Ayokong parang naghihintay lang ng kamatayan

ayoko ng anumang trabaho o hanapbuhay
na para bagang naghihintay ka na lang mamatay
halimbawa, sa malayong mansyon ay tagabantay
para lang sa sahod, nasasayang ang iyong buhay

ayokong tagapakain ng aso ng mayaman
at nakakulong lang sa mansyon, walang kalayaan
ayokong magbantay ng kanilang ari-arian
para sa karampot na sahod, buhay na'y sinayang

mas maigi pang sa pabrika'y maging manggagawa
baka makatulong pa sa ekonomya ng bansa
kahalubilo pa ang kauri mong maralita
na may paninindigan din at prinsipyong dakila

at sasabihin mong sa trabaho'y namimili pa
oo, trabahong may katuturan at mahalaga
pagkat magtatrabaho ako di dahil sa pera
minsan ka lang mabuhay, dapat makabuluhan na

mas nais ko pang ginagawa'y ang may katuturan
tulad ng pagbaka upang mabago ang lipunan
kumakain ka nang may prinsipyo't paninindigan
kasama sa pag-ugit ng kasaysayan ng bayan

tanong sa akin: ang prinsipyo ba'y nakakain mo?
oo, mas mahirap kumain kung walang prinsipyo
mahirap mabulunan kung korupsyon galing ito
mabuting pa ang mabuhay kang marangal na tao

ganyan dapat ang buhay, di pawang katahimikan
ang iniisip kundi para sa kapwa mo't bayan
na ipinaglalaban ang hustisyang panlipunan
mabubuhay at mamamatay nang may kabuluhan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Bandalismo