Nabili kong klasikong apat na aklat pampanitikan






NABILI KONG KLASIKONG APAT NA AKLAT PAMPANITIKAN

Marahil sa iba'y mga basura lang ang mga ito. Walang kwenta. Kaya sayang lamang ang aking perang dapat ibinili na lang ng pagkain. 

Subalit para sa mga tulad kong panitikero, mga mahahalagang hiyas ito ng karunungan na dapat lang pag-aksayahan ng pera. Mga collector's item ang mga ito na hindi basta makikita sa simpleng bookstore lang. Lalo na't mga klasiko ang mga ito. Sino ba ang mag-aakalang mabibili ko ang nag-iisang aklat na Orozman at Zafira ni Francisco Balagtas sa bilihan ng aklatang iyon? Pati na ang klasikong aklat ng balarila ni Lope K. Santos? Hinahanap-hanap ito ng maraming manunulat para sa kanilang koleksyon sa kani-kanilang aklatan.

Ang pinambili ko'y KATAS ng isang artikulo kong nalathala sa tuwing ikalawang taon ng panitikang Ani ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Artikulong "binayaran" o binigyang pabuya nang mapili iyon at mailathala nila. Kaya ang salaping galing sa panitikan ay ibinili ko rin ng mga klasikong aklat pampanitikan. Kaya taospusong pasasalamat sa CCP! Mabuhay kayo at sa patuloy ninyong pagsuporta sa panitikan at sa mga tulad naming manunulat!

Nabili ko ang OROZMAN AT ZAFIRA na akda ni FRANCISCO BALAGTAS, na siya ring may-akda ng walang kamatayang FLORANTE AT LAURA. Halagang P450.00, may sukat itong 8.5" x 11" at naglalaman ng 320 pahina.

Nabili ko ang aklat na BALARILA NG WIKANG PAMBANSA na akda ni Ka LOPE K. SANTOS, na siyang itinuturing na Ama ng Balarila. Halagang P600.00, may sukat itong 7" x 10" at naglalaman ng 538 pahina (42 pahinang naka-Roman numeral sa unang bahagi, at 496 pahinang naka-Hindu Arabic numeral).

Nabili ko ang SURI: Pag-arok sa Likhang Panitik ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Minsan ko na siyang nakasama sa isang pagtitipon na dinaluhan din ni Apo Chua ng Teatro Pabrika, nagpakuha kami noon ng litrato, subalit wala akong kopya. Halagang P650.00, may sukat itong 6" x 9" at naglalaman ng 416 pahina.

Ang nasabing tatlong klasikong aklat ay pawang nabili ko sa Solidaridad Bookstore sa Padre Faura sa Ermita, Maynila, habang ang Classic Poems to Read Aloud ay nabili ko naman sa BookSale sa Pedro Gil sa halagang P125.00, may sukat na 5" 8" at may 256 pahina.

Isiningit ko ang pagbili ng mga librong ito bago ang pulong sa ilang kasamang taga-San Andres hinggil sa aming pagsusuri sa isang batas na nakakaapekto sa isyung pambayan. Maraming salamat.

- gregoriovbituinjr.
06.03.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain