Ayoko sa salitang "wala akong pamasahe"

ayoko sa salitang "wala akong pamasahe"
kaya di ka makakadalo sa pulong, kumpare
ang pulong ay pulong, daluhan mo dito o dine,
doon o saanman, paghandaan mo ang sinabi

"wala akong pamasahe'y" huwag mong idahilan
ang pulong ay pulong, paghandaan ito't daluhan
ang araw na iyon ang itinakda ng samahan
mahalagang usapan, huwag mong ipagpaliban

para sa pamasahe, simulan mo nang mag-ipon
upang madaluhan ang pulong, malayo man iyon
tayahin ang gastusin kung ikaw ay paparoon
upang di kapusin sa iyong gugugulin doon

sa bawat tinakdang pulong, may pananagutan ka
hinalal ka ng kongreso, may posisyon, halal ka
kaya pagdalo sa pulong dapat asahan mo na
responsibilidad mong dumalo roon, kasama

kakapusan sa pamasahe'y huwag idahilan
agahan ang paglalakad kung kinakailangan
maglakad ka na ngayon upang pulong ay abutan
kung ayaw, pulos dahilan; kung gusto, may paraan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo