Mga tula sa Unang Daigdigang Digmaan

MGA TULA SA UNANG DAIGDIGANG DIGMAAN 
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang digmaan, madugo. Kaya ang ilarawan ito ng mga nakaranas mismo ng digmaan, lalo na sa anyong patula o pampanitikan, ay kahanga-hanga, lalo't batid mong sinulat nila iyon habang sila'y nakikipaglaban, tangan ang kanilang baril, nakikipagpalitan ng putok.

Kaya ang dalawang aklat ng tula na nasa akin ay pambihira. Dahil bihira tayong makakita ng mga aklat ng tula hinggil sa Unang Daigdigang Digmaan (hindi  Digmaang Pandaigdig, na ilang beses ko nang sinabing mali ang pagkakasalin). Ang tinutukoy kong mga libro'y ito: Poems of the Great War 1914-1918, may sukat na 4" x 5 1/2", at may 160 pahina, kasama ang 12 pahinang Roman numerals, at inilathala ng Penguin Books noong 1998. Nabili ko ito sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018 sa halagang P60.00. Ang isa pa'y ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew, ni Max Egremont, may sukat na 5 5/8" x 8 5/8", at may 456 pahina, kasama ang 16 na pahinang Roman numerals, at inilathala ng Farrar, Straus and Goroux sa New York noong 2014, at nabili ko naman sa BookSale sa Shopwise branch sa Cubao noong Disyembre 24, 2020, sa halagang P240.00.

Sa Poems of the Great War 1914-1918 ay may dalawampu't isang makata, at 81 tula. Ito'y sina, at ang bilang ng kanilang tula: Richard Aldington - 2; Edmund Blunden - 8; Rupert Brooke - 1; F. S. Flint - 1; Ford Madox Ford - 1; Robert Graves - 1; Ivor Gurney - 10; Thomas Hardy - 1; John McCrae - 1; Frederic Manning - 1; Charlotte Mew - 1; Alice Meynell - 1; Wilfred Owen - 20; Margaret Postgate Cole - 1; Herbert Read - 1; Edgell Rickword - 1; Isaac Rosenberg - 3; Siegfred Sassoon - 17; Charles Hamilton Sorley - 2; Edward Thomas - 6; at May Wedderburn Cannan - 1.

Ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew ay may labing-isang makata, at may 73 tula. Ang mga makatang ito at ang bilang ng kanilang tula sa aklat ay sina: Edmund Blunden - 2; Rupert Brooke - 4; Robert Graves - 1; Julian Grenfell - 2; Ivor Gurney - 11; Robert Nichols - 4; Wilfred Owen - 11; Isaac Rosenberg - 11; Siegfred Sassoon - 9; Charles Sorley - 4; at Thomas Hardy - 14. Ang mga tula rito'y hinati sa panahon o taon ng pagkakasulat, at may mga sanaysay o kwento hinggil sa tula at pangyayari: 1914 - may pitong tula; 1915 - 18 tula; 1916 - 15 tula; 1917 - 19 tula; at 1918 - 14 tula.

Kapansin-pansin sa bilang ng mga tula ang marahil ay masisipag magsulat na makata, o marahil ay mga nagustuhang tula ng patnugot ng aklat. Sa Poems of the Great War 1914-1918, si Ivor Gurney ay may sampu, Wilfred Owen ay may 20, at si Siegfred Sassoon ay may 17  tula. Sa Some Desperate Glory, si Ivor Gurney, Wilfred Owen, at Isaac Rosenberg ay may tiglabing-isang tula, habang si Siegfred Sassoon ay may 9 na tula at si Thomas Hardy naman ay may 14 tula.

Nais kong proyektuhin ito ng pagsasalin o isasalin ko sa wikang Filipino ang kanilang mga tula, na susubukan kong may sukat at tugma ang iba, upang mas madama natin ang kanilang mga katha sa panahon ng digmaan. Marahil isa pang dapat gawin ay saliksikin ang kanilang mga talambuhay, at ano ang kaugnayan nila sa Unang Daigdigang Digmaan. Sila ba'y mga sibilyan lamang o mga kawal na nakibaka sa panahong iyon? Isa ito sa mga nais kong tapusing isalin at mailathala upang mabasa ng ating mga kababayan ang kanilang mga tula sa ating sariling wika.

Kung ating titingnan, ang dalawang aklat ay tumutukoy sa mga likhang tula noong Unang Daigdigang Digmaan mula 1914-1918. Nagsimula ang digmaan noong Hunyo 28 1914 nang pinaslang ng isang nasyunalistang Serbyan si Archduke Franz Ferdinand ng Imperyong Austriya-Hunggariya. Mula rito'y nagdigmaan na ang mga makapangyarihang bansa sa mundo, na noon ay nahahati sa Pwersang Alyado (batay sa Kasunduan ng Imperyong Briton, Imperyong Ruso at Pransya), at ang Pwersang Sentral (mula naman sa Alyansa ng Imperyong Aleman, Austriya-Hunggarya at Italya). Natapos ang digmaan noong 11 Nobyembre 1918, kung saan nagkaroon ng limang tratado sa pagitan ng mga bansang kasali sa digmaan. Umabot umano, ayon sa pananaliksik, ang Unang Daigdigang Digmaan, sa dalawampung milyong namatay at dalawampu't isang milyong sugatan. Kaya isa ito sa napakatinding digmaan sa kasaysayan.

Kaya ang pagsasalin ng mga tula ng mga makatang nakasaksi sa digmaang ito ay naging adhikain na o misyon ng inyong lingkod. At bilang panimula ay aking isinalin ang tulang August 2014 ng isang makatang Ingles, na nasa pahina 128 ng aklat na Some Desperate Glory.

AUGUST 1914
Poem by Isaac Rosenberg 

What in our lives is burnt
In the fire of this?
The heart's dear granary?
The much we shall miss?

Three lives hath one life -
Iron, honey, gold.
The gold, the honey gone -
Left is the hard and cold.

Iron are our lives
Molten rights through our youth.
A burnt space through ripe fields,
A fair mouth's broken tooth.

AGOSTO 1914
Tula ni Isaac Rosenberg 
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ano sa buhay nati'y nasusunog
Sa naglalagablab na apoy nito?
Na sa puso'y kamalig nating irog?
Kayraming di natin nakakatagpo?

Tatlong buhay yaong may isang buhay -
Ang bakal, pulot-pukyutan, at ginto.
Ang ginto, ang pulot ay nangawala -
Naiwan ang matigas at malamig.

Yaong bakal na yaring ating buhay
Karapata'y lusaw sa pagkabata.
Espasyo'y sunog sa maayang bukid,
Sira ang ngipin ng magandang bibig.

Si Isaac Rosenberg, isang makata't alagad ng sining (artist), ay isinilang sa Bristol, England noong Nobyembre 25, 1890. Kinatha niya ang una niyang tulang On Receiving News of the War noong huling bahagi ng Hunyo 2014. Nalathala rin ang Youth na ikalawang katipunan ng kanyang mga tula. At dahil walang makuhang trabaho bilang artist ay nagpalista siya sa British Army sa katapusan ng Oktubre 1915. Sa edad na 27, siya'y killed in action o namatay sa digmaan noong Abril 1, 2018. (saliksik mula sa Wikipedia)

Sa isang personal niyang liham, inilarawan ni Rosenberg ang pananaw niya sa digmaan: "I never joined the army for patriotic reasons. Nothing can justify war. I suppose we must all fight to get the trouble over." (Hindi ako sumali sa hukbo para lang sa mga kadahilanang patriotiko. Walang makakapagbigay katwiran sa digmaan. Tingin ko'y dapat tayong lumaban lahat upang matapos na ang gulo.)"

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo