Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2026

Idlip

Imahe
IDLIP kaytagal natulog / ng aking isipan sabay lang sa agos / na parang alamang tila di mabatid / ang kahihinatnan buti't iwing dangal / ang naging sandigan kayraming naisip / ngunit di malirip nakatunganga lang / sa kisame't atip ang bilog na buwan, / di man lang masilip nadama talaga'y / kaytagal naidlip nagawa'y itulâ / ang mga diwatà at ang rikit nila'y / nakakatulalâ ako'y patuloy lang / na sinasariwà ang pusong duhagi, / kakabit ma'y luhà ako'y nagigising / pag may kakathain pag aking narinig/ ang bulong ng hangin matapos masulat / ang hahalagahin tutulog na't diwa'y / pagpapahingahin - gregoriovbituinjr. 01.24.2026

Dapat pala'y may alam din sa geography

Imahe
DAPAT PALA'Y MAY ALAM DIN SA GEOGRAPHY higit sa sampung tanong / hinggil sa mga lugar sa bansa't ibang bansâ / sa krosword ay tinugon kayâ ang geography / ay dapat nating alam o kaya'y sa krosword na / natin natututunan Siam  ang dating ngalan / ng kapitbansang Thailand  may lungsod din ng  Reno  / sa Nevada, U.S.A. at lugar na sa bansâ / ang karamihang tanong na agad naman nating / talagang sinagutan naroroon sa Pasay  / ang airport ng  NAIA Glan  ay sa Saranggani, / di sa South Cotabato ang bayan ng  Panabo , / nasa Davao del Norte  ang bayan ng  Maasin  / ay nasa Southern Leyte ang  Angat  sa Bulacan, /  Minglanilla  sa Cebu Pili , Camarines Sur, /  Panguntaran  sa Sulu bayan ng  Aliaga  / sa Nueva Ecija may  Lian  sa Batangas / at marami pang iba may bayan ng  Anilao , / di lamang sa Batangas kundi sa  Iloilo, /  Oton  din ay narito pagkaminsan talaga / ay sa ...

Pinagkakakitaan at ang iniwang sanggol

Imahe
PINAGKAKAKITAAN AT ANG INIWANG SANGGOL tatlong ulat ng sanggol na nasa diyaryo ang napabalitang nasagip, nailigtas sa iba't ibang lugar na magkakalayô sa krimeng child trafficking, kaytindi ng danas dalawang sanggol na ibinebenta onlayn ang nailigtas; sanggol na ibinebenta ng walong libong piso ay nabawi habang nadakip naman ang mismong inang nagbenta sanggol na isinupot, sa geyt isinabit bakit ginanon? pinabayaan ang batà! nakitang gumalaw kaya ito'y nasagip nang makita nila'y nakangiti ang batà talaga bang nang dahil sa hirap ng buhay? pati na sariling dugo'y ibinebenta! bakit kanilang sanggol ay idinadamay? na baka magmulat na wala silang ina kay-aga nang biniktima ang mga sanggol na wala pang muwang sa kanilang sinapit sa murang edad nila'y dapat ipagtanggol at karapatan nila'y huwag ipagkait * ulat mula sa mga pahayagang Abante, Enero 18, 2026, p.3; Abante Tonite, Enero 23, 2026, headline at p.3; Pang-Masa, Enero 24, 2026, p.3

Kahit saan sumuot

Imahe
kahit saan sumuot ay di makalulusot iyang mga kurakot na tuso at balakyot - tanaga-baybayin gbj/01.23.2026

Sa 4th Black Friday Protest ng 2026

Imahe
SA 4TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026 nagpapatuloy ang  Black Friday Protest sapagkat ayaw natin ng  Just-Tiis laban sa korap at mapagmalabis dapat silang managot at matugis di pa tapos itong gálit ng masa na hanggang ngayon ay nagliliyab pa wakasan na ang mga dinastiya baguhin na ang bulok na sistema kada Biyernes , di kalilimutan tuligsain ang mga lingkod bayan na inihalal sa kapangyarihan ngunit naging mandarambong, kawatan ikulong ang kurakot na masahol pa sa hayop, talagang mga ulol pondo ng bayan, binulsa't ginugol sa sarili, di sa bayan inukol kada Biyernes , kikilos, may tulâ ambag sa pakikibaka ng madlâ laban sa mga korap at kuhilâ na dapat lang nating tinutuligsâ - gregoriovbituinjr. 01.23.2026 * litrato kuha sa Pasig opis

Ikalima, hindi ika-lima

Imahe
IKALIMA, HINDI IKA-LIMA salitang ugat o pangngalan, di numero kayâ bakit may gitling ang panlaping "ika" di ba't kayâ panlapi, kinakabit ito sa salitâ, arâlin n'yo ang balarila maraming nalilito, may maling pagtingin sa paglagay ng gitling sa mga salitâ ikalima, di ika-lima; walang gitling ika-5, di ika5 yaong diwà nilalagyan ng gitling matapos ang "ika" sapagkat numero na ang kasunod niyon kayâ madali lang maunawâ talaga pagkakamali'y di na sana ulitin pa sana sa eskwelahan, maituro muli lalo sa mga estudyante't manunulat huwag nang ulitin yaong pagkakamali at sa wastong gamit ng gitling na'y mamulat - gregoriovbituinjr. 01.22.2026 * litrato mula sa krosword ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 22, 2026, p.10

Utang

Imahe
UTANG di ko pa magamit ang pagsulat at pagsasalin upang kumita ng pera't makabayad ng utang na umabot ng milyon, saan ko iyon kukunin tila ako'y isang dambuhala't malaking mangmang ngunit umaasang makalilikhâ ng nobela hinggil sa mga napapanahong problema't isyu: katiwalian, flood control, panawagang hustisya, dinastiya, buwaya, buwitre, kawatan, trapo, o pagsinta, makatâ ma'y wala sa toreng garing, o ikwento ang isyu ng manggagawa't pesante, o prinsipyo't tindig sa mga akda'y mapatining, o kalagayan ng manininda, batà, babae marahil ay parang  Lord of the Rings  o  Harry Potter katha nina  J.R.R. Tolkien  at  J.K.Rowling mga idolo kong awtor, magagaling na writer o kaya'y awtor na sina  Mark Twain  at  Stephen King kumita sila sa kakayahan nilang magsulat ng mga akdang pumukaw sa harayà ng madlâ marahil, mga utang nila'y nabayaran agad dahil kumitang lubos ang kanilang mga akdâ - gregoriovbituinjr. 01.22.2026

Tamâ na ang drama

Imahe
TAMÀ NA ANG DRAMA nagiging swarswela na lang ba? at tadtad ng iskrip ang drama? na mapanagot ang buwaya? sana'y may maparusahan na! di lang buwaya kundi pating malaking isdâ at di kuting senador mang paladasalin kung may salà, ikulong na rin ayaw namin ng teleserye na tilà wala pang masisi masisibà na'y sinuswerte kung pulos drama ang mensahe ikulong ang mga kurakot! ilantad ang lahat ng sangkot! saan man sila magsisuot ay dapat madampot, managot! - gregoriovbituinjr. 01.22.2026 * litrato kuha sa pagkilos sa Senado, noong Enero 19, 2026

Pasaring

Imahe
PASARING may pasaring muli ang komikero hinggil sa senaTONG na nakakulong di raw magtatagal sa kalaboso dahil sa kaytinding agimat niyon aba'y nagbiro pa si Mambubulgar sapul na sapul ang pinatamaan masa'y batid agad ang ibinulgar dahil headline naman sa pahayagan ngunit agimat ba'y tatalab kayâ sakaling siya'y makalaya agad? paano ang hustisya sa binahâ? dahil sa ghost flood control, anong bigat! o agimat ay sa pelikula lang? at di sa kurakot na puso'y halang? - gregoriovbituinjr. 01.21.2026 * mula sa pahayagang Bulgar, Enero 21, 2026, p.3

Ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism

Imahe
ANG AKLAT NA STILL BREATHING, 100 BLACK VOICES ON RACISM Nabili ko ang aklat na  Still Breathing, 100 Black Voices on Racism, 100 Ways to Change the Narrative , sa Book Sale sa Farmers Cubao noong Enero 10, 2026, sa murang halagang P35.00 lang. Makapal ang aklat na umaabot ng 308 pahina. Kaytindi ng pamagat ng aklat:  Still Breathing . Ibig sabihin: Humihinga pa! Humihinga pa sila dahil hindi sila natulad sa nangyari kay  George Floyd . Humihinga pa dahil nabuo ang kampanyang  Black Lives Matter  nang mamatay si Floyd. Natipon sa aklat ang isang daang boses ng mga tumututol sa rasismo sa Amerika, bunsod ng pagkamatay ng Itim na si George Floyd noong Mayo 25, 2020 sa Minneanapolis. Si Floyd, 46-taong-gulang, ay namatay matapos siyang arestuhin ng pulisya dahil sa umano'y paggamit ng pekeng $20 na perang papel. Mahigit siyam na minuto siyang niluhuran sa leeg ng pulis na si Officer Derek Chauvin, na nagresulta sa atake sa puso. Ang pangyayaring iyon ang naging san...

Tungkulin

Imahe
TUNGKULIN tungkulin ng bawat mandirigmâ bakahin ang burgesya't kuhilâ ipaglaban ang obrero't dukhâ at ang bayang api'y mapalayà bawat isyu ng madla'y mabatid di manahimik o maging umid ipagtanggol ang mga kapatid laban sa kaapihang di lingid tungkulin ng lider-maralitâ ang umugnay, makaisang diwà ang inaapi't nagdaralitâ dahil sistema'y kasumpâ-sumpâ niyayakap ang bawat tungkulin na pinagpasyahang tutuparin makauring prinsipyo'y baunin hanggang asam na hustisya'y kamtin tungkulin din ng bawat makatâ isyu ng masa'y tipuning sadyâ pagbaka'y ilarawan sa akdâ sanaysay, kwento, nobela't tulâ - gregoriovbituinjr. 01.20.2026

Ang sining

Imahe
ANG SINING halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang! magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan! lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban! maningil tayo! panagutin ang mga kawatan! ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan! mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan! lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan! ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan! - gregoriovbituinjr. 01.19.2026

Patuloy lang sa pagkathâ

Imahe
PATULOY LANG SA PAGKATHÂ patuloy ang pagsusulat ng makatang nagsasalat patuloy na magmumulat upang isyu'y sumambulat patuloy na kumakathâ ng anumang isyu't paksâ hinggil sa obrero't dukhâ ikukwento, itutulâ na sa panitikan ambag na nais kong maidagdag saya, libog, dusa, hungkag, digmâ, ligalig, panatag ito na'y yakap kong misyon sulat, tulâ, kwento, tugon umaraw man o umambon para sa dalita't nasyon magdamag mang nagninilay akdang kwento't tula'y tulay sa masang laging kaakbay sa pagbaka man at lumbay - gregoriovbituinjr. 01.18.2026

Isang pelikula at isang talambuhay sa MET

Imahe
ISANG PELIKULA AT ISANG TALAMBUHAY SA MET Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Dalawang palabas ang pinanood ko ngayong araw sa Metropolitan Theater sa Maynila. Ang una ay ang pelikulang  Kakaba-kaba ka ba?  At ang ikalawa'y ang  Del Mundo  hinggil sa talambuhay ni Clodualdo Del Mundo Jr. Bago ang pagpapalabas ng dalawang nabanggit ay may tatlong bidyo ng patalastas hinggil sa MET na ang nagpapaliwanag at si Ginoong Boy Abunda. Ang  Kakaba-kaba ka ba?  ay pinagbidahan nina Christopher De Leon, Charo Santos, Jay Ilagan, at Sandy Andolong. Hinggil iyon sa hinahanap na casette tape ng mga kasapi ng isang malaking grupo. Nagkaroon din ng konsyerto sa dulo na siyang ikinahuli ng mga masasamang loob. Ang  Del Mundo  naman ay dokumentaryo hinggil sa talambuhay ng screenplay writer na si Clodualdo Del Mundo Jr., ang anak ng batikang manunulat na si Clodualdo Del Mundo. Matapos ang dokumentaryong  Del Mundo  ay nagkaroon pa ng talakayan ng...

Hustisya sa mga dalagita't batang pinaslang

Imahe
HUSTISYA SA MGA DALAGITA'T BATANG PINASLANG sa loob lang ng isang linggo'y nabalità dalawang kinse anyos yaong ginahasà at pinaslang, habang otso anyos na batà nama'y pinaslang ng tiyuhing walang awà ganyang mga ulat nga'y karima-rimarim nangyari sa kanila'y talagang kaylagim budhi ng mga gumawa'y uling sa itim kung ako ang tatay, mundo ko na'y kaydilim kung anak ko silang sa puso'y halukipkip  tiyak na nangyari'y di ko lubos maisip ilang araw, buwan, taon kong di malirip ang mga suspek na halang, sana'y madakip kung di man baliw, baka mga durugista yaong mga lumapastangan sa kanila ang maisisigaw ko'y  hustisya! hustisya! hustisya sana'y kamtin ng tatlong biktima! - gregoriovbituinjr. 01.17.2026 * headline sa pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, at pahayagang Bulgar, Enero 13 at 17, 2026

Katha't nilay

Imahe
KATHA'T NILAY nagpapasalamat akong totoo sa bawat kasama't mga katoto na sa maraming labanan at isyu ay nagkaisang magtagumpay tayo pag may isyu nga akong natitisod susuriin, aalamin ang buod gagawan na ng tula't ia-upload kapara ng busóg, palaso't tunod pag sa mga isyu'y di mapalagay ay magsasaliksik ng walang humpay habang prinsipyo'y isinasabuhay at hanay ay ating pinatitibay makatâ mang walâ sa toreng garing iwing diwa'y mananatiling gising trapo't burgesya man ay sumingasing ang masa'y di mananatiling himbing salamat, kadukha't kamanggagawà sa tulong kahit daanan ng sigwâ kakathâ at kakathâ ang makatâ bilang ambag sa layuning dakilà - gregoriovbituinjr. 01.17.2026

Pagpupugay kina Alex Eala at Carlos Yulo!

Imahe
PAGPUPUGAY KINA ALEX EALA AT CARLOS YULO! dalawang matinding atletang Pinoy ang pinarangalan, kahanga-hangà pagpupugay kina  Alex  at  Caloy na binigyang karangalan ang bansâ pinagbuti ang isports na pinasok isa'y sa gymnastics, isa'y sa tennis nagkampyon, nagkaginto, nasa rurok pag-angat sa isports nila'y kaybilis sports king at sports queen, anong husay batid ng bansang sila'y nagsisikap laging nag-eensayong walang humpay nang matupad ang kanilang pangarap mundo ng isports ay parang nilindol ng atletang Pinoy na kaygagaling pagpupugay sa inyo, mga aydol at sa inyong isports, bansa'y nagising - gregoriovbituinjr. 01.17.2026 * ulat mulâ sa pahayagang Remate, Enero 17, 2026, p.12        

Payò sa tulad kong Libra

Imahe
PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi ay nababasa ko ang Libra, horoscope ko tulad ngayong araw, anong ganda ng payò piliin daw ang mga taong nagbibigay ng katahimikan, kayganda ng nahulô ibig sabihin, ang nanggugulo'y layuan katahimikan ng loob ang sabing ganap kapanatagan at ginhawa'y madarama kaysa mapanira't magugulo kausap payapang puso't diwa'y kaysarap talaga di man ako naniniwalà sa horoscope ang nabasa ko'y talagang malaking tulong upang positibong enerhiya'y mahigop lalo't sa mabuting pakiramdam hahantong horoscope sa sikolohiya'y may epekto na tilà pinapayuhan ng kaibigan lalo't mag-isa na lang ang gaya kong bálo kung may peace of mind, payapa ang pakiramdam - gregoriovbituinjr. 01.16.2026 * mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 16, 2026, p.7

Sa 3rd Black Friday Protest ng 2026

Imahe
SA 3RD BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026 patuloy pa tuwing araw ng Biyernes ang pagkilos laban sa tuso't balakyot isang  commitment  na ang  Black Friday Protest upang mapanagot ang mga kurakot di pa humuhupà ang gálit ng bayan sa katiwalian nitong mga trapo nakabibingi na ang katahimikang akala'y payapa ngunit abusado talagang kinawat nitong mandarambong ang pondo ng bayang sinarili nila karaniwang tao'y saan na hahantong kung lider na halal ay kurakot pala nagpapahiwatig iyang ghost flood control at mga pagbahâ sa mga kalsada ng sistemang bulok na sadyang masahol kaya ang sistema'y dapat palitan na! magpapatuloy pa ang  Black Friday Protest sa pagpoprotesta'y di tayo hihintô titiyakin nating ito'y walang mintis nang maparusahan ang sangkot, mapiit - gregoriovbituinjr. 01.16.2026 * maraming salamat sa kumuha ng litrato

Pagpupugay kay Atty. Rafa!

Imahe
PAGPUPUGAY KAY ATTY. RAFA! pagpupugay,  Attorney Rafael La Viña ! magaling, mahinahon, mabuting kasama ngayong taon, isa sa mga nakapasá sa bar exam at ganap na abogado na mahusay na lider ng ilang taon dito sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino malaking tungkulin ang maging abogado lalo pa't naglilingkod sa uring obrero muli, isang taaskamaong pagpupugay uring manggagawà ay paglingkurang tunay maraming aping obrero ang naghihintay sa serbisyo mo't kasipagang walang humpay at kami nama'y nakasuporta sa iyo upang mapagkaisa ang uring obrero nawa'y maging matagumpay kang abogado ng bayan, ng obrero't karaniwang tao - gregoriovbituinjr. 01.16.2026

Alex Eala, kampyon ng Kooyong Classics sa Melbourne

Imahe
ALEX EALA, KAMPYON NG KOOYONG CLASSICS SA MELBOURNE "MANILA, Philippines–Alex Eala was crowned champion of the 2026 Kooyong Classic ahead of her Australian Open debut. The Kooyong Classic named Eala the women’s singles champion of the professional exhibition event held in Melbourne. The Filipino tennis sensation received the Evonne Goolagong Cawley Trophy, named after the former World No. 1 Australian netter and seven-time Grand Slam champion." - ulat mula sa Philippine Daily inquirer https://sports.inquirer.net/658741/alex-eala-crowned-kooyong-classic-champion kaygandang ulat ang natunghayan nagkampyon na si Alex Eala sa Kooyong Classics sa Australia na laban ay talagang pukpukan tinalo niya si Donna Vekic ng Croatia, ng dalawang beses pag-angat ni Alex ay kaybilis pagkat talaga namang matinik Kooyong Classics ay ginaganap tuwing Enero doon sa Melbourne laban bago ang Australian Open nakamit ni Alex ang pangarap sa Australian Open ay sasabak itong pambato ng Pilipinas husay ...

Tambak-tambak

Imahe
TAMBAK-TAMBAK tambak-tambak ang isyu't problema ng bayan na isa sa matinding sanhi'y kurakutan ng buwaya't buwitre sa pamahalaan imbes bayan, sarili ang pinagsilbihan dilis ang nakulong, walang malaking isdâ kayâ gálit ng masa'y di basta huhupà sana'y maparusahan ang mga kuhilà at pangarap na hustisya'y kamtin ng madlâ tambak din ang pobreng di sapat ang pambili delata, bigas, palay, gulay, isdâ, karne presyo ng krudo, gasolina't pamasahe serbisyo'y ninenegosyo, tubig, kuryente  tambak ang lupà, walang matirhan ang dukhâ tambak ang mga kontraktwal na manggagawà inaagaw pa ang teritoryo ng bansâ sistemang bulok nga'y sadyang kasumpâ-sumpâ buwaya't buwitre nga, masa'y nilalamon sa ganyang tambak na problema'y anong tugon? ano ang iyong pananaw, anong solusyon? sistemang bulok palitan, magrebolusyon? - gregoriovbituinjr. 01.15.2026

Ang kaibhan

Imahe
ANG KAIBHAN mas nabibigyang pansin ang mga makatang gurô kaysa makatang pultaym na nasa kilusang masa naisasaaklat ang akdâ ng tagapagturò kayhirap isaaklat ang akdâ ng aktibista may university press para sa makatang gurô solo diskarte naman ang makatang raliyista may gawad na sertipiko pa ang tagapagturò at walang ni ano ang makatang nangangalsada nirerebyu ang mga libro ng makatang gurô ng mga sikat na manunulat sa akademya nasa mga bookstore ang aklat ng tagapagturò dahil sa maraming rebyu ay sumisikat sila sa makatang tibak, pawisang may bahid ng dugô na produkto ng pinagdaanang pakikibaka laban sa kurakot, trapo, dinastiya, hunyangò nagmumulat nang mabago ang bulok na sistema ganyan ang karanasan ko bilang makatang tibak naghihirap man ngunit di nanghihingi ng limos isyu't laban ng masa'y nilalarawan ng tapat prinsipyo'y sinasabuhay, pultaym na kumikilos kung sakaling sa rali ako'y makasalubong mo o nasa isang forum o naglalakad mag-isa suportahan mo naman at bilhi...

Ang napanalunan kong limang kilong bigas

Imahe
  ANG NAPANALUNAN KONG LIMANG KILONG BIGAS bago mag-Pasko ay may piging akong dinaluhan sa samahan, may talumpati, kantahan, sayawan sa palabunutan ay nabunot ang aking ngalan at limang kilong bigas ang aking napanalunan halos tatlong linggo rin bago ko iyon naubos palibhasa'y biyudo na, nag-iisa, hikahos ngayong gabi, nagpapasalamat ako ng taos sa nag-ambag niyon upang makakain nang lubos sa manggagawa ng  Anchor's Away Transport , salamat napanalunan ko'y pinahahalagahang sukat bilang makata't lider-dalita'y nadadalumat na sana'y maayos din ang kalagayan ng lahat uring manggagawa ang lumikha ng ekonomya at nagpapakain sa mundo'y mga magsasaka hatid ng nasa transport bawat produkto sa masa sa akin, pinanalo'y pang-agdong buhay talaga magpatuloy pa kayo sa mabuting adhikain at magpapatuloy ako sa mabuting mithiin magpatuloy tayo sa nagkakaisang layunin muli, salamat sa bigas na nang maluto'y kanin - gregoriovbituinjr. 01.14.2026 * maraming salamat sa...

Ang tatlo kong aklat ng U.G.

Imahe
ANG TATLO KONG AKLAT NG U.G. Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Dapat sana'y apat na ang aklat ko hinggil sa underground, subalit hindi ko na makita ang kopya ko ng  Notes from the Underground  ng Rusong manunulat na si Fyodor Dostoevesky. Ang mayroon ako ngayon ay ang tatlong aklat hinggil sa mga rebolusyonaryong Pilipino. Ang dalawa'y nakadaupang palad ko ng personal noong sila'y nabubuhay pa, at ang isa'y di ko nakilala subalit kapwa ko taga-Sampaloc, Maynila. Si  Ka Popoy Lagman  (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001) ay naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Si  Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo  (Pebrero 9, 1935 - Disyembre 19, 2024) naman ay pangulo ng Laban ng Masa (LnM), at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang si  Edgar Jopson  (Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982) ay isang dating lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar. Noong bata pa ako'y bumibili kami ng tatay ko sa kanilang grocer...

Ang matulain

Imahe
ANG MATULAIN tahimik na lang akong namumuhay sa malawak na dagat ng kawalan habang patuloy pa ring nagninilay sa maunos na langit ng karimlan panatag ang loob na binabaka ang mga tampalasan, lilo, sukab lalo na't kurakot at palamara habang yaring dibdib ay nag-aalab tahimik lamang sa sulok ng lunggâ inaalagatâ bawat mithiin tinitiis bawat sugat at luhâ inuukit sa tulâ ang panimdim sa makatâ, tula'y sagradong sining pagkat tulâ ang aking pagkatao bagamat wala man sa toreng garing tula'y aking tulay sa bansa't mundo kayâ naririto't nagpapatúloy sa sagradong sining na binabanggit mga tula'y dahong di naluluoy sa paglalakbay ay lagi kong bitbit - gregoriovbituinjr. 01.14.2026 * sa Tanay, Rizal ang civil wedding namin ng namayapa kong misis noong 2018

Pang-apatnapu't siyam na sa mundo si Alex Eala!

Imahe
PANG-49 NA SA MUNDO SI ALEX EALA! kaytaas na ng ranggo ni  Alex Eala siya sa mundo'y pang-apatnapu't siyam na dapat ipagbunyi ang kanyang pinakita sa mundo ng tennis, inspirasyon talaga ang pangalang  Alex Eala  ay lumitaw ng kaybilis, animo'y isang bulalakaw nagniningning siyang bituin pag natanaw ang bawat hampas ng raketa'y kampyong galaw magpatuloy ka lang sa larangang niyakap magtatagumpay ka sa iyong pagsisikap magpatuloy ka't matutupad ang pangarap at magiging  number one  ka sa hinaharap maraming salamat,  Alex , sa tagumpay mo itinaas mo ang bandilang Pilipino kaya kami'y nagpupugay ng taas-noo sana ang tulad mo'y dumami pang totoo - gregoriovbituinjr. 01.13.2026 * mga litrato mula sa Sports page ng pahayagang Abante, Bulgar, Pang-Masa at Pilipino Star Ngayon, Enero 13, 2026

Sampanaw, Talupad, Balanghay, Pulutong, Tilap

Imahe
SAMPANAW, TALUPAD, BALANGHAY, PULUTONG, TILAP sa Diksiyonaryong Adarna''y may natanaw agad kong nabasa ang salitang  SAMPANAW ang akala ko'y mula sa  ISANG PANANAW o kaya merong taong  MAG-ISANG PUMANAW ngunit hindi, ito'y salin ng rehimyento na merong dalawa o higit pang  TALUPAD o batalyon, na may dalawa o higit pang BALANGHAY  o kompanya, binubuo naman ng dalawa o higit pang  PULUTONG , platoon habang pulutong ay dalawa o higit pang  TILAP  o iskwad, na ito'y binubuo ng pito o higit pang kawal, wikang kasundaluhan limang salitang dagdag aralin sa wikà na magagamit sa maikling kwento't tulâ; sa masasaliksik ko pang ating salitâ ay maganda ngang maibahagi sa madlâ - gregoriovbituinjr. 01.13.2026 * mga salitâ mulâ sa Diksiyonaryong Adarna