Panata sa kaarawan

patuloy akong naglilingkod sa uri't sa bayan
kaya muling namamanata ngayong kaarawan
sinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan
Liwanag at Dilim ni Jacinto'y muling tunghayan

pagkat prinsipyo ang bumubusog sa puso't diwa
prinsipyo ang nagsasatitik ng bawat kataga
samutsaring sitwasyon, isyu't paksa'y tinutudla
upang proletaryong tindig ay marinig ng madla

"di tayo titigil hangga't di nagwawagi", sabi
sa awiting talagang sa puso'y bumibighani
"ang ating mithiin, magkapantay-pantay", ay, grabe
at "walang pagsasamantala, walang pang-aapi"

kaya iwing buhay na ito'y akin nang inalay
nang magkaroon ng isang lipunang pantay-pantay
sa buong daigdig, ito ang aking naninilay
na puspusan kong gagawin hanggang ako'y mamatay

ito'y muli kong panata sa aking kaarawan
kaya gagampanang husay ang bawat katungkulan
patuloy sa pagsulat, lipunan ay pag-aralan
hanggang sa magwagi ang manggagawa't sambayanan

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol