Karangalan ko ang ma-redtag
karangalan ko ang ma-redtag, oo, karangalan
dahil kinalaban ang pamahalaang haragan
na nag-atas ng tokhang, pagpaslang sa mamamayan
sa ngalan ng War on Drugs, pulos dugo't karahasan
isang karangalang ma-redtag ang tulad kong tibak
pagkat isang lipunang malaya ang tinatahak
pagkat bulok na sistema'y dapat nang binabakbak
at bigyang lunas ang kanser ng bayang nagnanaknak
dahil pangarap itayo'y lipunang makatao
dahil nais na bawat isa'y nagpapakatao
walang mapang-api't mapagsamantala sa mundo
di kontraktwal kundi regular ang bawat obrero
ipinaglalaban ang dignidad ng bawat isa
nakikibaka para sa panlipunang hustisya,
karapatang pantao at kapakanan ng masa
pinagkakaisa ang manggagawa't magsasaka
sa Kartilya ng Katipunan ay may sinasabi
ang payo sa bayan: Ipagtanggol ang mga api
na sinundan pa ng: Kabakahin ang mang-aapi
pawang mga alituntunin ng bawat bayani
di ako gayon katapang, bagamat di rin duwag
natatakot din ako, subalit dapat pumalag
lalo na't hustisya'y binababoy ng salanggapang
at wastong proseso ng batas ay di na ginalang
sa sarili na'y magsimulang labanan ang takot
upang maipakitang maysala'y dapat managot
kung pulos takot, walang titindig laban sa buktot
hinahayaan nating mamayani ang baluktot
ang ganyang pagre-redtag ay pamamaraan nila
upang takutin ang masang nagnanais mag-alsa
dahil palpak ang pamumuno ng tuso't burgesya
dapat lang patalsikin ang bu-ang na lider nila
dinadaan ko lang sa tula ang panunuligsa
di pa makalabas, may pandemyang kasumpa-sumpa
kayrami pang tokhang na nangyari't di nabalita
sa midya't takot ang pamilya't baka balikan nga
hanap ng masa'y hustisya, samutsari ang isyu
pawang pagpaslang ang meryenda ng mga berdugo
na binaboy ang batas, wala nang wastong proseso
dahil atas din iyon ng bu-ang na liderato
nagpasa pa ng Anti-Terror Law ngunit ang target
ay di lang terorista kundi aktibistang galit
sa maling sistema ng elitista't mapanglait
na pinagsasamantalahan yaong maliliit
karangalan na ang ma-redtag, isang karangalan
pagkat aking tula'y binabasa pala ng bayan
kung ako'y dakpin dahil sa pinaniniwalaan
di ako yuyuko ikulong man o mamatay man
- gregoriovbituinjr.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento