Mga Post

Simpleng bagay

Imahe
SIMPLENG BAGAY kayrami nang paksa sa simpleng bagay, alam mo ba na pag sinuri mo ang bagay, mapapahanga ka tulad na lang ng bigote mong dapat ahitan na may masabi ka kaya sa pang-ahit o labaha sa face shield at face mask ay may paksang mahahalukay hanger man o pentel pen ay iyong matatalakay subukan mo lang suriin ang mga bagay-bagay matapos mo mang kumain ay bigla kang madighay di lang pulos teorya o mabibigat na paksa ang maaaring talakayin ng mga makata di lang pagbaka laban sa karahasan sa madla kundi simpleng bagay sa paligid mo'y maitula suriin mo lamang ang pinta ni Salvador Dali pinipinta'y simpleng bagay, di ka ba mapakali? suriin mo ang bigay mong rosas sa binibini siya ba'y napasagot mo, o di ka napakali kahit nga nadarama ko'y sakit ng kalooban nilalabas ko ang niloloob sa bayabasan paksa'y di lang problema ng bayan, simpleng bagay lang tulad ng bigote't balbas kong inahit ko naman  - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Alkohol

Imahe
ALKOHOL mag-alkohol ka, laging bilin ni misis sa akin pagdating sa bahay, mag-alkohol agad-agad din bago pumasok, damit at sapatos ay hubarin at kung kailangan, maghilamos, mukha'y sabunin iyan ang kalakaran sa bahay lalo't pandemya kalusuga'y huwag balewalain, bilin niya mahirap nang magkasakit sinuman sa pamilya sa bahay, ang bilin ni misis ay batas talaga kanyang paalala'y huwag ipagwalang bahala alagaan ang kalusugan nang di mabahala at magbaon ng alkokol sa bulsa o bag kaya upang kahit papaano'y maprotektahang sadya personal hygiene, isopropyl at ethyl alcohol huwag lang gin at serbesang ibang klaseng alkohol di nagbibiro si misis, baka siya'y magmaktol at baka di ako makahalik, siya'y tututol - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Bolpen

Imahe
BOLPEN pag nawalan ng bolpen at papel, natataranta madali lang hanapin ang papel sa bag at bulsa subalit ang bolpen, ang bolpen, nahan na, nahan na kayhirap nitong may bolpen ka'y di naman makita biglang lumitaw sa diwa'y kaygandang pangungusap dahil di nasulat, nawala lang sa isang iglap  nang bolpen na'y makita, pilit na hinahagilap ang talata, parirala't kataga sa hinagap kung saan-saan kasi nailalagay ang bolpen napapatong kung saan kaya laging hahanapin nasasadiwa'y baka mawala't hipan ng hangin ah, dapat may reserbang bolpeng mabilis bunutin diwa't bolpen ay susulpot nang di inaasahan kaygandang pagkakataong dapat pinaghandaan laki kong pasasalamat pagkat nagbalik naman ang nawalang bolpen at pangungusap sa isipan upang maisulat na ang magagandang kataga upang ayusin ang naghambalang na parirala upang kamadahin ang nagrarambulang salita upang maihilerang tama ang talata't tula - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Suliranin

Imahe
SULIRANIN kayrami kong suliraning dinadaan ko na lang sa pagtula habang hinahanap ang kalutasan ayoko itong pagtuunang pansin kadalasan at masisira ang daigdig kong pampanitikan dahil manunula, problema'y nakikitang paksa kaya marahil di natataranta't napapatda nakikita ang solusyon sa pagkatha ng tula nakakapagsuri na sa proseso ng pagkatha ngingiti'y tila walang problema ngunit mayroon mistulang ipinagwawalangbahala lang iyon habang nagsusuri'y may bumubungad na solusyon sa laksa kong suliraning animo'y walang tugon di lang pagtula, mahalaga ring may makausap baka may katugunan sila't mungkahi, paglingap suliranin ay parang manggang hilaw pag nalasap ilang araw lang ay manibalang na't anong sarap - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Ginisang siling lara't santol

Imahe
GINISANG SILING LARA'T SANTOL kagabi, niluto ko'y ginisang siling lara't santol iyon ang mayroon ako't diwa'y di na tumutol nang makita ko agad ay walang kagatol-gatol na hiniwang maninipis, tiyan na'y nagmamaktol halos di kayanin ang anghang nang aking maluto gayunman ay sarap pa rin ang aking nakatagpo tama si misis, magluto ng may buong pagsuyo kaya nabusog pa rin sa aking lutong pangako pinaghalo ang siling larang kulay lunti't pula green at red bell pepper ay maanghang man pag ginisa sa kalaunan ay sumasarap din sa panlasa lalo na't nagmamaktol ang bulate sa sikmura maraming salamat dito't nabusog din kagabi ngunit agad nagpuntang banyo, sinong masisisi - gregoriovbituinjr. 08.20.21

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

Imahe
BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito.  Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik." Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi...

Si Miss Gina Lopez, Environmentalist

Imahe
SI MISS GINA LOPEZ, ENVIRONMENTALIST dalawang beses ko lang siyang nakita ng personal una'y sa loob ng bulwagan ng D.E.N.R. kung saan niralihan namin ang kanyang tanggapan pinapasok kami't mga isyu'y pinag-usapan ikalawa'y sa labas ng D.E.N.R., nang dumamay sa mga taga-Greenpeace na iginapos ang kamay nang si Miss Gina Lopez ay di na pinasang tunay ng Commission of Apointments sa pwesto niyang taglay at ngayong araw, siya'y naalala ko't ng tao sapagkat ngayon ang ikalawang anibersaryo ng kanyang pagkamatay, isang dakilang totoo siyang naglingkod ng mahusay bilang sekretaryo taospuso akong nagpupugay, Miss Gina Lopez kaygaling mong pinuno ngunit nawalang kaybilis inspirasyon sa henerasyong parating, paalis maraming salamat sa paglilingkod sa bayang hapis - gregoriovbituinjr. 08.19.2021 * litrato mula sa Greenpeace

Ang estado

Imahe
ANG ESTADO napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa ano ba ang estado o yaong pamamahala ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim anong kakapal ang mga librong dapat basahin nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin anong mga nangyari sa primitibo komunal bakit nawala't lipunang alipin ang umiral bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal paanong lipuna'y binago ng mangangalakal bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan bakit may inaapi't pinagsasamantalahan paano itatayo ang makataong lipunan paano sumulpot ang mga uri sa estado bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado paano sumulpot ...

Sa muling paghahanap sa salita

Imahe
SA MULING PAGHAHANAP SA SALITA buwan ng Agosto'y tinuring na Buwan ng Wika at napakahalagang buwan sa aming makata lalo na't binibigyang pansin ang wikang pambansa na anuman ang programa'y inaabangang sadya nais naming manood at makinig ng anuman tungkol sa pagpapahalaga sa wika ng bayan iyon man ay tungkol sa mga isyung panlipunan dili kaya'y sa pagpaunlad ng panitikan ngayong Buwan ng Wika, muli akong tumataya bilang mahilig sa panitikan ay mag-usisa at makapag-ambag sa pagpapaunlad ng wika patuloy akong naghahanap ng mga salita katutubong salitang kaiba sa wikang dayo na magagamit sa aming pagtula't pagkukwento di lang mula Tagalog kundi Bisaya't Iloko at di rin Tagalog-Maynila kundi Batanggenyo magamit ang ilang salita mula Hiligaynon Kinaray-a, Kapampangan, Ivatan, Higaonon Ilongot, Igorot, Ifugao, Apayaw, Aklanon Bikol, Samarnon, Jama-Mapun, Ayta-Magbubukun nang may paggalang pa rin sa paggamit ng salita di maging tsapsuy o mestisong halu-halong sadya kund...

Timba't tubig

Imahe
TIMBA'T TUBIG dapat mag-ipon, nawawalan ng tubig sa gabi upang may maipambuhos sakaling mapatae at may maibanlaw sa sinabunang kilikili ma-ipon din ng tubig sakaling nais magkape may ilang timba naman tayong mapapag-ipunan kaya sa araw pa lang, punuin na ang lalagyan at pag nagutom sa gabi'y magluluto sa kalan dapat may tubig sa pagluluto't paghuhugasan anupa't tubig ay buhay na kailangan natin sa araw-araw nating pamumuhay at gawain maliligo, maglalaba, magluluto, kakain kaya gamitin ng husay at huwag aksayahin mumunting timbang sana'y di butas, ating kasama upang maging maalwan ang buhay, di man sagana maraming salamat sa tubig, ang buhay ng masa ang mawalan ka ng tubig ay tunay na disgrasya - gregoriovbituinjr. 08.19.2021