Kaibhan ng kapayapaan at katahimikan

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang krosword o palaisipang sinagutan ko, ang tanong sa 10 Pahalang: Kapayapaan. Naisip ko agad, Katahimikan kaya ang sagot? Sa akin kasi, magkaiba ang kapayapaan at katahimikan. Kaya sinagutan ko muna ang iba pa, pahalang at pababa, at nang matapos, ang lumabas ngang sagot ay: Katahimikan. Tila ba sa palaisipang iyon ay magsingkahulugan ang kapayapaan at katahimikan. Ang krosword na iyon ay nasa pahayagang Abante, may petsang Oktubre 16, 2024, at nasa pahina 10.

(Bago iyon, makikita sa 5 Pababa ang sagot na Ahusto, na baka akalain nating Ihusto. Ang ahusto ay mula sa salitang Kastilang ajuste na ang kahulugan ay pag-aayos, pag-aangkop o pagkakama. Mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 21.)

Sa usaping kaibhan ng kapayapaan at katahimikan, sa tingin ko'y para bang pilosopikal na ang kahulugan, na di tulad sa krosword na tingin marahil dito'y pangkaraniwan. Bakit ko naman nasabi?

Marahil, pag payapa ang isang lugar ay tahimik doon at walang pangamba ang mga tao. Subalit paano sa lugar na tahimik nga subalit ang mga tao roon ay balisa? Alerto maya't maya. Nagigising sa munting ingay ng daga o kaluskos ng butiki.

Halimbawa, sa isang lugar ng labanan, pag wala nang labanan o nagkaroon ng tigil-putukan, ramdam ng taumbayan doon ang katahimikan sa kanilang lugar. At tingin ng mga hindi tagaroon ay payapa na sa lugar na iyon. Wala na kasing naririnig na putok.

Subalit magkaiba ang kapayapaan sa katahimikan. Ang katahimikan, sa palagay ko, ay sa tainga, habang ang kapayapaan ay sa puso't diwa. Paano iyon?

Maaari kasing tahimik sa isang lugar, subalit hindi payapa dahil sa malupit na pinuno o diktador na namumuno sa lugar. Tahimik dahil wala kang naririnig na nagbabakbakan o naglalabanan, subalit hindi payapa dahil takot ang mga tao. Tahimik subalit ang kalooban ng tao'y hindi payapa. Walang kapanatagan. Tahimik subalit naghihimagsik ang kalooban.

Halimbawa, noong panahon ng batas-militar, tahimik ang lugar subalit nagrerebelde ang mga tao dahil ang karapatang pantao nila'y nasasagkaan.

Tahimik na kinukuha o dinudukot ang tao subalit ang kamag-anak nila'y hindi payapa. Laging balisa kung saan ba sila makikita. Mga iwinala. Mga desaparesidos.

Tahimik na nirarampa sa ilog ang mga tibak o mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Subalit hindi payapa ang kalooban ng mga tao, dahil maaari silang maging biktima rin ng 'salvage' na kagagawan ng mga hindi kilalang rampador.

Tahimik na kumikilos ang mga tropa ng pamahalaan, gayundin ang mga rebelde. Walang ingay na nagpaplano at naghahanda. Magkakabulagaan lang pag nagkita o nagpang-abot. Subalit habang di pa nagkakasagupaan, ramdam ng taumbayan ang katahimikan ng gabi. Subalit ang puso't diwa ng bayan ay hindi matahimik, hangga't hindi pa sumisikat ang araw ng kalayaan. Nais nila'y kapayapaan ng puso't isipan at wala nang iniisip na pangamba sa kanilang buhay.

May katahimikan sa karimlan subalit walang kapayapaan sa kanilang kalooban. Sila'y laging balisa at marahil ay hindi batid ang katiyakan ng kaligtasan ng kanilang pamilya. Madalas, nakaririndi ang katahimikan.

Kaya ang kapayapaan at katahimikan ay sadyang magkaiba. Ang kapayapaan at kapanatagan ang magsingkahulugan dahil ang puso at isip ang payapa at panatag.

Ang mungkahi kong ipalit na tanong sa 10 Pahalang ay: Kawalan ng ingay o gulo.

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN

tahimik ang lugar ngunit di payapa ang tao
subalit dapat walang pangamba ang mga ito
tahimik sila, di makapagsalitang totoo
may mga takot sa dibdib, di makalaban dito

paano ilalahad ang kanilang pagdurusa
pinatahimik na ang ibang myembro ng pamilya
tila pusong halimaw ang namuno sa kanila
anong lupit at sila'y di makatutol talaga

may katahimikan ngunit walang kapayapaan
sinagila ng takot ang puso ng taumbayan
ngunit di dapat laging ganito, dapat lumaban
lalaban sila tungo sa kanilang kalayaan

ayaw nila ng katahimikang nakabibingi
na sa diwa't puso nila'y sadyang nakaririndi
sa panahong iyon, mga nag-aklas ay kayrami
layunin nilang payapang bayan ang mamayani

10.17.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bandalismo

Talaan ng mga sikat na boksingerong namatay sa aksidente sa kotse

Salamat sa alkohol