Mabuhay ang HUKBALAHAP! M abuhay ang Huk o Hukbong Bayan Laban sa Hapon A t kumilos upang palayain ang bayan noon B uhay ay inalay n'yo upang tuparin ang misyon U pang lumaya sa dayo ang inyong henerasyon H ukbo kayong dapat lang pagpugayan hanggang ngayon A ng kasaysayan ninyo'y dapat mabasa ng lahat Y inakap ninyong prinsipyo'y dapat laguming tapat A ral ng pakikibaka'y dapat makapagmulat N ang henerasyon ngayon ay malaman itong sukat G inawa ninyo't sakripisyo'y dapat lang isulat H ukbalahap, mabuhay ang obrero't magsasaka U gnayan n'yo sa masa'y tapat na pakikibaka K alayaan ang puntirya, masa'y inorganisa B urgesya't elitista'y kinalaban ding talaga A ng kasaysayan at saysay ninyo'y dapat mabasa L abis na pinasasalamatan sa pagsisikap A t pagkilos upang tuparin ang mga pangarap H ukbong bayang inalay ang buhay kahit maghirap A ng inyong ginawa'y pinasasalamatang ganap P agpupugay sa mga kasapi ng Huk
nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo tila di nila malaman kung saan itatago ang tuyong natuka, baka maagaw pa't maglaho minsan ko lang kasi silang mapakain ng tuyo nakakatuwang pagmasdan ang kanilang takbuhan nagsawa ba sa patuka ang inaalagaan? o ispesyal ang tuyong nais nilang malasahan? na natira ko lamang nang kanina'y mag-agahan inulam ko'y tuyo, di kinain ang buong ulo hinaluan ko ng tutong ang patukang bigay ko patukang may kanin ay kinain ng mga ito ngunit di na pinansin nang sa tuyo'y magkagulo ang buhay ng sisiw ay nasusubaybayan na rin mula itlog pa sila't nilimliman ng inahin hanggang maging sisiw sila't bigyan ng tutukain at panoorin lang sila'y may bagong tutulain - gregbituinjr.
ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PAGKAIN Maikling saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Sinasabi nilang dalawa lang umano ang dahilan o sitwasyon kung bakit ka pakakainin ng gobyerno - sa panahon ng digmaan o sa panahon ng kalamidad. Kung wala isa man sa mga ito, kumilos ka o magtrabaho upang makakain. Ang panahon ngayon ay pumapatak sa dalawa - digmaan laban sa COVID-19, at kalamidad dahil hindi na makapagtrabaho ang tao dahil sa ipinatutupad na community quaran-tine, kung saan pinapayuhan ang mga tao, upang hindi mahawa ng sakit, na huwag lumabas ng bahay. Ang karapatan sa pagkain ang isa sa limang karapatang nakasaad sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights o ICESCR. Ang apat na iba pa ay ang pabahay, kalusugan, trabaho, at edukasyon. Ang karapatang ito'y nakasulat din sa dokumentong The Right to Adequate Food, OHCHR Fact Sheet No. 34, OHCHR/FAO (2010). Ang OHCHR ay Office of the High Commissioner on Human Rights ng United Nations.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento