Tanaga sa panahon ng kwarantina

mahirap magkasakit
sa lockdown na kaylimit
ramdam mo'y anong lupit
sa panahong di sulit

kailangang mag-ingat
huwag kang malilingat
agapan pag may sinat
at iwasan ang lagnat

face mask, social distancing
face shield, huwag babahing
kung sakaling hihimbing
diwa'y alisto't gising

dapat kang may alkohol
tanging tagapagtanggol
sa sakit na sasapol
o virus na hahabol

ano bang dapat gawin
nang di tayo gutumin
aba'y pabitin-bitin
na itong buhay natin

wala nang nakakapa
sa bulsa ang dalita
walang kita't kalinga
at lagi pang tulala

kwarantina'y kaytagal
laging natitigagal
ramdam ko'y isang hangal
na ulo'y binubuntal

gutom ang kalaban
pabrika'y nagsarahan
baka mapagpasyahan
umuwing lalawigan

babalikan ang bukid
kaysa lungsod mabulid
ang sakit ay balakid
sa buhay na matuwid

- gregoriovbituinjr.

* Ang tulang ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain