila lalo't taga-dekada otsenta't nobenta tatlo sa kanila'y sikat sa pelikula, sa panitikang bayan, isa'y sa historya mga Pepe, maraming salamat sa inyo kabataan nami'y naging bahagi kayo sa mga maaksyong pelikula ay hero bida kayong tumatak sa puso ng tao bida si Rizal, pambansang bayani natin si Senador Revilla'y naglingkod sa atin si FPJ ay tumakbong pangulo man din si Pepe't Pilar nasa panitikan natin - gregoriovbituinjr. 12.16.2024