Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2022

Ang paalala

Imahe
ANG PAALALA huwag mong basta iiwan gamit mo kung saan-saan lola'y kabilin-bilinan laban sa asal-kawatan naiwan mo lang sandali upang luha mo'y mapawi sa nadamang pagkasawi at hapdi ng pusong iwi subalit wala na, wala ang iyong dala't namutla nawala na rin ang sigla hapdi'y nanatiling sadya napakahalaga niyon pagkat puso mo'y naroon subalit wala na iyon pa'no na makakaahon salamat sa paalala't kayraming naaalala palala nang palala na ang uod ay nariyan pa - gregoriovbituinjr. 11.30.2022

Imbestigahan ang sabwatan

Imahe
IMBESTIGAHAN ANG SABWATAN doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa ay nagsikilos ang mga babaeng manggagawa imbestigahan ang sabwatan ng mga kuhila kaya nagsara ang pabrikang pinasukang sadya huwad na pagsasara'y isyu nila't panawagan upang ang may kagagawan niyon ay matalupan upang sila nama'y bayaran o ibalik naman upang hibik nilang hustisya'y kanilang makamtan hibik ng manggagawa sana'y dinggin mo, O, DOLE  maging patas sa desisyon, at talagang magsilbi sa mga maliliit, sa manggagawang inapi at di sa mga kuhila't dupang na negosyante taasnoong pagpupugay sa mga nagsikilos na babaeng obrerong ayaw sa pambubusabos ng sistemang sa kabulukan ay talagang puspos tuloy ang laban! nawa'y magtagumpay kayong lubos! - gregoriovbituinjr. 11.28.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa  harap ng DOLE sa Intramuros, Maynila, 11.21.2022

Kalusugan at Kalikasan

Imahe
KALUSUGAN AT KALIKASAN i. sa isang kaha ng sigarilyo ay nakasulat: Kanser sa suso sanhi raw ng pagyoyosi ito tingni, mayroon pang "quit smoking" sa pabalat na payo sa atin ng mismong nagma-manufacturing? ang gumagawa nga ba ng yosi sa kalusugan nati'y may paki? kung meron, di sila mabibili kaya sa pabalat ay di akma ang inilagay nilang salita pagkat di na bibilhin ang gawa ii. ang pagyoyosi'y sariling pasya kahit na makaltasan ang bulsa kaya ba hayaan na lang sila? huwag ka lang dumikit sa usok ng yosi at dapat mong maarok may epekto ang secondhand smoke paki ko'y hinggil sa kalikasan upos ba'y saan pagtatapunan na sa dagat ay naglulutangan kung nararapat, gawing yosibrik na tulad ng sistemang ekobrik iligtas ang mundo yaring hibik - gregoriovbituinjr. 11.27.2022

Disenyo

Imahe
DISENYO nang gumapang sa lusak ang mga hinahamak may dugong nagsipatak at ang nana'y nagnaknak sa gubat na mapanglaw tila ba may gumalaw mula sa balintataw ang nakita'y halimaw subalit malikmata ang lahat kong nakita isip ay nagambala yaring puso'y nangamba kailan matatapos? yaong pambubusabos? pag masa ba'y kumilos? nang bayan ay matubos? sistema'y may disenyo tulad ng arkitekto kapara'y inhinyero nasa ko'y pagbabago ang disenyo'y baguhin ang kwadrado'y bilugin ang masa'y pakilusin ang sistema'y kalusin - gregoriovbituinjr. 11.27.2022

Sahod Itaas, Presyo Ibaba!

Imahe
SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA! kaytagal na ng panawagan ng manggagawa't mamamayan sa kapitalistang lipunan ngunit sila ba'y pinakinggan? Sahod Itaas! Presyo Ibaba! ngunit may napala ba tayo sa animo'y binging gobyerno minsan lang tumaas ang sweldo nang pinaglaban ng obrero Sahod Itaas! Presyo Ibaba! presyo ng bigas ba'y bumaba o pagtaas ay mas higit nga gasolina nga ba'y bumaba o sirit ng presyo'y palala Sahod Itaas! Presyo Ibaba! ang matupad ito'y kailan? dinggin kaya ang kahilingan? ngunit tayo'y magpatuloy lang may nagagawa ang paglaban! - gregoriovbituinjr. 11.27.2022

Nobyembre

Imahe
NOBYEMBRE samutsari yaong kaganapan ngayong Nobyembre birthday nina Itay, pamangkin, utol kong babae at ng isa ko pang utol na naroon sa Davao na kaytagal nang di nakita't ako'y namamanglaw kaarawan din ng unang Hari ng Balagtasan ngalan ay Huseng Batute, idolo sa tulaan kung saan National Poetry Day ay idinaos sa mismong kaarawan niyang Nobyembre Beynte Dos sentenaryo ngayong taon ng magasing Liwayway na ngayong Nobyembre rin pinagpupugayang tunay sa dakilang magasing ito naman nalathala ang laksa-laksang nobela, sanaysay, kwento't tula O, Nobyembre, sa buhay namin ay mahalaga ka upang magdiwang, gumunita, kumatha't magsaya - gregoriovbituinjr. 11.26.2022

Sa lansangan

Imahe
SA LANSANGAN di ko matanaw ang nasa kabila naroon kaya ang mga dakila anumang pasakit ba'y naiinda pagkat sa harap ng problema'y handa subalit hindi, kayraming kuhila ang nasa tuktok, tila pinagpala nagsasamantala sa manggagawa kontraktwal na nga, sahod pa'y kaybaba habang naroroong nakatulala maaliwalas pa rin yaring mukha toreng garing man ay wala sa lupa mistula pa ring di kaawa-awa patuloy sa pagwawala ang siga sa bangketa ng mga walang-wala nagbabakasakaling may mapala sa iaabot ng takot na madla - gregoriovbituinjr. 11.26.2022

Stop VAWC, Now!

Imahe
STOP VAWC, NOW! O, itigil na ang karahasan sa mga bata't kababaihan igalang ang mga karapatan patungong hustisyang panlipunan kalahati ng sangkatauhan ang laksa-laksang kababaihan galing tayo sa sinapupunan ng babae, maging sino ka man mga bata ang kinabukasan nitong daigdig nating tahanan kaya sila'y dapat alagaan at ilayo sa kapahamakan Stop VAWC! yaring panawagan na dapat nating maunawaan patagusin sa puso't isipan prinsipyong huwag kakaligtaan - gregoriovbituinjr. 11.25.2022 * VAWC - Violence Against Women and Children

Panlahatan

Imahe
PANLAHATAN iwi kong layon ay panlahatan at di pansariling pakinabang ganyan hinubog ang katauhan kung bakit ako'y ganito't ganyan bakit sarili'y wala sa isip kung sarili ko'y di halukipkip kundi pambayan ang nalilirip na sa puso'y walang kahulilip kaginhawahan para sa lahat kapwa tao, kauri, kabalat di sa ilan, di sa mga bundat oo, sa ganyan ako namulat pakikibaka'y sadyang gagawin nang panlipunang hustisya'y kamtin iyan ang sa buhay ko'y mithiin at diyan mo ako kilalanin - gregoriovbituinjr. 11.24.2022

Bakas

Imahe
BAKAS may kurot sa dibdib sa gaya naming maralita na namumuhay ng marangal ngunit sinusumpa may kirot sa puso't tinuturing na hampaslupa kaya dignidad nami'y pinagtatanggol na lubha kaya maging aktibista'y taospusong niyakap dahil tulad ninuman, kami rin ay nangangarap ng maunlad na buhay na di pansariling ganap kundi pangkalahatan, ang lahat ay nililingap isinasabuhay ang panuntunang aktibista simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka kamtin ang karapatan at panlipunang hustisya pakikipagkapwa't paglilingkod sa uri't masa patuloy na pupunahin ang mga kabulukan kapalpakan at katiwalia'y nilalabanan di lang pulos dayuhan kundi tusong kababayan lalo ang lingkod bayang di nagsisilbi sa bayan  sinusundan namin ay bakas ng mga bayani na binabaka'y pagsasamantala't pang-aapi ang tungkulin ko'y para sa bayan, di pansarili alay ang buhay para sa tao; tayo, di kami - gregoriovbituinjr. 11.24.2022

Ipagtanggol ang karapatan ng paggawa

Imahe
IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG PAGGAWA nang mabatid ang pagkilos ng uring manggagawa doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa agad kaming nakiisa't nakibaka ring sadya upang karapatan nila'y ipagtanggol ngang lubha dahil sila ang lumikha ng ating ekonomya walang pag-unlad sa ating bayan kung wala sila silang nagpapatakbo ng makina sa pabrika lumilikha ng produkto, ngayo'y nakikibaka di munting mangangalakal ang kanilang kalaban kundi internasyunal na kumpanyang anong yaman limpak-limpak na ang tubo, sagad sa kabundatan nais pa ngang mag-ekspansyon sa buong daigdigan di pa mapagbigyan ang hinihingi ng obrero ayon sa Konstitusyon, makabubuhay na sweldo living wage, hindi minimum wage, sadyang makatao ngunit barat na sweldo'y likas sa kapitalismo baka tatalunin sila ng kumpanyang karibal na tulad din nila'y korporasyong multinasyunal kung di babaratin ang manggagawa, sila'y hangal ayaw magpakatao ng kapitalistang banal kaya dapat manggagawa'y patuloy na kumilos ...

May pag-asa pa

Imahe
MAY PAG-ASA PA may pag-asa pa bang mabago ang sistema kung wala, bakit sa mundo'y naririto pa mayroong pag-asa kaya nakikibaka dito na lang kumakapit, tatanggalin pa? hindi ba't may kasabihan ang matatanda na hangga't may buhay, may pag-asa, di ba nga? magsikap lang, pag may tiyaga, may nilaga sa patuloy na pagkilos, may mapapala hangga't may nangangarap ng laya ng bayan mula pangil ng kapitalismo't gahaman sa patalim man o pag-asa manghawakan araw ay sumisikat pa rin sa silangan kaya halina't magpatuloy sa pagkilos laban sa kaapihan at pambubusabos laban sa pagsasamantala ng malignos na bundat na sa tubo'y di pa makaraos - gregoriovbituinjr. 11.23.2022

Pagtangkilik

Imahe
PAGTANGKILIK patuloy lang basahin ang pahayagan ng dukha na di lang dyaryo kundi produkto ng dugo't luha binabalita ang nangyayari sa maralita sinasalaysay ang saysay ng buhay nila't diwa nakikibaka para sa karapatang pantao pulos diskarte man, walang permanenteng trabaho walang sahod, nagtitinda lang sa bangketa't kanto subalit namumuhay ng marangal, di perwisyo nakatira sa pinagtagpi-tagping barungbarong o sa tabing ilog, tabing riles, o sa danger zone ang iba nama'y sa himlayan ng mga kabaong o kaya'y nakikiiskwat sa tabing subdibisyon Taliba ng Maralita'y saksi sa laban nila simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka mabuhay kayong dukha, kumilos ng sama-sama sa pagtangkilik sa Taliba, salamat talaga! - gregoriovbituinjr. 11.23.2022 * ang Taliba ng Maralita ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Sa kaarawan ni Huseng Batute

Imahe
SA KAARAWAN NI HUSENG BATUTE taospuso kaming nagpupugay sa iyo,  Batute , isang tagay tanging masasabi naming tunay sa iyo'y mabuhay ka, mabuhay! ang una raw nalimbag mong tula'y pinamagatang  Pangungulila na sinulat mo nang batang-bata sa dyaryong  Ang Mithi  nalathala makatang pumuna sa lipunan nang tayo'y sakop pa ng dayuhan tinula ang mithing kalayaan naging hari pa ng Balagtasan ang puso mo pala nang mamatay sa isang museyo raw binigay sa kalaunan ito'y nilagay sa libingan ng mahal mong nanay O, makatang Batuteng dakila kami sa tula mo'y hangang-hanga dahil sa matatalim na diwa lalo ang paghahangad ng laya - gregoriovbituinjr. 11.22.2022 * litratong kuha ng makatang gala nang siya'y dumalo sa unang National Poetry Day na ginanap sa Manila Metropolitan Theater, 11.22.2022    

Sa Rali ng Paggawa

Imahe
SA RALI NG PAGGAWA naroon akong sa kanila'y nakiisa bilang isang dating obrero sa pabrika panawagan nila'y tunay kong nadarama na tagos sa diwa, puso ko't kaluluwa machine operator noon ng tatlong taon nang maisabatas ang kontraktwalisasyon nang kabataan pa't di na naglilimayon nang panahong sa buhay ay maraming kwestyon oo, kayrami naming lumahok sa rali upang manawagan sa tanggapan ng DOLE sa kapitalista ba sila nagsisilbi? o dapat sa manggagawang sinasalbahe? tingnan mo ang kayraming nilatag na isyu kontraktwalisasyon, maitaas ang sweldo ang tanggalan sa pabrika, kayraming kaso pati na karapatan ng unyonisado tila ang paggawa'y dinaanan ng sigwa sa batas niring kapitalismong kuhila minimithi'y kamtin sana ng manggagawa parusa ang sa kanila'y nagwalanghiya - gregoriovbituinjr. 11.22.2022

Hoy, kapitalista, magbayad ka!

Imahe
HOY, KAPITALISTA, MAGBAYAD KA! ang sulat sa plakard,  "Trabaho, Hindi Bayad" basahin mo, mabilis ang bigkas sa "Bayad" kung mabagal ang bigkas, pinapipili ka kung trabaho o bayad, alin sa dalawa ngunit mabilis ang bigkas, naunawaan ang trabaho ng obrero'y di binayaran hindi makatarungan ang kapitalista tanging hinihingi ng obrero'y hustisya kaya panawagan ng mga manggagawa bayaran ang trabaho't bayaran ng tama! sa kapitalista, hoy, magbayad ka naman! obligasyon sa obrero'y huwag takbuhan pinagtrabaho sila, kaya magbayad ka! at kung di ka magbabayad, magbabayad ka! - gregoriovbituinjr. 11.21.2022 * Litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa DOLE, 11.21.2022

Ang Diyos ng Kapital

Imahe
ANG DIYOS NG KAPITAL ang kapitalista'y nagpapadasal habang manggagawa nila'y kontraktwal tila ba siya'y nagpapakabanal habang manggagawa nila'y kontraktwal limpak ang tubo ng mangangalakal ngunit manggagawa pa ri'y kontraktwal bilyon-bilyon ang tubong kinakamal ngunit manggagawa pa ri'y kontraktwal sa pabrika'y malimit magpamisa upang umunlad pa raw ang kumpanya ngunit doon sa loob ng pabrika sa manggagawa'y mapagsamantala lakas-paggawa'y di bayarang tama sa trabaho'y lampas sa oras pa nga lakas ng manggagawa'y pigang-piga subalit sahod pa'y sadyang kaybaba ganyan ang pagpapakatao't asal ng mga kapitalistang marangal ayaw pang iregular ang kontraktwal obrero ma'y nagtrabahong kaytagal binawi lang daw ng mangangalakal ang mga ginastos nila't kapital kahit manggagawa nila'y kontraktwal maregular ito'y di itatanghal - gregoriovbituinjr. 11.21.2022

Manggagawa

Imahe
MANGGAGAWA manggagawang sagad na sa trabaho subalit kaybaba naman ng sweldo tila sa paggawa'y naaabuso tila aliping inaagrabyado bakit ba napagsasamantalahan? ang mga obrerong tigib kaapihan ng mga kapitalistang gahaman dahil di magkaisa't nalamangan? sa kapital ba'y may utang na loob dahil nagkatrabaho kaya subsob sa pabrika't sa init ay nasuob wala nang pahinga't nasusubasob ingat, manggagawa, magkapitbisig upang may mapala't huwag magpalupig ipakita yaong prinsipyo't tindig lalo't daming pinakakaing bibig pamilya at kapitalistang bundat ang binubuhay habang binabarat ang natatanggap na sweldong di sapat ah, manggagawa'y dapat pang mamulat - gregoriovbituinjr. 11.20.2022

Stephen Crane, awtor

Imahe
STEPHEN CRANE, AWTOR nangunguna siya sa realistic fiction pagdating sa panitikang Amerikano ang kanyang nobela'y punung-puno ng aksyon at kanyang mga kwento'y umaatikabo "The Red Badge of Courage"  ay kaygandang basahin "one of the great war novels of all time"  ang sabi doon sa obra maestra ni Stephen Crane talagang mahusay pag binasang mabuti apat na kwento niya'y kasama sa aklat: ang  The Open Boat, The Blue Hotel, The Upturned Face at The Bride Comes to Yellow Sky , mabibigat na paksang isinulat niya ng makinis siya'y makata, nobelista, mangangatha dalawampu't walo ang edad nang mamatay na sa literatura'y kayraming nagawa masasabi ko'y taospusong pagpupugay - gregoriovbituinjr. 11.19.2022 *  Stephen Crane , mangangathang Amerikano, (Nobyembre 1, 1871 - Hunyo 5, 1900

Ang batang nagwagayway ng flag sa Climate Strike

Imahe
ANG BATANG NAGWAGAYWAY NG FLAG SA CLIMATE STRIKE nagsalita si Noel Cabangon hinggil sa klima nang may batang mag-isang nagwagayway ng bandila kapuri-puri, di lang basta nakinig ng kanta dapat siyang parangalan, sadyang kahanga-hanga di sinayang ang panahon at siya'y binidyuhan; ang simpleng pagwawagayway niya ng flag na'y sapat nang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan at sa atin, sa bata'y taospusong pasalamat di sapat ang tulang ito para sa batang iyon sino siya, anong ngalan niya, hanapin natin mabigyan man lang natin ng plaque of appreciation ang tulad niya'y kaygandang halimbawa sa atin bata pa lang, nagbabagong klima'y dama na niya ngunit Climate Justice ba'y gaano niya unawa pagwagayway ng flag ay kabayanihang talaga na sa kabila man ng init ay kanyang ginawa hanapin sino siya nang mabigyan naman natin ng munting papuri, kapayanamin, anong danas sa klima, baha ba, nawalan ng bahay, tanungin at nagbabagong klima'y gaano niya nawatas - gregoriovbituin...

Expiry date

Imahe
EXPIRY DATE month day year sa produktong Pilipino day month year ang sa Pranses na produkto year month day naman ang sa Koreano isa'y day month, isa'y month day, pansin mo? kaya malilito ka sa ganito tingnan ang expiry date sa litrato galing pa ibang bansa ang produkto dahil sa may kanji na letra dito hiragana't katakana man ito December 9 o September 12 ba 'to? crispy seaweed snacks, isang pagkain mas mabuti pang produkto'y kainin bago pa dalawang petsa'y sapitin bago mag-September 12 na'y kainin nang expiry date ay di na abutin at kung sa gitna ng dalawang petsa mula September 12 ay abutin ka hanggang December 9, magtanong ka na kung ang nasabing produkto'y pwede pa kung sumakit ang tiyan, paano na? - gregoriovbituinjr. 11.18.2022    

Green Energy

Imahe
GREEN ENERGY ang Climate Strike ay katatapos lang na anong titindi ng panawagan dagdag one point five degree kainitan ay huwag abutin ng daigdigan fossil fuel at coal ay itigil na maging ang liquified natural gas pa tayo'y mag-renewable energy na upang sagipin ang tanging planeta ang korporasyon at kapitalismo yaong sumisira sa tanging mundo laging mina doon at mina dito ang gubat at bundok pa'y kinakalbo para sa laksang tubong makakamal ay walang pakialam ang kapital mahalaga'y tubo ng tuso't hangal mundo't kinabukasa'y binubuwal mensahe ng Climate Strike ay dinggin planetang ito'y ipagtanggol natin planetang tahanan ng anak natin planetang pangalagaan na natin sa COP 27, aming mensahe: gawin ang sa mundo'y makabubuti No to False Solutions! ang aming sabi tara sa renewable Green Energy! Loss and Damage at Climate Debt, bayaran! sistemang bulok na'y dapat palitan! sistemang kapitalismo'y wakasan! tangi nating planeta'y alagaan! - gregoriovbit...

Happy 81st Birthday po, Itay

Imahe
MALIGAYANG IKA-81 KAARAWAN PO, ITAY! salamat po sa lahat-lahat, kami'y nagpupugay sa inyong pangwalumpu't isang kaarawan, Itay nawa'y lagi ka pong nasa mabuting kalagayan bagamat matanda na'y maganda ang kalusugan Itay, masasabi ko pa ring  "I wish you all the best" dahil para po sa amin, ikaw pa rin ang  DaBest ! - mula kina Greg Jr. at Liberty 11.17.2022

Talang Batugan

Imahe
TALANG BATUGAN sa Ursa Minor, ito ang pinakamaliwanag na tala, Talang Batugan ang katutubong tawag   ito'y NorthStar o Hilagang Bituin pag naarok na nasa dulo ng tatangnan ng Munting Panalok nasa hilagang axis din ng mundo nakaturo na pag umaga'y di makita't tila ba naglaho tinatawag rin ang bituing ito na Polaris na ngalan ay katugma ng bayaning si Palaris Talang Batugan? aba'y may tamad nga bang bituin? o dahil parang tuod ito kung di kikibuin animo'y nakasabit lang na parang tinirintas sa kalangitang tanging pag gabi lang lumalabas oh, Talang Batugan, kung ika'y isang paraluman magsisipag ako upang makasama ka lamang - gregoriovbituinjr. 11.17.2022 * Talang Batugan - katutubong tawag sa Hilagang Bituin, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1212 * Munting Panalok - Little Dipper * Palaris (Enero 8, 1733 – Pebrero 26, 1765), bayaning lider mulang Pangasinan * Ang tulang ito'y bahagi ng planong aklat na  "Talastas Ko ang mga Bituin"  na katipunan...

Sa aking lungga

Imahe
SA AKING LUNGGA ah, bihira na akong lumabas sa aking lungga maliban kung may pagkilos ang kapwa maralita nagbabasa roon sa munting aklatan ng akda ng mga awtor, nobelista, kwentista't makata namamalagi lamang sa ilang metro kwadrado tila isang dipang langit o munting paraiso kung saan palibot ay magasin at ilang libro ang musika'y busina, huni ng ibon o radyo habang ako'y nasa bartolina ng tugma't sukat na pawang saknong at taludtod ang isinusulat nagdidildil man ng asin pag araw na'y sumikat sa pagbabasa't pag-inom ng tubig nabubundat animo'y nasa kubong naroon sa kagubatan na buhay sa kalikasan yaong nararamdaman paglinang ng sining ko'y dito pinagbubuhusan ng pawis, panahon, buong puso't guniguni man - gregoriovbituinjr. 11.17.2022

Bilin sa poste

Imahe
BILIN SA POSTE sa poste:  "Bawal Umihi Dito" sa maraming poste pa'y ganito ngunit kaiba ang biling ito pagkat may dugtong:  "Hindi Ka Aso" tama nga naman ang panawagan na aso'y huwag nating tularan para sa tao'y may palikuran kung wala, ihi muna'y pigilan bakit poste ang iihian pa dahil pagpigil ba'y di na kaya subalit isipin din ang kapwa kung dahil sa iyo'y mangamoy na ang poste'y papalot o papanghi batid mong yao'y nakadidiri nais lang ng bilin na mapawi ang sa tao'y pangit na ugali pag-ihi'y kayanin at kontrolin ang palikuran muna'y hanapin pag nakita, ginhawa'y kakamtin kung panunubig mo'y doon gawin - gregoriovbituinjr. 11.17.2022

Daang gulong

Imahe
DAANG GULONG pag-akyat nila ng hagdanan bubuhatin ang bisikleta ngayon, nagawan ng paraan daang gulong ay nagawa na anong galing nilang mag-isip nang siklista'y di na magbuhat wastong paraan ay nahagip taospusong pasasalamat ah, simpleng engineering iyon upang buhay ay pagaanin anong galing na inobasyon upang lakbay ay pabilisin sa pag-akyat sa hagdang bato mga siklista'y di na hirap may dalang ginhawang totoo ang daang gulong na pangarap - gregoriovbituinjr. 11.16.2022

Balintataw

Imahe
BALINTATAW kaygandang diwata ang nasa balintataw nakangiting kaytamis, iyon pala'y ikaw habang papasikat pa lang si Haring Araw habang nakatalungko akong namamanglaw kaylamig ng simoy ng hangin sa silangan alalaong baga'y nariyan ang amihan tutuloy kaya ang unos mula kanluran nang maihanda naman ang pagkakanlungan naalala kita, maalindog na mutya ikaw na inspirasyon sa bawat pagkatha habang kasama ko ang manggagawa't dukha sa pag-aalay ng buhay para sa madla kahulugan ng mga salita ba'y ano kailangan pa ba natin ng diksyunaryo kung sa puso'y nagkakaunawaan tayo na tanging pag-ibig ang nagpapatotoo ikaw ang itinutula niring panitik na tila ba ang itula ka'y pananabik ah, yaring aking pluma'y di natatahimik pag may mga aping patuloy sa paghibik - gregoriovbituinjr. 11.15.2022

Pindot mo, hinto ko

Imahe
PINDOT MO, HINTO KO simpleng bilin ng tsuper ang  "Pindot Mo, Hinto Ko" nasusulat sa banner para sa pasahero huwag lang kalimutang pamasahe'y ibigay pagkat sa pupuntahan ay hinatid kang tunay di ba sapat ang  "para" ? kaya iyon ginawa pindot lang ay sapat na? at titigil nang sadya isang bagong pakulo? o kaya'y nabibingi? pindot lang at hihinto kahit di na magsabi - gregoriovbituinjr. 11.15.2022

Stop VAWC

Imahe
STOP VAWC Stop VAWC o Violence Against Women and Children! kaming mga lalaki'y ito rin ang hiyaw namin mga babae't bata'y huwag saktan o apihin dangal nila'y respetuhin, sila'y pakamahalin si misis nga, mag-away man kami'y di sinasaktan pagkat siya'y tulad ng ina kong dapat igalang lalo na't ako'y isang aktibista sa lansangan kaya lumaking may paggalang sa kababaihan babae ang kalahati ng buong mundo, di ba? bawat tao'y nagmula sa sinapupunan nila pakatandaang may karapatan ang bawat isa ina, anak, manggagawa, dukha, sinuman sila di rin dapat saktan ang mga bata, lalo't anak pag lumaking may sindak, sila rin ay maninindak alagaan sila't huwag hayaang mapahamak ang misyon: Stop VAWC ay gawin nating palasak - gregoriovbituinjr. 10.14.2022 * tulang ito'y inihanda para sa Nobyembre 20 -  World Children's Day  at Nobyembre 25 -  International Day for the Elimination of Violence Against Women

Soneto sa LA_O

Imahe
SONETO SA LA_O labo, lako, lago, laho, lalo,  lango, laro, laso, lato, layo halos lahat sa dulo'y may impit puwera lang sa laso, kaylupit napaisip sa palaisipan aba'y agad akong natigilan posibilidad kasi'y kayrami kaya sa pagsagot nawiwili puwera lango, apatang titik nang sa isip ko'y may pumilantik anong yaman pala sa salita't may tugmaan pa ang ating wika hanggang may tulang pumaimbulog na sa inyo po'y inihahandog - gregoriovbituinjr. 11.14.2022

Sa ika-57 wedding monthsary

Imahe
SA IKA-57 WEDDING MONTHSARY mula tayo'y ikasal nang Araw ng mga Puso narito pa ring ating pagsinta'y di naglalaho sa ating wedding monthsary, patuloy ang pagsuyo sa ginhawa't hirap, tayo pa rin, ating pangako sa kagubatan niring pagsinta'y di mamamanglaw lalo na't magandang kalikasan ang natatanaw talastas kong bituin kitang laging nakatanglaw ang inihihiyaw nga niring puso'y tanging ikaw - gregoriovbituinjr. 11.14.2022

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY nais ko ring isipin ang liwanag sa dilim nang di ako dalawin ng anumang panimdim pagdatal sa mapanglaw na gubat, naaninaw si Floranteng naligaw sa puno'y nakapangaw tila ba siya'y pain sa leyong nangangain dumating si Aladin leyon ay tinudla rin ngayon, dama ko'y gutom at laksang alimuom ang bibig ko'y di tikom habang kamao'y kuyom naritong nagninilay ngunit di mapalagay dinalaw man ng lumbay sana'y kamtin ang pakay - gregoriovbituinjr. 11.13.2022

Bike lane

Imahe
BIKE LANE sabi nila, maganda para sa planeta, mamamayan at kita ang magbisikleta lalo na't papatindi ang init ng klima landas daw iyon sa mabuting kalusugan walang ambag na usok sa kapaligiran walang polusyon sa hangin at kalikasan ating pansinin, ang bike lane kung makikita nasa bangketa o kaya'y tabing bangketa malinaw, di pangmotor kundi pangsiklista may sariling daanan, di pasingit-singit upang nagbibisikleta'y di makalawit ng apat na gulong na takbo'y malulupit maraming salamat sa itinayong bike lane kaligtasan ng siklista'y nabigyang pansin at ngayon, bike ay pag-iipunan ko na rin - gregoriovbituinjr. 11.12.2022

Resibo

Imahe
RESIBO dapat nga talagang may katunayan na serbisyo't binili'y binayaran upang mayroon kang ipaglalaban sakali mang may mangyaring anuman upa sa bahay, bayad sa kuryente, tubig, bigas, o anumang binili o sumakay ka man sa bus o taksi pag kumain sa McDo o Jollibee sa kapitbahayan ay nagbayad ka pang-amilyar man o hulog tuwina resibo'y hingin nang may patunay ka huwag bumatay sa lista lang nila kung palalayasin kayo sa bahay nabili na ang lupa nilang pakay anong labang tagariyan kang tunay na una kayo, karapatang taglay ah, ganyan kahalaga ang resibo magdemandahan man kayo sa dulo patunay mong resibo'y ipunin mo na balang araw, sasagip sa iyo - gregoriovbituinjr. 11.11.2022 * Ayon sa pananaliksik, Section 237 of the National Internal Revenue Code of 1997, otherwise known as The Tax Code, is the primary source of the requirement for Philippine taxpayers to issue an Official Receipt upon the sale of a service.

Tara, kape tayo

Imahe
TARA, KAPE TAYO tara, magkape muna tayo, kaibigan di naman ito madalas, magkaminsan lang nagkataon lang na may pampakape naman tarang magbarako at kwento ang pulutan ang ritwal ng paghigop ng kape sa tasa ay pampasigla ng katawan sa umaga magkape lang ng katamtaman, huwag sobra anumang labis ay masama, sabi nila pinapataas raw nito ang adrenalin sa katawan, kaya magana kang kumain caffeine sa kape'y haharang sa adenosin sa utak kaya isip ay pagaganahin kaya pag may suliranin kang naninilay magkape muna tayo't pag-usapang husay at ikwento mo bakit di ka mapalagay baka payo sa'yo'y makatulong nang tunay madalas ay ganyan tayo pag nagkakape napapag-usapa'y paksang napakarami pati sa problema'y anong makabubuti tarang magkape't sa kwentuhan ay mawili - gregoriovbituinjr. 11.11.2022

Halaga ng boto

Imahe
HALAGA NG BOTO nakita ko lang, dapat daw ang pagboto ay dahil sadyang maglilingkod sa tao tama, magsilbi, di sa kapitalismo o maging pyudal mang kaayusan ito salamat, ito'y paalala sa atin gintong kaisipang isapuso natin pipili tayo, di ng mang-aalipin kundi maglingkod sa masa ang mithiin - gregoriovbituinjr. 11.10.2022

Ang Alpha Centauri

Imahe
ANG ALPHA CENTAURI bata pa ako'y dinig ko na ang Alpha Centauri isa sa mga bituing kayliwanag sa gabi kinagiliwan noon, napaka-interesante kaya astronomya'y kinahiligan ko rin dati pinakamaliwanag sa konstelasyong Centaurus at pangatlo ring pinakamaliwanag nang lubos sa panggabing langit, nanaliksik, ito'y natalos sa gabi'y tinitingala, huwag lamang may unos nasa apat punto tatlumpu't pitong sinagtaon o lightyear mula sa araw yaong distansya niyon sa sistemang solar pinakamalapit na iyon tuwing minsan, sa paksang ito ako nakatuon dahil Bituin ang apelyido'y aking pinlano na isulat ang bituin sa ating uniberso pinag-iipunan kong bumili ng teleskopyo upang sa ating kalawaka'y higit pang matuto - gregoriovbituinjr. 11.10.2022 * Bahagi ng planong aklat na  "Talastas Ko ang mga Bituin"  na katipunan ng mga sanaysay, kwento at tula. Apelyido ng asawa ko'y Talastas at ako naman ay Bituin. * Pinaghalawan: https://www.nasa.gov/mission_pages/chandra/imag...

Pagtunganga

Imahe
PAGTUNGANGA tingin nila'y di trabaho ang pagtunganga pagkat nakatalungko lamang sa bintana animo'y tamad pagkat walang ginagawa imbis na bisig, ang nagtatrabaho'y diwa ilalarawan ang nagliliparang ibon o ang naganap noong panahon ng Hapon eroplano'y nagbabakbakan sa kahapon kayraming nakikita kahit wala roon nagurlisan sa bisig ng tama ng bala naroong lumuha nang iwanan ng sinta hinabol ng leyon ang nagtakbuhang usa namatay pala kaya wala nang nadama matapos tumunganga ng ilang sandali ay aapuhapin ang plumang siyang sanhi upang isulat ang ihahasik na binhi para sa panitikan, hustisya, at mithi doon ay inilabas sa sinapupunan ang mga niloloob sa kaibuturan sa pagtunganga'y laksa ang natutuklasan na sa taludtod na natin matutunghayan - gregoriovbituinjr. 11.10.2022         

Expiry date

Imahe
EXPIRY DATE aba'y saktong isang buwan ang expiry date ng nabili naming anong tamis na biskwit na nakatatak sa pinagbalutang plastik na dagdag basura kung di ie-ecobrick mabuti't ganito'y inilalahad naman upang konsyumador ay may pagpipilian upang pag kinain, di sumakit ang tiyan expiry date ay tatak ng kasiguruhan tatlong piso ang balot, laman din ay tatlo aba'y piso lang pala ang isang piraso na ibibigay ko sa paboritong apo na matiyagang mag-aral upang matuto luma ba ang biskwit o pwede pang kainin? tingnan muna ang expiry date ng bibilhin mabuti't nakalagay sa binili natin upang sa huli'y di ka magsising alipin - gregoriovbituinjr. 11.09.2022

Haraya

Imahe
HARAYA sabi'y balikan ang busilak na imahinasyon haraya'y paganahin, huwag laging nakakahon sa isang paksa o silid, minsan ay maglimayon galugarin ang paligid, balikan ang kahapon baka matanaw ang kawan ng ibong lumilipad sa mandaragit, ang inakay ay huwag ilantad yaon daw laki sa layaw ay karaniwang hubad alagaan ang kutis kung sa araw nakabilad pumapailanglang ang haraya hanggang sa dulo at muling bubulusok tungo sa putikang kanto aaliwalas ang langit, maya-maya'y may bagyo ingat lang sa lestospirosis kapag nagdelubyo patuloy tayong kumibo pag may isyung pangmadla dahil nagmamakata'y mamamayan din ng bansa kung may bulkang sasabog o rumaragasang baha o pagtaas ng presyo'y pahirap sa manggagawa sa ating mga katha'y magandang isalarawan maging pagsasamantala't buhay ng karaniwan ngitngit ng kalikasan, pagbabago ng lipunan ito'y ating ambag sa pagyabong ng panitikan - gregoriovbituinjr. 11.09.2022

Ang makatang Jason Chancoco at ako

Imahe
ANG MAKATANG JASON CHANCOCO AT AKO makatang Bikolano, ka-batch ko siya sa LIRA doon nakilala, higit dalawang dekada na kaklase namin si Edgar Samar na nobelista makatang Jose Jason Chancoco ang ngalan niya muling nagkatagpo isang dekada ang lumipas na sa paanyaya ng makatang Raul Funilas ay tumugon, nagkakwentuhan, alak ay nilabas at nakunan ng litratong may lawrel ni Balagtas animo sa Balagtasan kami ay nagtagisan nang lawrel na makintab, aming ulo'y pinutungan makatang Santiago Villafania, kami'y kinunan habang ang iba pang makata'y nagkakatuwaan pagbati'y aking pinaaabot kay klasmeyt Jason na nakapaglathala ng aklat ng tula noon: ang  Pagsasatubuanan: Poetikang Bikolnon na sa pagbasa nito sa aki'y malaking hamon mabuhay ka at iyong mga tula, pagpupugay sa kapwa makatang talagang dekalibreng tunay sana kay Sir Rio balang araw ay maihanay haraya'y pailanlangin, sa'yo'y isa pang tagay! - gregoriovbituinjr. 11.09.2022 * LIRA - Linangan sa Imahen, Retorika...

Tosilog

Imahe
TOSILOG nang magka-COVID ako noon, ang payo ni Ninang: tigilan muna ang pamumuhay kong vegetarian magkarne, dapat mayroong protina sa katawan magkarne't magpalakas, magkalaman ang kalamnan anong sakit man sa loob, sinunod ko ang payo para sa kabutihan ko rin yaring tinutungo pagiging vegetarian ay di pa rin maglalaho lalo't prinsipyong makakalikasa'y sinapuso kaya nang minsang magutom, umorder ng tosilog na kombinasyon ng tosino, sinangag at itlog o kaya naman ay tosino, sinaing at itlog maganda raw ito sa tulad kong di naman kalog bagamat minsan lamang magkarne, natutulala ang madalas ay gulay at isda, nakakatula bigas na kinanda o red rice, puspos talinghaga lalo't kasama sa hapag ay magandang diwata paminsan-minsan lang magkarne, vegetarian pa rin lalo't mahal ang kilo nito, nag-budgetarian din okra, talong, kamatis at galunggong ang bibilhin talbos ng petsay, sili't kintsay, isapaw sa kanin - gregoriovbituinjr. 11.09.2022

Pulang buwan

Imahe
PULANG BUWAN Nobyembre Syete, laban sa Red Tagging ay may presscon at anibersaryo rin ng October Revolution Nobyembre Otso, gabi nama'y lumitaw ang Red Moon napuna ko, pula pala ang suot kong short ngayon mataman kong pinagmasdan ang buong kalangitan payapa, unos ay di nagbabanta, kainaman anong kahulugan ng Red Moon sa kinabukasan tulad ng aking pisngi ay namumula ang buwan di ko pa maarok ang dala niyang talinghaga habang siya'y pinagmamasdan kong nakatingala ah, baka dapat tayong maging listo't laging handa sa banta ng redtagging sa nakikibakang dukha mapulang buwan, kasabay ng eklipse o laho kulay ng dugo, kulay na madugo, nagdurugo ang tunay na demokrasya'y huwag sanang gumuho at karapatan ay igalang nang buong pagsuyo - gregoriovbituinjr. 11.08.2022