Hangad kong lagi'y kalayaan

HANGAD KONG LAGI'Y KALAYAAN

ako'y aktibista, anak ng dalawang obrero
parehong kaytagal naging kawani ng gobyerno
mga mahal kong magulang na kapwa retirado
at kapwa pinarangalan sa kanilang serbisyo

subalit ayaw nilang ako'y maging aktibista
naunawaan ko naman bakit ganoon sila
pinili kong landas ay inunawa naman nila
lalo't marami akong nakikitang inhustisya

ako raw ang uukit ng aking kinabukasan
ako'y pinag-aral pagkat tungkulin ng magulang
di man sila sang-ayon, di ako pinabayaan
hanggang marating ang kolehiyo'y sinubaybayan

ako'y Katipunero ng makabagong panahon
aral sa Kartilya ng Katipunan hanggang ngayon
paglaya mula sa pagsasamantala ang layon
pagbabago ng bulok na sistema'y aking misyon

hangad ko'y lipunang pantay, lipunang makatao
na tao'y nakikipagkapwa't nagpapakatao
hangad ko rin ang kalayaan ng uring obrero
mula sa kuko nitong sistemang kapitalismo

ako'y aktibista, hangad kong lagi'y kalayaan
ito'y tanging aral mula sa kanunu-nunuan
bansa'y huwag hahayaang sakupin ng dayuhan
huwag hayaang pagsamantalahan ng puhunan

- gregoriovbituinjr.
06.12.2021
World Day Against Child Labor

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo