Bakit karapatang mag-unyon ay mistulang giyera

pag ikaw ay natanggap na't pumasok sa pabrika
sasabihan kang huwag mag-uunyon sa kanila
bawal daw mag-unyon, ayon pa sa kapitalista
magtrabaho ka lang upang tumubo ang kumpanya

karapatan mong mag-unyon, karapatan mo iyon
kahit na basahin mo pa ang ating Konstitusyon
mabuting kalagayan sa trabaho'y nilalayon
kaya mga manggagawa'y nagtatayo ng unyon

ang manggagawa ang lumilikha ng ekonomya
subalit sa loob ng pabrika'y may pulitika
bakit pag-uunyon ay nagmimistulang giyera
at tinuturing na paglaban sa kapitalista

manggagawa'y tao, at di makinang gagamitin
taong malaya ang manggagawa, at di alipin
katotohanan bang ito'y kayhirap intindihin
ng kapitalistang ang sarili'y diyos ang turing?

iyang karapatang mag-unyon ay pandaigdigan
na kinikilala rin ng maraming bansa't bayan
kaya ang karapatang mag-unyon ay ipaglaban
ng manggagawang kontraktwal, regular, o arawan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo