Higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan

higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan
ang gagawin sa araw-araw ay di na malaman
gigising, magluluto, kakain, hugas ng pinggan
paikot-ikot, maghihikab, tutulog na naman

kahiya-hiya para sa tulad kong pamilyado
ang sa kwarantinang ito'y pinaggagagawa ko
aba'y di lang katuga (kain, tulog, gala) ito
kundi katu na lang pagkat walang galaan dito

anong tindi, wala nang trabaho, wala pang kita
gagawin sa bahay ay pinag-iisipan pa nga
magtanim-tanim, magkumpuni ng anumang sira
nagpapatay ng oras, tila inabot ng sigwa

susulatin ang di pa nasulat na karanasan
lalo nang bata pa't hahalukayin sa isipan
magsasalaysay, maraming paksang pag-uusapan
upang di mabaliw sa lockdown, matino pa naman

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Ang karapatan natin sa sapat na pagkain