Mga Post

May mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo

may mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo bangkang papel na pawang liham sa ating gobyerno mga mensahe hinggil sa karapatang pantao para sa hustisya, may paglilitis at proseso sa kanal at ilog inilagay ang bangkang papel bakasakaling makarating sa sinumang sutil nananawagang mga pandarahas ay itigil at panonokhang sa mga inosente'y mapigil nawa'y mabasa ninyo ang mensaheng nakasulat sa mga bangkang papel na may isinisiwalat mensahe sa taumbayang dapat silang mamulat at kumilos para sa hustisya para sa lahat simpleng bangkang papel na payak ang pagkakagawa subalit handa sa pagharap sa maraming sigwa bangkang papel na di sana tumirik sa simula gaano man kahirap ay marating din ang sadya - gregbituinjr.

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan

N akikita mo ba ang puso kong nahihirapan G umigiti sa noo ang pawisang karanasan I kaw ang mutyang sa puso'y nakikipagsiksikan T inutulak ng dibdib ang iwi kong karukhaan I tinitirintas sa puso ang iyong larawan N awa ang danasin ko'y di pawang paghihinagpis A kong nagmamahal sa iyo'y laging nagtitiis M uli sana kitang makitang may ngiting kaytamis A t tititigan ka upang sa diwa'y di maalis N giti mong kayganda'y makintal sa puso kong hapis D ahil sa ngiti mo, ginhawa'y mararamdaman ko I kaw ang minumutyang sa buhay ko'y magbabago Y amang iniibig kita, ako'y nagsusumamo A ko'y iyong muling hagkan, at magniig tayo N giti naman diyan, at magagalak ang puso ko - gregbituinjr.

Karumal-dumal na krimen ng pamahalaan

karumal-dumal na krimen ng gobyerno ang tokhang proseso'y binabalewala, basta pumapaslang ng walang awa, mga berdugo'y may pusong halang para raw sa kapayapaan, tao'y nililinlang ang totoo, tokhang ay naging tokbang: tok-tok, bang! bang! tokhang ang karumal-dumal na krimen ng gobyerno papaslang ng walang paglilitis, walang proseso ang inatasang pumaslang ay sadya bang berdugo? wala bang pakiramdam sa kanilang kapwa tao? wala bang pakialam sa wawaksang buhay nito? ngunit kung gobyerno'y may karumal-dumal na krimen sino kayang makapipigil sa mga salarin? sinong mga dapat kasuhan, anong dapat gawin? hustisya sa mga biktima'y paano kakamtin? mga krimeng ito'y hahayaan na lang ba natin? ang masa bang pumapalakpak sa gobyerno'y hangal? magulang ng batang pinaslang ay natitigagal! kanino hihingi ng hustisya, saan aangal? ah, mabuti pang anak mo'y kusang nagpatiwakal kaysa pinaslang sa pamaraang karumal-dumal! - gregbituinjr.

Ang Tatlong B

may tatlong B na kandidato sa pagkasenador ang nanalo't sa senado ngayon ay nagmomotor parang eksena sa pelikula, may aksyon, horror na animo'y sa maraming taliwas pumapabor sila ba ang tatlong B na kapara'y tatlong bibi na sa mga maling polisiya nabibighani na sa isyung karapatang pantao'y nabibingi na sa usaping hustisya sa masa'y napipipi ayos lang sa kanila ang magkaroon ng tokhang na parang manok ang buhay, binabaril ng halang walang proseso, walang paglilitis, pumapaslang sa nagkalat ngang bangkay ay mapapatiimbagang sa tatlong senador B, ito pa ba'y balewala mga namatayang ina'y patuloy sa pagluha sina Bunggo, Bato't Bodots ba'y anong ginagawa upang krimeng pagtotokhang ay tuluyang mawala - gregbituinjr.

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP - samahan ng sosyalistang obrero na itinataguyod ang kapakanan ng tao mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay! kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay! ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim may natatanaw na pag-asa kahit naninindim ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim sa matinding sikat ng araw ay punong malilim - gregbituinjr.

Sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit

sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit lalo't ang bulok na lipunang ito'y anong lupit sa disiplina sa katawan ay dapat mahigpit tiyaking maayos na kalusugan ay makamit halina't kumain ng gulay na nagpapalakas ng katawan, ng kalamnan, sa tuhod pampatigas huwag sobrang karne't mamantika, laging maghugas ng kamay kung kakain, at balatan din ang prutas dapat magpalakas ang tibak at maging malusog lalo't ipinaglalabang pangarap ay kaytayog huwag magpuyat, tiyaking walong oras ang tulog sapat ang kain, huwag masyadong magpakabusog ang kalusugan sa pakikibaka'y mahalaga kaya di dapat nagkakasakit ang aktibista kung sakaling magkasakit, dapat tulungan sila dahil sila'y ating kasama sa pakikibaka - gregbituinjr.

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina kamatayan nila'y di dapat hanggang alaala dapat makamit ng mga biktima ang hustisya pagmimina'y itigil na, alang-alang sa masa "Tao Muna, Hindi Mina!" Ito ang panawagan pagkat patuloy ang pagkawasak ng kalikasan patuloy ang pagbalahura sa kapaligiran dapat lang makibaka ang masa ng sambayanan tuligsain ang mga dambuhalang korporasyon ng pagmiminang sumisira sa bukas ng nasyon tiyaking katutubo'y mamumulat at babangon nang ipagtanggol ang lupang ninuno nila ngayon sa tubo sa mina, kapitalista'y nanggigigil na tuwang-tuwang lalaki ang tiyan nila't bilbil ngunit mapanirang pagmimina'y dapat matigil at korporasyon ng pagmimina'y dapat masupil - gregbituinjr. * nilikha at binigkas ng makata sa rali ng mga estudyante sa harap ng tulay ng Mendiola, kasama ang PUP SPEAK at Alyansa Tigil Mina (ATM), umaga ng Setyembre 13, 2019, araw ng Biyernes

Huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam

huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam pagkat palulubugin nito ang maraming bayan masisira ang mga ilog, buong katubigan mawawasak ang tirahan ng hayop, kagubatan apektado ang ibon at rosas, flora at fauna katutubo'y mapapalayas sa tahanan nila tiyak matutuwa lang ang mga kapitalista habang wasak ang kalikasan at buhay ng masa pagtatayo ng bagong dam sa bayan ay pahirap uutang pa sa Tsina ang gobyernong mapagpanggap panibagong utang ay sadyang di katanggap-tanggap pagkat iyang saplad sa masa'y di naman lilingap huwag na pong magtayo ng bagong dam, huwag na po tutol ang taumbayan, baka dugo pa'y mabubo ipagtanggol ang tahanan ng mga katutubo huwag nang itayo ang Kaliwa Dam, huwag na po - gregbituinjr. * saplad - tagalog ng dam, ayon sa English-Tagalog dictionary ni Fr. James English

Nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri

nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri na sa rali'y bibigkasin anong tugon at sanhi ng samutsaring isyung sa labi'y mamumutawi sa parlamento ng lansangan magtatalumpati tutulain ko sa bawat rali'y isyung pambayan babanatan din ang tusong trapo't katiwalian sa loob at labas man ng ating pamahalaan pawang mga hakbang sa pagbabago ng lipunan tatalakay sa ano, paano, gaano't bakit bakit dapat ikulong pag nanggahasa ng paslit? gobyerno ba'y masisisi pag dukha'y nagigipit? anong dapat gawin sa kapitalistang kaylupit? lalamnin ng aking mga tula'y panunuligsa sa bulok na sistemang kayraming kinakawawa magiging palawit sa protesta ang talinghaga habang minumulat bilang uri ang manggagawa - gregbituinjr.

O, Tao, anong gagawin sa basura mo?

Mabuti pa ang mga hayop Di nagtatapon ng basura Habang tao'y dapat maayop Basura nila'y naglipana Basurang plastik nakakain Ng mga nilalang sa dagat Upos nga'y lulutang-lutang din Sa upos, isda'y nabubundat Kinain ng tao ang isdang Nabusog sa kayraming plastik Nabundat din ang dambuhalang Isdang yaong mata'y tumirik Anong dapat gawin, O, Tao Nang ganito'y di na mangyari Tapon ng tapon lang ba tayo Pagsisisi'y laging sa huli - gregbituinjr. * ayop - alipusta, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 95