Kwentong cabbage at ang Wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain