Talang Batugan

TALANG BATUGAN

sa Ursa Minor, ito ang pinakamaliwanag
na tala, Talang Batugan ang katutubong tawag
 
ito'y NorthStar o Hilagang Bituin pag naarok
na nasa dulo ng tatangnan ng Munting Panalok

nasa hilagang axis din ng mundo nakaturo
na pag umaga'y di makita't tila ba naglaho

tinatawag rin ang bituing ito na Polaris
na ngalan ay katugma ng bayaning si Palaris

Talang Batugan? aba'y may tamad nga bang bituin?
o dahil parang tuod ito kung di kikibuin

animo'y nakasabit lang na parang tinirintas
sa kalangitang tanging pag gabi lang lumalabas

oh, Talang Batugan, kung ika'y isang paraluman
magsisipag ako upang makasama ka lamang

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022

* Talang Batugan - katutubong tawag sa Hilagang Bituin, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1212
* Munting Panalok - Little Dipper
* Palaris (Enero 8, 1733 – Pebrero 26, 1765), bayaning lider mulang Pangasinan
* Ang tulang ito'y bahagi ng planong aklat na "Talastas Ko ang mga Bituin" na katipunan ng mga sanaysay, kwento at tula. Apelyido ng asawa ko'y Talastas at ako naman ay Bituin.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo