Tának

 TÁNAK

kaysarap gamitin / ng lumang Tagalog
lalo na't patungkol / sa pagsinta't irog
sa mapulang rosas, / may mga bubuyog
na lilipad-lipad, / rosas ay kinuyog

bago sa pandinig / ang salitang "tának"
batid ko'y katugmâ / nitong isdang "banak"
ang lumang salitâ / ay ikinagalak
niring aking pusong / dama'y pagkaantak

tának: kahuluga'y / napakadalisay
purong-puro, tunay, / kaysarap manilay
wagas na pagsinta / ang iniaalay
pinakamamahal, / pag-ibig na tunay

buti't ang makata'y / nakapagsaliksik
ng salitang luma't / bago lang sa isip
na sa kakathai'y / nais na isiksik
pagkat matulaing / kaysarap malirip

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

* tanak - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.902

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tamang gamit ng RITO at DITO

Ang editorial cartoon ng The Manila Times

Sa iyo, Ka Pedring, taas-kamaong pagpupugay!