Magtipid sa tubig

MAGTIPID SA TUBIG

magtipid sa tubig, ang bilin sa akin ng guro
ngunit di ibig sabihin, huwag ka nang maligo
kundi imbes na shower, ang gamitin mo ay tabo
magtipid sa tubig, di tipirin, ito ang payo

at kung magsesepilyo naman, gumamit ng baso
ngunit huwag hayaang tulo ng tulo ang gripo
tanggalin mo muna ang tirang pagkain sa plato
baka kasi ito pa'y makabara sa lababo

pambuhos sa inidoro'y imbak na tubig ulan
planuhin ang gagawin, maglaba lang ng minsanan
huwag isa-isa ang paghugas sa kinainan
tipunin muna't isa lang ang maghuhugas niyan

pag tag-ulan na, dapat may dram o timbang panahod
na sasalo ng tubig-ulan galing sa alulod
pambuhos sa kasilyas, tubig itong nakabukod
pandilig din sa halaman at gulay sa bakod

ituro rin sa mga batang magtipid sa tubig
na mahal ang presyo nito, sa dibdib ay ligalig
paggamit ay planuhing maigi, magkapitbisig
ang mag-aaksaya nito'y dapat lamang mausig

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain