Paglaban

PAGLABAN
Tulang TAGAIKU
(TAnaGA at haIKU)

i

sila'y nakikilaban
para sa kalayaan
ng tanang mamamayan
mula sa kaapihan

tanong ni pare
bakit sila inapi
ng tuso't imbi

ii

yaong lakas-paggawa'y
di binayarang tama;
ang bundat na kuhila'y
sa tubo nagpasasa

doon hinango
ng hayok na hunyango
ang laksang tubo

iii

kayraming mahihirap
na mayroong pangarap
anong gagawing ganap
nang dusa'y di malasap

mundo'y baguhin
tanikala'y lagutin
nang laya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod
HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain