Sa pagkatha ng tula

aba'y kaya pa bang gumawa ng isa pang tula
upang ipahayag ang nasasaloob kong nasa
anong nakakulapol sa puso't inaadhika
upang madama namang ang makata'y pinagpala

bakit ganito't sa daigdig ay paikot-ikot
nahahihilo na sa naglipanang mapag-imbot
bakit sa pamahalaan ay kayraming kurakot
pag nabisto sa kasalanan ay nakalulusot

ginagawan ko ng tula ang samutsaring ulat
kung anong makita'y nagsusuri, nagmumulat
kung anong mali, nagmumura at nanggugulat
ang anumang poot ay sa tula sumasambulat

bawat tula'y parang pintong ang makata'y kakatok
nang basahin ng madla ang sa tula'y tinatampok
hiyaw ng makata'y palitan ang sistemang bulok
subukang uring manggagawa'y ilagay sa tuktok

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol