Kung ako'y magsusulat ng nobela

paano ba susulatin ang asam na nobela
na sa buhay na ito'y magiging obra maestra
nobelang marahil ay pag-uusapan ng masa
na baka maging klasiko rin sa literatura

maganda nang paghahanda ang magasing Liwayway
na kayraming nobelang inilathala ngang tunay
ngunit sa maikling kwento muna'y magpakahusay
maikli muna bago mahaba ang isalaysay

dapat paghandaan ding mabuti't pakasuriin
ang umpisa, gitna't pagtatapos ng inakda ring
mga maikling kwentong nabasa't nais sulatin
pag sanay ka na'y saka mo na ito pahabain

sa dagli pa lang nahihirapan na sa pagkatha
gayong mas maiksi pa sa maikling kwentong akda
si Harper Lee nga'y isang nobela lang ang nalikha
"To kill a mockingbird" na kinagiliwan ng madla

isang nobela man lang ay magawa ng tulad ko
si Amado V. Hernandez ngang makatang totoo
ay may tula't dalawang nobelang isinalibro
sa nobela kong gagawin, sila'y inspirasyon ko

- gregbituinjr.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo