Nawalan ng trabaho, pinalayas sa tirahan

Nawalan ng trabaho, pinalayas sa tirahan

O, kayraming manggagawang nawalan ng tirahan
sapagkat sila'y pinalayas sa inuupahan
dahil sa pandemya'y nagsara ang pinapasukan
nawalan na ng trabaho ang obrerong sahuran

nawalan ng pambayad sa kaserang negosyante
kaya pinalayas na sila't di na mapakali
tapos na ang pagtitig sa maagiw na kisame
at naging bubong na nila'y kalangitan sa gabi

kaysakit na pangyayari sa panahong pandemya
walang trabaho't nagsarahan ang mga pabrika
laksa ang apektado nang pandemya'y manalasa
kalunos-lunos na sitwasyong nagsadlak sa dusa

mga manggagawang ito'y dapat alalahanin
tagapalikha upang ekonomya'y payabungin
sa kalsada na tumira, sila'y pagkaisahin
upang malutas ang kaharap nilang suliranin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo