Pagsusulat sa madaling araw

madaling araw ang karaniwan kong pagsusulat
kung saan marami'y himbing pa't di pa dumidilat
panahong sa diwa'y dadalaw ang di madalumat
mutya ng haraya'y naroon sa aking pagmulat

maagang tutulog upang gumising ng alas-tres
o alas-kwatro ng madaling araw, tulog-nipis
di matingkala'y sinisiwalat ng bawat amis
bakasakaling gumaling na ang natamong gurlis

masisisi ko ba ang aking bawat kapalpakan
sa maraming bagay na dapat pang mapag-aralan
minumuni ang tanikala ng kaalipinan
mula sa karukhaang di batid kung makayanan

sige, aakdain ko anumang dapat sulatin
habang gurlis na natamo'y aking pinapagaling
habang pinagninilayan ang maraming usapin
habang niyakap kong adhika ang laging kapiling

tiyak kong ang mga tandang na'y magsisitilaok
tao'y gigising din kasabay ng gising ng manok
umaga na pala't bagong araw na'y pumapasok
habang ako nama'y sinasagilahan ng antok

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain