Bakit tinanggal ang Pluto sa solar system?
BAKIT TINANGGAL ANG PLUTO SA SOLAR SYSTEM?
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Noong bata pa ako'y nagisnan ko nang kasama ang planetang Pluto sa solar system. May mga disenyo pa nga sa paaralan ng siyam na planeta sa solar system na minsan ay makikita rin sa iba pang paaralan. Oo, ganoon kasikat ang solar system lalo na sa mga araling agham at astronomya.
Subalit ngayon ay hindi na itinuturing na kabilang sa solar system ang Pluto, kaya bale walo na lang ang opisyal na planeta sa solar system - ang Mercury, ang Venus, ang ating Earth, ang Mars, ang Jupiter, ang Saturn, ang Uranus, at ang Neptune. Bakit at paano nangyari iyon?
Ayon sa mga ulat, noong 2006, ibinaba ng International Astronomical Union (IAU) ang katayuan ng Pluto sa isang dwarf planet sapagkat hindi nito naabot ang tatlong pamantayang ginagamit ng IAU upang tukuyin ang isang buong sukat na planeta. Mahalagang maabot ng Pluto ang lahat ng pamantayan maliban sa isa — ito ay "hindi natanggal ang iba pang bagay sa mga kalapit nito." Sa isang iglap ay mahirap unawain, kaya mas dapat pa nating tunghayan ang mga saliksik.
Tatlo ang pamantayan ng IAU upang mapasama sa solar system ang isang planeta.
Una, umiikot ito sa palagid ng araw o nasa orbit ng araw
Ikalawa, may sapat itong kimpal (sufficient mass) upang ipalagay (assume) ang hydrostatic equilibrium (isang halos bilog na hugis).
Ikatlo, "natanggal ang mga sagabal sa kapitbahay" nitong umiikot sa paligid nito (It has “cleared the neighborhood” around its orbit).
Pasok ang Pluto sa una't ikalawang pamantayan, subalit hindi sa ikatlo.
Sa loob ng bilyun-bilyong taon na nabuhay ang Pluto, hindi nito nagawang matanggal ang kapitbahayan nito. Ayon nga sa ulat ay tulad ng minesweeper o tagatanggal ng booby trap na mina sa kalawakan.
Ibig sabihin, dapat ang planeta mismo ang nangingibabaw, at walang iba pang bagay sa paligid nito maliban sa sarili niyang buwan o mga satellite na nasa impluwensya ng dagsin (gravity) nito, sa bisinidad nito sa kalawakan.
Malalim, kung tatalakayin natin sa wikang Filipino, subalit kailangang subukan.
Teka, paano nga ba napasama ang Pluto sa solar system? Magsaliksik muna.
Ayon naman sa NASA Science, Solar System Exploration, sa internet, na nasa kawing na https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/, "Ang Pluto - na mas maliit kaysa sa Buwan ng ating Daigdig - ay may isang hugis-pusong glacier na sinlaki ng Texas at Oklahoma. Ang kamangha-manghang mundong ito'y may bughaw na alapaap, may umiikot na mga buwan, mga bundok na kasintaas ng Rockies, at nag niyebe - ngunit ang niyebe ay pula."
Dagdag pa nito, "Ang Pluto at ang pinakamalaking buwan nito, ang Charon, ay magkasinglaki na umikot sa bawat isa tulad ng isang dobleng sistemang planeta."
Ito pa: "Ang Pluto ang nag-iisang mundo (sa ngayon) na pinangalanan ng isang 11-taong-gulang na batang babae. Noong 1930, iminungkahi ni Venetia Burney ng Oxford, England, sa kanyang lolo na ang bagong tuklas ay mapangalanan para sa Romanong diyos ng kailaliman. Ipinasa niya ang pangalan sa Lowell Observatory at ito ang napili."
Ayon naman sa Wikipedia, "Ang Pluto (minor planet designation: 134340 Pluto) ay natuklasan ni Clyde Tombaugh noong 1930 at idineklarang ikasiyam na planeta mula sa Araw. Matapos ang 1992, ang katayuan nito bilang isang planeta ay sinuri kasunod ng pagtuklas ng maraming mga bagay na may katulad na laki sa Kuiper belt. Noong 2005, natuklasan ang Eris, isang dwarf na planeta sa kalat-kalat na disc na 27% na mas malaki kaysa sa Pluto. Ito ang dahilan kaya pormal na inayos ng International Astronomical Union (IAU) ang kahulugan ng terminong "planeta" noong Agosto 2006, sa kanilang ika-26 Pangkalahatang Asembleya. Dahil sa depinisyong iyon ay natanggal ang Pluto (sa solar system) at itinuring na ito bilang dwarf planet."
Sa puntong ito'y ginawan ko ng tula ang Pluto.
ANG PLUTO
noon, planetang Pluto'y kabilang sa solar system
sa higit pitumpung taon, ito ang batid natin
ngayon, ang Pluto'y tila sinipa ng anong lagim
tinanggal siya sa planeta sa solar system
Pluto'y natuklasan ni Clyde Tombaugh na astronomo
sa solar system ay dineklarang pangsiyam ito
turo ito sa paaralan, na naabutan ko
at ang solar system pa'y ginawa naming proyekto
pinangalan kay Plutong diyos ng kailaliman
mula sa mungkahi ng labing-isang taong gulang
na batang babaeng si Venetia Burney ng England
at ang kanyang suhestyon ang piniling kainaman
subalit ngayon, isang dwarf planet na lang ang Pluto
wala na siya sa solar system na kilala ko
International Astronomical Union, I.A.U.
ang nagpasiya at terminong planeta'y nabago
gayunman, natuto ako sa kanilang pagsuri
ang alam natin dati'y mababago ring masidhi
tulad ng anuman sa mundo'y ating nilunggati
mababago rin ang sistema't tusong naghahari
- gregoriovbituinjr.
Mga Pinaghalawan:
https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/
https://www.loc.gov/everyday-mysteries/item/why-is-pluto-no-longer-a-planet/
https://www.bbc.com/news/science-environment-33462184
https://isequalto.com/iet-app/ask-the-world/XSgq5716-why-pluto-is-removed-from-the-solar-system
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento