Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2025

Pagkakalat at paglilinis

Imahe
PAGKAKALAT AT PAGLILINIS nasita ang isa ngunit matindi ang kanilang sagutan na paksa'y hinggil sa pagkakalat sa ating kapaligiran: "Tapon ka nang tapon ng basura sa kalsada. Ano ka ba?" "Hello! Nasa Pilipinas pa tayo. Ano ini-expect mo?" ang isa'y batid kung bakit di dapat magkalat sa kalsada subalit isa'y siniraan na ang sariling bansa niya di ba't nagsisikap tayong bansa'y maging maganda sa mata subalit marami pa rin talaga ang walang disiplina kaya pagsikapan pa nating maging malinis ang paligid sapagkat nais nating may mensaheng maaya tayong hatid na kalinisan ng paligid ay dapat nating mapabatid gawin natin ang dapat bagamat minsan tayo'y nauumid - gregoriovbituinjr. 02.28.2025 * batay sa komiks mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, p. 4

Hila mo, hinto ko, sa tamang babaan

Imahe
HILA MO, HINTO KO, SA TAMANG BABAAN ilang beses ko nang / nababasa iyon 'Hila mo, hinto ko, / sa tamang babaan' sintunog ng isang / kasabihan noon 'Buntot mo, hila mo'  / sa aklat nalaman madalas mabasa / sa nasasakyang dyip bilin nilang iyon, / hilahin ang tali kung nais pumara / at umibis ng dyip kung sa pupuntahan / ay nagmamadali mayroong iilaw / sa tabi ng drayber o kaya'y tutunog / pag tali'y hinatak pag nakita iyon / o dinig ng tsuper agad nang titigil / kahit sa malubak noon, sisigaw lang: /  'Sa tabi lang. Para!' paano kung bingi / ang drayber na ito? sinasanay tayo / sa teknolohiya paunti-unti man / at di pa moderno - gregoriovbituinjr. 02.28.2025

Pagpapa-riso ng polyeto

Imahe
PAGPAPA-RISO NG POLYETO minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa pag naubusan na ng pamigay sa masa upang ipagpatuloy ang pangangampanya sa kandidatong prinsipyado't makamasa dalawang kandidatong pag-asa ng bayan matitinding kalaban ng katiwalian kakampi ng manggagawa, di ng mayaman kasangga ng maralita, di ng gahaman Ka Leody de Guzman  at  Luke Espiritu ang ating pambato sa loob ng Senado dapat natin silang ikampanya ng todo ang kanilang plataporma'y nasa polyeto ipabasa sa higit na nakararami at ipaunawa ang kanilang mensahe: huwag iboto ang political dynasty sa Senado, boses ng masa, magsisilbi kaya polyeto nila'y ipina-riso rin nang madagdagan ang ipamimigay namin buti't may salaping sa bulsa'y bubunutin upang sa pangangampanya'y di kukulangin - gregoriovbituinjr. 02.28.2025

Bagong higaan ni Alaga

Imahe
BAGONG HIGAAN NI ALAGA ibinili ni misis ng higaan si Alaga upang maging maalwan ang kanyang pagtulog at pahingahan at di sa sahig, o kung saan-saan may kaskasan na rin ng kuko niya pagkat may kalmot na ang mga sopa may kama na siya, may kaskasan pa kaya ibinigay iyon sa kanya isinilang siya sa aming bahay dalawang Abril na'y nagdaang tunay magaling manilâ, tulad ng nanay maabilidad, talagang mahusay isang ngiyaw lang, karipas ang daga pati mga bubuwit, nangawala isang hunter pa naman si Alaga talagang hanap lagi'y mga daga salamat, Alaga, at naririto sa bahay, naglalambing kang totoo kaya bigyan ka lang ng kama'y wasto at may pagkain pang laan sa iyo - gregoriovbituinjr. 02.27.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/x-yY1j25PT/  

Simpatya sa asong si TikTok

Imahe
SIMPATYA SA ASONG SI TIKTOK I di lang ako political activist di rin lang ako human rights activist isa ring environmental activist ako rin ay animal rights activist kaya ninais kong mag-vegetarian ngunit na-COVID noong kasagsagan ng pandemya, at ako'y pinayuhan ng ninang na ito muna'y tigilan para sa protina, magkarne ako kaya ang payo niya'y sinunod ko bagamat paminsan-minsan lang ito ngunit madalas, isda't gulay ako II hayskul ako'y nakasama sa dula pamagat ay Brother Sun, Sister Moon nga lahat ng buhay dapat makalinga yaong aral ni St. Francis sa madla kaya masakit na mabalitaan isang aso'y napagtripan ninuman limang pana'y pinatagos sa laman ay, kawawa ang kanyang kalagayan dahil ba ngalan ng aso ay TikTok kaya napagtripan ng mga bugok? ang ginawa nila'y gawaing bulok at talaga namang di ko malunok may karapatan din ang mga aso na dapat ipagtanggol din ng tao bilang animal rights activist ako ay dapat managot ang mga loko III inaamin ko, nakapatay ak...

Nilay sa pagbaka

Imahe
NILAY SA PAGBAKA nanilay ko bawat pakikibaka bakit dapat baguhin ang sistema? bakit igagalang ng bawat isa ang pagkatao't dignidad ng kapwa? ano ba ang pantaong karapatan? ano iyang hustisyang panlipunan? bakit mga ito'y ipaglalaban? bakit ba pagbabago'y ating asam? nakatingala muli sa kisame habang may minumuni sa kukote ano ang ating adhika't mensahe? sa mundong sangkatutak ang salbahe? pagbabago ng sistema'y di biro kahit madalas ako'y hapong-hapo tuloy ang pagkilos ng buong puso nang lipunang makatao'y matayo - gregoriovbituinjr. 02.26.2025

Isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos

Imahe
ISANG ARAL NG EDSA ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS buhay ang sama-samang pagkilos ng sambayanan buhay ang Edsa sa atin, sa diwa't kalooban aral ng sama-samang pagkilos ay kailangan upang mabago ang bulok na sistema't lipunan sobra na ang pamumuno ng burgesyang kuhila wakasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa asahan na natin ang alternatibo ng madla ang uring manggagawa, ang hukbong mapagpalaya isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos ng magkakauri upang kabuluka'y matapos wakasan ang pagsasamantala't pambubusabos ng mga elitista sa uring naghihikahos wakasan ang pamamayagpag ng oligarkiya, ng kapitalista, ng asendero, elitista O, Bayan ko, wakasan na ang bulok na sistema! at sama-samang itayo ang gobyerno ng masa! - gregoriovbituinjr. 02.25.2025 * litratong kuha malapit sa People Power Monument habang ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Pagbigkas ng tula sa People Power Monument

Imahe
PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25,  2025, ay nag-bidyo-selfie ang makatang gala sa pagbigkas ng kanyang inihandang tula: POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986 kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa pati na mga tagasimbahang kagrupo niya dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan na kung ating aaralin ay sadyang katunayan na kung magkakaisa talaga ang mamamayan kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan sa panahong iyon, talagang masaya ang madla subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri kaya di pa rin natupad ang pangarap ...

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

Imahe
POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986 kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa pati na mga tagasimbahang kagrupo niya dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan na kung ating aaralin ay sadyang katunayan na kung magkakaisa talaga ang mamamayan kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan sa panahong iyon, talagang masaya ang madla subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi isa iyong malaking aral na dapat manilay sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay - gregoriovbituinjr. 02.25.2025 * litrato mula sa google

P5 dagdag pasahe sa dyip, grabe

Imahe
P5 DAGDAG PASAHE SA DYIP, GRABE tataas ang pamasahe di tumataas ang sahod makikinabang ang tsuper dagdag-hirap sa komyuter ang limang piso'y di barya lalo't mahirap ang tao na sadyang pinagkakasya ang kakarampot na sweldo kauna-unawa naman na ang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina ay sadyang di mapigilan may Oil Deregulation Law na bahala ang negosyo kaya pagtaas ng presyo di mapigil ng gobyerno nagtataasan ang lahat maliban sa sahod nila kailan ba mamumulat na baguhin ang sistema - gregoriovbituinjr. 02.24.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Nilagang daing na tuyo

Imahe
NILAGANG DAING NA TUYO imbes prituhin, aking inilaga ang ilang nabiling daing na tuyo wala namang problema sa hinanda ang mahalaga lang, ito'y maluto mula sa karaniwang pagpiprito ng tuyong daing, iniba ko naman tingin mo man, ito'y eksperimento ngunit sagad sa buto ang linamnam imbes mantika, ginamit ko'y tubig tila isda'y ibinalik sa ilog subalit sadyang malasa sa bibig pananghalian ko'y nakabubusog - gregoriovbituinjr. 02.24.2025

Kawawa naman ang buwaya

Imahe
KAWAWA NAMAN ANG BUWAYA kawawa naman ang buwaya sa tusong trapo iginaya dahil ba sa kapal ng balat o pangil, kaytinding kumagat buwaya'y tawag sa tiwali lalo't trapo'y tengang kawali sa hirap at dusa ng dukha sa bayan ay walang ginawa nakatanghod lamang sa kaban ng bayan ang nanunungkulan imbes sa masa kumakampi ay sa burgesya nagsisilbi kabang bayan ang nasa isip pati alagad nilang sipsip buwaya'y kawawang totoo pagkat itinulad sa trapo - gregoriovbituinjr. 02.24.2025 * batay sa komiks na Bugoy sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2025, p.7

Naibalik ang nawawala

Imahe
NAIBALIK ANG NAWAWALA sa nagpi-print, taospusong pasasalamat naiwang USB ay nabalik ngang sukat akala ko'y nawaglit na ang mga ulat akala ko'y nawala na ang mga sulat nagninilay ako't may bagong sinaliksik tinunghayan ko ang naroong natititik na nais kong ma-print agad sa pananabik mga bagong leksyong sa utak isisiksik at dinukot ko ang USB sa pitaka nawawala, di ko na makita, lagot na mabuti na lamang at aking naalala baka nasa printing shop, babalikan ko pa makalilimutin na ang tulad kong gurang na nasa mahigit limampung taong gulang sana, USB ay di nawalang tuluyan nabalikan ko lang iyon kinabukasan kung nawala, bagong USB ay bibilhin natutulala ako't dagdag na gastusin sa printing shop, naibalik iyon sa akin at ang pasasalamat ko'y tumataginting - gregoriovbituinjr. 02.23.2025

Pagtula'y pahinga sa laksang suliranin

Imahe
PAGTULA'Y PAHINGA SA LAKSANG SULIRANIN pagtula'y pahinga sa laksang suliranin nire-relaks ang utak ang tanang layunin tutula muna sa dami ng lulutasin yaong iba naman, yosi na'y hihithitin bago matulog o paggising, nagninilay problemang sala-salabid ang nakahanay mga nalilirip animo'y naghihintay mapapatula nang loob ay mapalagay naglalaba man o nagluluto, may tula nasa tahanan man, sa lansangan o baha nakangiti sa labas, sa loob ay luha maaliwalas ang mukha ngunit balisa nasa lungsod man, tila ako'y nasa liblib kayrami mang ahas na sadyang mapanganib tanging nagagawa'y ang tibayan ang dibdib sa kaharap mang trapo't halimaw ay tigib - gregoriovbituinjr. 02.23.2025

Ikatlong kampyonato, nakuha ni Django

Imahe
IKATLONG KAMPYONATO, NAKUHA NI DJANGO ngayong taon nga'y tatlong beses nang nagkampyon sa larong bilyar si  Francisco Bustamante mabuhay ka,  Django , sa nakamit mong iyon mahigit sandaang katunggali'y nadale unang panalo'y  Bayou State Classic One-Ball One Pocket  sa Louisiana, ang sunod ay sa Las Vegas, sa  Jay Swanson Memorial Nine-ball ikatlo'y sa  One Pocket Face-Off  nagtagumpay Congrats,  Django , sa binigay mong karangalan sa bansa, tulad ng kumpare mong si  Efren "Bata" Reyes,  na ang taguri'y  "The Magician" kahusayan ninyo'y dapat naming tanghalin taasnoong pagpupugay sa iyo,  Django hari ka ng bilyar at tunay na idolo - gregoriovbituinjr. 02.23.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 23, 2025, p.12

Tatawirin ko kahit pitong bundok

Imahe
TATAWIRIN KO KAHIT PITONG BUNDOK tatawirin ko kahit pitong bundok upang sa sinta'y mapatunayan ko na siya ang sa puso'y tinitibok nang tamaan ng pana ni Kupido tatawirin ko kahit pitong bundok upang patunayan lamang sa masa na nagsisikap abutin ang tuktok na kakamtin din nila ang hustisya tatawirin ko kahit pitong bundok bilang patunay sa obrero't dukha na sila'y totoong lider na subok na magbabago sa takbo ng bansa tatawirin ko kahit pitong bundok upang sa kababaihan patunay na aking madalas na naaarok sila'y pawang lider na mahuhusay tatawirin ko kahit pitong bundok upang patunayan sa mga api na sila'y di lagi na lang yukayok kundi giginhawa rin at bubuti tatawirin ko kahit pitong bundok na sistemang bulok pala'y titirik kung sama-sama nating matatarok na kailangan palang maghimagsik - gregoriovbituinjr. 02.23.2025

Look Forward tayo kay Attorney Luke

Imahe
Look Forward tayo kay Attorney Luke Lider-manggagawa siyang subok Sa Senado ay ating iluklok Lalo 't sistema'y di na malunok Iboto natin,  Luke Espiritu Na dapat maupo sa Senado Siya ang kailangan, Bayan ko Tungo sa tunay na pagbabago! - gregoriovbituinjr. 02.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xVuJe1tdSQ/

Dahil sa political dynasty

Imahe
Dahil sa political dynasty  Trapo sa masa'y di nagsisilbi Pulos ayuda lang sa kakampi Upang mabago ang nangyayari Iboto natin si Ka Leody Para Senador ng ating bansa  Tiyak na siya'y may magagawa  Sa isyu ng manggagawa 't dukha Iboto ang Senador ng madla Si  Ka Leody de Guzman  na nga! - gregoriovbituinjr. 02.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xVoYOxfcWS/  

Ang mga nalilirip

Imahe
ANG MGA NALILIRIP iniisip ko pa ring kumatha ng nobelang tatatak sa madla inspirasyon ang danas ng dukha upang sa hirap ay makalaya nagsasalimbayan ang nalirip na paksang umaalon sa isip pati mga isyung halukipkip upang masa sa dusa'y masagip bawat pagkatha'y di isusuko kahit ang nadarama'y siphayo pinangarap sana'y di gumuho at ang asam na akda'y mabuo nawa'y masimulan at matapos ang nobela hinggil sa hikahos wakasan na ang pambubusabos ng sistemang sa dibdib umulos - gregoriovbituinjr. 02.21.2025

Nang-hostage dahil di ibinigay ang sahod

Imahe
NANG-HOSTAGE DAHIL DI IBINIGAY ANG SAHOD grabeng isyu itong dapat mabigyang pansin hinggil sa isang obrerong kayod ng kayod binalewala siya ng amo pa man din kaya nang-hostage nang di binigay ang sahod bakit ba isyu'y pinaabot pa sa ganyan kaytindi ngang ulat kung iyong mababasa ang kanyang lakas-paggawa'y ayaw bayaran ng employer niyang tila ganid talaga hinabol pa siya ng kapwa empleyado upang pagtulungan, upang siya'y itaboy doon humingi ng tulong ang kanyang amo di malaman ang gagawin, nang-hostage tuloy hanggang mga pulis na ang nakipag-usap na nag-ambagan nang sahod niya'y mabuo manggagawang di binayaran, di nilingap ay napiit na't nag-sorry nang buong puso sahod naman niya ang kinukuhang tiyak upang kanyang pamilya'y di naman magutom hinihingi niya'y para sa mga anak komento ko lang sa isyu'y kamaong kuyom - gregoriovbituinjr. 02.20.2025 * ulat mula sa pahayagang Tempo, Pebrero 20, 2025, p.5

February 20 - World Day of Social Justice

Imahe
PEBRERO 20 - WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE dapat may hustisya para sa lahat para sa makataong komunidad at para sa buhay na may dignidad para ang ating bansa'y may pag-unlad Pebrero a-Bente, Pandaigdigang Araw ng Katarungang Panlipunan isang araw na nararapat lamang alalalahanin nating mamamayan tulad nito ang mahalagang isyu ng Araw ng Karapatang Pantao hustisya'y dapat makamit ng tao lalo yaong mga naagrabyado wakasan na ang pagsasamantala ng ilan sa nakararaming masa ipaglaban, panlipunang hustisya at baguhin ang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 02.20.2025

Ang makatang Percy Bysshe Shelley

Imahe
ANG MAKATANG PERCY BYSSHE SHELLEY hanga rin ako sa makatang Percy Bysshe Shelley pagkat siya'y makatang radikal na masasabi mithi kong tula niya'y isalin sa ating wika upang mga katha niya'y mabasa rin ng madla may nakita akong aklat siya ang tinalakay di pa mahiram sa opis na pinuntahang tunay radikal mag-isip lalo't itinaguyod naman pantay na pamamahagi ng yaman sa lipunan ang kanyang aktibismo't mga akdang pulitikal ay mababasa kung gaano siya ka-radikal napagnilayan din niya noon ang Rebolusyong  Pranses, pati na ang pamumuno ni Napoleon sumuporta sa himagsik laban sa monarkiya sa Espanya, pati nang mga Griyego'y mag-alsa laban sa imperyong Ottoman, makatang idolo na itinuturing na sosyalista katulad ko  sana'y mahiram ko't mabasa ang libro sa opis na sana'y di anayin o kainin lang ng ipis mahalagang talambuhay niya'y aking manamnam inspirasyon siya kaya libro'y nais mahiram - gregoriovbituinjr. 02.19.2025

Huwag nang iluklok ang walang nagawa

Imahe
HUWAG NANG ILUKLOK ANG WALANG NAGAWA wala raw nagawa ang kapitan ang puna ng isang mamamayan nais ng anak pumalit dito pag natapos na raw ang termino simpleng puna lang ng Mambubulgar katotohanang nakakaasar ganito'y hahayaan lang natin? sila pa ba ang pananalunin? tila komiks ay nagpapatawa ngunit hindi, komiks ay konsensya ng bayan at mga naghihirap dahil nakaupo'y mapagpanggap pangako, bayan daw ay uunlad subalit progreso'y anong kupad matuto na tayo, O, Bayan ko huwag nang iluklok iyang trapo - gregoriovbituinjr. 02.18.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, 02.18.2025, p.4

Balaw

Imahe
BALAW bagong salita sa akin bagamat luma na nasa palaisipan: Walo Pababa tanong: ilaw o sulo para sa taong nasa madilim na landas, sagot ay  BALAW  pala ang "nasa madilim na landas" ba'y karimlan? kaya  balaw  yaong gagamiting ilawan o iyon ay isang talinghagang nawatas na nangangahulugang "naligaw ng landas" balaw  ba'y isang gabay, patnubay, o payo upang naligaw ng landas ay mapanuto paano iyon ginamit sa pangungusap? "Sindihan ang  balaw , karimlan na'y laganap" dagdag kaalaman sa makatang tulad ko na adhika'y gamitin sa tula ko't kwento ang  balaw  ding ito sa akin ay nagmulat upang tuntunin ang minulan ng alamat - gregoriovbituinjr. 02.18.2025 * palaisipan sa pahayagang Bulgar, Pebrero 17, 2025, p.11

Ipon sa tibuyô

Imahe
IPON SA TIBUYÔ sa bote ng alkohol na ginawa kong tibuyô pinagtipunan ng baryang sampû at benteng buô nakatatlong libong piso rin nang aking binuksan na akin namang inilagak sa bangko ng bayan mabuti na ring mag-ipon sa tibuyô ng barya kung kinakailangan, may mabubunot talaga may pangmatrikula na sakaling ako'y mag-aral may pambayad din pag nadala ako sa ospital sadyang kayhirap pag wala kang anumang naipon kaya pag-iipon ay isa kong malaking layon lalo't aktibista akong pultaym at walang sahod pag may kailangan, ayoko namang manikluhod kaya mag-ipon sa tibuyô hangga't kakayanin habang malakas pa't obal ay kaya pang takbuhin ayoko namang pag gurang na'y manghingi ng limos kaya ngayon pa lang, nag-iipon na akong lubos - gregoriovbituinjr. 02.17.2025

Nilay

Imahe
NILAY kung anu-ano ang nalilirip o marahil walang nasa isip mga problemang dapat masagip o pulitikang dapat mahagip sa kisame'y muling titingala baka lang makasagap ng paksa ano bang pakinabang ng madla sa tula? wala na nga ba? wala? pipilitin kong makapagsulat ng anumang makapagmumulat paksang magaan man o mabigat o yaong paksang nakagugulat bagamat tuliro man sa bahay tulala ang makata ng lumbay patuloy lang akong magninilay upang puso't diwa'y mapalagay - gregoriovbituinjr. 02.17.2025

Paumnahin at di makakadalo

Imahe
PAUMANHIN AT DI MAKAKADALO nais ko sanang saksihan ang proclamation rally ng pambato sa Senado, na sina  Ka Leody de Guzman  at  Ka Luke Espiritu  mamayang gabi subalit may sakit si misis, di ako puwede madaling araw nagtungo na sa unang ospital walang kama, na-dextrose sa upuan, di nagtagal ay lumipat na kami sa ikalawang ospital may higaan, habang naka-dextrose ang aking mahal isusulat ko sana sa pahayagang  Taliba ng Maralita  ang proklamasyon ng manggagawa at ating isigaw: M anggagawa Naman!  sa madla nais ko man ay di ako makasaglit mamaya ako lang kasama ni misis sa bahay at buhay inuna ko siya upang loob ko'y mapalagay gayunman, proklamasyon sana'y maging matagumpay at sa mga dadalo, mabuhay kayo! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Reseta

Imahe
RESETA kaytagal din namin noon sa pribadong ospital madaling araw nang tiyan ni misis ay sumakit dinala ko na siya sa pampublikong ospital buti't mababa ang bill sa ospital na malapit bago iyon, kagabi ay kumain sa kasalan ramdam naming kayganda't kaysaya, may kantahan pa at umuwi kami, natulog sa aming tahanan nagising na lamang akong siya'y suka ng suka anong sakit ng tiyan, kami'y nagpaospital na subalit walang kama, puno sa unang ospital matapos ma-dextrose ng nakaupo, na-discharge na nakahiga na siya sa ikalawang ospital may bagong resetang ibinigay ng manggagamot upang mawala ang sakit, agad binili ito sabi sa sarili, kalma lang, di dapat manlambot di iiwan si misis ang sa kanya'y pangako ko - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Paksa

Imahe
PAKSA kahit natutulala patuloy ang pagtula anumang naitala di binabalewala makata ng lansangan ako kung maturingan hinggil sa sambayanan ang paksang tangan-tangan dibdib ay napupunit ng aleng kumalabit para sa baryang hirit buti't di nang-uumit ang kamao ko'y kuyom dahil kayraming gutom bibig ko man ay tikom pluma ko'y di uurong titingin sa kisame sa diwa'y may mensahe paksang nakabibingi sa tula sinasabi - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Nadakip si Kupido

Imahe
  NADAKIP SI KUPIDO sa komiks lang nakita ito at napasaya akong sadya nadakip kasi si Kupido sapagkat may hawak na pana naka-brief lang, kaya hinuli baka may pusong mapadugo baka makapanakit kasi sa sinumang nasisiphayo ayon daw sa mitolohiya layunin niya ang panain ang dalawang pusong nagkita upang bawat isa'y ibigin datapwat sa panahon ngayon si Kupido'y alamat na lang patuloy man ang kanyang misyon sa komiks na'y kinatuwaan - gregoriovbituinjr. 02.15.2025 * mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 14, 2025, p.7

Tula lang ng tula

Imahe
TULA LANG NG TULA madalas mang zero o walang like ang mga tula di iyon dahilan upang tumigil sa pagkatha masakit mang walang pumapansin sa nalilikha ay di pa rin ako titigil sa pagmamakata sa Noli Me Tangere nga'y may magandang pinayo kay Crisostomo Ibarra si Pilosopo Tasyo sa Kabanata Dalawampu't Lima'y nakukuro di pangkasalukuyan ang mga akdang nahulo baka sa hinaharap, mga tula ko'y matanggap ng madla, dahil ito'y talaga kong sinisikap na kathain mula puso, diwa't pinapangarap na lipunang makatao, at walang mapagpanggap habang narito ako't marami pang naninilay wala mang mag-like ay tutula pagkat tula'y tulay tungo sa hinaharap na walang hirap at lumbay tula lang ng tula at sa tula'y magpakahusay - gregoriovbituinjr. 02.15.2025

Pagtatanggol sa sarili

Imahe
PAGTATANGGOL SA SARILI bata pa'y nakilala na si Bruce Lee mga akda niyang libro'y binili hinggil sa JiKunDo, pati na sine niya'y pinanood ko at nawili sumunod, pelikula ni Jackie Chan walang aklat niya akong nalaman pagsusulat ba'y di nakagawian kundi panoorin lang sa sinehan nariyan din sina Jet Li, Samo Hung, at marami pa, kung sila'y magsabong tila sa kalaban di umuurong sa sarili ako'y napapatanong kung fu nila ay nais kong basahin kanilang akda'y tiyak kong bibilhin aralin, suriin, sanayin, gawin nang sarili'y maipagtanggol natin bata pa'y inaral na ang tae kwon do may YawYan din ang mga Pilipino na si Nap Fernandez ang guro nito kay Bruce Lee, salamat sa iyong libro - gregoriovbituinjr. 02.15.2025

Anong oras ka uuwi?

Imahe
ANONG ORAS KA UUWI? anong oras ka uuwi? tanong ni misis na sinasagot ko nang may buong pagsuyo ikapito ng gabi, tugong walang mintis kaya pagsasama'y nananatiling buo natural lang o likas ang tanong ng sinta pag siya'y wala pa, ako'y nagtatanong din ganyan talaga, lalo't kami'y mag-asawa na sumumpang bawat isa'y pakamahalin nag-aalala rin ang pusong di palupig kung isa sa ami'y wala pa sa tahanan pag di pa nakita ang sintang iniibig dapat mabatid kung isa't isa'y nasaan ganyan ang buhay may-asawa, naghihintay, nagmamahalan, nagsusuyuan palagi pag pagsinta'y nawala, iba na ang bahay wala nang tanong: anong oras ka uuwi? - gregoriovbituinjr. 02.14. 2025 * litrato mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 13, 2025, p.7

Dalawang sagot sa isang sudoku

Imahe
DALAWANG SAGOT SA ISANG SUDOKU ilang beses ko nang nakaenkwentro dalawang sagot sa isang sudoku doon nga'y salitan ang dos at otso parehong tama kapag binuo mo ganyang sudoku ay bihira naman pagkat madalas, sagot ay isa lang kaya natutuwa akong pagmasdan at pagsusuri'y binalik-balikan blangko sa litrato'y pagmasdan mo na nasa pang-apat at panglimang linya ilagay mo man ang otso sa una numero dos naman sa pangalawa subukan mong salitan ang otso't dos alinman sa dalawa'y di ka kapos tiyak sudoku'y iyong matatapos at makikitang tama iyong lubos - gregoriovbituinjr. 02.14.2025 * sudoku mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 13, 2025, p.7

Pusong gising

Imahe
PUSONG GISING anibersaryo ng unang kasal binasbasan ng meyor ng Tanay pampitong taon, ganyan katagal sumpa'y magsasama habambuhay nananatiling gising ang puso at patuloy itong sumusuyo tila puso'y kapara ng ginto na pag-ibig ay di maglalaho sa Araw ng mga Puso noon nang dalawang puso'y sumang-ayon na bigkisin sa iisang layon ang pagsasama hanggang maglaon anumang suliraning dumating ang iwing puso'y di mahihimbing araw man o gabi, pusong gising itong patuloy na maglalambing - gregoriovbituinjr. 02.14.2025

Pusang antok

Imahe
PUSANG ANTOK madaling araw na, iidlip na aba'y malapit nang mag-umaga sa kompyuter pa'y tipa ng tipa ang alaga'y antok ding talaga nariritong kami'y naghihikab tandang dapat matulog nang ganap nang tahiin ang mga pangarap na sa diwa't puso'y nag-aalab si alaga'y aking pinagmasdan na malaking karton ang higaan ano kaya kung siya'y bidyuhan artista siyang muli pag ganyan mamaya, alarm clock na'y tutunog habang nadarama na ang hamog buti pa'y pumikit na't matulog may tula na namang ihahandog - gregoriovbituinjr. 02.14.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xK0bhCr-1W/  

Lasi

Imahe
LASI Tatlumpu Pahalang, ang tanong: Pagtastas ng dahon sa buto katanungang animo'y bugtong pababa muna'y sinagot ko LASI ang sagot na lumabas sa diksyunaryo ay tiningnan anong kahulugang nawatas ano bang nakasaad diyan uri ng kabibe rin pala balakubak sa medisina pagbiyak sa kahoy o tabla gilagid sa anatomiya tila malapit ang tanong sa ikatlong kahulugan niyon: pagbiyak sa kahoy o tabla doon sa pagtastas ng dahon bagamat magkaibang sadya dagdag kaalaman sa diwa kaya natanto kong salita ay gagamitin sa pagkatha - gregoriovbituinjr. 02.13.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Abante, Pebrero 9, 2025, p.7 * sanggunian: UP Diksiyonaryong Filipino, p.681

Pagbabasa sa madaling araw

Imahe
PAGBABASA SA MADALING ARAW naalimpungatan akong sadya nang may kumaluskos sa kusina tila ba naglalaro ang daga mula sa labas, nasok ang pusa at di na rin ako nakatulog pagkat nawala na rin ang antok sa pagbabasa na lang uminog ang mundo kong puno ng pagsubok hanggang aklat ay aking nagalaw nagbasa na sa madaling araw libro na ang aking kaulayaw dito'y may pag-asang natatanaw ngunit nais ko pa ring umidlip upang ituloy ang panaginip kung saan ako'y may sinasagip na sa tren ay muntik nang mahagip - gregoriovbituinjr. 02.13.2025

Depresyon

Imahe
DEPRESYON mula ikatatlumpu't siyam na palapag nang limampung anyos na babae'y lumundag marahil sa problema'y di napapanatag kaya nagawa nga iyon, kahabag-habag sa kalooban niya'y may problemang bitbit? agad tinapos ang buhay sa isang saglit ngunit may Mental Health Act na tayo, subalit mayroon pa ring nagpapatiwakal, bakit hanggang narinig na lang ng gwardyang naroon ang lagabog ng katawan ng babaeng iyon paano ba mababatid kung may depresyon ang isang tao upang tayo'y makatugon sapat ba ang Mental Health Act na ating batas upang dalahin nila'y magkaroong lunas upang kanilang suliranin ay malutas upang ang sarili nila'y di inuutas - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 7, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tula'y tulay

Imahe
TULA'Y TULAY tula'y tulay ko sa manggagawa tulang kinatha ukol sa dukha tula upang umugnay sa madla kaya naritong nagmamakata dito natagpuan ang pag-ibig taludtod at saknong ang kaniig kinatha'y nilupak at pinipig kahit nakatihaya sa banig tahakin ma'y pitong kabundukan maging madawag na kagubatan nasa lansangan man o piitan kakatha't kakatha pa rin naman tula'y aking tulay sa daigdig bibigyang boses ang walang tinig kuhila't burgesya'y inuusig na hustisya ang pinandidilig - gregoriovbituinjr. 02.12.2025

Larga masa

Imahe
LARGA MASA dapat matibay ang larga masa upang mapanatag ang titira sa tahanang itinayo nila lumindol man, di madidisgrasya ayon sa isang diksiyonaryo: larga masa'y pinaghalong sukat na dami ng buhangin, semento,  graba't tubig, nang lalong tumibay ang gusali't bahay na tinayo o tulay at lansangang daanan matibay pala ang larga masa di lang ito para sa konstruksyon pag lumarga ang mulat na masa tutunguhin nila'y rebolusyon may matibay na pagkakaisa matatag na prinsipyo't pundasyon tara, masa, tayo nang lumarga baguhin ang bulok na sistema ibagsak ang gahamang burgesya, oligarkiya at dinastiya! - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Karahasan

Imahe
KARAHASAN pulos karahasan ang laman ng balita Grade 8 na nakipag-break, sinaksak ng Grade 10 sinaksak ng ex ni misis ang kanyang mister isang tatay ang sinuntok ng anak, patay taas-singil sa kuryente, pahirap sadya pawang karahasan ang bumungad na ulat lalong malala ang pananaksak ng kapwa sariling ama'y di na ginalang ng anak presyo ng kuryente'y pahirap na sa madla matitinding karahasan ang nababasa selos ba't init ng ulo kaya nanaksak bakit pinili nilang kapwa'y mapahamak presyo ng kuryente'y karahasang palasak ramdam ng masa'y pinagagapang sa lusak upang bayaran ang kuryente'y nasisindak pawang mental health problem ba ang pandarahas na ang di kayang emosyon ay nang-uutas ng kapwa imbes pag-usapan nang parehas gayong problema nila'y dapat nilulutas kung ganyan, di sapat ang Mental Health na batas - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 12, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Ac...

Tama ang ginawa ni Heart

Imahe
TAMA ANG GINAWA NI HEART binigyan daw ni Alden ng bulaklak si Heart nagpapahiwatig ng pag-ibig si Alden? aba'y bakit gayon? may asawa na si Heart akala ko ba'y mayroon na siyang Kathryn? mabuti na lang, maganda ang sagot ni Heart na relasyon sa kanyang asawa'y mabuti simple lamang ang tinugon kay Alden ni Heart: ibigay mo na lang 'yan sa ibang babae tingin ba ni Alden, siya'y makakaisa mapapaibig si Heart dahil siya'y pogi dahil pambansang bae, si Heart ay makukuha sagot ng ginang: naghuhumindig na hindi! batid ni Heart ang wasto niyang kalalagyan sapagkat di siya babaeng kaladkarin siya'y matino, tapat, may pinag-aralan at may mister siyang dapat pakamahalin - gregoriovbituinjr. 02.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, p.7

Ingat sa 'hospital bill scam'

Imahe
INGAT SA 'HOSPITAL BILL SCAM' mabuti't di kami na-scam sa ospital nang naroon pa kami ng asawang mahal ng apatnapu't siyam na araw, kaytagal buti't di naloko ng scam na kriminal ingat po sa bagong modus, O, kababayan magti-text sa pasyente upang mabayaran ang bill, inengganyong makaka-discount naman kapag nagbayad daw ang pasyente sa online pag nabayaran, maglalahong parang bula padala sa e-wallet, natangay nang sadya pati kausap ay tuluyan ding nawala sa ganyang modus, pinag-iingat ang madla labingsiyam na pala ang dito'y nadale huli'y nangyari sa ospital sa Makati pa'no nabatid ang detalye ng pasyente sinong mga kasabwat na dapat mahuli - gregoriovbituinjr. 02.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2