Pagninilay

PAGNINILAY

nakatitig muli sa kawalan
at pulos pagninilay na naman
sana'y di mapunta sa kangkungan
ang ginagawa para sa bayan

patuloy na itinataguyod
ang pangarap ng mananaludtod
isang lipunang kalugod-lugod
para sa dalita't kumakayod

tunay na lipunang makatao
na iginagalang ang proseso
walang pagpaslang doon o dito
karapatan ay nirerespeto

mayroong panlipunang hustisya
sa lahat ng namatayang ina
yaong maysala'y makulong sana
para sa kapakanan ng masa

sa mga nagtatanim ng palay,
puno, bakawan, o kaya'y gulay
tamang subsidyo yaong ibigay
upang may dignidad na mabuhay

lipunang makatao'y itayo
at karahasan ay mapaglaho
paggagalangan ang tinutungo
kaya prinsipyo'y di isusuko

- gregoriovbituinjr.
02.18.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain