Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2019

Habang tinititigan ang bumubukol na ulap

habang tinititigan ang bumubukol na ulap natatanaw ko sa haraya ang luksang pangarap buhay ng dukha'y patuloy na aandap-andap sa kabila ng tiyaga, sipag at pagsisikap tila di na sila ihehele sa alapaap nakikita ko sa haraya'y isang pangitain habang sa maraming bansa, laksa'y inaalipin may namamalimos pa sa pagdaan ng limousine laksang babae'y di asawa yaong umaangkin kailan ba babangon ang mga bayani natin sinagasaan ng salagubang ang mga uod doon sa puwet ng tigre'y may mga humihimod sa haraya'y nakikita ko ang ulilang puntod at nag-aalay ng bulaklak ang isang pilantod binigkas ang alay na tulang may sampung taludtod - gregbituinjr.

Mutyang rosas

kanyang winisik-wisikan yaong rosas ng kariktan habang inaalagaan ang sinasambang hayagan tila adang minumutya ang rosas na anong putla kailan kaya huhupa ang dumaluhong na baha ang rosas sana'y pumula tulad ng dugo ng sinta at masilayan na niya ang sinisintang dalaga inibig ang mutyang rosas tulad ng kakaning bigas kapara animo'y pantas tulad ng isang ilahas rosas na tadtad ng tinik na sa puso'y tumitirik at sa diwa'y natititik: "mutyang rosas itong hibik!" - gregbituinjr.

Sentimyento

sentimyento'y paano tatakas sa kahirapan pulos pagtakas, imbes na suriin ang lipunan kaya nagsisipag magtrabaho sa pagawaan nag-iipon upang anak ay mapag-aral lamang makakaalpas nga ba sa hirap ng kanya-kanya imbes kolektibo nating lutasin ang problema sa sipag ba't tiyaga'y makakaalpas sa dusa o dapat nating baguhin ang bulok na sistema kayod-kalabaw ang di nagkakaisang obrero magsipag at tiyaga lang daw ay uunlad tayo kahit nagpapaalipin man sa kapitalismo at makakaipon ka rin para sa pamilya mo iyan ang palasak na kaisipang umukilkil di makitang pribadong pag-aari'y sumisikil dukha'y nananatiling dukha, masa'y kinikitil pati karapatang pantao nila'y sinusupil di pagtakas sa kahirapan ang ating solusyon kundi suriin bakit may dusang laganap ngayon pribadong pag-aari'y sanhi ng dusa't linggatong dapat sistema'y palitan, dukha'y magrebolusyon - gregbituinjr.

Pagninilay bago mag-Undas

magu-Undas na naman, muling aalalahanin mga mahal na nangamatay na di lilimutin magtitirik tayo ng kandila doon sa puntod at baka sa kabilang buhay, sila'y mangalugod maaraw man o maulan, tiyak tayo'y dadalaw sa buong taon bibisita kahit isang araw parang reyunyon din ng pamilyang nasa malayo doon sa harap ng puntod ay magkatagpo-tagpo gugunitain ang mahal sa buhay na namatay pagkat siya'y karugtong niring puso, diwa't buhay - gregbituinjr.

Paghahanap ng katuturan (munting talambuhay)

kung para lang sa pera kaya ka nagtatrabaho sa pagtatrabaho umiikot ang iyong mundo ano ka na? ano nang katuturan ng buhay mo? kung laging trabaho, kumain, matulog, trabaho iyan lang ba ang esensya ng buhay, ang kumain matulog, magtrabaho, at magtrabaho, kumain paikot-ikot, matulog, magtrabaho, kumain hanggang tumanda, magtrabaho, matulog, kumain dalawampung anyos pa lang ako'y nagtrabaho na at nagpatakbo ng makina doon sa pabrika naging manggagawang regular bilang makinista tatlong taong singkad, nag-resign, lumipat sa iba napunta sa opisina, kasama'y matatanda pawang papel ang hawak, sa trabaho'y natulala kayraming tiwali, pera-pera, budhi'y napatda madali lang ang pera kung konsensya'y madadaya doon na lang ba ako hanggang tumanda sa buhay sa puntong iyon, talagang di ako napalagay hanggang may mga nakilalang may prinsipyong taglay at nakita ko ang tamang daan kaya umugnay umalis ng walang paalam sa tanggapang iyon naging aktibistang niy...

Doon tayo sa buhay na may katuturan

kung gusto ko'y pera, matagal na akong yumaman baka sa kamay ko'y maraming babaeng nagdaan baka maraming napatayong gusali't tahanan baka lagi ako sa bar, laging nasa inuman ngunit di ako tumutok sa pagkita ng pera kundi maglingkod sa uri't bayan, mag-organisa kung aalpas sa hirap, dapat di ako mag-isa kundi aalpas sa dusang kasama ko ang masa mag-isip lang ng pansarili'y walang kabuluhan buhay na walang kwenta ang pulos lang kasiyahan kaya mabuti pang maglingkod sa uri't sa bayan sa pakikibaka, ang buhay mo'y may katuturan nabuhay ka lang ba upang kumain at magsaya? nabuhay ka lang ba upang magtrabaho't kumita? kung sa kabila ng hirap, kasama mo ang masa aba'y kaysarap ng tagumpay sa pakikibaka halina't lipunan ay suriin at pag-aralan upang bulok na sistema'y mapalitang tuluyan halina't tayo'y maglingkod para sa uri't bayan manggagawa'y ihanda sa sosyalistang lipunan - gregbituinjr.

Pagtakbo sana bilang pangulo ng unyon

noong matanggap sa pabrika ako'y binatilyo nag-operador ng makina sa departamento tatlong taon doon bilang regular na obrero nagtatrabaho nang maging batas ang Herrera Law balak ko rin noong tumakbong pangulo ng unyon tiyo ko sa ibang kumpanya'y natunugan iyon bago ko mapasa ang kandidatura ko roon aba, tiyo ko'y pinainom ako't pinalamon pinigilan akong maghanda sa kandidatura dahil siya'y manager sa kapatid na kumpanya magtrabaho lang ako't huwag daw mag-unyunista at baka makasira ako sa ugnayan nila trabaho ko'y sa Alabang, ang tiyo'y nasa Taytay sayang na pagkakataon ang aking naninilay alauna ng hapon nagising sa kanyang bahay di ko na nahabol ang kandidatura kong tunay bise presidente ko sana ang siyang nanalo nagkaroon ng halalan, siya'y naging pangulo ilang buwan pa, at nag-resign ako sa trabaho upang bumalik sa paaralan, nagkolehiyo tatlong taong machine operator, aking gunita tatlong taon ding naging regular na mang...

Sa pagkatha ng tula

aba'y kaya pa bang gumawa ng isa pang tula upang ipahayag ang nasasaloob kong nasa anong nakakulapol sa puso't inaadhika upang madama namang ang makata'y pinagpala bakit ganito't sa daigdig ay paikot-ikot nahahihilo na sa naglipanang mapag-imbot bakit sa pamahalaan ay kayraming kurakot pag nabisto sa kasalanan ay nakalulusot ginagawan ko ng tula ang samutsaring ulat kung anong makita'y nagsusuri, nagmumulat kung anong mali, nagmumura at nanggugulat ang anumang poot ay sa tula sumasambulat bawat tula'y parang pintong ang makata'y kakatok nang basahin ng madla ang sa tula'y tinatampok hiyaw ng makata'y palitan ang sistemang bulok subukang uring manggagawa'y ilagay sa tuktok - gregbituinjr.

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Imahe
doon sa malayong lalawigan ng Iloilo labing-apat anyos na binatilyo'y arestado na ginahasa'y labingsiyam anyos na dalaga sinaksak daw ang kolehiyala't iginapos pa ang paalam sa ama'y bibili lang sa tindahan dalaga'y di umuwi ilang oras ang nagdaan hanggang makitang patay na't nakatali sa kahoy ang hikbi ng ama, "anak ko'y kanilang binaboy!" hustisya para kay 'Rona' ang sigaw ng kaanak ikulong yaong maysalang gumahasa't sumaksak pahayag nga ng ama, "grabe 'yung ginawa nila!" dugtong pa, " kung pwede lang sana, patayin din sila" mula sa pahayagang Bulgar ang nasabing ulat talagang nakagagalit yaong isiniwalat nawa hustisya'y makamtan ng dalagang pinaslang makulong ang salaring puri't buhay ang inutang - gregbituinjr. * ibinatay ang tula mula sa headline ng pahayagang Bulgar, Oktubre 28, 2019, na may pamagat na "Kolehiyala Ni-Rape, Pinatay; 14-anyos, arestado...

Huwag asahan ang ibang uri

Imahe
may kongresista kayang magsasabing tatlong buwan imbes dalawang taon ang probi sa pagawaan? may senador kayang obrero yaong kakampihan o senado na'y nakain ng sistemang gahaman? pangitain o pag-asa bang ito'y mangyayari? umaasa sa ibang uri? aba'y anong silbi? wala ba tayong gagawin kundi manggalaiti? na gawa lang nila'y para sa kanilang sarili? manggagawa ang magpapalaya sa manggagawa sa kapitalismo, obrero'y di basta lalaya dapat nilang ibagsak ang sistemang mapanira pagtatag ng sosyalismo'y dapat nilang ihanda manggagawa, huwag mong asahan ang ibang uri lalo't uring ang asam ay pribadong pag-aari sa kongkretong kalagayan dapat kayong magsuri at magkaisa upang ibagsak ang naghahari - gregbituinjr.

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa

Imahe
ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA  AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao. May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad. Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019....

Magsuri at lumaban

Imahe
paano ba gumagapang sa lusak ang magulang paanong pag-aaral ng anak ay ginagapang paano bang dinudurog ang mga salanggapang paano ba sa pag-ibig ang puso'y nadadarang mga obrero'y biktima ng kontraktwalisasyon ang taumbayan ay biktima ng globalisasyon ang magsasaka'y biktima ng rice tarrification sa mga problema't isyu, masa'y ibinabaon kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan na sa samutsaring isyu't problema'y panuntunan kaya kailangan ang pagbubuo ng samahan upang makatulong sa pagbabago ng lipunan tayong aktibistang Spartan, anong dapat gawin dapat tayong magkaisa sa iisang layunin uring manggagawa'y patuloy na organisahin at itayo ang lipunang nararapat sa atin - gregbituinjr.

Halina't tayo'y magbutaw

upang makapagbutaw ka, bawasan mo ang bisyo kung kaya'y limang boteng gin, isa lang inumin mo bawasan ng kalahati ang kahang sigarilyo upang ibigay sa organisasyon ang butaw mo alalahanin mong palagi ang organisasyon ito'y buhay-pakikibakang may magandang layon at prinsipyadong samahang sa isyu'y tumutugon na sa bulok na sistema'y tiyak na magbabaon sa bawat buwan sa samahan, sampung pisong butaw o limampung pisong alak nang mawala ang ginaw o pitumpung pisong kaha ng yosi bawat araw ah, sampung pisong butaw ang mas kaya mong ibitaw kaya, tara, kasama, alagaan ang samahan magbutaw nang organisasyon ay mabuhay naman upang magpatuloy ang serbisyo sa taumbayan hanggang lipunang bulok ay tuluyang mapalitan - gregbituinjr.

Sa biyahe

minsan sa pagbibiyahe, ako'y napapaidlip lalo na't matrapik, nakaupo, nakakainip kung di makatulog, nagsusulat ng tula sa dyip itinatala agad nang di mawala sa isip pag lulan ng bus at trapik ay nasa tatlong oras naglalaro sa selpon, sudoku, kwadro de alas nagbabasa rin, bakasakaling may bagong tuklas o kaya naman ay nanonood pag may palabas kaytagal din, ilang oras, ang biyahe sa barko patungong lugar upang sa kumperensya'y dumalo habang tinititigan ang alon, nakaliliyo walang lupang natatanaw, tubig ang paligid ko sumakay ng eroplano't tinungo'y dayong lupa bawat upuan ay may telebisyon, nangangapa hanggang Les Miserables ang napindot ko't bumulaga napanood ko roo'y di napanood sa bansa sa paglalakbay, may mga lugar na pinakete kayraming mararanasan sa iyong pagbiyahe maitatala'y samutsaring danas, kwento't siste tila ba gagaan ang sa damdamin mo'y bagahe - gregbituinjr.

Ako'y manhik manaog sa loob ng kabahayan

ako'y manhik manaog sa loob ng kabahayan nag-iisip, nagninilay, anong kinabukasan ang dadatnan, dapat kumilos lalo't kailangan at makibaka para sa hustisyang panlipunan tumigil ako sumandali't sa banig nahiga matamang tinitigan ang kisameng parang bula lahat ng ipinaglaban ba'y mababalewala kung tagumpay ng masa'y aangkinin ng kuhila mga trapo't naghaharing uri'y kuhilang bastos na pinananatiling hirap ang buhay ng kapos sa lakas-paggawang kaybaba, sinong magtutuos kung sa karukhaan, balat ng dukha'y nalalapnos buti na lamang, di ako ganap na nakatulog muli, sa loob ng bahay, ako'y manhik manaog palakad-lakad, sana ang bata'y maging malusog at huwag sanang dumating ang kung sinong may usog - gregbituinjr.

Gawing ekobrik ang mga pulitikong plastik

di pwedeng gawing pataba sa lupa dahil toksik iyang mga pulitikong dapat lang i-ekobrik lalo ang mga tusong trapong gahaman at lintik silang sanhi kaya buhay ng masa'y putik-putik mga basurang trapong kapara'y single-use plactic di sapat na ang mga pulitiko'y ibasura pagkat baka makahawa pag sila'y naglipana dapat i-ekobrik ang tulad nilang palamara pagkat sila ang sanhi ng kahirapan ng masa lalo't dignidad ng dukha'y kanilang dinudusta tanong ko lang, may matitino pa bang pulitiko lalo na't layunin nila'y pag-aaring pribado na sanhi'y pagsasamantala ng tao sa tao at ninenegosyo pati pampublikong serbisyo i-ekobrik ang trapo upang sistema'y magbago - gregbituinjr.

Subukan nating iligtas si Inang Kalikasan

subukan nating iligtas si Inang Kalikasan mula sa paninira ng mapang-aping lipunan na unti-unting nagwawasak sa kapaligiran upang likasyaman ay kanilang mapagtubuan sira ang kalikasan hangga't may kapitalismo lupa, hangin, dagat, halos lahat ninenegosyo nais kasing pagtubuan ang likasyamang ito nang sila'y makapagpasarap sa buhay sa mundo kawawang kalikasan, pagkat mapagsamantala ang mga nananahan sa sinapupunan niya basta pagkakaperahan, kahit may madisgrasya  walang pakialam, kalikasan ma'y masira na aba'y di dapat tumunganga ang may pakiramdam lalo't isang maayos na kalikasan ang asam kaya sa mga nangyayari'y dapat makialam bago pa ang tahanang mundo'y tuluyang maparam - gregbituinjr.

Hinahagilap lagi kita sa aking gunita

hinahagilap lagi kita sa aking gunita di ko malaman kung ako pa ba'y may mapapala habang iniinit ko ang malamig na kutsinta o ito'y gawin ko na lang sa bukid ay pataba iniluluha mo ba'y batong sinlaki ng graba habang sa isip mo ako'y iyong inaalala tara, maglibot muna tayo doon sa Luneta mamasyal kita kahit bulsa'y butas, walang pera nakikita ko ang lawin doon sa papawirin ako naman ay tila pipit sa sulok ng hardin namimilipit na gawa ng asong palamunin pati na guyam ay nagbabantang ako'y lamunin tatawirin ko ang pitong ilog na anong lalim lalakbayin ang pitong bundok na maraming talim upang hugasan ang salang nagdulot ng panindim at upang makita ang rosas na nais masimsim - gregbituinjr.

Build, Build, Build, o PagkaBULID sa dilim?

Imahe
BUILD, BUILD, BUILD daw itong programa ng pamahalaan bakit nangyari'y BULID, BULID, BULID sa karimlan bakit kayrami nang pinaslang sa sawi kong bayan bakit walang proseso o paglilitis lang naman BUILD, BUILD, BUILD ngunit nangyayari'y BULID, BULID, BULID kayrami na nilang sa karimlan ay ibinulid habang tatawa-tawa lang ang mayayamang ganid habang tumatangis ang mahihirap na kapatid Kill, Kill, Kill muna, tapos ay BUILD, BUILD, BUILD ang programa basta pinapaslang ang mahihirap na puntirya nahan ang wastong proseso, due process sa biktima? nahan ang tamang paglilitis, nahan ang hustisya? ang buhay ng dukha'y paano ba nila mabi-BUILD kung pulos tulay at kalsada ang laging bini-BUILD dapat wakasan ang sa dilim biglang pagkaBULID dapat PANLIPUNANG HUSTISYA'y kanilang MABATID! - gregbituinjr.

Unawain ang mensahe sa karatula

Imahe
dalawang bagay: naglagay doon ng paalala dahil doon palaging nagtatapon ng basura... o nang-aasar, pagkat kung saan may karatula aba'y doon pa nilalagay ang basura nila! mapapaisip ka minsan sa ganitong ugali ang naglalagay ba ng basura'y tanga o hindi? kung nasaan ang karatula'y nagtatapon lagi o hindi raw sila marunong magbasa, kunyari mga dayo ba sila sa bansa't di maunawa? ang simpleng paalala't mga payak na salita anong disiplina mayroon sila't utak biya? at nagtapon sa harap ng karatulang ginawa katawa-tawang pangyayari o nakakainis di malaman kung magagalit ka o bubungisngis mensahe sa karatula'y igalang nang luminis ang lugar na iyon, nang basura'y agad mapalis - gregbituinjr.

Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?

M agkaparehong itsura, magkaiba ng kulay A ng isa'y kaysipag, ang isa'y mapanirang tunay K ung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay? A ng kapitalista o ang eskirol ang kaaway? S a welga, may mga eskirol at may unyonista A ng pamamalakad ba sa pabrika'y may hustisya? L ulupigin daw ng eskirol ang mga nagwelga A klasang may itinayong piketlayn sa pabrika N agwelga ang manggagawa para sa katarungan A t karapatang pantao doon sa pagawaan N akikibaka upang welga'y mapagtagumpayan G utom man ang abutin sa welga'y tuloy ang laban A nay na mapanira ba'y sadyang sa uri'y taksil? N anonood lang habang karapata'y kinikitil! A nay na mapangwasak ay paano mapipigil? Y amang anay na ito sa kapwa nila'y sumiil - gregbituinjr.

Kinakain na lang sa tuwina'y buntong hininga

kinakain na lang sa tuwina'y buntong hininga habang isyung salot ay patuloy na binabaka mukhang bilasang isda na itong aking itsura kumikilos pa rin kahit gutom ang nadarama nag-oorganisa pa rin kahit butas ang bulsa makakaraos din balang araw pag nagtagumpay kaya magpatuloy lang, tindihan ang pagsisikhay pag-aralan ang lipunan at magsunog ng kilay magsuri ng kongkretong kalagayan at magnilay sa pagkilos, tiyakin din ang kalusugang taglay alagaan ang katawan kahit na kumikilos huwag magpabaya kahit tayo'y binubusabos maghanda't huwag hayaang lagi tayong hikahos may oras ng paglaban, may oras ng pagtutuos magtagumpay hanggang bulok na sistema'y magtapos - gregbituinjr.

Ang alak: noon, ngayon at bukas

noon, pulos pag-iinom ng alak ang prodigal son ngayon, pag-iinom pa rin ng alak ang kasiyahan iyang pag-inom ng alak ay isa nang kasaysayan mula noon, ngayon, marahil hanggang kinabukasan iyang alak ay instrumento upang makalimot ka sa mga nararanasan mong samutsaring problema mayroon nito pag may piging bilang pakikisama subalit dinudulot nitong saya'y pansamantala ano nga bang mayroon sa alak upang masiyahan ito ba'y sagisag na ng lubusang kaligayahan di ba't sa mga piging lang ito dapat magsulputan at di batayan upang lumigaya ka sa lipunan sige, tumagay pa, sa kabila ng mga halakhak upang makalimot habang gumagapang ka sa lusak sana'y kwentuhan at tawanan lang ang dulot ng alak at walang gulong mangyayari nang walang mapahamak - gregbituinjr.

DOLE, magsilbi sa manggagawa, di sa kapitalista!

Imahe
panawagan ng manggagawa sa DOLE'y kaybangis sapagkat manggagawa'y sagad na sa pagtitiis mga karapatan nila'y lagi nang tinitikis turing sa kanila'y makina't sila'y tinitiris mensahe ng obrero sa DOLE sa rali nila: "aba'y DOLE, ikaw ang sa manggagawa'y ahensya obrero'y pagsilbihan mo, di ang kapitalista kaming mga obrero'y iyong bigyang importansya" sa tawag ng kapitalista, kaybilis ng DOLE bibigyang importansya ang anumang insidente pag sa kapitalista, DOLE'y kaybilis magsilbi marahil, dahil kapitalista'y may pera kasi aba'y DOLE, di ba't kawanihan ka ng paggawa kaya magsilbi ka naman sa mga manggagawa huwag mong hayaang ang obrero'y kinakawawa dapat kang buwagin kung sa iyo'y walang mapala - gregbituinjr. * Nilikha ng makata sa rali ng PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa) sa harapan ng DOLE sa Intramuros, Maynila, Oktubre 22, 2019. Ang mga litrato'y kuha ng may-...

Naglalakad man ng malayo upang makakilos

naglalakad man ng malayo upang makakilos ay inoorganisa pa rin ang binubusabos upang manindigan sa isyu, prinsipyo'y matalos at ihanda ang api sa mahabang pagtutuos sa isyung pangkalusugan, tumigil nang magyosi tuwing umaga'y kontento na sa pakape-kape alagaan ang katawan na handa pang magsilbi tiyakin ang seguridad at huwag magpagabi bilin nila, sa sabi-sabi'y huwag maniwala baka masadlak sa kumunoy ng mga akala magsuri ng sitwasyon, bakit may tamang hinala baka guniguni'y umani ng bangungot, luha kilo-kilometro man ang lakarin, di susuko pakaway-kaway man ang dilag, tukso'y nanduduro malupit man ang kaaway, di papayag maglaho kikilos pa rin kung may naapi saan mang dako - gregbituinjr.

Pagpapakatao'y di uso sa kapitalismo

sintigas ng panga ng tigre ang kanilang mukha na tingin lagi sa manggagawa't dukha'y kaybaba na walang dignidad ang pagkatao, hampaslupa na laging mabibiling mura ang lakas-paggawa kinikita lang ang mahalaga sa mga ito may laksa-laksang tubo at pag-aaring pribado mawasak man ang kalikasan, may gintong matamo animo'y mga bato ang puso sa kapwa tao turing sa manggagawa'y di tao kundi makina kontraktwal o regular ay gastos lang sa kumpanya ganyan mag-isip ang negosyante't kapitalista tanging tutubuin ang sa kanila'y mahalaga tao pa rin ba ang ganyang mga uri ng tao di mahalaga ang pagkatao kundi negosyo ganyan umiiral ang lipunang kapitalismo pera ang umiikot, nagsasalita sa iyo pagpapakatao'y di uso sa sistemang bulok naghahari ay pera lang hanggang doon sa tuktok kinikilala'y ginto't salapi ng utak-bugok kaya sa lipunang kapitalismo, masa'y lugmok - gregbituinjr.

Mga Pintig ng Diwa

MGA PINTIG NG DIWA lumalabis ba ako sa aking pagmamahal sa mundo at sa iyo ako’y tila ba hangal ako ba’y nagkukulang sa tamis ng pag-ibig puno’t mga halaman ay kulang ba sa dilig pumipintig ang puso sa buong katauhan tumitibok ang mundo pati na kalikasan kayraming lumilipad ibon sa papawirin kayraming mga tamad katuga sa paningin itapon ang basura sa wastong basurahan mahalin ang kasama sa pamilya’t tahanan halina’t makialam suriin ang paligid pag itinayo ang dam buhay nati’t tagilid huwag tayong mahihiya kung tayo’y nagprotesta pagkat ginawa’y tama: ipagtanggol ang masa ibulong mo sa akin kung anong nasa isip akin iyang diringgin kahit sa panaginip - gregbituinjr. * unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Oktubre 2019, pahina 20

Sige pa, pumatay kayong mga halimaw kayo

sige pa, pumatay kayong mga halimaw kayo sige pa, mga inosenteng bata'y paslangin n'yo sige pa, mamaril kayong masangsang na berdugo sige pa, sundin ang atas ng baliw n'yong pangulo nangangamoy dugo ang mga berdugong maysala na krimen sa lipunan ay sadyang kasumpa-sumpa sige pa, sa inyo, mga nanay ay tuwang-tuwa ngunit ang totoo, sila'y galit at lumuluha sige, ipakita n'yo ang krimeng karumal-dumal kayong nasa kapangyarihan ang dapat isakdal sige, ipakita ny'ong buhay nila'y pinipigtal kayong mga nasa poder ang totoong kriminal sige pa, dugo pa ng inosente'y palutangin sige, mga walang sala'y walang prosesong kitlin sige pa, ang karapatang pantao pa'y paslangin balang araw, mananagot kayo sa bayan natin - gregbituinjr. * kinatha sa ikalawang araw ng palihan hinggil sa karapatang pantao, Oktubre 19, 2019

Masangsang ang amoy ng mga berdugo

marami na silang pinaslang na batang inosente collateral damage lang kung ituring ang nangyari bata ba'y nagdodroga, nagbebenta, bumibili? bakit mga bata'y nadadamay sa insidente peke ang gerang itong walang alam na solusyon kundi pumatay ng walang proseso, nilalamon na sila ng sistemang sila rin ay nagugumon gawang di sibilisado't wala na sa panahon bakit ba kung sumentensya sila'y napakabilis para lang silang lumalapa ng asong may galis kung may sala ay daanin sa wastong paglilitis huwag bariling animo'y tumitiris ng ipis amoy ng mga berdugo'y ito'y sadyang masangsang nakakasuka ang pamahalaang mapanlinlang wala silang karapatang basta na lang pumaslang tandaang karapatang pantao'y dapat igalang - gregbituinjr. * kinatha sa ikalawang araw ng palihan hinggil sa karapatang pantao, Oktubre 19, 2019

Halina't tumula't umawit para sa karapatang pantao

manggagawang pangkultura, tayo'y mag-usap-usap upang gisingin ang pamahalaang mapagpanggap dahil korporasyon ang lagi nilang sinisinghap kinakaligtaan ang mamamayang naghihirap halina't ating isulat ang buhay ng dalita lalo't biktima ng tokhang at inang lumuluha bakit karapatang pantao'y binabalewala bakit walang proseso't binaril ang walang sala ginawang panonokhang ay sadyang nakagagalit dahil wala pang sala'y binaril ng malulupit halina't kwento nila'y ating isulat, iawit at ipalaganap sa madlang takot pa at gipit masa'y gisingin mula sa takot at pagkahimbing kultura ng dahas ay tapusin, gamitin ang sining itula't awitin ang danas sa kamay ng praning na pamahalaang wala nang puso ni katiting - gregbituinjr. * kinatha sa palihan hinggil sa karapatang pantao, Oktubre 18, 2019 

Gisingin ng sining ang bayang himbing

gumagapang ang sining sa himaymay ng kalamnan upang sariwain ang mga kwento't karanasan katas ng pakikibaka'y nasa puso't isipan na inaadhika ang paglaya ng uri't bayan mula sa pagsasamantala ng tuso't gahaman gagamitin ang sining upang bayan ay magising didilat sila mula sa matinding pagkahimbing aawitan ng mga tinig na tumataginting tutulain ang talinghaga ng walang kasiping babakahin yaong bundat na laging nagpipiging itong sining ang instrumento ng pakikibaka adhikain ay ipalalaganap sa tuwina prinsipyo't layunin ay itataguyod sa masa tutula, dudula, aawit, mag-oorganisa ililinaw sa madla ang mga isyu't problema halina't likhain na ang sining para sa madla mapagpalayang sining para sa nagdaralita rebolusyonaryong sining ng uring manggagawa halina't kathain ang sining na mapagpalaya upang mabago ang lipunang bulok at kuhila - gregbituinjr.

Naaalala kita sa sandaling pagkalugmok

naaalala kita sa sandaling pagkalugmok dahil naninibasib pa rin ang sistemang bulok at amoy-asupre pa rin ang namumunong bugok habang hiyaw ng hustisya sa puso'y kumakatok habang naaalala ka sa kabila ng antok bugbog man ang aking katawan sa laksang pagkilos sinusuri ang kalagayan at pambubusabos ng sistemang kaysaya pag maraming dukha't kapos sa pagpapasiya'y huwag tayong padalus-dalos habang nasa diwa'y sistemang bulok ay matapos halina't ibagsak pa rin ang bulok na sistema at pag-usapan muli ito pag tayo'y nagkita halina't kumilos laban sa mapagsamantala obrero'y organisahin tungong pagkakaisa hanggang sa magtagumpay tayo, O, aking kasama! - gregbituinjr.

Tula laban sa proyektong Kaliwa Dam

Imahe
nagmamarka ang bangis ng mga nagkakanulo upang katutubo'y itaboy sa lupang ninuno upang proyektong Kaliwa Dam ay mabigyang-daan upang magkaroon ng tubig ang Kamaynilaan kahit na lulubog ang maraming nayon at bayan proyektong Kaliwa Dam ay paano masusugpo upang di mawasak ang tahanan ng katutubo pigilan ang proyektong dahilan ng kasiraan ng kalikasan, kapaligiran, at kalinangan lupang ninuno'y kultura, buhay, dangal, tahanan proyektong Kaliwa Dam dapat tuluyang maglaho upang mga katutubo'y di siyang mabalaho ang katutubo'y ating kapatid, may karangalan kapatid ay di dapat pinagsasamantalahan ng sinumang ganid at mayayaman sa lipunan huwag nating hayaang tayo'y dinuduro-duro ng mga taong mapagpanggap at mapagkanulo di na dapat matuloy ang proyektong Kaliwa Dam sa isyung ito'y makibaka tayo't makialam upang mga sunod na salinlahi'y di magdamdam - gregbituinjr. * nilikha ng makata at binasa sa rali sa harap ...

Pagtitig sa kisame

sa kisame kadalasan ay nakatitig man din nakatingala, nagmumuni, anong kakathain di tutunganga sa papel pag walang sasabihin basta may isyu'y di mawawalan ng susulatin luminga-linga ka, makinig, ang mata'y imulat ano kayang mga lihim ang iyong mabubuklat sa iyong mga nasagap na pangyayari't ulat? may parang tae kayang sa mukha mo'y sasambulat? maraming dapat isiwalat na isyung pambayan baho ng pulitiko, korupsyon, katiwalian sinu-sino ba ang mapagsamantalang iilan? at sino naman ang nabubuhay sa karukhaan? dahil ba sa negosyo'y walang pagpapakatao? dignidad ba ng kapwa'y tinatapatan ng presyo? nakatitig sa kisame't napapailing ako mga iyon ba'y isusulat sa papel na ito? - gregbituinjr.

Kinakatha kita sa panahong di matingkala

kinakatha kita sa panahong di matingkala nasa puso kita't diwa, O, aking minumutya ano bang pinagkaisahan natin at adhika upang magpasyang magsama sa gawaing dakila kinakatha kita bilang amasonang huwaran maalindog, matapang, kayumangging kaligatan sa pusong ito'y kapilas ka't di basta maiwan sa tuwina'y magkasangga sa anumang larangan kapwa kita tibak, may lasa pa ba ang pag-ibig? gaano kaya katamis ang ating pagniniig? umawit ka, diwatang mutya't ako'y makikinig nahahalina ako sa anong ganda mong tinig sadyang kayganda ng adhika mo para sa masa kaya sinasamahan kita sa pakikibaka ikaw lamang ang aking natatanging amasona na dito sa puso't diwa ko'y aking sinisinta - gregbituinjr.

Parang tinatakpan ng kung sino ang aking mukha

parang tinatakpan ng kung sino ang aking mukha tila siya'y nakangiti upang di mahalata nagbabalik ba ang tortyurer sa aking gunita dibdib na'y nagsisikip, di makahinga, tulala ito ba'y palatandaan ng anumang parating kaya di ko na magawa ang maghanda ng piging baka dapat paghandaan ang parating na libing ng kung sinong di ko alam ngunit siya'y magaling isa ba akong makata, tanong ni Kamatayan habang maso'y aking hawak, karit ang kanyang tangan naghahanda ba kami sa matinding sagupaan sinong magtatagumpay sa parating na labanan tutunggaliin natin anumang pambubusabos upang karapatang pantao'y di basta mabastos dapat nating paghandaan ang parating na unos at baka makaligtas sa kanilang pang-uulos - gregbituinjr.

Kami'y aktibista

Kami'y aktibista, naglilingkod sa uri't bayan Aktibistang marangal, may prinsipyo, lumalaban Magiting sa harap ng pagsubok, naninindigan Iniisip lagi'y kagalingan ng sambayanan Yamang wala kaming mga pag-aaring pribado At naniniwalang dapat pantay lahat ng tao Kumikinang na ginto'y walang halaga sa mundo Tanging mahalaga'y maglingkod, pagpapakatao Iorganisa natin ang hukbong mapagpalaya Bulok na sistema'y ibasura ng manggagawa Igiit nating dapat kalagin ang tanikala Sosyalismo'y itayo, kapitalismo'y isumpa Tibak kaming nais palitan ang sistemang bulok At ilagay na ang dukha't manggagawa sa tuktok - gregbituinjr.

Ang pagtula ko sa rali'y alay sa uri't bayan

ang pagtula ko sa rali'y alay sa uri't bayan kung may mag-iimbita, agad kong pauunlakan kaya aaralin ang isyu't pagtingin ng tanan mga isyu't tindig ay itutula sa lansangan ipakikitang naaapi'y kakasa sa laban kaya bukas akong anyayahan upang tumula sa iba't ibang pagkilos ng manggagawa't dukha anumang isyu, tubig, kuryente, sweldong kaybaba karapatang pantao, tokhang, utang, klima, baha pagsasamantala sa masa ng trapong kuhila pagtula na ang isa sa niyakap kong tungkulin susuriin ang sistemang ating kakabakahin kakatha, titindig, sa bawat isyung kaharapin kabulukan ng sistema'y ating tutuligsain bawat tula'y may tindig, sa lansangan bibigkasin sa bawat tula, nais kong bigyang-sigla ang masa upang magmulat, magpakilos sa isyu't problema upang labanan ang sistemang mapagsamantala anyayahan nyo ako sa bawat raling ikasa at asahan nyong di kayo bibiguin, kasama - gregbituinjr.

Magastos magkasakit kaya bawal magkasakit

Mahal magkasakit, subalit mura magpalibing... Kaya sa dalawa, ano ba ang wastong piliin? Yaong pangmayaman, o pangmahirap na gastusin? Mahal magkasakit kaya dapat kang magpagaling! Depende, kung ano bang kaya nitong bulsang butas Ang bumili ng mamahaling bitamina't ubas Habang dukha'y bibili lang ng mumurahing prutas At kakain ng tuyo't gulay upang magpalakas. Mahal magkasakit dahil mahal magpaospital Gamot sana ang mga kwentuhan, kape't pandesal Kumain ng hapunan, tanghalian at almusal Dahan-dahan lang nang di mabulunan at humingal. Magastos magkasakit kaya bawal magkasakit! Kaya ito ngayon ang ating sinasambit-sambit Halina't maayos na kalusugan ay igiit Upang iwing buhay, di agad mapunta sa bingit. - gregbituinjr.

Pagguho ng bundok ng mga pangarap

Kayrami nang gumuhong bundok ng mga pangarap Nang manalasa ang tokhang ng mga mapagpanggap Walang anumang proseso, di man lang kinausap Kahit bata'y kanilang binaril nang walang kurap! Nilapa ng leyon ang mga inosenteng tupa Ang pagkatao'y niluray ng pangil ng buwaya Lason nga nila'y sintindi ng kamandag ng kobra Kapara nila'y aswang na sumila sa biktima! Maraming mailalarawan sa mga berdugo Hayop na nananagpang ngunit sila'y tao! Tao! Nasaan ang pagkatao ng mga taong ito? Mamamaslang na lang kahit walang sala o kaso! Gumuhong bundok ang pangarap nitong mga paslit Ang pagkamatay nila'y di tadhanang iginuhit Kundi dulot ng bulok na sistemang anong lupit Nangyari sa mga musmos ay nakapagngangalit! Tiyak may magagandang pangarap ang mga bata Ngunit wala na iyon, pangarap nila'y sinira! Pagkat pinagpuputol na ng mga walang awa, Ng mga berdugong anyong tao't pawang kuhila! - gregbituinjr.

Sa iyo, Ka Pedring, taas-kamaong pagpupugay!

Siya'y anong talas mag-isip, di nagpapakahon Inalam ang samutsaring isyung napapanahon At sinuri ang lipunang kinasadlakan noon Nais niyang sa hirap, maralita'y makaahon Lider-maralitang magiting, Ka Pedring Fadrigon Matagal nang kasama sa maraming tunggalian Sa palengke, sa barangay, o sa komunidad man Inaayos ang gusot, ang mali'y nilalabanan Inalay ang panahon at buhay sa uri't bayan Kasamang tunay sa pakikibaka sa lansangan Sadyang mahusay na ama sa kanyang mga kawan Si Ka Pedring ay magaling na lider-maralita Nirerespesto ang diwa niyang mapagpalaya Kumikilos, nakikibaka, di basta ngangawa Sa anumang problema'y nagsusuri, naghahanda Nang maigpawan ang anumang dumatal na sigwa Sa iyo, Ka Pedring, taas-kamaong pagpupugay! Para sa amin, ang iyong diwa'y di mamamatay Sa puso't isip nami'y mananatili kang buhay Maraming salamat sa panahon mong inialay Maraming salamat sa mga gabay mo't patnubay Ang sig...

Sa pagtawid ng Beatles

Imahe
Dapat tumawid sa tamang pedestrian Wastong mensahe ng kanilang larawan Mabuhay ang Beatles sa pag-aawitan May henerasyong buo ang kasiyahan - tulanigregbituinjr.

Ang Taliba ng KPML

ANG TALIBA NG KPML pahayagang Taliba babasahin ng masa nilalabanan nila ang bulok na sistema isyu't mga balita hinggil sa maralita ito'y nilalathala para sa kapwa dukha balitang demolisyon ulat sa relokasyon dukha'y ibinabangon upang mag-rebolusyon kapwa maralita ko itaguyod ang dyaryo Taliba'y kakampi nyo sa samutsaring isyu! ilathala ang tindig tayo'y magkapitbisig mapang-api'y mausig at sila na'y malupig dyaryong nanghihikayat na tayo'y magsiwalat mahirap ay imulat laban sa tusong bundat halina't suportahan ang ating pahayagan na adhikaing laman: baguhin ang lipunan! - gregbituinjr. * nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Oktubre 1-15, 2019, p. 20

Halina't ating itaas ang kaliwang kamao!

Halina't ating itaas ang kaliwang kamao! Habang inaalala ang niyakap na prinsipyo Habang ninanamnam ang pangarap na sosyalismo Habang inoorganisa ang maraming obrero Habang inaawit yaong 'Lipunang Makatao' Kaliwang kamao'y sabay-sabay nating itaas! Habang unyon ng manggagawa'y nagsisipag-aklas Habang nasa diwa'y inosenteng batang inutas Habang tinotokhang ng walang proseso ang batas Habang problema ng bansa'y paano nilulutas Halina't kaliwang kamao'y itaas na natin! Habang hinahanap ang lamok na dapat purgahin Habang yema'y iniisip paano babalutin Habang libag sa singit ay paano hihiludin Habang butas na medyas ay paano susulsihin Kuyom ang kamaong itaas natin ang kaliwa! Habang inoorganisa ang uring manggagawa Habang magbubukid ay nag-aararo ng lupa Habang sinusuri paano aalpasan ang sigwa Habang binabagsak ang sistemang kasumpa-sumpa - gregbituinjr.

Butas na ang bulsa, butas din ang suot na medyas

Butas na ang bulsa, butas din ang suot na medyas Di na mawari ang kalagayan sa Pilipinas Sa lansangan ay kayraming inosenteng inutas Habang ina'y lumuluha sa mapait na danas Butas na nga ang medyas, aba'y butas din ang bulsa Gaano man magsikap, buhay pa ri'y nasa dusa Sweldo'y kaybaba, lakas-paggawa'y binabarat pa Habang may natutuwang may tokhang, itinutumba May mahilig mangulangot, pinapahid sa pader Habang tulala sa ginagawa ng nasa poder Kayraming gago, tiwali, gahaman, ala-Hitler Ganyan na sa bayan ko, karapata'y minamarder Butas na medyas ba'y pagtitiyagaang tahiin? O palitan na lang ito't bagong medyas ay bilhin? Lugmok na bayan ko'y paano ba pababangunin? Kung malalim ang baha'y paano patatawirin? - gregbituinjr.

Aanhin pa raw ang damo kung patay na ang adik

Aanhin pa raw ang damo kung patay na ang adik Nakahandusay sa daan, ang mata'y pinatirik Ginawang krimen ay hinuhugasan lang sa putik Mga tinuring na salot ay pinaslang ng lintik Gutom ba sa damo ang mga adik na pinaslang? At ang bituka ba ng mga tulad nila'y halang? Kinunsinti ba sila ng pamilya't hinayaan? Upang makadama pa rin ng pag-ibig ang hunghang? Laging bangag araw at gabi, ano bang problema? Ang tulad ba nila'y tamang patayin na lang basta? Na karapatang pantao'y binabalewala na? Ganitong pagtokhang sa masa'y bakit nanalasa? Oo, tokhang ay maling prosesong dapat pigilin! Tokhang ay salot tulad ng adik sa bayan natin! - gregbituinjr.

Awiting pampamanhid

Imahe
Oktubre pa lang ngunit pinatutugtog na naman Ang mga pampamanhid sa kaluluwa ng tanan Malapit na raw kasi ang araw ng kapaskuhan Di pa man nag-uundas, tayo raw ay magbigayan Habang may pagsasamantala pa rin sa lipunan! Awiting pampamanhid upang mapukaw ang masa Upang problema'y makalimutang pansamantala Upang makahiram ng pansamantalang ligaya Paalalang mag-ipon ng pangregalo sa sinta Awitin ng komersyalismo upang makabenta Kahit kapakuhan, may pagsasamantala pa rin Pampamanhid lamang ang panahong iyon sa atin Ang pribadong pag-aaring sanhi ng hirap natin Ay nariyan pa't obrero't dukha'y mahirap pa rin Sanhi ng hirap na ito'y dapat nating wasakin Pag kapaskuhan, tigil-putukan ang lupa't tuktok Matapos ang pasko'y banatan na naman sa bundok Di pa rin malutas ang sanhi ng dusa't himutok Hangga't may pribadong pag-aaring sanhi ng lugmok Ang pribadong pag-aaring sinasamba ng ugok! Oktubre pa lang, awiting pampamanhid na'y hati...

Wala na ang amasonang pinangarap ko noon

tinumbok ko ang hamon ng isang malditang manhid siya'y kasamang nakilala sa malayong bukid na salita'y kaya niyang ipaglubid-lubid isang kasama, dilag na tinuring kong kapatid tulad ko, isa rin siyang aktibistang Spartan na sinanay upang depensahan ang uri't bayan ang amasonang pinangarap kong maging katipan siya'y manhid, hanggang ako'y mag-asawang tuluyan nasa malayo na siya't kinalimutan ko na ano't nais niyang sa akin na'y makipagkita may asawa na ako, siya'y matandang dalaga tanging nasabi ko sa kanya, wala na bang iba noon, siya ang amasonang aking pinangarap na makasama habambuhay sa dusa at hirap ngayon, may asawa na ako't kinasal nang ganap at aking tinanggap ang buhay na aandap-andap wala na ang amasonang pinangarap ko noon pagkat bagong amasona ang kasama ko ngayon magkasamang babaguhin ang lipunang nilamon ng kapitalistang sistemang dapat nang ibaon - gregbituinjr.

Pagninilay sa alon

dapat akong magsipag upang umayon ang lahat bakasakaling malutas ang problemang kaybigat kumikilapsaw man sa diwa ang tabsing sa dagat babayuhin pa rin ang pinipig nang walang puknat dapat din akong mag-ingat sa pagsabay sa alon bakasakaling makuha ko sa patalon-talon sa pagharap sa buhay, dapat maging mahinahon maiksi man ang kumot o maiksi ang pantalon natutong lumaban sa mabangis na kalunsuran natutong ipaglaban ang pantaong karapatan nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman balak ay kalusin ang mapang-api sa lipunan dapat nang organisahin ang inaaping masa habang isinasapuso ang panawagan nila: "Sobra na! Tama na! Ibagsak na ang diktadura!" "Palitan na ang mapang-api't bulok na sistema!" - gregbituinjr.

Tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan

Imahe
tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan ang mahalaga, araw mo'y pinahahalagahan sintigas man ng bato ang mukhang walang anuman sa pisngi'y sintapang man ng apog ang kakapalan araw iyon ng pagdiriwang, dapat masiyahan handa man sa kaarawan ay tuyo at kamatis mahalaga'y kumakain ka ng di pa napanis di baleng walang litson, kaya pa namang magtiis pag may dumalaw na lamok, dapat iyong mapalis pag may lisa sa anit, aba'y dapat mong matiris sa kaarawan man ang handa'y kamatis at tuyo ang mahalaga, pagmamahal mo'y di naglalaho tulad ng lawin ay tumingin sa lahat ng dako baka matanaw mong kayraming pangakong napako lalo na sa mahal mong dilag na iyong sinuyo - gregbituinjr.

Matatanggap mo ba ang tulad kong tibak?

Imahe
Kaiba ako, tulad ko ba'y matatanggap mo rin? Aktibista akong may prinsipyadong simulain Na babaguhin ang sistemang dapat lang kalusin Na lipunang makatao'y itayo't palawakin Aba'y ayoko sa sistemang mapagsamantala Na kayliit ng pagtingin sa manggagawa't masa Ayoko sa mapang-aping burgesya't elitista Na di maipagmalaki ang manggagawa nila Tanong: Kaya mo bang tanggapin ang tulad kong tibak? Na kumikilos kaharap man ay kanyon at tabak Na nag-oorganisa pa rin kahit nakayapak Na masa'y dedepensahan gumapang man sa lusak Ang tulad kong aktibista'y iyo bang matatanggap Na makataong lipunan ang hinabing pangarap Na lalabanan ang mga tiwali't mapagpanggap Na kaisa ng uring manggagawa't mahihirap Tanggapin mo ang tulad kong tibak, iba man ako Na tingin ng marami sa bayan ay nanggugulo Gayong kami'y naritong may marangal na prinsipyo Upang pagsasamantala'y mawala na sa mundo - gregbituinjr.

Sigaw ng mga hayop: "Mga Tao kayo!"

SIGAW NG MGA HAYOP: "MGA TAO KAYO!" nag-usap ang iba't ibang uring hayop sa pulong sa pagkasira ng kalikasan, kayraming sumbong: sabi ng isa: " Di ba dapat progreso'y pasulong?" tanong pa: "Bakit nangyayari sa mundo'y paurong?" anila: "Matatalinong tao'y nahan ang dunong?" kaya kinausap ng mga hayop itong Tao: "Kayong tao'y mga nilalang na matatalino. Nasa inyo ang tungkuling alagaan ang mundo. Bakit n'yo winawasak ang daigdig nating ito? Ginawang basurahan. Tapon doon, tapon dito!" "Kinakain ng mga ibon ang inyong kinalat. Kinakain ng mga isda ang plastik sa dagat. Namatay yaong balyenang sa basura nabundat. Sinisira n'yo pati na tahanan naming gubat. Kung makapagmura kayong 'Hayop!', nagdudumilat!" "Aba'y nananahimik kaming mga hayop dito. Pag kayo'y nag-away, sigaw n'yo: 'Mga hayop kayo!' Pag sinisisi ang kapwa n'yo: 'Mga hayop kayo!...

Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila

Imahe
Ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila ako'y bahagi ng Generation X, sabi nila zodiac sign ay unggoy, horoscope naman ay Libra isinilang ng Miyerkules, at leap year din pala kamatayan ni Marcel Duchamp, magaling magpinta pinaslang din ang mga estudyanteng nagprotesta kasabay kong isinilang ay marami rin naman na tulad ko'y nagsikap din sa kanilang larangan si Angelo Arvisu na kaklase ko sa Letran si Benjie Paras, artista't sikat sa basketbulan mayroon ding kasabay mula ibang bansa naman isa'y si Glen Wesley, coach sa Boston at Carolina pati ang Czech tennis player na si Jana Novotna si Mark Crear, Olympic athlete na mula California si Jeff Martin na mang-aawit mula sa Canada at si Victoria Derbyshire ng radyo sa Britanya nawa tulad nila'y makamit ko rin ang tagumpay kaya pinagsisikapan ko bawat pagninilay upang makalikha ng mga tulat't akdang alay sa sambayanang ninanasa'y pag-asa at buhay ika nga, an...

Pagtingala sa kisame

lagi na lang akong nakatingala sa kisame tila binabasa roon ang anumang mensahe tila pinanood din ang samutsaring insidente upang makatha ko ang iba't ibang anyo't siste ang kisame'y binubuo ng may pinturang tabla may ilaw sa gabi, patay ang ilaw sa umaga gumagapang na butiki'y tila ba nagtataka baka umano siya'y aking pinanonood na minsan, minsan lang naman, sa kisame'y may hiwaga maraming mangangathang sa kanya'y nakatingala naghahanap ba sila ng anumang himala o naghahagilap ng kataka-takang kataga dapat kathain ang maitutulong sa lipunan upang mapaginhawa ang buhay ng mamamayan pagtingala sa kisame'y isang palatandaan ng palaisip, ng kaisipan, ng kabaliwan - gregbituinjr.

Tula sa katuga

sasakit din ang tiyan niyang buwitreng katuga na bisyo'y kumain, lumamon, matulog, gumala sadya bang tamad ang katuga (kain, tulog, gala) di man lang tumulong sa nanay na kaawa-awa marami nang dusa't sakripisyo ang kanyang nanay upang mapalaki't mapag-aral lang siyang tunay ngunit anong ginagawa niya, magpahingalay araw-gabing kain, tulog, gala, lagi nang tambay masaya na kaya siyang tawaging palamunin na walang maitulong sa kanyang inang sakitin sa tulad niya, gobyerno ba'y anong tamang gawin upang di siya maging katuga't pulubing kanin kung ikaw ang tinamaan ng pasaring na ito pasensya dahil nais lang naman kitang matuto sana'y magising ka na't tulungan mo ang nanay mo bago pa man mahal mong ina'y mawala sa mundo - gregbituinjr.