Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo