Mga Post

Hustisya para kay Killua!

Imahe
HUSTISYA PARA KAY KILLUA! pinaslang ang asong si  Killua naluha ang ilan sa artista extremely heartbreaking, ani  Sarah kaysakit nito, ani  Janella anang ulat, nang aso'y pinaslang ay sa sako natagpuan na lang sino kaya ang may kagagawan? tila may galit sa asong iyan! kung pinatay siya't isinako di siya pulutan ng lasenggo at di kinatay o inadobo ngunit bakit kinitil ang aso? dahil ba ngalang Killua'y may Kill? kaya buhay ng aso'y kinitil? katukayo niya'y isang hunter sa palabas na Hunter x Hunter aso man, hayop ay may buhay din kapara ng taong may damdamin kaya ako'y nananawagan din ng katarungan na sana'y kamtin - gregoriovbituinjr. 03.22.2024 * litrato ni  Sarah Geronimo  mula sa pahayagang Bandera, ni  Janella Salvador  sa Abante, at aklat na  Animal Scene , Volume 23, na nabili ng makatang gala

Nais kong magbigay-tinig

Imahe
NAIS KONG MAGBIGAY-TINIG bilang tibak, nais kong bigyang tinig ang maralitang animo'y nabikig ang mga api't winalan ng tinig ang pinagsamantalaha't ligalig nilalayon ko bilang maglulupa ang sila'y aking makasalamuha at sa isyu sila'y mapagsalita nang karapata'y ipaglabang sadya bilang makata, aking inaalay ang aking mga tula't pagsasanay upang tinig ng dukha'y bigyang buhay pagkat bawat tula'y kanilang tulay tungo sa isang bayang makatao sa lipunang ang palakad ay wasto sa bansang di sila inaabuso sa sistemang patas at di magulo sa ganyan, buhay ko'y nakalaan na ang bigyang tinig ang kawawa't masa hustisya'y kamtin at pakinggan sila ang baguhin ang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 03.22.2024 * litrato ay notbuk ng makatang gala    

Kapara mo'y isang tula

Imahe
i. kapara mo'y isang tula na sa panitik ko'y mutya ako'y tinanggap mong sadya kahit dukha'y walang wala sa puso ko'y ikaw lamang ang laging pinaglalaban diwa kitang tutulaan tungong paglaya ng bayan ii ikaw ang aking tinta sa buhay ko'y pag-asa ako'y di na mag-isa pagkat kita'y kasama - gbj,03.21.2024 world poetry day

Tingnan ang dinaraanan

Imahe
TINGNAN ANG DINARAANAN tingnan ang dinaraanan sa gubat ng kalunsuran o lungsod sa kagubatan baka may ahas na riyan pag nakaapak ng tae tiyak babaho na rine ibig sabihin, salbahe kang may kaibang mensahe ingat, baka ka madulas sa iyong paglabas-labas saan mang gubat, may ahas saan mang lungsod, may hudas may kasabihan nga noon dapat marunong lumingon sa pinanggalingang iyon may utang kang buhay doon isang kasabihan pa rin na dapat nating namnamin: ang lumakad ng matulin kung matinik ay malalim - gregoriovbituinjr. 03.21.2024  world poetry day

Alay sa World Poetry Day

Imahe
ALAY SA WORLD POETRY DAY matulain ang araw na kinakaharap na puno ng awit sampu ng pinangarap tila diwa'y nakalutang sa alapaap bagamat tigib ng lumbay ang nasasagap pinangarap ng makatang mundo'y masagip sa unos ng luha't sa matang di masilip laksang mga kataga'y di basta malirip na mga talinghaga'y walang kahulilip ipaglalaban ang makataong lipunan nakakaumay man ang ganyang panawagan subalit iyan ang adhikain sa bayan pati tugma't sukat sa bawat panagimpan sa mga manunula, ako'y nagpupugay habang patuloy pa rin ditong nagninilay lalo na't mga nakakathang tula'y tulay sa pagitan ng madla't nagkaisang hanay - gregoriovbituinjr. 03.21.2024

Bakit?

Imahe
BAKIT? bakit ba tuwang-tuwa silang ibukaka sa mga dayuhan ang ating ekonomya? bakit payag na gawing sandaang porsyento na ariin ng dayuhan ang ating lupa? kuryente, tubig, edukasyon, at masmidya? bakit natutuwang iboto't makapasok? yaong dayuhang mamumuhunan kapalit ng lupaing Pinoy na mapasakanila? bakit ba natutuwa silang pagtaksilan ang mamamayan para sa dayong puhunan? binoto ba nati'y wala nang karangalan? bakit ba natutuwang ibenta ang bayan? sa dayuhang kapital, ito'y kaliluhan! tangi ko lang masasabi, tuloy ang laban! - gregoriovbituinjr. 03.21.2024  world poetry day * litrato mula pahayagang  Abante , 03.21.2024, p.3

Sa bisperas ng World Poetry Day

Imahe
SA BISPERAS NG WORLD POETRY DAY taaskamao akong sumama sa rali itinula ang nasasaloob ko sabi iyon ang gawaing aking ikinawili ang nasasadiwa'y itula kong mensahe patuloy kong itutula ang laksang paksa lalo't isyu ng manggagawa't maralita tutula sa piketlayn man ng manggagawa ilarawan ang kalagayan nilang sadya sa bisperas ng  World Poetry Day , nais ko pa ring itula'y paninindiga't prinsipyo na maitayo ang lipunang makatao walang magsamantala ng tao sa tao sa lahat ng makata, ako'y nagpupugay tula ng tula, mabuhay kayo,  MABUHAY ! sa toreng garing man ay wala tayong tunay ang masa'y kasama natin sa paglalakbay - gregoriovbituinjr. 03.20.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa rali patungong House of Representatives, anti-ChaCha rali, Marso 20, 2024

5 atletang Pinay, pararangalan

Imahe
5 ATLETANG PINAY, PARARANGALAN limang mahuhusay na atletang kababaihan sa Unang Women in Sports Awards pararangalan ito'y katibayan na anuman ang kasarian ay makikilala rin sa pinili mong larangan una si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz , sunod ay si volleyball superstar Alyssa Valdez , ang iba pa'y sina skateboarder Margielyn Diaz , billiard queen Rubilen Amit , mountain climber Carina Dayondon , sa kanila'y talaga ngang hahanga ka wala pa riyan si tennis star Alex Eala sa kasalukuyan ay binibigyang sigla nila ang isports ng bansa kaya sila'y kinikilala sa limang magigiting, taospusong pagpupugay sa pinasok na larangan, patuloy na magsikhay hanggang inyong marating ang tugatog ng tagumpay muli, sa inyong lima, mabuhay kayo! MABUHAY! - gregoriovbituinjr. 03.20.2024 * balita mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 19, 2024, pahina 8

Minsan, sa isang kainan

Imahe
MINSAN, SA ISANG KAINAN masarap ang lasa ng kinain kahit di mo man iyon napansin nabusog ako kahit patpatin salamat sa pagkai't inumin gayunman, ramdam ko ang ligaya pag mutyang diwata ang kasama na sa panitik ay aking musa nang makatha ang nasang nobela di naman ako isang bolero na ang dila'y matamis na bao ang pagsinta ko'y sadyang totoo ay, baka naman langgamin tayo sa pagkaing masarap nabusog at ngayon ay nais kong matulog - gregoriovbituinjr. 03.19.2024

Pag-ibig

Imahe
PAG-IBIG marami nang nagpatiwakal dahil sa pag-ibig subalit sa ganitong kaso'y sino ang umusig maraming nagkahiwalay matapos magkaniig habang ang iba'y walang maipalamon sa bibig binibigay ng lalaki ay tsokolate't rosas na sa panahon daw ngayon ay talaga nang gasgas dapat daw inihahandog na'y isang kabang bigas na ipambubuhay sa magiging pamilya't bukas subalit dalawang puso ang nagkaunawaan di man bumigkas ng salita'y nagkaintindihan mata sa mata, titig sa titig, nagkatitigan habang si Kupido at Eros ay nakamasid lang O, pag-ibig, ikaw nga ang sa mundo'y bumubuhay nang itanim ang binhi hanggang tumubo ang palay nang dahil sa iyo ay nagtangkang magpakamatay buti't may isa pang pag-ibig na nagbigay-buhay - gregoriovbituinjr. 03.19.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect