Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2024

Kapitkamay

Imahe
KAPITKAMAY kapitkamay tayo, aking mahal narito man tayo sa ospital kapitkamay tayo, aking mahal sana dito'y hindi na magtagal makakaraos din tayo, sinta walang iwanan at magkasama huwag kang mawalan ng pag-asa alam kong gagaling, gagaling ka magpatuloy tayong kapitkamay bagamat ikaw pa'y nakaratay may solusyon din ang bawat bagay at may mga kaibigang tunay huwag mo akong alalahanin anumang kaya'y aking gagawin madaling araw ako na'y gising upang paghandaan ang gagawin - gregoriovbituinjr. 10.31.2024

Nilay sa madaling araw

Imahe
NILAY SA MADALING ARAW kalahating milyon ang surgery  abot na ng isang milyon kami di pa kasama yaong sa doktor wala pang operasyon sa bukol pultaym tulad ko'y saan kukuha ng pambayad sa bill? ay, problema ang ipon ko'y walang samporsyento ng hospital bill na nakuha ko problemang ito'y nakakaiyak pagkat lansangan ay sobrang lubak talagang sa luha nangingilid lalo't naritong tigang ang bukid di ko masabing pera lang iyan kung said ang balong makukunan may paraan pa sanang magawa habang loob ay inihahanda singkwenta mil pa lang ang nabayad  subalit ngayon ay nilalakad ang mga nakuhang dokumento upang madala sa PCSO ang bawat problema'y may solusyon subalit kailangan na iyon at kung may mahihiramang pilit salamat, iyon na'y ihihirit - gregoriovbituinjr. 10.31.2024

Paglalaba sa ospital

Imahe
PAGLALABA SA OSPITAL pampitong araw na namin ngayon sa ospital sa silid na iyon kaya naglaba kaninang hapon ng mga baro, brief at pantalon natapos ang operasyon niya sa lapot ng dugo sa bituka na dapat palabnawin talaga upang daanan ay makahinga susunod pa'y pangalwang pagtistis sa mayoma niyang tinitiis dahil doon, ako'y napatangis pagtibok ng puso ko'y kaybilis matapos labhan ay sinampay ko inihanger sa loob ng banyo upang matuyo ang mga ito at nang may masuot pa rin dito - gregoriovbituinjr. 10.29.2024

Misis - Ginang

Imahe
MISIS - GINANG dalawang krosword, iisang petsa sa dalawang dyaryong magkaiba Una Pababa  doon sa una at  Una Pahalang  sa isa pa dalawang krosword, iisang tanong na kayang sagutin ng marunong tanong ay  Misis , ano ang tugon anim na titik at  GINANG  iyon dalawang dyaryo kong sinagutan nang si misis ay binabantayan habang kami'y nasa pagamutan matapos niyang maoperahan krosword ay nasagutang malinis habang nagpapagaling si misis pagkat siya roon ay tinistis sa sakit na kaytagal tiniis - gregoriovbituinjr. 10.29.2024 * krosword na may petsang Oktubre 29, 2024 mula sa pahayagang Abante Tonite, p.7, at pahayagang Bulgar, p.13

Sinta

Imahe
SINTA bagamat nasa ospital kita alay ko ang buo kong suporta upang gumaling ka, aking sinta bagamat walang sapat na pera panahon itong walang iwanan tayo'y sabay na magtutulungan nang makaraos sa pagamutan at nang gumaling ka nang tuluyan maraming turok pa't mga testing sina Doc na sa iyo'y gagawin aking sinta, ikaw na'y humimbing habang ako'y kayraming gagawin pambayad pa'y hahagilapin ko pupuntahan din ang P.C.S.O. o marahil mga pulitiko nang gumaan ang gugulin dito iidlip akong madaling araw datapwat tutulog nang mababaw sana'y may pambayad na lumitaw gagawang paraan buong araw - gregoriovbituinjr. 10.28.2024 * larawan mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 27, 2024, p.9

Work from ho(spital)

Imahe
WORK FROM HO(spital) imbes na work from home / ang lingkod ng masa ay work from hospital / ang makatang aba balita sa dyaryo'y / laging binabasa paksa'y inaalam, / isyu ba'y ano na? na bagamat puyat / sa tulog ay kulang ay pilit susulat / ng paksang anuman sa mga nakita / sa kapaligiran sa mga naisip / kani-kanina lang nagpaplano pa ring / isyu'y maihanda para sa Taliba, / dyaryong maralita nagbabalangkas na / upang di mawala ang isyu't nangyaring / dapat mabalita bantay sa ospital / sa sakit sakbibi ang misis na doon / ay kanyang katabi tuloy ang pagtula't / pagdidili-dili susulat sa araw, / kakatha sa gabi - gregoriovbituinjr. 10.28.2024

Nasa bubong pa ang mga binagyo

Imahe
NASA BUBONG PA ANG MGA BINAGYO ang mga binagyo'y walang makain at mainom mga nasalanta hanggang ngayon ay nasa bubong sa panayam sa isang taga-San Roque, Poblacion mga residente'y wala pang natanggap na tulong anang ulat, abot-leeg pa umano ang baha sa maraming barangay na dinaanan ng sigwa kaya ang nasabing lugar ay hindi pa masadya danas nila'y gutom, uhaw, sakit, balisa, luha halina't basahin at dinggin ang ulat na ito at sa abot ng kaya'y tulungan ang mga tao isang pangyayaring walang sinuman ang may gusto isang kaganapang dapat magtulong-tulong tayo walumpu't isa umano ang namatay kay 'Kristine' maraming sugatan, mga nawawala'y hanapin mga nakaligtas ay gutom at walang makain tayo'y magkapitbisig at sila'y tulungan natin - gregoriovbituinjr. 10.27.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 27, 2024, pahina 2

Ang makata

Imahe
ANG MAKATA ako'y isang makata para sa maralita at uring manggagawa na isa kong adhika patuloy ang pagtula dumaan man ang sigwa ako'y laging tutula di man laging tulala maraming pinapaksa tulad ng bagyo't baha ang nasalantang madla't natabunan ng lupa inaalay ko'y tula na madalas na paksa ay manggagawa't dukha kababaihan, bata katarungan, paglaya sa bagyo'y paghahanda ang nagbabantang digma sa ilang mga bansa tungkulin ng makata ang hustisya'y itula ang burgesya'y matudla at mais ay ilaga - gregoriovbituinjr. 10.27.2024 * litrato mula sa app game na CrossWord

Nabaon sa lupa ang isang nayon sa Batangas

Imahe
NABAON SA LUPA ANG ISANG NAYON SA BATANGAS anong tindi ng ulat sa Philippine Star "Landslide buries village in Batangas: 14 dead" lumubog na ang isang nayon sa Talisay, Batangas, labing-apat katao'y namatay sa Purok B ng Barangay Sampaloc dito nang manalasa si Kristine, kaytinding bagyo ang mga nakaligtas ay tulungan natin sa munti mang paraan, tubig at pagkain may nawawala pa raw na anim katao kasama ang isang babae't anak nito ang marahil ay natabunan din ng lupa pag nahanap, labing-anim na ang nawala sa bayan ng Laurel, may walong patay naman natamaan din ang Lemery't Calatagan na pagitan nito'y ang bayan ng Balayan naroon ang aking ina't kamag-anakan nawa'y mabatid ang nangyayari sa klima o climate change, na panahong paiba-iba tulungan din natin ang mga nasalanta ating ibigay ang kailangang suporta - gregoriovbituinjr. 10.26.2024 * ulat mula sa pahayagang Philippine Star, Oktubre 26, 2024, pahina 1 at 3

You must...

Imahe
YOU MUST... buti't may libreng Philippine Star habang nagbabantay sa ospital mayroon doong palaisipan hanggang nasagutan ang  crytogram agad kong nahulaan ang  "You Must" dahil sa given na M, A, at I at nasagutan agad ang  "it is"  kaya lahat nasagutang tunay nabuo rin yaong pangungusap na pananalita ni  Rosa Parks bayaning Itim sa Amerika at naging inspirasyon ng masa ani Rosa Parks:  "You must never be fearful about what you are doing when it is right!"  makabuluhang sabi nang kapwa Itim ay palayain pananalita't palaisipan dalawa kong tungkulin sa bayan at bilang makata ng silangan tungong pagbabago ng lipunan - gregoriovbituinjr. 10.25.2024

AI chatbox, dahilan ng suicide? (Pangsiyam sa balitang nagpatiwakal)

Imahe
AI CHATBOX, DAHILAN NG SUICICE? (PANGSIYAM SA BALITANG NAGPATIWAKAL) Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Ikasiyam na balitang nabasa ko hinggil sa pagpapatiwakal mula Setyembre 20 hanggang ngayong Oktubre 25, 2024. Bagamat sinasabi sa isang balita sa Inquirer na ang pagpapatiwakal ng isang 14-1nyos na kabataan ay naganap noon pang Pebrero. Subalit kakaiba ito.  Isang robot ang nambuyo sa isang batang 14-anyos upang magpakamatay ang bata. Ayaw nang mabuhay ang bata sa tunay na mundo. Kaya isinakdal ng nanay ng nagpatiwakal na bata ang AI chatbox company dahil ito ang dahilan ng pagpapakamatay ng bata. Ang pamagat nga ng balita ay  "Mother sues AI chatbot company over son's suicide" , Inquirer, Octunre 25, 2024, pahina B6. Narito ang isang talata subalit mahabang balita: A Florida mother has sued artificial intelligence chatbot startup Character.AI accusing it of causing her 14-year-old son's suicide in February, saying he became addicted to the company...

Ikawalong nagpatiwakal sa loob ng 35 araw

Imahe
IKAWALONG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 35 ARAW Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Napakaraming paksa ang dapat itula, subalit hindi ako mapakali sa isang paksang laging lumilitaw ngayon sa balita, lalo na sa pahayagang Bulgar - ang isyu ng mga nagpakamatay. Isa sa dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan, o ng pamahalaan, ay ang dami ng mga nagpapatiwakal. At nasubaybayan ko sa balita ang ganito, lalo na sa pahayagang Bulgar. Mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 24 ay walo na ang nagpakamatay. Labing-isang araw ng Setyembre, kasama sa bilang ang a-20, o 30-20+1 = 11 araw, at 24 araw ng Oktubre, 11+24=35. Halos isa tuwing apat na araw ang nagpapatiwakal. Paano nga ba iiwasang magpasyang magpatiwakal ang isang tao? Kung siya ay biktima, siya rin ang suspek dahil siya ang nagdesisyon. Maliban kung may foul play. Tingnan natin ang talaan ng mga nagpakamatay, ayon sa ulat ng Bulgar. Isa-isahin natin ang mga pamagat ng walong balita: (1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa ...

Katas ng tibuyô

Imahe
KATAS NG TIBUYÔ nabili ko ang librong World's Greatest Speeches mula sa baryang naipon ko sa tibuyô magandang librong pinag-ipunan kong labis nang mga talumpati'y mabasa kong buô pitumpu't limang orador ang naririto talambuhay muna, sunod ay talumpati ng mga bantog sa kasaysayan ng mundo bayaning itinuring ng kanilang lahi pitumpu't limang pinuno ng bansa nila ang nagsibigkas ng makabagbag-damdaming mga talumpating tumatagos sa masa hanggang bansa nila'y tuluyang palayain nang libro'y makita, agad pinag-ipunan at upang di maunahan sa librong nais ay may tibuyô akong mapagkukuhanan ng pera upang mabili yaong mabilis salamat sa tibuyô, may perang pambili ng gusto ko tulad ng babasahing aklat ang pinag-ipunan sa tibuyo'y may silbi upang umunlad pa ang isip at panulat - gregoriovbituinjr. 10.23.2024 * tibuyô - salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya * ang nabanggit na aklat ay nabili sa National Book Store, Ali Mall branch sa halagang P299.00

Pagninilay - salin ng tula ni Asmaa Azaizeh

Imahe
PAGNINILAY Tula ni Asmaa Azaizeh Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala. Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya  at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon ay lalabas sa bibig niya. Napakasakit! Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop. Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay. Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon namatay ang aking ama. Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula. Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana at dinidiktahan ako ng matatalinong tula. Kinasusuklaman ko ang karunungan. Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba at nakisalo sa kanila, subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig. Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay sa ituktok ng bu...

Nais basahing 100 aklat

Imahe
NAIS BASAHING 100 AKLAT nais ko pang basahin ang sandaang aklat  na paborito ko bago ako mamatay mga kwento't nobelang nakapagmumulat mga tula, dula, pabula, talambuhay kayrami ko nang librong pangliteratura, pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa, pang-ideyolohiya dahil aktibista at gumagawa ng diyaryong maralita di ko pa tapos ang nasa aking aklatan ang iba nga'y unang kabanata pa lamang ang nababasa't di pa muling nabalikan ngunit babasahin din kahit nasa parang habang kumakatha, nais ko ring basahin dula, kwento't tulang sa masa'y nanggigising sanaysay at ideyolohiyang sulatin upang magsikilos ang dukha't nahihimbing - gregoriovbituinjr. 10.22.2024

Laughing emoji - natatawa o nang-aasar?

Imahe
LAUGHING EMOJI - NATATAWA O NANG-AASAR? pag nakakita ako ng  laughing emoji sa pesbuk at sa di nakakatawang entri ang  HaHa  ay mapang-asar at mapanlait minsan, laughing emoji ay nakagagalit ang  HaHa  ay komento kapag natatawa at pag seryosong isyu, di dapat matawa bagamat meron kang sariling kuro-kuro gamitin ang wastong emoji sa komento may emoji sa  Like, Love, Care, Wow, Angry,  at  Sad ngunit komento'y dapat alam pag nilahad di  laughing emoji  sa seryosong usapin paano kung mang-asar ang iyong layunin? ang emoji ay ilagay natin ng tama na di maaasar ang karaniwang madla kung entri ay comedy,  Haha  ang emoji ngunit tayo'y malaya sa nais masabi - gregoriovbituinjr. 10.22.2024 * ang litrato'y nakita lang sa isang entri sa pesbuk

Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

Imahe
TULANG WALANG PAMAGAT IV Tula ni Zakaria Mohammed Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) IV. Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha. Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon. Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis. May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan. Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging sinta ng ...

Suplado, bumait upang manalo?

Imahe
SUPLADO, BUMAIT UPANG MANALO? sa partylist daw kumandidato ang mabait na dati'y suplado bumait dahil nais manalo upang makaupo sa Kongreso sino kayang pinatutungkulan? sino yaong pinatatamaan? mapanuri ang nasa komiks man punto niya'y dapat lang pakinggan nagkokomiks ay parang makata na dinadaan sa talinghaga o kaya ay blind item, ika nga ngunit sa mambabasa'y balita kumandidato'y nuknok ng sungit ngunit ngayon ay biglang bumait nagbulgar pa'y komiks na makulit na pag magsuri'y sadyang kaylupit - gregoriovbituinjr. 10.21.2024 * komiks mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 20, 2024, pahina 5

Ikapitong aklat ni Karlo Sevilla

Imahe
IKAPITONG AKLAT NI KARLO SEVILLA Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr, Pagpupugay kay kasamang  Karlo Sevilla , isang mahusay na makata mula sa Lungsod Quezon at isa ring mambubuno, mambabalite o wrestler. Pagpupugay sa kanyang ikapitong aklat na pinagamatang  "The Boy on the Hill"  na inilathala ng  International Human Rights Art Movement (IHRAM). Bilang pambungad, matatagpuan sa kawing na:  https://humanrightsartmovement.org/international-fellows/karlo-silvera-the-boy-on-the-hill   ang kanyang pagninilay hinggil sa paglikha niya sa nasabing aklat. “I began imagining this long poem way back in 2018, then with only its germ, i.e., the initial versions of its first and last stanzas. I even mentioned “working on it” in three different interviews around that time. Being chosen as a 2024 International Fellow of the International Human Rights Art Movement - coupled with deeply disturbing and compelling international news - has provided me the stron...

Team Asia, panalo sa Reyes Cup

Imahe
TEAM ASIA, PANALO SA REYES CUP Team Europe  at  Team Asia  sa  unang Reyes Cup ay nagsubukan ng galing, sisinghap-singhap ang  Team Europe  nang sila'y ilampasong ganap ng  Team Asia  na sa kanila'y nagpahirap pinangalan iyon kay  Efren "Bata" Reyes na sa bilyar ay magaling makipagtagis ang  "Magician"  dahil sa tirang makikinis na buong lamesa'y kaya niyang malinis Team Europe  at  Team Asia  ay naglabang sadya nang unang  Reyes Cup  ay ginanap sa bansa pinakita nila'y sadyang kahanga-hanga na ang team work nila'y di basta magigiba sa bumubuo ng  Team Asia , pagpupugay! na sa pagsargo't pagtumbok ay kayhuhusay ang inyong panalo'y kasaysayan ngang tunay ang hiyaw namin:  mabuhay kayo! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 10.21.2024 * ulat mula sa pahayagang Abante, Pang-Masa at Bulgar, Oktubre 20, 2024

Manggagawa naman

Imahe
MANGGAGAWA NAMAN banner ay taas-kamaong bitbit "Manggagawa Naman"  yaring sambit ito ang dapat nating igiit at sa masa tayo'y magsilapit sigaw sa mga trapo:  Tama Na! sa masa:  Baguhin ang sistema! labanan ang kuhila, burgesya at pulitikal na dinastiya mundo'y binuhay ng manggagawa! subalit sila pa ang kawawa! paano kung walang manggagawa? lahat ng kaunlaran ay wala! magkapitbisig tayo, kabayan! at isigaw:  "Manggagawa Naman" at sila'y iluklok natin upang pamunuan ang pamahalaan - gregoriovbituinjr. 10.21.2024

Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

Imahe
TULANG WALANG PAMAGAT III Tula ni Zakaria Mohammed Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) III. Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan. Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig. Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit. Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan. Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan. Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan. Ang kahulugan ay kaayusan. Ang kahulugan ay nagkataon lang. Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan. Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada. Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo....

Ang buwan

Imahe
ANG BUWAN kayliwanag ngayon ng buwan at may ibong pumailanlang ang sarili'y napansin namang nakatanghod lang sa kawalan may kung anu-anong naisip may mga isyung nalilirip tila sa maya'y may humagip paano siya masasagip ang maya ba'y ang maralita na tigib ng hirap at luha habang nakapangalumbaba sa dilim ang makatang gala ang buwan kung ating suriin may epekto sa dagat natin: ang matinding hatak o dagsin kaya may kati't taog man din - gregoriovbituinjr. 10.20.2024 * dagsin - Ilokano sa gravity * kati - low tide * taog - high tide (salitang Batangas)

Muling paggawa ng ekobrik

Imahe
MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing nakasasabik lalo't may naipon akong basurang plastik pinaggupit-gupit ko ang aking naipon ginupit kong maliliit ang mga iyon at sa boteng plastik ay nilagay ko roon muli kong ginawa ang naiwan kong layon ginagawa lang sa panahon ng pahinga  matapos ang trabaho't ako'y nag-iisa kahit paano'y mabawasan ang basura sa bakuran, sa tahanan at opisina sa buong taon kahit sampu ang matapos na ekobrik na pinaghirapan kong lubos konting sipag lang, wala naman itong gastos hanggang mga plastik sa bahay ay maubos paisa-isa munang bote ang gagawin matitigas na ekobrik ang adhikain makakalikasang tibak na may layunin bilang ambag sa paligid at mundo natin - gregoriovbituinjr. 10.20.2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

Imahe
DALAWANG TULA Tula ni Zakaria Mohammed Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) I. Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan. Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iy...

Pampito sa nagpatiwakal sa loob ng isang buwan

Imahe
PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Wala pang isang buwan ay pampito na ito sa kaso ng pagpapatiwakal na nasubaybayan ng inyong lingkod sa pahayagang Bulgar, at ngayon ay headline sa pahayagang Pang-Masa, petsang Oktubre 19, 2024. Ayon sa headline:  Kolehiyala, tumalon sa MRT footbridge, patay . Nasa pahayagang Bulgar din ang balitang ito na ang pamagat ay:  Coed, tumalon sa MRT footbridge, utas . Mula sa pagsubaybay ng inyong lingkod, pangatlo siya sa napaulat na tumalon mula sa mataas na bahagi, habang tatlo naman ang nagbigti at isa ang nagbaril sa ulo. Isa-isahin natin ang mga pamagat ng pitong balita: (1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024 (2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024 (3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024 (4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, p...