Hustisya sa mga desaparesidos

wala kaming puntod na titirikan ng kandila
hanggang ngayon, sa mahal namin ay nangungulila
sila'y aktibistang nagsikilos upang lumaya
mula sa pagsasamantala ang bayan at dukha

inorganisa ang kababaihan, manggagawa
magsasaka, kabataang estudyante, ang madla
ang guro, manininda, abugado, mangingisda 
subalit sila'y dinukot, sinaktan, iwinala

hinanap ng pamilya ang kanilang katauhan
nagtungo sa mga ospital, presinto, kulungan
nagbabakasakaling may bakas silang naiwan
sinong saksi, sinong maysala o may kagagawan

sa paghahanap sa kanila'y di dapat mabagot
sa nangyaring pagkawala, sinong dapat managot 
krimen at pangyayaring ganito' y dapat malagot
mga naiwang katanungan ay dapat masagot

hustisya'y aming sigaw, sa kampo, korte, kalsada
saanmang lugar, panawagan namin ay hustisya
mga desaparesidos sana'y matagpuan na
mga mahal naming iwinala, sana'y makita

- gregbituinjr.
* Inihanda para sa paggunita ng grupong FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) sa kanilang mga mahal na desaparesidos sa Nobyembre 2, 2019, mula 9am-12nn, sa Baclaran Church.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo