Kung tabak ang salita

KUNG TABAK ANG SALITA

kung tabak ang salita, nakasusugat ng puso
nakahihiwa ng diwa, kutis ay magdurugo
sa tabak na salita'y dama agad ang siphayo
di mo na mabatid kung tatango ka o tutungo

saan ka patutungo pag ganito'y maramdaman
marami'y di kinaya, ngayon ay nasa piitan
dinaan sa init ng ulo imbes pag-usapan
ang mga suliraning kinaharap kalaunan

huwag nating hayaang ang salita'y maging tabak
na sa ating katauhan ay nakapanyuyurak
huwag rin nating hayaang salita'y mapanghamak
ng kapwa dukha't pagagapangin tayo sa lusak

nawa'y lagi tayong mag-ingat sa pananalita
upang di tumagos iyang tabak sa puso't diwa
pag-usapan ang problema upang di maging hidwa
pagrespeto sa kapwa'y pairalin nating sadya

- gregoriovbituinjr.
07.04.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo