Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2024

Hinagpis ng masa

Imahe
HINAGPIS NG MASA madalas, ang masa'y naghihinagpis sa maraming problemang tinitiis bahay ng maralita'y inaalis buhay ng manggagawa'y tinitiris paghihinagpis ba'y palaisipan dukha'y laksa't mayaman ay iilan kayraming hirap at pinahirapan ng sistemang tadtad sa kabulukan ang malupit at mapagsamantala ay dapat lamang talunin ng masa lalo't elitista't kapitalista ang yumuyurak sa dignidad nila ah, di tayo dapat maghinanakit sa mga trapo't burgesyang kaylupit sa masa, halinang magmalasakit upang karapatan nila'y igiit halina't magpatuloy sa pagkilos at maghanda sa pakikipagtuos sa mga sakim at mapambusabos upang sistemang bulok na'y matapos - gregoriovbituinjr. 07.03.2024

Sapaw na okra

Imahe
SAPAW NA OKRA payak na pananghalian sapaw na okra na naman ay, mura lang kasi iyan sangtali'y sampung piso lang kamatis na paborito ay nagmahal na ang presyo bente ang tatlong piraso higit sandaan ang kilo kaya ngayon, okra muna gulay itong mahalaga mayroon nang bitamina ay sadyang pampalusog pa pangkontrol ng diabetes at sa asukal na labis panlaban din sa heart disease pampaganda rin ng kutis ganado akong kumain pag ito ang uulamin isapaw lang sa sinaing hanggang mainin ang kanin - gregoriovbituinjr. 07.03.2024 Pinaghalawan ng ilang datos: *  https://www.prutaslokal.com/blog/148-benepisyo-sa-kalusugan-ng-okra-lady-fingers   *  https://www.facebook.com/StJudeMCDC/posts/ang-okra-ay-kilala-sa-pagkakaroon-ng-mataas-na-bitamina-c-k-folate-at-iba-pang-m/6835509679905726/   *  https://www.facebook.com/naturesrules/photos/a.628111037636661/1410033172777773/?type=3&locale=hi_IN  

Tinatago ang suspek sa krimen?

Imahe
TINATAGO ANG SUSPEK SA KRIMEN? anong klaseng dating pangulo ito't tinatago ang isang suspek sa krimen na animo'y naglaho suspek ay pastor na ginamit daw ang relihiyon upang mga babae'y maging biktima rin niyon bakit dating pangulo'y itinatago ang takas na pinaghahanap ng U.S. at ng ating batas siya pang dating pangulo't isang abogado pa ang nagiging dahilan ng kawalan ng hustisya baka ituring na accomplice ang dating pangulo pagkat alam na niya'y ginagawa pang sekreto di ba't pambababoy sa batas ang kanyang ginawa na tila palabas na kanyang ikinatutuwa ang sinuman ay di dapat batas ay gawing kengkoy na batas ng bansa'y basta lang nila binababoy dapat ipakitang ang batas talaga'y may ngipin dakpin na yaong nagtatago ng suspek sa krimen - gregoriovbituinjr. 07.02.2024 Pinagbatayan ng ulat: * pahayagang Bulgar, Hulyo 2, 2024, Headline at pahina 2 *  https://www.fbi.gov/wanted/human-trafficking/apollo-carreon-quiboloy *  https://newsinfo.inquirer.net/192

Kayraming paskil ng gas

Imahe
KAYRAMING PASKIL NG GAS kayraming paskil ng gas sa bahay pitong iba't iba silang tunay talagang nag-ikot ang naglagay kaysipag nilang maghanapbuhay magdikit nito'y trabaho na rin upang komunidad ay ikutin upang masa'y di na hahanapin kung saan tangke ng gas bibilhin babasahin lang ang patalastas makakaorder na sila ng gas magigisa na'y bawang, sibuyas makakapagluto rin ng bigas tila namahagi ng polyeto ang mga magkaribal na ito sadyang ipinakalat sa tao upang tangkilikin ang negosyo sa init ng araw nagpapagod upang magdikit at ipamudmod ang negosyong itinataguyod sapat kaya ang kanilang sahod? - gregoriovbituinjr. 07.02.2024

Ang labandero

Imahe
ANG LABANDERO pag tambak na ang labada gawain ko ang maglaba damit ng anak, asawa, damit ng buong pamilya Perla ang gamit kong sabon at wala nang Ajax ngayon kaya tungkulin ko't layon labhan ang suot kahapon kukusutin ko ang kwelyo ang kilikili't pundiyo palo-palo pa'y gamit ko nang malinisang totoo mga suot kong pangrali damit din ng estudyante at ng asawang kaybuti ay lalabhan kong maigi ako'y isang labandero eh, ano, lalaki ako tulong na sa pamilya ko lahat ng gawaing ito nang walang tambak na damit na suot paulit-ulit labhan upang may magamit sa pupuntahang malimit - gregoriovbituinjr. 07.01.2024

Pusong uhaw, pusang uhaw

Imahe
PUSONG UHAW, PUSANG UHAW minsan, uhaw ang ating puso sa pag-ibig hanap ang giliw upang kulungin sa bisig sumasaya agad pag narinig ang tinig ng sintang sa iwing puso'y nagpapapintig habang pusa kong alaga'y uhaw sa tubig na tubig-ulan yaong tumighaw sa bibig matapos pakainin nang hindi mabikig nang di magkasakit at umayos ang tindig salamat sa pag-irog na di palulupig sa anumang suliraning di makadaig sa pusong naglalagablab kahit malamig ang panahong balat nati'y nangangaligkig minsan, sa pag-ibig, sagisag ay sigasig sigasig ay sagisag kaya lumalawig ang pagsasama ng dalawang umiibig di mauuhaw ang pusong laksa sa dilig - gregoriovbituinjr. 07.01.2024 * mapapanood ang bidyo ng pusang uhaw sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/898819382053667  

Ang sahurang alipin

Imahe
ANG SAHURANG ALIPIN ikaw ang tumutustos sa buong pamilya o baka may malaking pagkakautang ka ay, ganyan ka inilalarawan tuwina gayong kakarampot mong sahod ay kulang pa akala nila'y lagi kang paldo pag sweldo na kayrami nilang nakaasa sa iyo anak mo, pamangkin, asawa, lola, lolo o kaya'y kumpareng lasenggo't lasenggero ano ka nga ba, manggagawa o makina? makina kang laging nagtatae ng pera? o makinang alipin ng kapitalista? kapitalistang panginoon sa pabrika? O, manggagawa, kapatid naming obrero ikaw ba'y minahan ng libo-libong piso na ibinibigay mo sa kapitalismo tao ka ring napapagod na katulad ko kaytagal mo nang kalahok sa tunggalian nitong mapang-alipin at kaalipinan ang pagkasahurang alipin mo'y wakasan at palayain na sa kapital ang bayan - gregoriovbituinjr. 07.01.2024 * kathang tula ng makatang gala batay sa ibinigay na larawan