Gawing ekobrik ang upos ng yosi

para raw akong baliw na nag-iipon ng upos
ng yosi, na pawang kalat na di matapos-tapos
tangka kong i-ekobrik ang upos na di maubos
pagkat epekto sa paligid ay kalunos-lunos

kung ako lang mag-isa, makababawas ng konti
ngunit kung marami ang gagawa, bakasakali;
iyang upos ang isa sa basurang naghahari
sa dagat, kinakain ng isda't nakakadiri

sa latang walang laman, mga upos ay tipunin
para sa kalikasan, ito'y isang adhikain
bakasakaling makatulong makabawas man din
sa milyun-milyong upos, libu-libo'y iipunin

mas mainam kung darami pa ang gagawa nito
lalo na't tutulong ang mismong naninigarilyo
isisiksik sa boteng plastik ang upos na ito
at kahit paano'y makatulong tayo sa mundo

ie-ekobrik na upos ay tawaging yosibrik
paraan upang mabawasan ang upos at plastik
mga upos ay i-yosibrik, sa bote'y isiksik
upang mga basura'y di na sa atin magbalik

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol