Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2020

Ang banta ng unos

maalinsangan ang paligid gayong nagbabanta ang matinding unos na mananalasa sa madla mabanas ang pakiramdam, payapa pa ang lupa sa ulat nga'y kaybilis ng bagyo, dapat maghanda ngayong madaling araw, ang paligid pa'y tahimik di basa ang lansangan, wala pang ulang tikatik sasalubong sa undas ang unos na anong bagsik at maraming biyahero'y tiyak magsisitirik maalinsangan, hinubad ko ang pang-itaas inunan ang malaking librong may binubulalas wala sanang tulo, at ang atip sana'y di butas pinihit ang tsanel, walang kursunadang palabas muli kong ipinikit ang inaantok kong mata upang muling mapanagimpan ang diwatang sinta nasaan na ang hanap na panlipunang hustisya may banta mang unos, nariyan ang bagong umaga - gregoriovbituinjr.

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Imahe
Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner). MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito. Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land?  Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slu...

Tapusin na natin ang laban

niyurakan ng sistemang bulok ang pagkatao ng laksa-laksang dukha't masisipag na obrero sa tokhang nga'y barya-barya lang ang buhay ng tao itanong mo man sa kasalukuyan mong gobyerno wala nang prose-proseso ng batas ang ginawa na naging patakaran na ng pinunong kuhila kung sino ang suspek ay basta na lang bubulagta kung sinong mapaghinalaan ay tutumbang bigla tama ba ang ganitong walang proseso ng batas alam mong panuntunang iyan ay tadtad ng dahas pinaglaruan ang batas upang magmukhang butas karapatan na'y balewala't kayraming inutas dapat dinggin ng bayan ang hibik ng aping masa at usigin ang mapang-api't mapagsamantala dapat palitan ng bayan ang bulok na sistema dukha'y magkapitbisig tungong ganap na pag-asa ah, di pa tapos ang laban, di pa tapos ang laban upang panlipunang hustisya'y makamit ng bayan huwag hayaang "hustisya'y para lang sa mayaman" tapusin natin ang laban, baguhin ang lipunan - gregoriovbituinjr.

Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS

Imahe
Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS pagbati sa anibersaryong pandal'wampu't pito ng ating party list na Sanlakas, mabuhay kayo! tunay na lingkod ng mamamayan, ng simpleng tao lalo't tinataguyod ay lipunang makatao dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas nang magkaisa ang masa't tinayo ang Sanlakas dalawang dekadang higit nilabanan ang dahas upang lipunang ito'y maging patas at parehas kahit nitong kwarantina'y nagbigay ng pag-asa sa abot ng kaya'y nagbigay ng tulong sa masa sa iba't ibang isyu ng bayan ay nakibaka upang tuluyang mabago ang bulok na sistema narito lang kami, taas-kamaong nagpupugay sa Sanlakas dahil sa pakikibaka n'yong tunay narito tayo, kapitbisig, susulong na taglay ang pagkakaisa ng bayang may adhikang lantay - gregoriovbituinjr. 10.29.2020

Ilang tanaga

ILANG TANAGA I bakit ba kinakapos kaming mga hikahos bakit laging hikahos ang dukhang kinakapos urong-sulong ang diwa walang kumakalinga lalo't di masawata ang kahirapang lubha bakit kami'y iskwater sa bayang minamarder ng hinalal na lider na tila isang Hitler laksa-laksa’y namatay kayraming humandusay inosente'y pinatay naglutangan ang bangkay II puting-puting buhangin nang tayo’y paunlarin ngunit kung iisipin may planong alanganin City of Pearl malilikha uunlad daw ng bansa; ang nananahang dukha kaya’y ikakaila dukha’y mapapaalis tiyak madedemolis sa planong hinuhugis ng burgis na mabangis * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 20.

Ang inidoro ng ginhawa

Imahe
O, dama mo ang kirot ng tiyang di madalumat tila baga pasan mo ang daigdig, O, kaybigat na ang tanging lunas ay sa palikuran magbawas at madarama ang ginhawang hinahanap-hanap sa maraming bagay nga tayo'y abalang-abala kayod ng kayod para sa kinabukasan nila nagpapakabusog sa pagkaing di masustansya tinatagay ang samutsaring alak at serbesa ngunit anumang sarap ay sa kasilyas dudulo at tunay na ginhawa ang dala ng inidoro tulo ang pawis, tutop ang tiyan, pag wala ito mamamatay kang di mo mawari, sakit sa ulo mahalaga ang palikuran, iyong napagnilay doon mo ilagak ang lahat mong sakit at lumbay siya pala ang lunas sa mga problemang taglay upang kaginhawaan ay maramdaman mong tunay - gregoriovbituinjr. (Ang mga litrato ay kuha ng makata sa bangketa sa labas ng isang paaralan sa La Trinidad, Benguet.)

Ang bago kong gunting na pangekobrik

Imahe
nang makaluwas ng Maynila, una kong binili ay isang munting gunting na siyang inihalili sa naiwang gunting na pitong buwan ding nagsilbi sa probinsya sa mga inekobrik kong kaydami pulang gunting ang naiwan, asul ang binili ko sinimulan ko agad ang pageekobrik dito kayraming plastik agad ang naipon kong totoo isang linggo pa lang, pinatitigas ko na'y tatlo misyon ko na ang mag-ipon at maggupit ng plastik tulong sa kalikasang sa basura'y humihibik gagawin ko pa'y di lang ekobrik kundi yosibrick mga upos ng yosi'y ilagay sa boteng plastik mga naglipanang basura'y kakila-kilabot naglutangan ang mga plastik at upos sa laot ang bagong gunting sa pageekobrik ko'y nagdulot ng saya, kaya pagsisilbi ko'y di malalagot - gregoriovbituinjr.

Walang kumot sa pagtulog

Imahe
pinagkukumot ako ni misis sa lalawigan talagang ako'y laging pinaaalalahanan ganyan ang pagmamahal, sadyang di matatawaran magkasama sa kutson, may kumot pa kami't unan subalit balik sa dati nang bumalik sa lungsod hihiga sa silyang kahoy, walang unan at kumot tila mandirigmang kung saan-saan napalaot aba'y pag inantok na'y nakahubad pang matulog kaysarap kasing umidlip sa papag man o sahig kaysarap kasing humimbing pag nahiga sa banig di gaya sa kutsong malambot na tila ligalig di pa sanay magkumot sa lugar mang anong lamig sanay mang humiga sa papag ng buong pagsinta, kung saan mapasandal, pipikit at tutulog na gayunman, huwag balewalain ang paalala tandaang lagi ang bilin ni misis, "Magkumot ka!" - gregoriovbituinjr.

Sibaka't TaKam sa agahan

Imahe
SiBaKa  - sibuyas, bawang, kamatis ang agahan kasabay ng  TaKam  o talbos ng kamote naman pawang pampatibay pa ng resistenya't katawan aba'y nakabubusog din lalo't iyong matikman itong  SiBaKa 'y ginayat ko't hilaw na kinain habang  TaKam  naman ay isinapaw ko sa kanin sinasanay ko ang katawan sa mga gulayin mura lang at maaari mo pa itong itanim bawasan na ang karne, ito ang aking prinsipyo maging vegetarian ka rin minsan man sa buhay mo maging budgetarian din, badyetin mo ang kain mo magtipid man tayo, sa kalusugan ay seryoso SiBaKa 't  TaKam  sa agahan, magandang ideya mga lunas pa ito sa sakit na nadarama tara, simulan nating mag TaKam  at mag SiBaKa upang lumakas at tumindi rin ang resistensya - gregoriovbituinjr.

Dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan

dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan at sa radyo'y awit ng ASIN ang pumailanlang ang pinamagatang  "Masdan Mo Ang Kapaligiran" ayon sa umawit, pag namatay "sana'y tag-ulan" anya'y "upang sa ulap na lang tayo magkantahan" nakipagsabayan ang patak ng ulan sa himig ng awiting ang umawit ay kaylamyos ng tinig habang nagsasalin ng akda, dama'y halumigmig habang ninanamnam bawat salitang pumipintig habang kunwa'y tumatagay ng lambanog at tubig at pinagmasdan ko ang ulap sa labas, kay-itim di pa naman gabi ngunit animo'y takipsilim paano makakasilong sa punong walang lilim kung puno'y pinagkakitaan na ng mga sakim awit ay inunawa, kaybabaw, ngunit kaylalim makabagbag-damdamin, mapagmulat, inspirasyon upang kapaligiran ay pagmasdan natin ngayon sangkaterbang plastik ang sa dagat na'y lumalamon upos ng yosi'y nagkalat, kaytindi ng polusyon sa nangyaring ito, bansa pa ba'y makakaahon? - gregoriovbituinjr.

Kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma

kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma ito'y pagkat sa diwa'y maraming kumakawala samutsaring mukha, mababangis na dambuhala ako'y abang makata sa anong gandang diwata sabay naming lilikhain ang saknong at taludtod upang hustisyang panlipunan ay maitaguyod upang patuloy na magsipag ako sa pagkayod upang matutong sumisid nang di naman malunod malayang taludturan nga ba'y tunay na malaya habang lipunang makatao'y hangad na malikha nasa malayo man ang diwata'y kinakalinga tumatakbo man ang diwa'y huwag sanang madapa kinakatha ang mga diona, tanaga't dalit na alay sa masa't sa diwata kong anong rikit siya ang tula ko't ako ang tula niyang sambit habang sa inhustisya, yaring pluma'y nagngangalit - gregoriovbituinjr.

Nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso

"Whoever fights monsters should see to it that in the process he does not become a monster." - Friedrich Nietzsche nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso, mapagsamantalang trapo't sa bayan ay berdugo inililigtas ang bayan sa diktador na gago layon nating itayo ang lipunang makatao nilalabanan natin ang mga tuso't tiwali at bulok na sistema'y ayaw nating manatili; para sa prinsipyo'y inalay ang buhay na iwi gagampanang tapat ang tungkulin kahit masawi ngunit tiyaking tanganang mahigpit ang prinsipyo habang binabaka'y kalabang halimaw sa mundo upang di rin maging halimaw pag tayo'y nanalo lalo't ating itatayo'y lipunang makatao pag nagwagi, adhika'y iluluklok sa pedestal, magpapakatao, makikipagkapwa, may dangal huwag tutularan iyang mga hunyangong hangal upang di maakusahang isa ka ring pusakal - gregoriovbituinjr.

Nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa

nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa pulos tiwali ang sa posisyon nagkandarapa sa sambayanan pa ba'y maglilingkod silang sadya o magbubutas lang ng bangko, bayan ay kawawa sigaw ng bayan, supilin ang mga mandarambong! kung sila'y nariyan pa, bansa'y saan na hahantong? ligalig ang bayan pag namuno'y laksang ulupong dapat ay tunay na lingkod upang bansa'y sumulong ngunit saan matatagpuan ang tunay na lingkod? sa elitista bang sarili ang tinataguyod? yaong sa puwet ng kapitalista humihimod? o yaong sa buwis ng bayan laging nakatanghod? anang awit,  "ang hustisya'y para lang sa mayaman" habang patuloy pa rin ang matinding kahirapan dapat obrero't dukha'y maghimagsik nang tuluyan upang bulok na sistema'y talagang mapalitan - gregoriovbituinjr.

Tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look

Imahe
tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look pagkat nagpa-Maynila na't nilandas ang pagsubok napagpasyahan ko agad magpagupit ng buhok bagaman wala pang tulog at inaantok-antok lumuwas upang makapagsimula sa trabaho lalo't bagong opisina ang aatupagin ko ang pagsasalin ng katha'y itutuloy ko rito sa dalawang araw na miting na'y agad dumalo bagong gupit, panibagong hamon, bagong simula dalawang plastik na tsitsaron ang aking nginuya habang santimbang tubig naman ang aking tinungga inahit ang bigote't balbas, kuminis ang mukha bagong gupit, nag-selfie, at naglinis ng paligid maraming pagbabago't bagong simula ang hatid tiyaking huwag magugutom kahit nagtitipid kinakatha'y bagong paksa, mag-isa man sa silid - gregoriovbituinjr.

Pagpalaot sa kabila ng bagyo

pagkakataong makawala sa buhay na buryong subalit nagbantang may bagyo't aso'y umalulong napurnada na naman, napalaot sa linggatong walang masakyan gayong sa plano'y ayaw umurong hintay lang, paraanin muna si bagyong Pepito at tiyak nang papalaot sa lungsod ang tulad ko baka di na makayanan ang payapang delubyo kaya iiskyerda na matapos lang itong bagyo isang pulong nga "rain or shine" ay dadaluhang pilit sa lungsod pa'y naghihintay ang trabaho kong hirit bagong opisina'y aayusin ko pag sumapit sa lungsod, may bagyo man, biyahe ko'y igigiit sige, basta may masasakyan, ako'y lalarga na ayoko nang panahon pa dito'y magpalipas pa may dapat gampanan, trabaho kong nakatalaga bilang sekretaryo heneral ay papalaot na - gregoriovbituinjr.

Ako'y tibak

Imahe
Ako'y tibak ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri upang lupigin ang bata-batalyong naghahari upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan hangad na maitayo ang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika - gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

Imahe
Pagninilay sa aking lungga minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa upang itala ang buhay ng binabalewala bakasakaling makaahon sa danas na sigwa kayraming litrato ng mga balyenang tumirik ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik paano ba magtutulungan sa pageekobrik nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang na matagal nang nawala't may iba nang hinirang matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang narito man ako sa aking lungga, nagmamasid katiwalian at karahasan ay nababatid karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid - gregoriovbituinjr.

Ang karatula sa dyip

Imahe
Ang karatula sa dyip isa ngang palaisipan ang karatula sa dyip pagkat tanong iyon na agad kang mapapaisip "Sino ba ang sinungaling?"  ay agad kong nahagip habang sa biyahe'y nakawala iyon ng inip subalit tanong na iyon ay may karugtong naman sa pagtugon ay may dalawa kang pagpipilian: "ang matanda ba o ang elepante ang katawan?" may-ari ba ng dyip ay may problema sa tahanan? sinong pinatamaan ng ganoong patsutsada? ang sariling ina o ang biyenang lumba-lumba? ang matandang kasera o ang matabang asawa? wala tayong alam, isa lang itong sapantaha tayo din ay may problema't sariling mga danas hayaan natin sila sa ganoong alingasngas baka nga problema nila'y kanila nang nalutas habang tayo'y patuloy pa sa nililikhang bukas - gregoriovbituinjr.

Gaano nga ba kahalaga ang puno?

Imahe
Gaano nga ba kahalaga ang puno? gaano nga ba kahalaga sa akin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa iyo ang puno? gaano nga ba kahalaga sa atin ang puno? gaano nga ba kahalaga sa mundo ang puno? ang mga puno'y nagbibigay ng lilim sa labas ang mga puno'y tahanan ng hayop na ilahas ang mga puno'y maraming binibigay na prutas tulad ng bayabas, kalumpit, duhat, sinigwelas ang mga puno'y nagbibigay ng kahoy sa madla ang mga puno'y pananggalang sa mga pagbaha ang mga puno'y tagapagligtas mula sa sigwa tulad ng punong dita nang si Ondoy ay nagwala ganyan kahalaga ang mga puno sa daigdig kaya mga daing nila'y ating bang naririnig? pag nawala ang puno'y walang huni ng kuliglig halina't puno'y alagaang nagkakapitbisig - gregoriovbituinjr.

Ang gawain kong pagsasalin

Imahe
Ang gawain kong pagsasalin may kompyuter na't wifi, mayroong teknolohiya magsalin ng Ingles sa Filipino'y madali na subalit pag ninamnam mo ang salin mong binasa minsan, mali ang kahulugan sa iyong panlasa kaya ako'y nagsasalin sa mahabang estilo bawat pangungusap ay isusulat sa kwaderno di laging literal na salita, unawain mo upang iyong makuha ang kahulugan ng wasto di lang bolpen at kwaderno ang iyong gagamitin kundi dalawang wika'y kabisado mo't namnamin nirerepaso't binabalikan ang mga salin pangungusap at talata'y dapat mong unawain kung Pluto'y dwarf planet, ang salin ba'y dwendeng planeta gayong di ito dwende kundi maliit sa iba dwarf dahil maliit, di dahil dwendeng may mahika mainam bang Pluto'y tawaging punggok na planeta suriing mataman ang nakapaloob na diwa na nais iparating sa madla niyong may-akda upang kahulugan sa salin ay walang kawala upang manamnam mo ang lasa ng bawat salita salin ng salin, dapat batid ang sariling sulat upan...

365 basong karton kada taon

Imahe
365 basong karton kada taon ginagamit ko'y isang baso lamang sa tahanan na matapos magkape'y akin namang huhugasan walang basong kartong itatapon sa basurahan kundi yaon lamang plastik ng kapeng pinagbilhan ginagamit naman sa kapehan ay basong karton kung araw-araw isang beses kang magkape doon bilangin mo't ang nagamit sa isang buong taon ay tatlong daan, animnapu't limang basong karton ikaw pa lang iyon, paano kung ang magkakape ay isang daan bawat araw, di lang ito triple tatlumpu't anim na libo't limangdaang kinape sangkaterbang basurang ito'y suriing maigi kung sa kapehan, basong hugasin ang gagamitin walang basong kartong basurang papatas-patasin kaylaking tipid ng may-ari sa kanyang gastusin nakatulong pa sila sa kapaligiran natin sa ating pagkakape, minsan ito'y pag-isipan mga plastik ng kape'y maiekobrik din naman maaksayang pamumuhay ay dapat nang iwasan at isipin din ang kalagayan ng kalikasan - gregoriovbituinjr.

Ang pangkat ng Alno (PSA)

Imahe
ANG PANGKAT NG ALNO (PSA) bagong kaibigan ni misis ang pangkat ng Alno na sa barangay na iyon ay naging katrabaho ang grupo nila yaong nag-sensus sa buong baryo upang iambag sa populasyon ng bansang ito sa pagse-sensus ay matitinik at mabibilis sa pagkuha ng datos, walang kulang, walang labis bagong kaibigan, bagong kasamahan ni misis masasaya't palakwento, tiyak kang bubungisngis matapos ang trabaho'y nag-iskedyul ng lakaran taniman ng samutsaring cactus ang pinuntahan nag-selfie't iba't ibang cactus ang nilitratuhan sa bahay ng isang katrabaho'y nananghalian sa pangkat ng Barangay Alno, maraming salamat sapagkat kayo'y talagang mahuhusay ngang sukat kahit may ilang problema'y naaayos ang ulat ginawa ang tungkuling makatutulong sa lahat - gregoriovbituinjr.

Ilang hibik

sa diwatang minumutya, sa musa ng panitik sa isang dilag na kapara'y rosas na matinik bakit ang pangalan mo sa puso ko'y natititik ako'y gawaran mo ng nakasasabik mong halik sa basurerong di pa gumagawa ng ekobrik ano nang ating gagawin sa sangkaterbang plastik sa laot na malalim nga't sa bundok na matarik naroroong ang mga plastik ay nagsusumiksik minsan sa aking pag-iisa'y laging bumabarik hanggang sa kalasingan ang aking mata'y tumirik mabuti't ako'y nasa bahay lang, biglang hihilik nasa upuan na lang pagkat di na makapanhik maraming katiwaliang nakapaghihimagsik kaya aralin ang isyu't huwag patumpik-tumpik para sa panlipunang hustisya'y dapat umimik at labanan ang dahas na kanilang inihasik - gregoriovbituinjr.

Pagsalansan ng salita

kayraming mga salitang di basta maaninag ang bola'y bilog, kaya ba binobola ang dilag? tutungo ka bang nakatungo sa daang di hayag? iyang pagtaklob ba sa taklobo ay may paglabag? pag ako ba'y nagpatawa, ako ba'y patawa rin? matutuwa ka ba kung ikaw ay patutuwarin? pag ako ba'y nagkasala, ako na ba'y salarin? ang pusa bang nangalmot ay pusakal kung tawagin? iba ang tubo na pinanggalingan ng asukal iba ang tubo na inasam ng nangangapital iba ang tubo ng gripo, posonegro't imburnal iba ang tubo ng tanim at punong matatagal ang makata'y nag-iisip, kawa, kawal, kawali kung sakaling maiinip, pala, palag, palagi na sa puso'y halukipkip, saka, sakal, sakali bawat tula'y makasagip, baha, bahag, bahagi matatagpuan mo ba sa diwa ang haka't katha nadarama ba ng puso mo ang halik ko't likha minsan nga'y di mawaring tutula akong tulala nagkakaganyan ba pagkat makatha ang makata - gregoriovbituinjr.

Ang kaibhan ng poetry at poem

"...but it is only the study not of poetry but of poems, that can train our ear." - T. S. Eliot - mula sa aklat na  Selected Prose of T. S. Eliot , p.108 tanong: anong kaibahan ng poem at poetry? masagot kaya ito ng makatang nagmumuni? kay T. S. Eliot ay ito ang kanyang sinabi na sa akin nama'y kariktang nakabibighani poetry ba pag inalayan siya ng bulaklak? pagkat sa kanyang kariktan ako'y napapalatak? poem na ba pag tinulad ko siya sa bulaklak? siya'y rosas na matinik ngunit iindak-indaK? susuriin mo di lang ang katitikan ng tula di lang paano ito isinulat ng makata susuriin mo'y nakapaloob na talinghaga paano tumagos sa puso yaring parikala paano kung sa sariling wika ito isalin ang poetry ay tula, at ang poem ay tula rin minsan ang tula'y tulay upang mutya'y pasagutin kaya tula'y kaysarap unawain at namnamin - gregoriovbituinjr.

Huwag iwan sa isang bulsa ang selpon at pera

Imahe
huwag iwan sa isang bulsa ang selpon at pera aba ito'y napagtanto ko lang kani-kanina paghugot ko ng selpon ang mga pera'y sumama agad ko namang nakita kundi ito'y wala na buti't sa gilid ng bangketa ako napaupo nang binunot ko ang selpon na tila hapong-hapo upang i-text si misis upang kami'y magkatagpo at nakita nga ang pera nang biglang mapatungo nasa isip kasi'y ang pariralang kinakatha di namalayang pera sa bulsa'y muntik mawala paano kung may tumawag at naglalakad na nga nalaglag na ang pera't nakakuha'y tuwang-tuwa sadyang nakapanghihinayang kung magkakagayon pasya ko'y ihiwalay ng bulsa ang pera't selpon marahil ito na'y isa sa tumpak kong desisyon upang di ka naman mawalan ng pera paglaon - gregoriovbituinjr.

Pagsusuot ng medyas kay misis

Imahe
oo, kay misis ay ganyan akong magsilbing lubos sinusuutan ko siya ng medyas at sapatos tanda iyan ng pagmamahal, di pambubusabos kusa kong ginawa, di man sinabi o inutos oo, ganyan nga kung magtulungan kaming dalawa lalo't siya ang may trabaho't may tangan ng pera akong bahala sa gawaing bahay, paglalaba, pagluluto, paglampaso, pagtapon ng basura isa man akong dakilang lingkod sa aking misis ayos lang lalo't malaki ang tiyan niyang buntis baka pag nagsapatos siya, tiyan na'y umimpis susuutan ko siyang kusa upang di mainis ako ring magtatanggal ng sapatos niya't medyas pag dumating na sa bahay pagkagaling sa labas payak at kusangloob na pag-ibig ang katumbas at di magmamaliw habang pinapanday ang bukas - gregoriovbituinjr.

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

Imahe
Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula sa maghapong paggawa'y pahinga na ang pagkatha magninilay-nilay kahit na sa panahong putla agad isinusulat anumang nasa gunita minsan, maghapon ang pagpapako't pagmamartilyo magdidilig, mga tanim ay inaasikaso at minsan naman, maglaba, magluto't maglampaso o kaya'y magsalin ng akdang naroon sa libro habang trabaho'y ginagawa, ay may naninilay ang ina'y nasa piitan, ang anak ay namatay aktibista ang nanay na sa anak napawalay dahil ba aktibista, ang hustisya na'y di pantay pagpupugay doon sa nars na maganda'y ginawa nagpaanak sa kalsada ng inang namumutla di sila dapat makaligtaan sa bawat tula tuloy muna ang trabaho't mamaya na kakatha - gregoriovbituinjr.

Sa anino ng kahapon

Imahe
Sa anino ng kahapon nasa anino man ako nitong aking kahapon ay lagi kong pinagbubutihan ang bawat ngayon sinasabuhay ang angking prinsipyo't nilalayon samutsaring paksa'y inaaral at sinusunson gawin ang bawat ibig ng minumutyang diwata kathain ang pagsintang nilalabanan ang sigwa idarang pa natin sa apoy ang espadang katha upang pumutol sa ulo ng gahamang kuhila nagsisiksik pa rin sa bote ng sanlaksang plastik nag-aalay sa diwata ng rosas na may tinik habang tinatahak ang sangandaang anong tarik at laman ng kalooban ay agad isatitik oo, di ko makikita ang anino sa dilim kundi doon sa liwanag na tumagos sa lilim anino'y natanaw kong naroroong naninimdim hanggang sa kami'y abutan ng bunying takipsilim - gregoriovbituinjr.

Mga paksa sa pagkatha

Imahe
Mga paksa sa pagkatha paano nga bang kinakatha ang hibik ng puso habang naninilay ang mga ugaling hunyango at nanonokhang habang may pinunong kapit tuko di lumpo ang panitik habang iba'y pinayuko inaakdang buong tigib ang samutsaring paksa sinasapuso ang bawat daing ng maralita pinapaksa ang kasanggang hukbong mapagpalaya at paglilingkod kasama ang uring manggagawa matematika, astronomiya, pageekobrik aktibo, aktibismo, tahakin man ay matinik sistemang bulok, hustisyang panlipunan, paghibik makata, tula, nasa loob ay sinasatitik pluma ang gatilyo ng bawat paksang susulatin nasa diwa'y punglong sa mapang-api'y patagusin aklat, sakripisyo't danas ang kaluban kong angkin layuning sistemang mapagsamantala'y kikitlin pakikipagkapwa't pagpapakatao'y nilayon na aking tinataguyod bilang dakilang misyon upang iyang bulok na sistemang tunay na lason ay durugin sa mga akda't mawala paglaon - gregoriovbituinjr.

Patuloy na pagsulat

Imahe
Patuloy na pagsulat di tumitigil sa pagkatha ang makatang tibak sa gitna man ng init, pawis ay tumatagaktak sa gitna man ng lamig at nangangatal sa lambak sa gitna man ng payapang sementeryong pinitak patuloy ang pagkatha kahit mabulid sa dilim itutula pati ulat na karima-rimarim aakdain pati laman ng pusong naninimdim kakatha't kukutyain ang gumagawa ng lagim kanyang ibubulgar ang mga mapagsamantala at patuloy na itutula ang hibik ng masa imbis kiskisin ang kalawang upang mapaganda ang gintong tanikala'y dapat itong lagutin na hindi nahihimbing ang makata sa toreng garing naroon siyang kasama ng dukhang dumadaing sasamahan ang mga manggagawang magigiting  upang bulok na sistema'y tuluyan nang malibing - gregoriovbituinjr.

Ang kalagayan ng mga locally stranded individuals (LSI)

ANG KALAGAYAN NG MGA LOCALLY STRANDED INDIVIDUALS (LSI) Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Napabalita sa telebisyon, radyo at pahayagan, lalo na sa social media, ang tinatawag na locally stranded individuals o LSI. Sumulpot ang ganitong penomenon nito lamang panahon ng pandemya.  Ayon sa balita, mayroon nang 8,408 LSI na pawang nasa Kamaynilaan na nais nang pauwiin ng pamahalaan sa kani-kanilang lalawigan.  Sa pagtitipon ng mga LSI, halimbawa sa loob ng Rizal Memorial Stadium, hindi nasusunod ang social distancing, o yaong pamantayang dapat ay isang metro ang layo sa bawat isa. Habang ang karamihan sa kanila ay nagsusuot naman ng face mask at face shield, malinaw na hindi nila napapanatili ang ligtas na distansya mula sa bawat isa. Sa dami ba naman ng tao, paano nga ba ang pagdisiplina sa kanila, habang karamihan sa kanila, bukod sa nais nang makauwi, ay pagod na, kaya kung saan-saan na lang isinasalampak ang kanilang pagal na katawan. Paulit-ulit ngang binigyang diin...

Ang payo ng kampyong si Triple G

Imahe
"Sometimes the only person that can see your goal is you. Stay focused and you will achieve it. You, yes you, you can do it too. Hard work pays off." ~ world middleweight boxing champion Gennady G. Golovkin bilin ng isang magaling na boksingerong kampyon minsan ang tanging makakakita ng iyong layon ay ikaw lang mismo, kaya isipan mo'y ituon upang mapagtagumpayan mo ang anumang hamon isang magandang payo ni Gennadiy G. Golovkin sa anumang larangan ay pagsikapan at sundin minsan walang ibang tutulong kundi sarili rin kaya kung di ka magsisikap ay walang kakamtin pumokus ka sa iyong inaasam na larangan ito man ay sa palakasan, agham, o sipnayan bawat larang ay aralin at iyong pagsikapan upang matamo ang tagumpay o inaasahan mapipigil mo ang takot na namahay sa dibdib malalagpasan mo ang lungkot sa malayong liblib makakalabas ka rin sa pinaglunggaang yungib matitigpas mo ang ulo ng sawang nanibasib iyan ang isang payong magaling para sa masa lalo sa tulad kong isang makata...

Napadpad man sa malayong ilang

oo nga't napadpad lang ako sa malayong ilang subalit sa iwing katungkulan pa'y gumagampan pagkabahag ng buntot sa akin ay walang puwang kahit pa manuluyan sa amak ng karukhaan nakakaakit man ang buhay sa gubat na liblib ay parang nasa hukay na puputukin ang dibdib dapat uwian kung saan ang iwing puso'y tigib mabuti nang harapin ang sawang naninibasib di mawawala sa taludturan ko't pangungusap na pinagluluksa ang pagkawala sa pangarap di na masulingan ang buntong hininga't paglingap na inaasahan sa katungkulan kong tinanggap ang halal ng mayorya'y dapat magawang magtanggol sa prinsipyo't tindig na iwing buhay ay inukol ayokong ituring na tusong unggoy na masahol pa sa hayop, kahit pulang rosas pa ang mapupol - gregoriovbituinjr.

Ang malabong larawan

malabo ang larawang namumuo sa isipan silang karaniwan ay naroon sa panagimpan animo ako'y hinehele sa malayang duyan subalit kaylabong di maaninag sa kawalan ang pagpapakatao'y di dapat maisantabi mahalagang bilin sa atin ng mga bayani sa pakikipagkapwa'y huwag mag-aatubili pagkat ito'y tatanganan natin hanggang sa huli kahit madarang man tayo sa apoy ng ligalig at hinehele sa kandungan ng bunying pag-ibig lubak man ang lansangan ay di pa rin mayayanig anumang sigwa'y haharapin at tayo'y titindig pusikit ang karimlan, sumulpot ang bulalakaw maganda ba itong senyales na ating natanaw ang mga naaninag ba'y palinaw ng palinaw at baka paglaya'y masulyapan sa balintataw - gregoriovbituinjr.

Pagbaka sa mananagpang

sumasanib sa kawalan ang gahum ng bangungot na tila nagnanasa ang hukluban ng kalimot may tumutusok sa tagiliran, pasundot-sundot nakakailang kaya sa ulo'y pakamot-kamot di mo pa magapi ang sa loob mo'y katunggali patuloy pa rin nilang ang kapwa'y inaaglahi nagpapakatao ka ngunit sila'y namumuhi sa kagaya mong tangan pa rin ang nilulunggati mag-ingat pa rin baka mahulugan ka ng sundang mula sa buwan, tila ikaw ay palutang-lutang huwag mong hayaang sa lusak ikaw ay gumapang dahil nagapi ka na ng kalabang salanggapang "sasagpangin ka namin, tulad mo'y di sinasanto!" "ayoko, ayoko, ayoko! sinabing ayoko!" "tulad mo'y balewala lang sa aming paraiso!" "tanggap ko kahit na sa labang ito'y nagsosolo!" - gregoriovbituinjr.

Pakikipagtunggali

animo ako'y ilahas na hayop na sugatan at pagod na pagod sa naganap na tunggalian pagkat ayaw palapa sa hayop ng kagubatan o marahil sa gubat ay naghahari-harian nakatindig pa rin kahit may sugat na natamo sa bakbakang araw at gabi'y umaatikabo kapwa pagod na ngunit di pa rin sila patalo totoo, sugatan na ako'y di pa rin manalo mabangis ang kalooban ng mga mananagpang habang tangan ko pa ang kalasag na pananggalang nageeskrimahan habang taktika'y tinitimbang pinaghuhusayan upang di sila makalamang hari ng kagubatang kagaya ko ring animal ngunit di ko kaya ang malakas niyang atungal isang taong lobong balat ng tupa ang balabal sa labanang ito'y sinong magwawagi't tatagal - gregoriovbituinjr.

Ang nag-iisang mais sa gilid ng kalsada

Imahe
namunga na rin ang mais sa gilid ng kalsada nag-iisa ang mais na iyon, walang kasama nabuhay ng ilang buwan sa kanyang pag-iisa sa kabila ng kalagayan,  nakapamunga pa tulad din ng makatang kumakatha sa kawalan may nakakatha sa umaga man o sa kadimlan may katha sa sinag ng araw o patak ng ulan lagaslas man ng tubig o kalagayan ng bayan ang introvert nga akala mo'y may sariling mundo tulad ko'y kayrami rin palang inaasikaso laging may ginagawa, masaya mang nagsosolo siyang may buti ring ambag sa mundo't kapwa tao O, mais, mag-isa ka mang tumubo sa lansangan subalit namunga ka pa't nagbigay-kasiyahan ako'y nagpupugay sa iyong angking katatagan tanging alaala'y larawan mong aking kinunan - gregoriovbituinjr.

Ang mga bakod na ekobrik

Imahe
nasulyapan ko lang ang mga bakod na ekobrik habang naglalakad sa isang makipot na liblib di papansinin kung di mo ito tinatangkilik na kolektibong ginawa ng may pag-asang tigib sinong nag-isip ng ganitong kapakinabangan kundi yaong gustong malinis ang kapaligiran kundi yaong ayaw na mga isda'y mabulunan ng sangkaterbang plastik sa laot ng karagatan mapapalad ang nakatira sa liblib na iyon na sa tagalungsod na tulad ko'y malaking hamon tambak-tambak ang plastik na sa lungsod tinatapon anong gagawin ng kasalukuyang henerasyon halina't pageekobrik ay ating itaguyod sa mga libreng oras ay dito magpakapagod kay Inang Kalikasan nga'y tulong na nating lugod tayo nang magekobrik kaysa laging nakatanghod - gregoriovbituinjr.

Sa pagwawalis ng kalat

Imahe
Sa pagwawalis ng kalat marapat talagang walisan ang ating paligid upang mawala na ang mga layak at ligalig itapon yaong wala nang pakinabang at yagit pati kalat sa ating loob na dapat malupig oo, dapat ding luminis ang isip sa nagkalat na mga katiwaliang sa bansa'y nagwawarat ungkatin pati basura nilang di madalumat  upang mandarambong ay di lang basta makasibat ibukod mo ang nabubulok sa di nabubulok tiyaking maitapon din ang namumunong bugok magwalis, huwag magsunog, ng nakasusulasok bakasakaling mapalis pati sistemang bulok walis tinting o tambo man ang gamitin mong sukat halina't magwalis ng basurang pakalat-kalat at baka may mapulot na dapat maisiwalat mausig ng bayan ang katiwaliang naungkat - gregoriovbituinjr.

Sa silong ng ating pangarap

Imahe
Sa silong ng ating pangarap minsan, nasa silong lang tayo ng ating pangarap na animo'y di mabata ang kirot na nalasap pagkat nasadlak sa mundong kayraming mapagpanggap na di natin batid anong laging inaapuhap kinaya nating tiisin anumang dusa't hirap sila pa kayang naturingang mabuting kausap lalo't nagpadala tayo sa dilang masasarap na sa puso natin animo'y magandang lumingap gawin ang dapat, patuloy tayong magpakatao at laging tanganan ang adhikain at prinsipyo di tayo patitinag sa mga gawang perwisyo nadapa man ay tatayo't tatayo pa rin tayo titindig tayo upang gawin ang nasasaisip habang pilit inuunawa ang di natin malirip na naroong palutang-lutang sa ating pag-idlip na silong man ay bahain, may buhay pang nasagip - gregoriovbituinjr.

Ang pagsukat sa bilog

Imahe
Pi = 3.14159268... sa ating paligid ay payak na sukat ang bilog na sa palibot ay mapapansing pantay ang hubog iba sa obalong pahaba, kaygandang anyubog kaylaki nang tulong tulad ng gulong sa pag-inog ang pagsukat ba ng bilog na iyan ay paano ang radyus at diyametro nito'y masusukat mo ang haba sa pagitan ng bilog ay diyametro tinatawag namang radyus ay kalahati nito sukat ng palibot ng bilog ay sirkumperensya ang pi ay griyegong titik na sukat na pormula halimbawa'y sa bilog susukatin mo ang erya pi tayms radyus iskwer, pormula'y kabisaduhin na ito'y iyong matatagpuan sa paksang dyometri at pag-aralan mo rin ano ang trigonometri mga paksang nagsusukat kaya dulo'y may metri aralin lalo't kukuha ng indyinering dini pag-aralan mo muna ang pangunahing batayan bago mga abanteng paksa'y iyong mapuntahan marami pa akong gagawing tulang pangsipnayan ngunit dapat pang magsaliksik ang makatang turan - gregoriovbituinjr.

Ang mga cactus na parang terra cotta warriors

Imahe
nilagay sa sanga ng dragonprut ang mga cactus nahahilera silang animo'y kawal na lubos animo'y terra cotta warriors ang pagkakaayos na kung may labanan ay di mo basta mauubos O, kaygandang pagmasdan ng mga cactus na iyon sa pabula nga'y mapagsasalita sila roon na pawang mga mandirigmang naligaw lang doon di upang lumaban kundi magpahinga't limayon napakaayos ng kanilang pagkakahilera bagamat mga cactus ay di naman namumunga mahal man pag binili'y maganda naman sa mata animo sa iyong bahay ay may mga bantay ka mga mandirigmang cactus, huwag munang sumugod alamin muna anong isyung itinataguyod karapatan ba ng kapwa'y sasagasaang lugod kung walang katuturan ay huwag magpakapagod - gregoriovbituinjr. * kuha ang mga litrato sa  Living Gifts Nursery  na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020

Una lagi ang prinsipyo

una lagi ang prinsipyo kaysa anumang lambing ito'y napagtanto ko sa kwarantinang dumating bawal tumambay sa inumang may pagiling-giling pagkat tibak akong may paninindigang magaling kahit sa basura'y may prinsipyo ring sinusunod nabubulok at di nabubulok dapat ibukod maging pageekobrik ay aking tinataguyod gawaing pangkalikasa'y isa ring paglilingkod bilang kawal ng paggawa, una lagi'y prinsipyo pagkat narito ang buod ng diwa't pagkatao di raw makakain ang prinsipyong sinasabi ko ngunit di masarap kumain kung walang prinsipyo makakain mo ba ang galing sa katiwalian? masarap ba ang ninakaw mo sa kaban ng bayan? masarap kumain kung galing sa pinaghirapan lalo't wala kang inapi't pinagsamantalahan ito ang niyakap ko bilang tao't aktibista una ang prinsipyo't tungkulin sa bayan at masa sa pagsusulat man o tumitinding binabaka prinsipyo'y di ko tatalikdan kahit may problema - gregoriovbituinjr.

Magkumot ka

halata ngang di ako sanay magkumot, talaga kaya laging sinasabi ni misis,  "Magkumot ka!" para kasing nakabalot sa suman itong dama kaysarap mamaluktot sa maginaw na umaga sanay kasing matulog sa lungsod na anong banas na nakahubad pang hihimbing, walang pang-itaas iba ngayon, sa lugar na maginaw, naninigas lamig na ninanamnam ng tagalungsod madalas anong sarap ng lamig, huwag lamang magkasakit dapat may kayakap din upang madama ang init kumakatha man sa lamig, ano pang ihihirit? sumunod lang sa bilin ni misis, huwag makulit may kasabihang kung walang kumot ay mamaluktot na may ibang kahulugan man ay mapapakamot; sa ginaw na ito'y maninigas o manlalambot? ah, may kumot naman kaya huwag nang mamaluktot - gregoriovbituinjr.

Basurahan para sa plastik na ieekobrik

Imahe
may mga basurahan nang para sa nabubulok panis na pagkain, pinagbalatan ipapasok basang papel, dahong winalis, huwag magpausok magsunog ng basura'y mali, dapat mong matarok may para rin sa di nabubulok na basurahan styrofoam at gawa sa gomang pinaggamitan boteng babasagin, sa pagkain pinagbalutan ibat't ibang uri ng plastik ay ilagay diyan ngunit may basurang mabebenta't magagamit pa boteng di pa basag, tuyong karton at papel, lata aluminum, bakal, at anupang baka mabenta iyan ang tinatawag na  "may pera sa basura" dapat may basurahang pinagbukod ang plastik mayroong basurahang para sa single use plastic ang mungkahi ko namang sa utak ko'y natititik may basurahan para sa mga ieekobrik tuyong plastik at boteng plastik ang lalamnin niyon sa mga eskwelahan ay may karatula doon tuyong plastik at boteng plastik lang doon itapon sa mungkahing ito sana'y maraming sumang-ayon - gregoriovbituinjr.

Pakikipagkaisa sa mga api

nakipagkaisa tayo sa mga inaapi pagkat tulad nila sa dusa rin tayo sakbibi lalo't ako'y naiwan sa liblib na di masabi habang mga salita'y patuloy kong hinahabi halos madurog bawat kong lunggati sa kawalan habang nagkakabitak-bitak ang dinaraanan alagata ang hangad na makataong lipunan pagkat adhika itong sa puso'y di mapigilan adaptasyon nang makaangkop sakaling magbaha mitigasyon nang mabawas ang epekto ng sigwa Kartilya ng Katipunan ay niyakap kong kusa lalo't kaginhawahan ng bayan ang diwa't pita kawal ng paggawang sa api'y nakipagkaisa lalo sa proletaryo't mga maralitang masa binabaka ang pang-aapi't pagsasamantala kumilos upang baguhin ang bulok na sistema - gregoriovbituinjr.

Kung ako'y isang halaman

Imahe
ani misis, mahilig siya sa mga halaman kaya samutsari ang tanim sa kapaligiran napag-usapan matapos manggaling sa cactusan samutsari nga ang cactus sa aming napuntahan kung ako'y isang halaman, na halimbawa'y cactus na bihira mang makita'y di nagpapabusabos nabubuhay sa malayong liblib, kahit hikahos nasa ilang man, matinik akong dapat matalos kung ako'y isang halamang kapara'y gumamela mga nektar ng bulaklak ko'y ibibigay ko na sa paruparo't bubuyog ng libre't anong saya na kahit munti'y may naitulong din sa kanila baka mabuting itulad sa talbos ng kamote na madali lamang patubuin sa tabi-tabi na lunas sa gutom kung sa kagipitan sakbibi at maaari pang isahog sa ibang putahe kung ako'y isang halamang pipitasin ni misis ang iwing buhay ko'y iaalay nang walang amis halimbawa ako'y ang kamatis na walang hapis anong ligayang ang naranasan ko'y anong tamis - gregoriovbituinjr. * kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng sam...

Pakikipaghamok sa dilim

umuulan, tipak ng bato'y bumagsak sa dibdib tila ako'y nasa gitna ng madilim na yungib mga halimaw ay anong bangis kung manibasib habang inihanda na ang sarili sa panganib naagnas ang katawan sa dulo ng bahaghari laksa-laksang tahanan ang tila ba nangayupi nais kong makaalpas subalit may pasubali gapiin ang mga halimaw upang di masawi nadarama kong tila sinusuyo ng kadimlan patuloy na sinusubok ang aking katatagan di nila batid na ako'y insurektong palaban na di payag na pasistang insekto'y makalamang tinangka ng mga halimaw na ako'y gapiin kaya pinaghusayan ko ang eskrimahan namin ayokong basta pagahis upang di alipinin at patuloy ang labang tila buhawi sa bangin umuulan, bumagsak sa dibdib ay iniinda habang nakikipagtunggali sa sabanang putla pumulandit ang dugong nagkasya sa sampung timba naghingalo ang halimaw na ngayo'y hinang-hina - gregoriovbituinjr.

Pag salat sa pag-ibig

minsan, nagdurugo ang pusong salat sa pag-ibig pagkat walang inibig kaya dama'y  nabibikig mabuti nang nagmahal kaysa di man lang umibig kahit magdugo ang pusong nasawi sa pag-ibig oo, mabuti pang masaktan ang pusong nagmahal na ang nadaramang kirot animo'y nagpapantal minsan, mabuti pang sa pag-ibig nagpakahangal kaysa di umibig at inibig, nagpatiwakal ako'y ibigin mo, O, diwata kong minumutya pagkat ikaw ang ibig ko, magbadya man ang sigwa babatahin ang hirap kahit magdusa't lumuha na kung mawawala ka'y tiyak kong ipagluluksa ayos lamang daw magbigay ng tsokolate't rosas ngunit anila'y mabuting may pambili ng bigas pagkat di sapat ang pagmamahal, puso'y nag-atas na dapat nakabubusog din ang pagsintang wagas - gregoriovbituinjr.

Dalawang nais kong disenyo sa tshirt

Imahe
dalawang klaseng disenyong nais kong ipagawa tatak sa tshirt na itinataguyod kong kusa na sumasalamin sa pagkatao, puso't diwa baka pag nabasa ng iba'y humanga sa likha sa tshirt ay nakatatak ang tinahak kong daan ang isa'y pagiging vegetarian at budgetarian habang ang isa'y prinsipyong niyakap kong lubusan na unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan una,  "Ang buhay na hindi ginugol sa malaki at banal na dahilan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag" , sa ikalwa'y sabi ako'y isang vegetarian at budgetarian na rin dalawang diwa, dalawang tatak ng pagkatao na kaakibat ng yakap kong adhika't prinsipyo kung ikaw naman, ipalalagay mo kaya'y ano sa tshirt na sumasalamin sa personahe mo - gregoriovbituinjr.

Iekobrik din ang mga cotton bud na plastik

Imahe
anong gagawin sa mga cotton bud na plastik ang tumangan sa bulak, ito ba'y ieekobrik oo naman, bakit hindi, huwag patumpik-tumpik di ba't sa laot, cotton bud din ay namumutiktik dapat lang may disiplina kung popokus din dito baka mandiri sa cotton bud na mapupulot mo kailangan ng partisipasyon ng mga tao upang sila na ang magekobrik ng mga ito tipunin muna ang cotton bud nilang nagamit at isiksik nila ito sa isang boteng plastik sa kalaunan, ito'y mapupuno't masisiksik mabuti na ito kaysa basurahan tumirik simpleng pakiusap, iekobrik mo ang cotton bud lalo't plastik ito't lulutang-lutang pa sa dagat baka kaining isda'y may plastik na nakatambad iyon pala'y cotton bud mong binalikan kang sukat - gregoriovbituinjr. * unang nakita ang litrato ng sea horse mula sa isang seminar na dinaluhan ko noon, at hinanap muli sa internet