Sino si Moises Salvador?

SINO SI MOISES SALVADOR?
ni Greg Bituin Jr.

Kaboboto ko lang muli sa Moises Salvador Elementary School ngayong Halalan 2019. Ito na ang pang-ilampung boto ko sa paaralang ito. Bata pa lang ako ay kilala ko na ang pangalang Moises Salvador dahil sa pangalan ito ng isa sa tatlong magkakatabing eskwelahan malapit sa aming bahay sa Sampaloc. Ang dalawa pang katabing paaralan ng Moises ay ang Trinidad Tecson Elementary School, at ang Heneral Licerio Geronimo Elementary School.

Kilala ko na ang Moises Salvador sapul nang aking kabataan, subalit hindi ko talaga kilala sino ba si Moises Salvador bilang tao. Kilala ko ang Moises Salvador dahil ang paaralang ito ang pinagbotohan ko nang higit dalawang dekada.

Sino nga ba si Moises Salvador, at bakit ipinangalan sa kanya ang isang paaralan? Labindalawang araw lang mula nang paslangin ng mga Espanyol si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan, labintatlo pang martir para sa pagpapalaya ng bayan ang binaril din sa Bagumbayan. At isa si Moises Salvador sa mga martir na iyon.

Sa website na http://www.executedtoday.com/tag/moises-salvador/, nabanggit si Moises Salvador, kung saan kasama siya sa labintatlong martir ng Bagumabayan. Subalit walang kawing hinggil sa kanyang talambuhay, di tulad ng siyam na kasama niyang martir. Sa artikulong pinamagatang "1897: The Thirteen Martyrs of Bagumbayan", na may petsang Enero 11, 2010, ay ganito ang nakasulat:

On this date in 1897, days after Philippine independence hero Jose Rizal was shot by the Spanish, 13 martyrs to the same cause suffered the same fate at the same execution grounds.

The 13 Martyrs of Bagumbayan (not to be confused with the 13 Martyrs of Cavite; it was a bakers’ dozen special on Filipino martyrs during the Philippine Revolution) consisted of:


• Domingo Franco (Wikipilipinas | Philippine National Historical Institute (pdf))

• Numeriano Adriano
• Moises Salvador
• Francisco Roxas (Wikipilipinas)
• Jose Dizon (Wikipedia | Wikipilipinas)
• Benedicto Nijaga (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Cristobal Medina
• Antonio Salazar (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Ramon A. Padilla (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Faustino Villaruel (Wikipilipinas)
• Braulio Rivera (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Luis Enciso Villareal
• Eustacio Manalac (Philippine National Historical Institute (pdf))

They were casualties of Spanish pressure against the revolutionary Katipunan and/or its Rizal-rounded parent organization La Liga Filipina.


Not all this grab-bag of sacrificial patriots were really firebreathing revolutionaries. But the (serious) divisions among Filipino activists and revolutionaries were of small import to the Spanish, who (as the 13-strong martyr batches suggest) went in for the wholesale school of repression.


Perhaps most notable in this day’s batch was Francisco Roxas, one of the Philippines’ wealthiest men. Despite his liberal sympathies, he’d refused the more radical Katipunan’s shakedown for financing, only to have that organization vengefully place his name on a membership list the Spanish were sure to find. (Roxas maintained his innocence, but accepted his unsought martyr’s crown and never betrayed his fellows.)


Sa website na http://www.elaput.org/moisesal.htm, tinalakay ang talambuhay si Moises Salvador, at pinamagatan itong Moises Salvador (1868-1897) "Ang Español Na Bayaning Pilipino: Isa sa 13 Martires ng Bagumbayan nuong Enero 11, 1897".

Narito ang talambuhay ni Salvador na tinalakay sa nasabing blog.

MOISES SALVADOR (1868 - 1897)

ANAK-MAYAMAN si Moises Salvador, isinilang nuong Noviembre 25, 1868 sa San Sebastian na bahagi nuon ng Quiapo, sa Manila. Gaya ng ibang mga anak-mayaman, sa Ateneo de Manila pinag-aral si Moises ng kanyang mga magulang, sina Ambrosio Salvador at Acosta Francisco, na kapwa Español. Pangarap nilang maging doctor ang anak, kaya ipinadala si Moises sa Madrid, España upang ipagpatuloy ang pag-aral ng medicina.


Habang nag-aaral duon, nakilala ni Moises si Jose Rizal at Marcelo del Pilar, kapwa magilas sa pagpahayag sa La Solidaridad at pagpalawak ng propaganda upang mapagbuti ang kalagayan ng mga tao sa Pilipinas na nagdurusa sa malupit na pamahalaang Español.


Napahanga si Moises at sumanib siya sa kilusang propaganda ng mga Pilipino sa España. Sumali rin siya sa kapatiran ng mga Mason (freemasons), panguna nuon sa pagsikap na mapagbuti ang kalagayan ng mga tao sa lahat ng puok.


Nabahala ang mga magulang sa bagong tuntuning tinahak ni Moises at pinabalik siya sa Manila. Dumating si Moises nuong Abril 1891, dala-dala ang mga kasulatan at pinagkasunduan (acuerdos) para sa mga samahan ng Mason (masonic lodges) sa Manila. Siya ang tinakdang tagatanggap sa Manila ng mga atas ng Mason mula sa España at tagapagbalita duon ng anumang naganap sa Manila.


Hinatid niya ang mga kasulatan kina Andres Bonifacio at Deodato Arellano at nuong taon ding iyon, sumanib sa logia (lodge) Nilad, ang kauna-unahang samahang Mason sa Pilipinas, sa pangalang ‘Araw.’ Masugid niyang pinalago ang kapatiran at wala pang isang taon, nuong Marso 1892, nakapagtatag siya, at pinamunuan bilang maestro venerable, ng sariling logia Balagtas.


Pagkaraan ng ilang buwan, nang itatag ni Rizal ang La Liga Filipina sa Manila, sumanib si Moises nuong Hulyo 3, 1892, at napiling isa sa mga pinuno, kasama ang kanyang ama, si Ambrosio, ang pangulo sa pagtatag ng Liga.


Subalit hindi nag-isang linggo, dinakip at ipinatapon si Rizal sa Dapitan, Mindanao.


Matamang nagdimdim ang mga Mason, at naghati sa dalawang pangkat. Isa, pinamunuan ni Bonifacio, ay humilig sa marahas na pagsalungat sa pagmamalupit ng mga frayle at pamahalaang Español. Itong pangkat, nang kumalas nang lubusan sa Mason, ang naging punla ng Katipunan na nag-amuki ng sukdulang himagsikan at tuluyang paglaya mula sa pagsakop ng España.


Ang pangalawang pangkat ng mga Mason, tinawag na Cuerpios de Compromisarios (figures of compromise), ay nanatiling panalig sa pagbuti ng kalagayan ng mga tao sa mahinahon at mapayapang paraan. Ipinasiya nilang ipagpatuloy ang pagtustos sa La Solidaridad sa España upang manawagan ng pagbubuti na magmula duon. Sa pangkat na ito sumali si Moises.


Nuong Nobyembre 26, 1892, ikinasal si Moises kay Isidra Narcisco. Hindi sila nagkaanak.


Mahilig si Moises sa sports. Karaniwan siyang maglaro ng chess o magbisikleta pagkatapos ng maghapong trabaho. Madalas din siyang magpiknik at dumalo sa sayawan at iba’t iba pang kasayahan. Subalit sa maghapon, subsob ang ulo niya sa pagtupad sa kanilang kontrata ng paggawa (konstrruksyon), gawaing minana niya sa kanyang ama. Isa sa mga itinayo niya ay ang tuntungan (pundasyon) ng tulay ng Santa Cruz (tinawag na McArthur bridge mula nuong panahon ng Amerikano) patawid sa ilog Pasig.


Masigasig din siya sa mga tungkuling Mason.


Nang matuklasan ang Katipunan nuong Agosto 1896, nagtakbuhan ang mga Katipunero at namundok. Hindi tumakas ang mga Mason, naniwalang ligtas sila dahil hindi sila kasangkot sa himagsikan, subalit inusig sila ng mga prayle at pamahalaang Español. Nuong Setyembre 16, 1896, dinakip si Moises at ang kanyang ama, si Ambrosio, at kapwa sila ikinulong at pinahirapan upang umamin at mangumpisal. Inilit ang kanilang mga ari-arian bago sila hinatulang mabitay sa salang paghihimagsik.


Nakagapos ang mga kamay, pinalakad si Moises, kasama ng 12 pang Mason na bibitayin din nuong umaga ng Enero 11, 1897. Nakayapak, tahimik na nagtabako si Moises patungo sa Bagumbayan (tinawag ding Luneta, Rizal Park na ngayon). Binaril siya duon, kasama nina Jose A. Dizon, Benedicto Nijaga, Geronimo Medina, Antonio Salazar, Ramon Padilla, Braulio Rivera, Estacio Mañalac, Numeriano Adriano, Domingo Franco, Francisco L. Roxas, Luis E. Villareal at Faustino Villaruel.


Inilibing si Moises sa libingang Paco, gaya ng kaibigan niyang si Jose Rizal.


Pagkatalo ng mga Español, nang si general Juan Cailles ng himagsikan ang namuno na sa Paco, hinukay ang bangkay ni Moises at inilibing sa simbahang Pandacan. Nuong Hulyo 13, 1936, naglabas ang pamahalaang Maynila ng Batas 2384, pinalitan ang pangalan ng mababang paaralan ng Guipit, sa purok ng Sampaloc, sa pangalan ni Moises Salvador, bilang parangal at pagkilala sa kanyang giting at pagsigasig mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.


Pagsuri kay Jose Rizal  Tungkol Kay Moises Salvador


Tanong: “Kilala mo ba si Moises Salvador?”


“Nagkakilala kami sa Madrid nuong 1890. Wala kaming kaugnayan maliban sa pagiging magkababayan. Wala akong hinala sa kanya.”


Tanong: “Kilala mo ba si Ambrosio Salvador?”


“Oo, ipinakilala ako ni Moises Salvador sa kanya.”


Tanong: “Tutuo ba na bago natapos ang pulong sa bahay ni Doroteo Ong-jungco, nagkaruon ng halalan ng mga pinuno ng Liga, at ang nanalo ay si Ambrosio Salvador bilang Pangulo at si Deodato Arellano bilang Kalihim? At hindi ba inamuki mo kay Pangulo Salvador na magsigasig pang lalo, at magkasundo at magtulungan ang mga kasapi?”


“Oo, ganuon nga ang naganap, maliban sa pagkahalal kay Deodato Arellano bilang Kalihim dahil hindi ko maisip na dadalo si Arellano sa ganuong uri ng pulong.”


Testigo ni Antonio Luna


“Nuong bandang Agosto 27 (1896), bago sinalakay ang Santa Mesa, ipinaliwanag ko kay Doctor Panzano upang ihatid niya sa gobernador heneral na ang La Liga Filipina at ang Katipunan ay dalawang samahang may kahina-hinalang tangka. Nalaman ko ang pagtatag ng Liga mula kay Moises Salvador, isang kontratistang may-ari ng sariling niyang kumpanya. Nalaman ko naman ang mas malawak na samahang Katipunan mula kay Doctor Bautista Lim (“Don Ariston”) isa o dalawang araw bago siya dinakip.”


Ito naman ang nakasaad na talaan ng pinagkunan ng talambuhay ni Moises Salvador: 
(a) City of Manila Almanac, www.cityofmanila.com.ph/almanac.htm 
(b) Jose Rizal testimony, Transcript of his court hearing, Nov 20, 1896, pages.prodigy.net/manila_girl/rizal/court.htm 
(c) The Testimony of Antonio Luna, Bambi L Harper, Sense and Sensibility, www.inq7.net/opi/2004/jan/20/opi_blharper-1.htm 
(d) Moises Salvador, Tomas L, www.geocities.com/sinupan/salvadormoises.htm

Sa pagtatapos ay ginawan ko ng tula ang buhay ni Moises Salvador bilang pagpupugay sa kanya at sa paaralang ipinangalan sa kanya kung saan sa paaralang ito ginaganap ang pagboto ng aking mga ka-barangay sa pambansa at lokal na halalan at mahigit dalawang dekada ko nang pinagbobotohan.

PAGPUPUGAY KAY MOISES SALVADOR
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

pangalang Moises Salvador ay aking nakilala
sapul ng pagkabata dahil sa isang eskwela
siya pala'y isang bayani rin, sumama siya
kina Rizal, Plaridel, sa kilusang propaganda

sumanib sa Mason, diwa'y matalas, matalino
hanggang makilala si Deodato Arellano
na sa kilusang Katipunan ay unang pangulo
nakilala rin niya si Gat Andres Bonifacio

hanggang sa La Liga Filipina, siya'y sumapi
na pangulo'y kanyang ama, kumilos ng masidhi
hanggang dinakip si Rizal, ang bayani ng lahi
pinatapon sa Dapitan, ang La Liga'y ginapi

Katipunan ay natuklasan ng mga Espanyol
kaya mga Katipunero'y agad na nagtanggol
ang tulad niyang Mason, akala'y di masasapol
ngunit hinuli sila't inusig, binigyang hatol

hanggang si Rizal, pinaslang doon sa Bagumbayan;
labingdalawang araw matapos itong mapaslang
si Moises Salvador, binaril din sa Bagumbayan
na kasama ang labindalawa pang kababayan

sa iyo, O, Moises Salvador, isang pagpupugay
paaralang ipinangalan sa iyo'y kayhusay
pagkat buhay ng nagtapos dito'y naging makulay
O, mabuhay ka, Moises, martir ka't bayaning tunay!

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo